• Tidak ada hasil yang ditemukan

Mula sa Tawong-Lipod

N/A
N/A
Protected

Academic year: 2023

Membagikan "Mula sa Tawong-Lipod"

Copied!
11
0
0

Teks penuh

(1)

Tawong-Lipod*

Paslit tayo noong nagtataka kung bakit

Pinapausukan ng matatanda ang punong mangga.

Upang madali itong mamulaklak at mamunga, Sagot na hindi man maunawaan, pinapaniwalaan.

Pugad daw ito ng mga kagila-gilalas na nilalang Na bibihira magpakita. Halimbawa, isang bata Na may magarang kasuotan, naghahanap Ng makakalaro, hihikayatin tayong akyatin Ang puno at mamitas ng mga hilaw na bunga.

Nakikipagkilala, nagtatanong ng Bahay nyo ba yan?

Sabay ituturo ng nguso ang tinutukoy ilang dipa ang layo.

Pagkunwa’y magbabaras sa mga sanga.

Magpapakitang gilas ng liksi’t pabaliktad na paglambitin Katulad ng gagamba; Bata na magkukuwento tungkol Sa ganda ng kanilang bahay bagaman parang walang Búhay ang kulay ng bilugang mga mata; Mag-aalok Ng mga de-bateryang laruan na mula Maynila At kapag nabigo siyang yayain tayong sumama saglit Sa kaniya sa uuwiang lugar, agad na magtatampo At maghahanap ng panibagong makakalaro.

Naiiwan tayong nakasimangot sa asim ng nginunguya Habang lumalagkit sa nakakuyom na palad

Ang nalulusaw na mga butil ng asin, kahit wala.

*Bikol. Táong-hangin. Kagila-gilalas na nilalang.

(2)

Halaw sa Dalawang Galaw ng Hangin

I. Kung paano dumarating ang habagat Nahanginan ang utak,

Ang kumalat na bali-balita Sa bawat umpukan.

Ipinagpalagay na kayâ nasira Ang tuktok ng isip ng binatilyo, Dahil hinihipan sa ulo ng tawong- Lipod na hindi sadyang masaktan Niya nang magtabas ng mga sanga Ng punong mangga.

Sa buhanginan, makikita Ang mga paslit na nagpapalipad Ng magagandang saranggola.

Sa likod-bahay, may mga bata Na nagtatayo ng sariling kubo Gawa sa mga patpat at sako.

Nagsisimula nang magpaningas Ang naatasang nanay

Para sa kanilang tanghalian.

Doon sa tapat ng tindahan, Sumisilakbo ang alinsangan At may dalagang inuubos Ang hangin ng katawan Sa kasisipol dahil nangalay Kapapaypay sa sarili

Habang umiinom ng sopdrinks.

Sabay-sabay nilang hinahalina, Tinatawag ang susunod na bagyo.

(3)

II. Amihan

Mula sa katahimikan, sinisira Ang dingding ng init sa paligid, Lumalagos sa lawas at málay Ng ating pandama ang manipis Na lamig na kanina ay wala.

“Pumanaog ang pulutong Ni Baltong,” wiwikain nitong

Nagpakalunod sa búhay ng mga mito.

At kahit tag-araw, may ilang balyan Ang nangangarap ng balahibo.

Idinuduyang matimpi itong ating antok Parang sanggol na inaawitan ng oyayi, Tinutunaw ang alinsangan sa mga sulok Nitong katawang halos mapanis sa pawis.

Ano ang panahon sa hilagang-silangan Na ngayo’y dito sa atin saglit na nanahan?

Gasgas na pananalinghaga, Taglagas Sa malayong bayan, kalungkutan. Saan Ihahalintulad? Sa tubig na sinalok Sa tapayan, ipinandilig sa agam-agam Nitong ating lalamunan?

“Kung tungkol sa likido, malayo.

Kung tungkol sa pakiramdam Ang ating pinag-uusapan, malapit.

Halimbawa, tulad ngayon, nadarama ko Ang biglang pihit nang panlalamig mo.”

(4)

Ngipin

I.

Ritwal na ni tatay ang pagngangangà Mula paggising hanggang bago matulog.

Bago at pagkatapos kumain, sa pagitan Nang pagkaabala at pagkabagot.

Hindi rin naman ako nagtatanong kung bakit.

Paminsan-minsan, nahuhúli akong nakamasid Sa pulang-pula niyang dila at labi.

Pero nitong mga nakaraan, napapansin Niya yatang madalas na akong nagtataka Kaya seguro isang nakatatamad na hapon, Tinawag niya ako’t tinuruan magngangà.

Una, pumilas ng kalahating dahon ng buyò At isantabi ang kalahating tira.

Ilapat ang dahon sa palad saka budburan Ng isang kurot ng pinatuyong dahon ng tabako, Isunod ang butil ng tinilad na bunga,

Bilutin at saka isubo.

Nguyain mo lang nang nguyain At ang katas, idura, huwag lulunukin.

Ang pagngangangà ay pampatibay ng ngipin.

Dahil paslit at sa tigas marahil ng bunga, Nabuwal ang isa kong pangil.

Ipinakita ko ang iniluwang ngipin

At kung bakit ipinatapon niya iyon sa akin Sa bubungan ng bahay,

Para raw sumibol, maging halaman.

(5)

II.

Matagal na bago nila muling napansin

Na unti-unti nang sinasakmal ng mga ugat na kamay Ng balete ang abandonadong bahay na bato.

Ipinagtaka nila kung bakit may sumibol na puno sa semento.

Ayon sa isang pantas: Isang paslit ang nagtapon

Ng ngipin doon, nangarap ng isang halamang mamumulaklak Na hindi pa natutuklasan sa buong mundo.

Pugad ng salot, ayon sa albularyo dahil may binatang Tinakasan ng ulirat na ginamot niya kamakailan At nabanggit sa kaniya na tuwing tanghaling-tapat, Nagiging ahas raw na naglilingkisan ang mga sanga At namumulaklak ng mga kaliskis

Na nahuhulog sa mga nag-uunat na guwang, kumikintab Kapag tumpak na natatamaan ng sinag ng araw,

Parang mga bubog ng mga antigong baso.

Dahil sa takot ng mga tao, tinagpas nila ang puno, Sinunog katabi ng goma, plastik, at tuyong mga dahon.

Agad na ipinatupad ng pinuno na ipagbawal sa buong bayan Ang pagtatapon ng ngipin kung saan-saan.

May nagpanukalang pulbusin sa almires

At isama sa sangkap ng ngangà o kaya isaboy sa tubig.

Kung maaari, ang nabuwal na ngipin, isilid sa garapon o karton.

Bawal ang paglilibing dahil kahulugan ito nang pagtatanim.

Napanatag sila noong abo na ang puno. Sa madaling sabi, Naitaboy nila maging ang masasamang elementong

Nananahan doon: Ang mga nagbibigay ng malulubhang sakít.

Sa mga unang gabi nang kanilang pagtúlog,

Nananaginip silang sumisipsip ng nektar ng mga santan.

Naghahapunan sila ng pulót at kakang gatâ Mula sa kabibiyak pa lamang na buwan

Sa mga sumunod naman na gabi. Pero nitong mga huling

(6)

Pananaginip, halos lumubha na ang kanilang paglilihi Sa mga pagkaing salat sa alat, kaliskis ng pulang ahas, Balat ng paniki at kinatatakaman kahit sabaw ng balahibo Ng sanggol na halimaw. Kasabay nito, sumasalimbay Sa bawat tagpo sa isa pang panaginip ang isa-isang Pagkalagas ng kanilang mga ngipin na nahuhulog sa sahig Hawig sa tunog nang magkakasunod na palatak ng butiki Na nakatingala’t nakamasid lamang sa kanila gabi-gabi.

(7)

Pagbabanyos

Ganito nanalig ang albularyo Na mula pa sa kabilang baryo:

Bisa ng katas ng nginangà Na lumapot sa laway ng dila Ang laman ng bawat iniuusal Sa pangingilin. Kailangan bang Laging sabihin, Nakasagi ka Ng anayong walang mukha; Kayâ Aasahan ang agarang paghunos Ng tiyan na lumobo matapos Ang pagbabanyos sa puson.

Ilang buwan nang parang may galon Ang loob ng sikmura. Haka,

Usisa: Nabuntis ng tawong-lipod, Dinalaw sa pagtulog, madalas Kasi sa dilim. Sa malubhang dilim.

Malayong barang, ayon naman Sa usiserong humpak ang lawas;

May nagpanukala ng pagtawas.

May natawa, malutong ang palatak, Tila nakaligtaan: Sagrado’t banal.

Nananakmal ng laman ang ngatal, Walang kahulugan. Di rin naman Pinagkatuwaán. Nakasakít lang.

Maaaring pagtakhan: Kung babatì Na gutóm, magbanyos muna Ng laway sa talampakan ng babatìin Bago mapagkamalan at sabihing:

“Kanina, nakita kong wala kang mukha Pagbaling mo sa salamin.”

(8)

Balong-Hibi*

May nagsisi-iyakan kahit wala namang patay Na ililibing ngayon dito sa sementeryo, Panimula ng sepulturerong tagapagbantay.

Wala rin namang nagaganap na lamay Sa paligid. Noong nakaraang lingo pa Nang may ilibing na bagong bangkay Dito. Umulan pa nga ng pakikiramay Mula sa mga kalapit na baryo, Kayraming bulaklak ang inialay.

Pero ngayon, may tinig na nagsisi-iyakan Kahit wala namang patay. Humahalo Sa ingay ng karaoke ng kalapit-bahay Ang malulutong na palahaw

Kaninang naglilinis ako ng nitsong Tinungkab ko’t isinako ang mga kalansay.

Ipinagpalagay ko ngang bubuyog lang O may-ari ng mga labí na naririto, Sinasabing Bakit mo yan tinatanggal!

Siguro pahiwatig na rin ito ngayong araw.

Pero hindi naman umalulong itong aso Kagabi kung mayroong mamamatay.

(9)

*Tawong-lipod. Umiiyak na mga tinig katulad sa lamay.

Sinasabing kailangan kaskasin ng talim ng itak ang balikat para mawala.

Kagila-gilalas na nilalang.

Hanggang ngayon, patuloy pa ring nag-iiyakan.

Tapos iyong mga tinig, parang nakasampay Sa tainga at nakaupo lang sa balikat ko.

Litanya ng sepulturero kong tatay Habang inililibing namin si Bantay.

(10)

Habol ng mangangaso ang tumalilis na buntot ng anino.

Parang walang-hanggan. Ang nasa malikmata, sungay ng usa Na pasulyap-sulyap sa ibabaw ng matataas na damo.

Kung may pagkakataon, halimbawa, nang saglit na pahinga, Pareho nilang mababawi ang lumulubhang hingal.

Isipin ang isang iglap: Ang pagtarak ng palaso sa bungo, Ang tumpak na sakmal ng itak sa leeg. Ang pagpiglas

Ay kasingkahulugan nang pagsuko katulad ng insektong nalambat Sa lapot ng sapot at tinanggap na hindi na makahuhulagpos pa.

Ngunit heto nga at sinematiko ang pagbubunot

Ng simà, ang pagsirit ng dugo palapag sa ulirat ng mga dahon At ang pangangatal ng hilakbot sa puso ng mga diwata.

Nagnanaknak na lunggati ang gútom ng mangangaso.

Parang ásong nauulol dahil hindi nakasibà nang isang linggo.

Nagpapatuloy sila sa paghahabulan at nakalimutan ang pagtúlog.

Lumalagos sa bawat gilid ng bundok at nagnanakaw ng lagok Sa mga nadadaanang humihilik na ilog.

Walang nakabatid kung kailan sila huminto, kung kailan sumuko.

Kung naisisilid lámang ang panahon sa isang botelyang garapon, Masasaksihan ninyo ang talas ng titig na higit sa ilahas na leon, Salaysay nang nagpakilalang makata habang itinatampok sa madla Ang napakahabang gulugod na tinawag niyang Kasaysayan ni Oryol Na nahukay sa bundok-Isarog samantalang hindi matagpuan ang ulo.

(11)

At ipinagpalagay nilang kagagawan ito ng aswang.

Kaya pinagbawalan nilang maglaro ng tagu-taguan Ang mga bata lalo’t gabi.

Sa palengke, may ale na nagbebenta

Ng laman-loob ng karne, bagsak-presyo. Nagmamadali Na raw siyang umuwi dahil walang magbabantay sa bunso At hindi pa maihihiwalay ang bibig sa pagsubo

Sa suso ng nanay; Tinakasan ng tatay dahil ikinatakot nito Ang agad na pagtubo ng pangil ng anak.

May kalalakihan namang naghahasa ng kanilang Mga sundang. Pantagpas. Nakahanda sa pagsalakay Muli ng magnanakaw lalo at mayroong lamay, Baka palitan ng katawan ng saging ang bangkay.

Sa isang bahay, may nakaratay na matanda At panay ang dura sa labas ng bintana,

Hinihimod ng napadadaang pusa ang plema sa lupa.

May nagdaraang baboy sa tapat ng mga pinto Tuwing hatinggabi, nagsasaboy ng malubhang sakit, Hila ng leeg ang malaking kadenang kumakalansing Na minsan nang umalimpungat sa atin.

At ngayon, maaaring nangibang-bayan

Na ang mga aswang. Nagpakalayo. Nagtrabaho o nagtayo Ng sariling negosyo; May ibang tumakbong pulitiko, Nangakong magsisilbi nang buong puso; May ilan namang Pinili na manirahan sa bundok, napahahagikgik

Sa pakikinig ngayong gabi sa kanilang maliit na lúbang*

Habang ikinukuwento natin ang lahat ng ito Sa ating ayaw pang magsitulog na mga apo.

*Bikol. Kahoy na bayuhan ng palay.

Sinasabing dito nakikinig ang mga aswang tuwing may kuwentong tungkol sa kanila.

Referensi

Dokumen terkait

Samantala, ang mga baranggay na hindi sumasali sa pagkukubol ay nakikiisa sa pagsaka2 sa bayan o hindi kaya nagtatayo ng sarili nilang kubol ngunit maliit lamang malapit sa kanilang