98
HIGIT PA SA LAMAN TIYAN: ISANG SIKOLOHIKAL NA PAGSUSURI SA PAG-USBONG AT PAGLAGANAP NG MGA PAMINGGALANG BAYAN SA PANAHON NG COVID-19 GAMIT ANG SIKOLOHIYA NG KAPWA AT PAKIKIPAGKAPWA
Jholyan Francis S. Fornillos
Katuwang na Propesor, Departamento ng Agham Panlipunan, Unibersdad ng Pilipinas Los Baños, College, Laguna
E-mail: [email protected] Received: 18 October 2022
Accepted for publication: 06 December 2022
Abstrak
Nakatuon ang artikulong ito sa pagpapaliwanag ng pag-usbong at paglaganap ng mga paminggalang bayan o community pantry sa panahon ng pandemyang dulot ng coronavirus. Ginamit ng may-akda ang sikolohiya ng kapwa at pakikipagkapwa, mga batayang konsepto ng Sikolohiyang Pilipino (SP), upang makamit ang layunin ng papel. Tinalakay din ng may-akda ang epekto ng food insecurity sa lusog-isip (mental health) at ang papel ng mga paminggalang bayan bilang isang paraan ng pagbibigay ng mental health and psychosocial support o MHPSS.
Mga susing salita: community pantry, kapwa, food insecurity, mental health, COVID-19
99 Panimula
Ang pandemyang dulot ng coronavirus o COVID-19 ay maituturing hindi lamang bilang isang krisis pang- epidemiolohiya kundi isa ring krisis sa lusog-isip (mental health). Ayon kay Zhai at Du (2020), ang kawalan o loss, bilang isang mapanaklaw na tema, ang nag-uugnay sa maraming aspeto ng buhay ng mga tao, lalo’t higit sa mapanghamong panahong tulad ng sa kasalukuyan. Sa madaling salita, habang nagpapatuloy ang pandemya, maaaring makaranas ng sunod-sunod na kawalan ang mga tao kagaya ng pagkawala ng buhay, pagkawala ng kaligtasan, ng koneksyon sa lipunan, at ng personal na kalayaan, pati na rin ng pagkawala ng trabaho at pinansyal na seguridad (Weir, 2020).
Noong Pebrero 2021, naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umabot sa 4.2 milyong katao ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Ang bilang na ito ay mas mataas ng 200,000 kumpara sa nawalan ng trabaho noong Enero 2021 (PSA, 2021). Iniulat naman ni de Vera (2021) na mula sa buwan ng Marso hanggang Mayo 2020, kung saan pinakamahigpit na ipinatupad ng gobyerno ang Enhanced Community Quarantine o ECQ, 8.7 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho habang 7.9 milyon naman ang
underemployed dahil sa pagkakaroon ng mas maikling oras ng paggawa. Sinabi naman ni Ramos (2020) na ang mga karaniwang Pilipino, lalung-lalo na ang mga maralitang taga-lungsod, ay hindi lamang nahihirapan sa pagsiguro ng kanilang kabuhayan kundi nakakaranas din ng pagkalam ng tiyan dahil sa kakulangan ng ayudang binibigay ng pamahalaan. Ang kalunos- lunos na kalagayang ito kasama na ang pinagpatung-patong na epekto ng takot, anxiety, pagkaligalig, at stress na dulot ng pandemya ay may matinding epekto sa lusog-isip ng isang indibidwal (World Health Organization [WHO], 2020).
Upang labanan ang kawalang kasiguruhan sa pagkain o food insecurity at magpakita ng malasakit sa panahon ng krisis, itinayo ni Ana Patricia Non ang kauna-unahang paminggalang bayan o community pantry sa Maginhawa Street, Quezon City. Ang inisyatibong ito ay ginabayan ng ideya na, “Magbigay ayon sa kakayahan.
Kumuha batay sa pangangailangan.”
Kung kaya masasabi ng may-akda na ang paminggalang bayan ay hindi isang paraan ng pagbibigay ng limos kundi isang paraan ng pagdadamayan para isulong ang seguridad sa pagkain at maiangat ang kalidad ng buhay ng mga benepisyaryo nito. Ginawa ito sa pamamagitan ng pagtulot sa pamayanan na magbigay ng anumang
100
uri ng tulong na pwede nilang maibigay habang kukuha lamang sila mula sa paminggalan ng kung ano ang kanilang kailangan. Dahil sa gabay na prinsipyong ito, marami ang naengganyong tularan ang ginawa ni Ana Patricia Non kung kaya’t apat na araw pa lamang matapos maitayo ang orihinal na paminggalang bayan, marami na ang gumaya rito sa iba’t- ibang dako ng Pilipinas.
Bilang pagsasaalang-alang sa mga kaganapang nabanggit, layunin ng papel na ito na ipaliwanag ang pag- usbong at paglaganap ng mga paminggalang bayan sa panahon ng COVID-19. Bagama’t maraming perspektibo sa sikolohiya ang maaaring gamitin para gawin ito, naniniwala ang may-akda na dahil ang pangyayaring nais ipaliwanag ay nasa kontekstong Pilipino, nararapat lamang na ang paraan ng pagsusuring gagamitin ay nakabatay din sa karanasan at oryentasyong Pilipino. Kaya gagamitin ng may-akda ang sikolohiya ng kapwa at pakikipagkapwa, mga batayang konsepto ng Sikolohiyang Pilipino (SP).
Hihimayin ng may-akda ang ugnayan ng food insecurity at lusog-isip, ipapaliwanag ang community pantry o paminggalang bayan bilang isang paraan ng pagbibigay ng mental health and psychosocial support o MHPSS, tatalakayin ang pag-usbong at paglaganap ng mga paminggalang
bayan gamit ang sikolohiya ng kapwa at pakikipagkapwa, at magbibigay ng mga aral na maaaring mapulot mula sa penomenong pinag-uusapan.
Ang ugnayan ng food insecurity at lusog-isip
Para sa artikulong ito, binibigyan ng pagpapakahulugan ng may-akda ang food insecurity bilang kawalan ng kakayahan na makakuha ng sapat, abot-kaya, ligtas, at masustansiyang pagkain. Ayon sa maraming pag-aaral, mas lumala ang kaso ng food insecurity sa buong mundo ngayong panahon ng pandemya lalung-lalo na sa mga mahihirap na bansa kagaya ng Pilipinas (Sereennonchai & Arunrat, 2021; Singh, Sunuwar, Shah, Sah, Karki, & Sah, 2021;
Udmale, Pal, Szabo, Pramanik, & Large, 2020). Ang tinukoy na dahilan ng mga pananaliksik na nabanggit ay ang paglobo ng bilang ng mga taong nawalan ng trabaho. Dagdag pa rito, ang paghihigpit sa pagbiyahe at paggalaw ng mga tao upang mapigilan ang pagkalat ng virus ay nakaapekto rin sa access at sa dami ng suplay ng pagkain (Niles, Bertmann, Belarmino, Wentworth, Biehl, & Neff, 2020).
Kagaya nina Becerra at Becerra (2020), naniniwala ang may-akda na ang food insecurity ay isang mahalagang panlipunang salik (social determinant)
101
ng kalusugan. Halimbawa, nakita sa isang pag-aaral na ang mga taong may kronikong sakit na hindi nakakakain ng tama ay nagkakaroon ng masamang kahihinatnang pangkalusugan o poor health outcomes (Gundersen & Ziliak, 2015). Ilan sa mga halimbawa nito ang palagiang pagkaka-ospital, pagkaantala ng pag-inom ng pang-maintenance na gamot, at labis na pagbigat ng timbang o obesity (Becerra, Avina, Jackson, &
Becerra, 2021; Morales & Berkowitz, 2016; Lee & Frongillo, 2001). Sapagkat ang lusog-isip ay may malalim na kaugnayan sa pisikal na kalusugan, nilalatag ng may-akda na ang food insecurity ay may kaugnayan din sa pinsala sa kalusugan ng kaisipan. Ilan sa mga isyu sa lusog-isip na maiuugnay sa food insecurity ay ang palagiang pagka-stress, depresyon, anxiety, malimit na pagkagalit, pag-iisip na kitilin ang sarili o suicidal ideation, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, at pagdalas ng pakikipag-away sa mga mahal sa buhay (McLaughlin, Green, Alegría, Costello, Gruber, Sampson, &
Kessler, 2012; Pourmotabbed, Moradi, Babaei, Ghavami, Mohammadi, Jalili,
…, & Miraghajani, 2020; Pryor, Lioret, Van Der Waerden, Fombonne, Falissard, & Melchior, 2016).
Dahil may mga pananaliksik na nagsasabi na ang food insecurity ay mahalagang panlipunang salik ng kalusugan at may kaugnayan sa isyu sa
lusog-isip, ang susunod na bahagi ng papel na ito ay may layuning ipaliwanag ang mga paminggalang bayan bilang isang paraan ng pagbibigay ng mental health and psychosocial support (MHPSS) para bawasan o labanan ang mga naiuugnay na pinsala ng food insecurity sa kalusugan ng kaisipan.
Ang paminggalang bayan bilang isang paraan ng pagbibigay ng Mental Health and Psychosocial Support (MHPSS)
Sa mga hindi inaasahang pangyayari kagaya ng COVID-19, ang mga tao ay maaaring maapektuhan sa iba’t-ibang paraan. Dahil dito, maaaring iba-iba rin ang tulong na kanilang kakailanganin.
Ang mga ideyang ito ang naging basehan ng Inter-Agency Standing Committee [IASC] (2020) para mag- rekomenda ng mga pamamaraan sa pagtugon sa pandemya na tinawag nilang mental health and psychosocial support o MHPSS. Ang MHPSS ay isang mapanaklaw na termino na naglalarawan sa kahit na anong uri ng tulong, lokal man o internasyonal, na naglalayong protektahan o isulong ang sikososyal na kagalingan at/o pigilan o gamutin ang mga karamdaman ng kaisipan (IASC, 2020). Minungkahi ng IASC (2020) ang paggamit ng maramihang antas ng interbensyon sa
102
pagtugon sa pandemya batay sa pangangailangan ng mga tao, pamilya, komunidad, at lipunan. Sinasaklaw ng mga interbensyong ito ang mga pamamaraan mula sa paglakip ng sosyal at kultural na konsiderasyon sa
pagbibigay ng mga pangunahing serbisyong panlipunan hanggang sa pagbibigay ng highly specialized na serbisyo para sa mga taong magkakaroon ng malubhang problema sa lusog-isip.
Pigura 1. Tagilo ng mga interbensyon sa pagtugon sa COVID-19 at sa mga sekundaryong epekto (after-effects) nito mula sa IASC (2020)
Kung titignan ang tagilo sa itaas, may tatlong mahahalagang bagay ang mahihinuha dito. Una, kung ipapagpalagay na gumagana pa ang paraan ng pagkaya o coping resources ng karamihan sa mga tao mahigit isang taon pagkatapos lumaganap ang coronavirus, tanging tatlo hanggang limang porsyento lamang sa populasyon ng Pilipinas ang
makakaranas ng malubhang problema sa lusog-isip. Pangalawa, mas maraming tao ang makakaranas ng mild hanggang moderate na isyu sa lusog-isip.
Sinasabi ng maraming sikolohista mula sa Psychological Association of the Philippines (PAP) na ang pagdanas ng mild hanggang moderate na isyu sa lusog-isip ay isang normal na reaksyon sa isang abnormal na sitwasyon kagaya
103
ng pandemya. At pangatlo, higit pang tao ang mangangailangan na ang kanilang mga pangunahing pangangailangan ay matugunan. Sa madaling sabi, bago pa man atupagin ang pangangailangang sikolohikal ng mga tao, mahalaga muna ang pagtupad sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Dito pumapasok ang kahalagahan ng mga paminggalang bayan. Ito rin ang dahilan kung bakit naniniwala ang may-akda na ang mga paminggalang bayan ay hindi lamang basta nagbibigay ng panlaman tiyan o paraan ng paglaban sa food insecurity kundi may kakayahan din ang mga ito na magbigay ng panandaliang ginhawa at kagalingan. Nakakatulong din ang mga paminggalang bayan na maibalik ang nasirang dignidad ng mga tao sa pamamagitan ng pagtulot sa kanila na makatanggap ng pagkain na kanilang kailangan, makapag-volunteer at makapag-donate kung kaya, at makahikayat ng iba na tularan ang ganitong uri ng gawain.
Ngayong nailatag na ng may-akda ang mga paminggalang bayan bilang isang paraan ng pagbibigay ng mental health and psychosocial support (MHPSS), tatalakayin ng susunod na bahagi ng papel na ito kung bakit nga ba lumaganap ang mga paminggalang bayan gamit and sikolohiya ng kapwa at pakikipagkapwa, mga batayang konsepto sa Sikolohiyang Pilipino (SP).
Bakit nga ba umusbong ang mga paminggalang bayan sa panahon ng COVID-19 ayon sa lente ng Sikolohiya ng Kapwa at Pakikipagkapwa?
Ayon kay Yacat (in press), ang mga pinanghahawakang pagpapahalaga o values ng isang tao ay mahalagang salik ng kanyang kilos. Ang mga pagpapahalaga ay lipon ng mga paniniwala sa mga positibo at minimithing layunin na siyang ginagamit ng isang tao bilang batayan ng pagpili at pagtatasa ng kanyang kilos, lalung-lalo na sa mga alanganing sitwasyon (Schwartz, 1992; Yacat, in press). Sinabi naman ni Enriquez (1986) na ang kapwa o shared identity ng sarili at ng ibang tao at pakikipagkapwa ay mga sentral na pagpapahalaga sa pagtutunguhan at relasyong Pilipino.
Sa madaling salita, sapagkat mayroon tayong shared identity, masasabi natin na sa isip, sa salita, at sa gawa mahalaga para sa ating mga Pilipino ang relasyon o ugnayan. Implikasyon din ng shared identity na ito na nakilala natin ang ibang tao bilang kabahagi ng ating sarili at hindi iba sa atin (Yacat, 2014). Bukod pa rito, implikasyon din ng kapwa na nakikilala natin ang ating kaugnayan sa ibang tao hindi lamang dahil pareho tayo ng mga interes o pinagdadaanan kundi pinagsasaluhan din natin ang identidad bilang mga tao o kapwa-tao.
104
Dahil ang kapwa at pakikipagkapwa ay mga pagpapahalaga, magagamit natin ang mga ito bilang pamantayan ng pagtukoy ng isang mabuting tao. Ayon kay Yacat (2014), ang taong may kapwa ay:
1. may pagkilala at paggalang sa dangal at halaga ng bawat isa.
2. itinuturing na kapantay maging ang iba-sa-kanya.
3. nagsusumikap maging patas at hindi nanamantala.
4. ayaw na may na-a-out-of- place o nakakaramdam na hindi kasali.
5. ayaw na nakakasakit ng iba.
6. kinikilala na ang makakasama sa iba ay may masamang epekto rin sa kanya.
7. kinikilala na ang makabubuti sa iba ay may mabuti ring epekto sa kanya.
8. nasasaktan sa kabiguan ng iba.
9. natutuwa sa tagumpay ng iba.
10. Hindi lamang sariling interes ang iniisip.
Ito ang dahilan kung bakit para kay Enriquez (1986), nagsisilbing pinakahaligi ng lahat ng mga maka- Pilipinong pagpapahalaga ang kapwa.
Kung kaya, masasabi na dahil kinikilala natin ang mga tao sa ating komunidad at lipunan bilang kapwa, nagkakaroon tayo ng motibasyon na tulungan sila na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at makuha ang kanilang mga pangangailangan. Ang pagkilala na kabahagi ng ating sarili ang ating mga kapwa-Pilipino ang siyang dahilan kung bakit umusbong at lumaganap ang mga paminggalang bayan sa panahon ng pandemyang dulot ng coronavirus. Pinapakita nito na nakahabi na sa pagkataong Pilipino ang kolektibong pagkilos, pagtulong, pagmamalasakit, at pagpapahalaga sa bayan at kababayan. Dagdag pa rito, kung gagamitin ang konsepto ng pakikipagkapwa mula sa katutubong pananaw, masasabi na umusbong at lumaganap ang mga paminggalang bayan bilang paraan ng pakikipagkapwa sapagkat ang pag-asa sa isa’t-isa o interdependence at pagtanggap ng pakikiramay ng iba ay nagbibigay ng kaunting pakiramdam ng kasiguraduhan sa panahon na walang katiyakan. Ang malalim na ugnayan ng mga Pilipino na siyang diwa ng kapwa at pakikipagkapwa ay natukoy bilang isa sa mga mahahalagang paraan ng pagkaya para mapangalagaan ang lusog-isip ng mga
105
tao sa mapanghamong panahong kagaya ng sa kasalukuyan (Macaraan, 2021).
Mula sa mga puntong nabanggit, magtatapos ang papel na ito sa pamamagitan ng pagbabalangkas sa mga aral batay sa pagmumuni-muni ng may-akda sa penomenon ng paminggalang bayan na maaaring maging kapaki-pakinabang din para sa ikauunlad ng buhay hindi lamang ng kanyang kapwa mag-aaral sa agham panlipunan kundi pati na rin sa ikauunlad ng buhay ng kanyang mga kapwa-tao.
Ano nga ba ang ilan sa mga mahahalagang aral ang mapupulot natin mula sa pag- usbong at paglaganap ng mga paminggalang bayan na magagamit natin sa Sikolohiyang Pilipino at pang- araw-araw nating mga buhay?
1. Napapalitaw ng krisis ang taglay na kabutihan o kasamaan ng tao – Pinatunayan ng pandemyang ito na bagama’t may mga taong kayang mag-sakripisyo para sa ikabubuti ng nakakarami kagaya ng mga manggagawang pangkalusugan (health workers), mayroon ding mga tao
na ginagamit ang pandemya para sa kanilang sariling mga interes. Isang posibleng halimbawa nito ay ang di umano’y pagbili ng mga overpriced na facemask at face shield ng Department of Health (DOH) na ayon sa isang progresibong grupo ay nangangamoy korapsyon (basahin sa Lalu, 2021).
Pinapakita ng mga halimbawang ito na ang mga matitinding pagsubok ay may kakayahan na palitawin o palabasin ang tunay na kulay ng mga tao.
2. Kailangan nating pagnilayan ang mga pribelihiyong ating tinatamasa – Napakahalaga ng paggamit ng social justice na perspektibo sa pagsusuri ng maraming isyu na kaakibat ng COVID-19. Unang- una na rito ang pagtanto na ang kalusugan ay hindi apolitikal.
Kailangang masuri ang mga isyu ng pagkakapantay-pantay (equity), access, kakayahang mamili at pamahalaan ang sarili (self-determination),
interdependence, at panlipunang responsibilidad (social responsibility). Kinakailangan ding matulungan ang mga
106
isinagilid, sinasamantala, at yaong mga walang boses sa lipunan na makamit ang karangalan, katarungan, kaginhawaan, at kalayaan.
3. Ang kasalatan ay hindi maihahalintulad sa kasakiman –
Winawaksi ng mga
paminggalang bayan ang mapangmatang pananaw na ang mga taong nabubuhay sa laylayan ng lipunan ay makasarili, maramot, at mapagsamantala. Sa isang balita, halimbawa, mababasa na may isang pulubi na kumuha lamang ng dalawang kahel kahit na hinihikayat siya ng mga taong nakapila sa paminggalang bayan na kumuha ng marami. Tugon pa ng pulubi, yun lang daw ang kanyang kukuhanin dahil yun lang naman ang kanyang kakainin (basahin sa Valenzuela, 2021). Patunay lamang ito na kahit ano pa man ang estado ng isang tao sa buhay ay may kakayahin pa rin siya na tratuhin ang kanyang kapwa ng may malasakit at aasal tungo rito sa isang makataong paraan.
4. Hindi magiging matatag (resilient) ang isang tao kung walang suporta mula sa iba lalung-lalo na kung walang suporta mula sa gobyerno – Sa simula, tinitignan ang katatagan o resilience bilang panloob na katangian (internal attribute) ng isang tao. Kung kaya binibigyan ito ng pagpapakahulugan bilang kakayahan ng isang indibidwal na tumalbog pabalik at makarekober ng mabilis mula sa mga negatibong karanasan.
Dahil dito, maraming mga akademiko lalung-lalo na ang mga akademiko mula sa Agham Pampulitika ang nagsasabi na ang katatagan ay nagagamit ng mga pulitiko bilang hantungan ng sisi ng kanilang kapabayaan.
Ngunit, nais linawin ng may- akda na dapat tignan ang katatagan bilang isang proseso ng pag-unlad (developmental process) na kung saan nagtatagpo ang mga salik mula sa kapaligiran (environmental factors) at panloob na katangian ng tao upang makabuo ng mga positibong resulta o kahusayan sa kabila ng pagkalantad
107
(exposure) sa mga kalunos-lunos na pangyayari (Luthar, Cicchetti,
& Becker, 2000). Ibig sabihin lang nito, upang maging matatag ang isang indibidwal sa pagharap sa pandemya, kakailanganin pa rin niya ang suporta na galing sa iba kagaya ng suporta ng pamilya, mga kaibigan, at syempre ng pamahalaan.
5. May pag-asa pa – Sa kabila ng mga paghihirap na ating kinakaharap ngayong panahon ng pandemya, huwag nating kalilimutan na mayroon pa ring hindi mabilang na mga anag-ag ng liwanag – mga munting pamamaraan ng pagpapakita ng kabutihan, pakikiramay, at malasakit – na nagpapaalala sa atin na ang hinaharap ay hindi masalimuot at magiging maayos din ang lahat sa huli.
Sanggunian
Becerra, M. B., & Becerra, B. J. (2020).
Psychological distress among college students: role of food insecurity and other social determinants of mental health. International Journal of
Environmental Research and Public Health, 17(11), 4118.
Becerra, M. B., Avina, R. M., Jackson, M., & Becerra, B. J. (2021). Role of food insecurity in prescription delay among adults with asthma: Results from the California health interview survey. Journal of Asthma, 58(2), 248-252.
Enriquez, V. G. (1986). Kapwa: A core concept in Filipino social psychology.
Philippine world view, 6-19.
de Vera, B. O. (2021, March 30).
Pandemic casualties: 4.2M lose jobs, 7.9M suffer pay cuts. Inquirer.net.
Retrieved from:
https://business.inquirer.net/320462/pa ndemic-casualties-4-2m-lose-jobs-7-9m- suffer-pay-cuts.
Gundersen, C., & Ziliak, J. P. (2015).
Food insecurity and health outcomes. Health affairs, 34(11), 1830- 1839.
Inter-Agency Standing Committee (IASC). (2020). Interim briefing note:
Addressing mental health and psychosocial aspects of COVID-19 outbreak Version 1.5.
IASC: Geneva, 2020.
Lalu, G. P. (2021, August 19). Bayan says ‘overpriced’ face masks, shields
‘reeks of corruption’; must be probed.
Inquirer.net. Retrieved from:
108
https://newsinfo.inquirer.net/1475879/b ayan-says-overpriced-face-masks- shields-reeks-of-corruption-must-be- probed.
Lee, J. S., & Frongillo Jr, E. A. (2001).
Nutritional and health consequences are associated with food insecurity among US elderly persons. The Journal of nutrition, 131(5), 1503-1509.
Luthar, S. S., Cicchetti, D., Becker, B.
(2000). The construct of resilience: A critical evaluation and guidelines for future work. Child Development, 71, 543- 562.
Macaraan, M. C. (2021). Mental health and legal education in the time of pandemic. Journal of Public Health, 43(3), e525-e526.
Morales, M. E., & Berkowitz, S. A.
(2016). The relationship between food insecurity, dietary patterns, and obesity. Current nutrition reports, 5(1), 54-60.
McLaughlin, K. A., Green, J. G., Alegría, M., Costello, E. J., Gruber, M. J., Sampson, N. A., & Kessler, R. C. (2012).
Food insecurity and mental disorders in a national sample of US adolescents. Journal of the American Academy of Child & Adolescent Psychiatry, 51(12), 1293-1303.
Niles, M. T., Bertmann, F., Belarmino, E.
H., Wentworth, T., Biehl, E., & Neff, R.
(2020). The early food insecurity impacts of COVID-19. Nutrients, 12(7), 2096.
Philippine Statistics Authority (PSA).
(2021). Employment situation in February 2021. Retrieved from:
https://psa.gov.ph/content/employmen t-situation-february-2021.
Pourmotabbed, A., Moradi, S., Babaei, A., Ghavami, A., Mohammadi, H., Jalili, C., ... & Miraghajani, M. (2020). Food insecurity and mental health: a systematic review and meta- analysis. Public Health Nutrition, 23(10), 1778-1790.
Pryor, L., Lioret, S., Van Der Waerden, J., Fombonne, É., Falissard, B., &
Melchior, M. (2016). Food insecurity and mental health problems among a community sample of young adults. Social psychiatry and psychiatric epidemiology, 51(8), 1073-1081.
Ramos, M. S. (2020, September 29).
Pandemic weakens food security in urban poor communities. Inquirer.net.
Retrieved from:
https://newsinfo.inquirer.net/1341286/p andemic-weakens-food-security-in- urban-poor-communities.
Schwartz, S. H. (1992). Universals in the content and structure of values:
Theoretical advances and empirical
109
tests in 20 countries. In Advances in experimental social psychology (Vol. 25, pp. 1-65). Academic Press.
Sereenonchai, S., & Arunrat, N. (2021).
Understanding Food Security Behaviors during the COVID-19 Pandemic in Thailand: A Review. Agronomy, 11(3), 497.
Singh, D. R., Sunuwar, D. R., Shah, S. K., Sah, L. K., Karki, K., & Sah, R. K. (2021).
Food insecurity during COVID-19 pandemic: A genuine concern for people from disadvantaged community and low-income families in Province 2 of Nepal. Plos one, 16(7), e0254954.
Udmale, P., Pal, I., Szabo, S., Pramanik, M., & Large, A. (2020). Global food security in the context of COVID-19: A scenario-based exploratory analysis. Progress in Disaster Science, 7, 100120.
Valenzuela, N. G. (2021, April 18).
Community pantry: ‘Not charity, but mutual aid.’ Inquirer.net. Retrieved from https://newsinfo.inquirer.net/1420463/c ommunity-pantry-not-charity-but- mutual-aid.
Weir, K. (2020, April 1). Grief and COVID-19: Mourning our bygone lives.
American Psychological Association
(APA). Retrieved from:
https://www.apa.org/news/apa/2020/04 /grief-covid-19
World Health Organization. (2020, May 29). Facing mental health fallout from the coronavirus pandemic. Retrieved from: https://www.who.int/news- room/feature-stories/detail/facing- mental-health-fallout-from-the coronavirus-pandemic.
Yacat, J. A. (2014). Kapwa at pakikipagkapwa: Batayang konsepto sa SP [Powerpoint slides]. Linangan 2014:
Isang seminar workshop sa pagtuturo ng Sikolohiyang Pilipino. UP Los Baños.
Yacat, J. A. (in press). Walang pakisama o walang kapwa-tao? Isang sikolohikal na pagsusuri sa tindi ng paglabag at ugnayan sa relasyong panlipunan. In A.
M. Navarro & J. A. Yacat (Eds.). Isip Tomo II – Gabay sa Buhay: Sikolohiya ng mga pagpapahalagang Pinoy.
Zhai, Y., & Du, X. (2020). Loss and grief amidst COVID-19: A path to adaptation and resilience. Brain, behavior, and immunity, 87, 80-81.