• Tidak ada hasil yang ditemukan

Anim na Sabado ng Beyblade.docx

N/A
N/A
Protected

Academic year: 2021

Membagikan "Anim na Sabado ng Beyblade.docx"

Copied!
33
0
0

Teks penuh

(1)

Anim na Sabado ng Beyblade Ferdinand Pisigan Jarin

This essay won Second Prize for Sanaysay in the 2005 Palanca Awards

Beyblade, maraming-maraming beyblade. Isa, dalawa hanggang lima. Makukulay na Beyblade. Pula, itim, asul, berde, pilak, ginto, dilaw – basta sari-saring kulay. Gawa man sa plastik o bakal, basta may beyblade na mabibili ‘pag sabado. Inaasahan ko na ito tuwing sabadong magkikita kami ng aking bunsong si Rebo. Tiyak na magpapabili siya ng paboritong laruang Beyblade. Kaya naman inihahanda ko na ang aking bulsa. May halagang 30 hanggang 50, o higit pa. Depende sa ganda ng disenyo at yari. Inihahanda ko na rin ang katawan ko dahil tiyak, mas karga ang gusto niya papunta sa paboritong tindahan sa talipapa ng aming baranggay. Mga 500 metro rin ang layo mula sa bahay ng aking ina kung saan kami nagkikita tuwing sabado. Magpapababa lang siya kapag mismong nasa harap na kami ng tindahan at kaya na niyang ituro at hawakan ang paboritong laruan. Palapit pa lang kami ay sasalubong ng nakangiti ang tindero. Kilala na kaming mag-ama. Alam na ang iskedyul ng aming pagpunta. Handa ng magturo ng mga bagong labas na disenyo na maaaring magustuhan ni Rebo. Mas una kasing tinitingnan ni Rebo ang kulay at disenyo. Pangalawa na lang kung plastik o bakal ang yari. Pero batay sa karanasan, mas makiling si Rebo sa plastik.Kung ihahambing sa pagkahilig niya sa iba pang laruang umaandar, (trak-trakan man o kotse-kotsehan), mas madalas niyang laruin ang Beyblade. Siguro’y dahil mas maliit itong di hamak sa trak-trakan o kotse-kotsehan. At di tulad ng dalawa, maaari itong dalhin kahit saan. Huhugutin lang sa bulsa. Kay Rebo, tiyak na may huhugutin kahit saang bulsa. Sa bulsa ko, kapag may hawak na siyang Beyblade na “panlaban,” tiyak ding kamay na lang ang laman.Patagalan ng pag-ikot sa loob ng platapormang bilog ang labanan ng Beyblade. Ang tumalsik palabas, talo. Ang unang huminto kahit nasa loob pa ng plataporma, talo. Si Rebo, batay pa rin sa karanasan, madalas talsikan ng Beyblade. Subalit di tulad ng ibang batang madalas mawalan ng gana dulot ng pagkatalo, patuloy ang paglaban ni Rebo. Lalo niyang hihigpitan ang hawak sa matigas na pising may mala-lagareng mga ngipin. Tatatagan ang kapit sa mala-baril na patungan ng Beyblade. At mabilis na hahatakin ang pisi palabas mula sa makipot na butas ng patungan na magtatanggal at mabilis na magpapaikot sa mala-flying saucer na Beyblade pabagsak sa plataporma upang muling makipaglaban.Apat na sabadong nakipaglaban ang aking bunso ng Beyblade sa plataporma ng laro. Labing-isang buwan siyang nakipaglaban sa kanser sa kanyang dugo sa ospital ng karamdaman. Sa katulad kong guro, bakasyon ang Abril. Sa katulad ng bunso kong mag-aapat na taon, panahon ito ng mas maraming nakakatandang pinsang makakalaro. Huling linggo ng Marso taong 2003, nang

▸ Baca selengkapnya: may kilala ka bang babae na matagumpay sa larangang itinuturing na para sa lalaki

(2)

lagnatin siya ng isang linggo. Matapos ang lagnat, ilang araw na di nagkakain at tuluyang namutla, pagsapit ng unang sabado ng Abril ng aming pagkikita, halos ayaw na niyang magpababa mula sa pagkakakarga dulot ng madaling pagkapagod. Hanggang unti-unting lumitaw ang mga pasa. Una’y sa binti, tapos sa braso, hanggang matagpuan na rin ito sa kanyang paa, dibdib at hita. Ang kanyang labi’y parang ibinabad na sa suka. Klinika, ‘yung pinakamalapit na klinika ang agad na tinakbo ng isip ko. “Meron akong limang daan, hahanap pa ako ng pandagdag kung kinakailangan, pangalanan niyo lang ang mga sintomas na nararamdaman ng anak ko!” Ito ang mga eksaktong salitang gustong-gusto kong sabihin sa unang doktor na titingin sa aking anak. Subalit umabot na sa tatlong libo, pakikiusap at pangungutang, tatlong doktor at dalawang klinika, pagpapamanhid sa sarili upang di matinag sa palahaw ng tinutusok na anak ay di pa rin namin nalaman ang pangalan ng kanyang karamdaman.Mabilis na tibok ng puso na di normal sa kanyang edad. Kulang sa dugo. Mga tanging interpretasyon ng mga doktor. Mga interpretasyong di tapos. Kailangan pa ng ibayong pagsusuri ng mas dalubhasa. Marami pang pagtusok at palahaw. Kirot at nginig ng kalamnan. Dagdag na pagpapamanhid sa katauhan ng mga magulang at iba pang nagmamahal.Mabigat, subalit pinatatag ko di lamang ang aking tuhod kundi pati dibdib sa pagkakatayo sa loob ng ospital. Anuman ang maging resulta, kailangangg nakahanda ako. Palibhasa’y pinakamalaking pampublikong ospital ng bansa, tila mahabang ahas ang pila ng mga taong kinabibilangan ng kanyang ina. Mahabang pila ng “Hospital Card” na magsisilbing pasaporte upang makausap ang doktor na mas dalubhasa sa nararamdaman ng aking anak. Nung araw na iyon, ayaw bumaba ni Rebo mula sa aking bisig. Kahit na maaari din naman siyang kargahin ng kanyang ina. Ang gusto niya, si Taytay lang ang kakarga. Si Naynay ang pipila at hawakan ko ang kanyang Ate Kala gamit ang libreng kamay. “Kasi sabado, di dapat agad matapos ang sabado. Di dapat mawala agad si Taytay dahil maghihintay na naman ng panibagong sabado o araw na tatapatan ng kanyang suweldo bago siya muling makita. Di bale nang mawalay kay Naynay ng ilang oras, kasama naman siya araw-araw. Basta si Taytay lang muna ang kakarga, hahawak, kukuwentuhan, kakalaruin, pabibilhin ng “Ays Wis” (ice cream) at “Babuygyam” (bubble gum) at hihigaan sa dibdib kasi sabado pa!” Alam ko, ito ang mga eksaktong salitang nais niyang sabihin kung kaya lang idetalye ng kanyang murang isip at bigkasin ng kanyang bulol na dila nung araw na iyon.Mag-iisa’t kalahating taon na kaming hiwalay ni Joida bilang mag-asawa nang magkasakit si Rebo. Maraming di mapagkasunduan. Magkaiba ang direksiyong tinitingnan. Idagdag pa ang madalas na kawalan ng pera. Resulta ng maaga at di handang pag-aasawa. Ayaw ko nang idetalye pa kung paano kami naghiwalay. Basta magulo. Isa sa mga nakalipas na inilibing ko na sa lupalop ng mga kinalimutang gunita. Gayunpaman, dumating ang puntong kailangan naming kalimutan ang di pagkakasundo at maging sibilisado para sa mga bata. Ito na ‘yung panahon na mag-isa na akong namumuhay sa ayaw-ipaalam-kahit-kanino na lugar. Ang mga anak ko ay itinira naman ni Joida sa bahay ng kanyang Ina’t kapatid. Pinalad na akong makapagturo sa isang prestihiyoso at malaking pribadong paaralan ng mayayaman at makaranas na ng

(3)

paghugot ng sapat ng sahod sa ATM. At di tulad ng ibang amang nag-iwan-ng-tae ang konsepto ng pakikipaghiwalay, siniguro kong mas malaking bahagi ng aking “dalawang lingguhang yaman” ay mapupunta sa pagpapalaki ng aking dalawang anak at magtira na lamang sa sarili ng sapat para mabuhay ng may konting inom ng alak. Mahal na mahal ko ang aking mga anak. Kaya masakit ang malamang di pala sapat ang pagmamahal para ipananggalang sa pag-atake ng malubhang sakit.“Acute Lymphocytic Leukemia”. Mas kilala sa tawag na “ALL”. Tipikal na uri ng Leukemia sa mga edad na tulad ng kay Rebo. Chemo Theraphy ang tanging paraan ng panggagamot. Mahabang panahon ng gamutan. Induction, Consolidation, Maintenance stage. Tatlong estado ng panggagamot. Anim, apat, pababa sa isa na matatapang na droga ang dapat pumasok sa murang katawan ng aking anak. Mga drogang papatay sa mga “Cancer Blast” na namumuo sa loob ng kanyang katawan. Mga drogang walang mata at maaaring sirain maging ang mga walang sakit niyang laman-loob na pagmumulan ng komplikasyon.Dalawang linggong singkad na kaming nasa ospital bago nagkaroon ng pangalan ang kanyang karamdaman. Hindi na kami nakaalis mula sa unang araw na kami’y nagbalak lang magpatingin at umasang sabihan na ang kailangan lang niya ay mga gamot na magdadagdag ng kanyang dugo. O kaya’y magpapatibok ng normal sa kanyang puso.Nakakabingi ang pagragasa ng mga eksakto ng detalye at interpretasyon. Subalit pinilit kong ipasok lahat sa aking utak na unti-unti na ring namamanhid ng mga oras na iyon. Mabilis na humilera sa isip ko ang larawan ng mukha ni Rebo na punompuno ng kirot mula sa araw-araw na pagtusok ng karayom tuwing kukuhanan at sasalinan ng dugo. Tutusukin sa braso, paa, balakang, kamay, at kahit saan pang parte na mayroong ugat na di pa namamaga at maaari pang daluyan ng dugo. Larawan ng puro pasang si Rebo. Maliit at malaking pasa, mapupula at maiitim na pasa. Larawan ng nakakalbong si Rebo. Nang nalalagasan ng buhok na si Rebo. Larawan ng mga lagas na buhok na nililipad ng hangin at di mo alam kung saan papadparin. (Sa kalaunan, nangyari ang lahat ng ito.)Teorya ng radyasyon o kaya’y namanang sakit? Parehong di tiyak. Pinakasimpleng paliwanag, di tumanda ang butong dapat lumikha ng sapat na dugo upang mabuhay ng malusog ang aking anak. Hindi sumabay sa kanyang pagtanda. Buto, dugo, pesteng buto! Pesteng dugo! Walang magulang ang nagnanais marinig ang lahat ng paliwanag na ito. Isa lang ang malinaw: hindi pagtatae o lagnat ang nararamdaman ng aking anak, unti-unti na palang siyang namamatay.Naaalala ko pa, di ko mapigilang maluha sa loob ng taxi habang ingat na ingat na hawak ko ang lalagyan ng dugong ipasusuri sa isang malayo at malaking laboratoryo. Lubha akong nagmadali nung araw na iyon. Kailangang di mapanis ang dugo. Kakaiba ang dugo dahil kinuha pa sa likuran ni Rebo. “Cultured Blood” ang tawag nila. Isipin ko pa lang ay parang baretang sumaksak sa dibdib ko ang sakit na tiniis ng aking anak makuha lang ang pesteng dugo na tanging magpapakilala ng kanyang karamdaman. Apat na kaming pumigil sa kanya maiporma lang ang katawan niya na tila hipon upang matusok at daluyan ng dugo ang ugat niyang malapit sa buto ng kanyang likuran. Ako, ang kanyang ina, ang doktor at ang nars, kung tutuusin ay kulang pa kami sa lakas ng kanyang piglas, animo’y kakataying baboy ang kanyang palahaw. “Wa n’yo ko ‘awak! Wa n’yo ko ‘awak!

(4)

Taytay! Naynay! Wa n’yo ko awak tabi!” ( ‘Wag n’yo ko hawak! “Wag n’yo ko hawak! Tatay! Naynay! ‘Wag n’yo ko hawak sabi!) Wala na yatang pinakamasakit pang pakiramdam ang maaaring maranasan ng mga nagmamahal sa tanawing pisikal na nasasaktan ang iyong minamahal. Idagdag pa dito ang tila pagtulong mo upang lalo siyang masaktan. Subalit walang ibang paraan. “Putang-inang sakit ‘yan! Putang-inang dugo ‘yan! Putang-ina n’yong lahat!” Gustong-gusto kong isigaw ang mga ito subalit pinili ko na lang na itago sa aking utak at dibdib. Ayaw ko nang magdagdag ng hirap. Ayaw ko nang magdagdag ng sakit. Dahil alam kong simula sa araw na iyon, di ko na kailangang imbitahin pa ang hirap at sakit. Kusa na silang darating.Tatagal kami sa ospital. Isang buwan, dalawa, apat, di ko alam kung gaano karami basta sigurado ko, tatagal kami. Paulit-ulit kong isinaksak ang isiping ito sa aking utak. Nais kong makapaghanda, “gagaling si Rebo, lalakas si Rebo, di mamamatay ang aking anak!” Kailangang maging handa. Kailangang laging handa. Kailangan dapat handa!“Tapos po ako ng pagtuturo kaso wala pa ring mapasukan.” “Sabagay, kahit magtuturo ka ngayon, di mo kakayanin.” “Oo nga po e.” “Di mo ba kaya kahit ‘yung tig-tatatlong daan lang na kuwarto isang araw?” “Hindi po talaga kaya e.” “Sige, ipakita mo na itong papel sa opisina ng Social Services. Doon sa bandang kanan.” “Salamat po! Maraming salamat!”Kailangang magpanggap, magsinungaling, mapunta lang si Rebo sa Charity Ward ng ospital. Dito, kahit paano, kutson ang mahihigaan ni Rebo, di hamak na mas mainam kesa higaang bakal na de gulong ng Emergency Room. May telebisyon pa. Suwertehan nga lang kung ‘yung gusto niya ang palabas. Marami kasing nanonood. Mga maysakit (malubha hanggang sa pinaka-malubha), taga-pagbantay ng may sakit (mula sa nagtatawanan, umiiyak o simpleng tulog), mga dumadalaw sa maysakit (mula sa nagmamadali hanggang sa nagtatagal). Lugar ng mga sakit na kitang-kita sa lahat ng aspekto ng pagkatao ng mga naroroon. Mga taong galing sa maralitang bahagi ng lungsod. Sa pinakamalapit hanggang pinakamalayong probinsiya ng bansa. Lahat umaasang dito gagaling. Lahat naghihintay ng tulong sa mga kilala at ayaw magpakilalang pilantropo na paminsan-minsang dumadalaw. Lahat kapos sa pera kahit simpleng pambili man lang ng pinakamurang ineksiyon. Sa lugar na ito, libre man ang higaan at pagkain, kailangang mong bilhin ang lahat ng gamot at kagamitang kakailanganin sa gamutan. Ako, totoong may trabaho, subalit kailangang nandito kami upang makatipid. Walo, pito, anim na libo ang halaga ng gamot ni Rebo lingo-linggo. Di pa kasama ang halaga ng mga ineksiyon, dextrose, mga tubo, espesyal na pagkaing malimit niyang hilingin, bayad sa laboratoryong wala sa loob ng ospital na nagsusuri sa kanyang dugo hanggang sa pamasahe. Mapurol ka man sa matematikal na kaalaman, dito, tiyak na tatalas ka, lalo na sa pagkukuwenta ng pera at malalim na buntong-hininga. Matututo ka ring mang-uri ng tao. Tahimik at maiingay na katabi, palabigay at palahingi. Masusungit at masayahing nars. Suplado at madaling lapitang doktor. Matalino at tangang intern ( na nakawalong tusok na sa anak ko ay di pa rin makagpalabas ng dugo. Madalas kong mamura ang ganito ) Mga walang pusong Laboratory Technician na ayaw tumanggap ng konting dugo kahit na aprubado ng doktor ang dami, ( “Anong akala n’yo sa dugo ng anak ko? Tinatabo sa balde?!

(5)

Tang-ina n’yong lahat!” ) at kalma at halos masisiraan ng ulong kapamilya dulot ng depresyon. Ang mga maysakit, konsistent sa pag-iingay. Pagsigaw man o palahaw, halong bata at matanda, kung meron mang tahimik sa kanila. ‘yun ‘yong mga may pasak ng tubo sa bibig. Si Rebo, basta’t nakalagpas na ang ritwal ng pagtusok at pagkuha ng dugo, ang pinakamalikot at makulit. “Alisin na ang dextrose sa pagkakasabit! Mamamasyal na ako sa mga kutsong kalapit!” Kaya’t madalas, binibiro siya ng mga naroroon, “’wag ka na dito, wala ka naming sakit, e!” Madalas din niyang gantihan ang birong ito ng pag-irap, pagdila at ibayo pang pangungulit. Kaya’t wala pang isang buwan, wala ng di nakakakilala sa Charity Ward kay Rebo bulol at kulit.Tulong. Laksa-laksang tulong. Kahit anong uri ng tulong ang kinailangan ko para mabuhay ang aking anak. “Ma, nagpadala na ba ang Tita Naida? E, ang Lola Conching?” “Kap, salamat sa pera ha!” “Kagawad, paano nga uli pumunta ng Sweepstakes office? Salamat nga pala uli dun sa mga koleksiyon sa mga zone leader. Napaiyak pa pala si mama sa harap.” “Tita Marylyn, bayaran ko na lang ‘pag nakaraos” “Ano?! Galing ‘to sa koleksiyon ni Tita Jean sa mga estudyante?” “Tita Vic, dito muna si Kala ha! Di puwedeng umalis si Joida sa ospital, e” “Kala, ‘wag malikot ha! Behave ka dito!”“Tol, nasabihan mo na ba ang tropa? Konting dugo lang naman ang kukunin para pamalit.” “Mga P’re, salamat ha! Inom na lang tayo next time. Kain na muna kayo ng ampalaya.” “Mam, sir, absent po ulit ako ngayon, kailangan po kasi ako sa ospital. Salamat po pala sa tulong ng Faculty Club at iba pang department.” “Sige po. Okay lang I-pray over si Rebo sa ospital. Hintayin namin kayo.”Di kami nabigo, maraming nagmamahal at dumamay. Di man ako magtanong, laging maraming tugon ng pagtulong. Paraiso sa gitna ng ilang, tubigan sa gitna ng disyerto.Umabot pa kami ng limang buwan sa loob ng ospital bago narating ni Rebo ang pinakahuling estado ng gamutan, ang “Maintenance stage.” Setyembre na noon. Ibig sabihin, minsan isang buwan na lang siya babalik sa ospital para magpa-chemo. Tatlong taon ang itatagal ng estadong ito. Sa panahong ito, nakapagdiwang na ang aking anak ng kanyang ikaapat na taon at unti-unti nang tumutubong muli ang buhok sa kalbo niyang ulo. Lubusang gagaling ang anak ko pagsapit niya ng ika-pitong taong gulang. Tamang-tamang edad sa pag-aaral. Tiyak kong hindi na siya bulol sa panahong ito.Sa labas ng ospital nagmistulang batang walang sakit ang aking si Rebo. Laro dito, laro doon. Kain dito, kain doon. Maliban na lamang sa pagkakataong kailangan naming bumalik sa ospital para sa sesyon ng Chemo Therapy. Tuwing matatapos ang sesyon, tatlong araw na lantang-gulay ang anak ko. Walang gustong lunukin kundi malamig na tubig. Walang gustong kagatin kundi yelo. “An ini ‘tay nan aawan o!” (ang init ‘tay ng katawan ko!) Suka ng suka at todong bugnutin. Ayaw ng maingay. Ayaw ng magulo. Iritado. Pero pagdating ng ikaapat na araw. Balik na sa normal ang lahat. Gigising ng maaga, sasamang maghatid at susundo sa kanyang Ate Kala sa eskuwelahan. Makikipaglaro sa kanyang Ate Kala pagkauwi nito galing sa pag-eeskuwela. Subalit ang pinakagusto niyang gawin, ang humiga lamang sa sofa at manood ng manood ng pambatang palabas sa telebisyon.Bukod sa pagkikita tuwing sabado at sa mga araw ng suweldo, pagtawag araw-araw, umaga at hapon ang komunikasyon ko sa aking mga anak. At madalas na hintayin ito ni Rebo. Maliban na lang sa

(6)

tuwing dumarating ang “tatlong araw na pasakit” ng Chemo Therapy. Tsamba na lang kung nais niya akong kausapin. Madalas kong itanong sa kanya kung magaling na siya at sasagutin niya ito ng malakas na “Magaying na!” (magaling na!) Pinapangako ko rin siya na ‘wag kaming iiwan ng kanyang Ate Kala na sinasagot niyang madalas ng “ayoo na!” (ayoko nga!) Subalit minsan, pabiro siyang sisigaw sa kabilang linya ng “ Us-o o na! “ ( gusto ko nga! ) Sabay kakanta ng anumang kanta na natutuhan niya sa telebisyon, kung alam lang niya ang tindi ng panghihina ko sa “us-o o na!” Kung gaano ako nililiyo ng kaba.Tulad ng ibang bata, sabik na hinintay ni Rebo ang pasko. Kapapasok pa lang ng Disyembre’y madami na siyang pinabibiling damit at laruang bago. Subalit bago pa man dumating ang mga bago. Kalagitnaan pa lang ng buwan ng pasko. Tumambad na sa amin ang resulta ng huling pagsusuri sa kanyang dugo. “Cancer Relapse”. Muling paglitaw ng mga “Cancer Blast.” Sa madaling salita, malubha uli ang Leukemia ng aking anak. Kailangan muling ulitin ang proseso ng gamutan. Basura na ang dati. Bagong pag-aalala, hirap, pagod, paghingi ng tulong at gastos. Ang pinakamasakit, bagong kirot ng katawan at pangwawasak ng kaluluwa ang paulit-ulit na mararanasan ng aking anak. Subalit di na siya pumayag.Tatlong araw bago matapos ang Enero nang sundin ko ang kahilingan ng aking anak. “ Uwi na ‘ayo ‘tay! Ayaw o na a uspi-al. Di o na aya.” ( Uwi na tayo Tay. Ayaw ko na sa ospital. Di ko na kaya.) Mabigat sa dibdib. Ang totoo, ang kanyang ina, pati na ang ilang kapamilya ay nagsabi na sa akin na ipaubaya na lang sa Panginoon ang kapalaran ng aking anak. Disyembre pa lang nang malamang malubha uli ang kanyang karamdaman. Natatandaan kong nagwala ako sa ganito kababaw na argumento. Pinakatanga at palasukong argumento ang tingin ko sa ganito. Sinigawan ko sila. Inaway. Subalit sumunod ako nang si Rebo na ang nagsalita. Gusto ko mang ituloy pa ang laban, kahit marami pang damdaming masagasaan, pinatigil ko na ang gamutan dahil hindi na niya kaya. Pinatunayan na ito nang paglitaw ng pantal sa buo niyang katawan di pa man tapos ang muling kauumpisang sesyon ng Chemo Therapy. Labing-apat na sesyon at Labing-isang buwan ng gamutan ang pinilit na nilabanan bago sumuko ang aking mandirigma.May pag-asa pa. Dasal, milagro, alternatibong medesina, kahit anong di makakasakit at makapanghihina, gagawin ko. Bibilhin ko. Mabuhay lang ang aking anak. Ang aking si Rebo. Ang pinakamamahal kong bunso. “Anong gusto mo anak? Bertdey mo na bukas? Limang buwan pa a! Pero sige, gusto mo e! Yellow Balloons ? Lahat Yellow? Sige, magpapagawa ako. Maghahanda tayo dahil bertdey mo na bukas! Yipee!”Unang sabado ng paglabas niya ng hilingin na niyang magdiwang ng kaarawan kahit hindi pa araw. Nangumbida ako ng maraming tao kasabay ng biling ‘wag kalimutan ang regalo at pagbati ng “Happy Birthday Rebo!”. Kailangang di niya malimutan ang araw na ito. Dapat pinakamasaya ang sabadong ito sa lahat ng sabado. Maraming –maraming laruan. Stuffed Toys, Mini-Helicopter, Walkie-Talkie, Crush Gear, Remote Controlled Cars, at higit sa lahat, ang Beyblade. Ang paborito niyang Beyblade. Maraming-maraming Beyblade. Tinanggap niya ang lahat ng ito at marami pang iba sa kanyang kaarawan. Sa kanyang pagtuntong sa limang taon. Kahit di totoo. Kahit hindi pa araw.Ikalawang Sabado, naki-bertdey naman siya. Pagkatapos ay muling naglaro ng Beyblade kasama ang mga

(7)

pinsan. Tatlong araw bago dumating ang ikatlong sabado, sorpresa ko siyang dinalaw. Unti-unti na siyang nanghihina. Bihira na siyang ngumiti. Hindi na niya makuhang laruin ang Beyblade bagamat ayaw niya itong bitawan sa loob ng kanyang kamay o di kaya’y bulsa. Ang nakapangagalit, unti-unti na namang nalalagas ang kanyang buhok. ( “ Putang-inang Chemo Therapy, di na nga tinapos, nakuha pang kalbuhin uli ang anak ko!” ) Subalit pinipilit pa rin niyang maging malakas bagamat talagang di na kaya ng kanyang paang tumayo ng kahit ilang sandali man lang. Nakakadukot na rin siya ng mga matitigas na butil ng dugo sa loob ng kanyang gilagid. Sa labas ng bahay na kanilang tinitirhan, lubos kong ikinagulat ng tanungin niya ako ng; “ Tay, may peya a?” ( Tay, may pera ka ? ) Dali-dali kong hinugot at binuksan ang aking pitaka at ipinakitang meron itong laman. Agad akong nagtanong kung ano ang nais niya na sinagot naman niya ng agarang pagturo sa isang kalapit na tindahan. Kung mabilis man akong nakabili ng mga kending kanyang ipinabili, mas mabilis siyang umalis agad sa tindahan at nakangiting bumalik sa aming kinauupuan. Naglalambing ang aking anak. Nagpabili siya kasi nais maglambing ng aking anak. Nang kami’y pumasok na sa loob ng bahay, naiwang nilalangam na ang nakabukas ngunit di nagalaw na mga kendi sa aming kinaupuan.Tuluyan na siyang nakalbo pagsapit ng ikatlong sabado. Subalit di na kusang nalagas ang mga buhok. Sa kanyang muling pagka-irita, sinabunutan niya ang kanyang sarili upang tuluyang matanggal ang mga buhok. Nang araw na iyon, kinumbida ng isa kong kasama sa trabaho ang isang Mascot upang bigyan ng pribadong pagtatanghal si Rebo ng walang bayad. Matapos ang pagtatanghal, bagamat di man lang siya makangiti at makatawa, kitang-kita sa kanyang mata ang kasiyahan. Isang kasiyahang unti-unting humina at nawala.Di na maikakaila ang mabilis na pagkapawi ng lakas ng aking anak pagsapit ng ikaapat na sabado. Di na niya makuha pang ipasok ang pisi ng Beyblade upang mapaikot ito. Ramdam na ang pagod at hingal sa kanyang pagsasalita. Kaya’t kahit nang dalhin ko siya sa isang karnabal, isa lamang ang ninais niyang sakyan. Ang mga maliliit na Helicopter na tumataas at bumababa ang tila oktupos na galamay na bakal. At sa tuwing tataas, hahanapin ako ng tingin sa baba at malungkot na ngingitian. Pagkababa, mabilis na siyang nagyayang umuwi. At pagkauwi’y humiga ng humiga at paulit-ulit na tumingin sa kawalan.Huling sabado ng Pebrero ang ikalimang sabado. Eksaktong katapusan. Kasabay ng pagtatapos ng Pebrero ay pumanaw ang aking anak. Ilang sandali matapos ang sabay na paglaglag ng luha sa kanyang mga mata at pagtirik ng mata, ibinuga niya ang kanyang huling hininga. Namatay siya habang tangan ko sa aking bisig. Hinintay lamang niya ang aking pagdating. Di na kami nakapag-usap pa dahil pagpasok ko pa lang ng pintua’y pinakawalan na niya ang sunod-sunod na palahaw ng matinding sakit na di nais danasin ng kahit sino. Isa’t kalahating oras siyang naghirap. Nabulag, nanigas, nilabasan ng maraming dugo sa bibig, at naghabol nang naghabol ng hininga. “ Hindi nangyayari ito! Walang nagyayaring ganito.Mabubuhay ang anak ko! Sabi niya hindi niya kami iiwan ng Ate Kala niya! Nasaan ang mapayapang paraan ng pagkamatay na sinasabi n’yo!” Nais kong isigaw ito sa lahat ng kapamilyang nakapaligid sa amin subalit walang lumabas sa aking bibig. Pinipi ako ng malakas

(8)

nilang pag-iyak. At bilang isang nagnanais maging mabuting ama, nang alam kong di na kaya pang lumaban ng aking anak, pinabaunan ko siya ng halik at hinayaan ko na siyang lumisan. “ Sige na ‘Bo. Salamat sa apat na taon. Mahal ka namin. Paalam.” At saka ako umiyak nang umiyak.Hindi ko man lang naranasang ihatid siya sa eskuwelahan. Di na namin nagawang makapag-usap nang masinsinan bilang mag-ama. Magkuwentuhan tungkol sa panliligaw habang nagtatagayan.Magtalo, magdebate, magsama sa lakaran. Nakuha kaya niyang mangarap kahit apat na taon lang ang kanyang naging buhay? Paano na si Kala? Sila lamang ang magkakampi mula nang maghiwalay kami ng kanilang ina. Paano ko sasabihin sa aking panganay na kailanma’y di na niya makikita ang kanyang kapatid? Na ang pagkawala ni Rebo ay ang pagkawala din ng taong naghahatid at naghihintay sa kanyang pag-eeskuwela. Mangungulila ang kanyang mga damit, sapatos, libro at laruan, kapatid at kaming mga magulang. Subalit di ko pinayagang mangulila ang Beyblade.Nakapaloob sa puting supot na binuhol nang maayos. Ang maraming-maraming Beyblade ay ipinatong ko sa malamig at matigas ng kamay ng may-ari bago tuluyang ibaba at tabunan ng lupa ang kabaong. Ikaanim na sabado nang paglabas ni Rebo sa ospital. Huling sabado na masisilayan siya ng mga nagmamahal. Wala na ang Beyblade at ang may-ari nito. Payapa na silang nakahimlay sa loob ng kabaong. Magkasamang tutungo sa lugar na walang sakit, walang gutom, walang hirap. Payapang magpapaikot at iikot. Maglalaro nang maglalaro. Habang kaming mga naiwan ay paglalabanan at pag-aaralang tanggapin ang kirot ng pagkalungkot.

(9)

LUIS P. GATMAITAN, MD Tapok at Banlik

THE AUTHOR HOLDS THE COPYRIGHT TO THIS STORY. THIS IS POSTED WITH PERMISSION FROM THE AUTHOR.

THIS ESSAY IS PART OF THE LITERATURA READING SERIES | CLICK HERE TO GO BACK TO LITERATURA

“Putik pong malinis ang karaniwang putik. Pero ang banlik po ay putik na ubod ng dumi kasi’y galing sa bundok,” gayon ang paliwanag sa akin ng isang nanay sa Infanta nang bisitahin namin ang lugar nila upang magsagawa ng art therapy sa mga batang nakaligtas sa landslide. Paulit-ulit kasing nababanggit ng mga bata ang salitang banlik kapag sila’y nagbabahagi ng kanilang kuwento. Akala ko, nakasanayan lamang nilang tawaging banlik ang putik. Gaya ng may iba-iba tayong katawagan sa isang bagay sa isang partikular na lugar.

May pagkakaiba pala ang putik at banlik. Akala ko, kasukdulan na ng dumi kapag sinabing putik. Naiisip ko ang kalabaw ng aking Tatang na nakaugaliang maglublob sa putikan kapag tapos na ang maghapong pag-aararo. Hirap na kinukuskos ni Tatang ang katawan ng kalabaw upang matungkab ang natuyong putik na nakakulapol dito. Pero may antas pa pala ng pagiging marumi. Mas marumi ang gumuhong lupa mula sa kabundukan sapagkat dala-dala nito ang mga ugat ng puno, damo, kulisap, itlog ng ahas, at kung anu-ano pang alamat at elementong matatagpuan doon.

Mula sa mga guho ng Real, Infanta, at Nakar (na mas kilala sa katawagang REINA) sa Quezon, di na mabilang ang mga kuwentong narinig ko. Mga salaysay ito ng pagkalubog at pagbangon mula sa banlik. Mga kuwentong marahil ay paulit-ulit na ikukuwento ng mga batang nakaligtas para di nila malimutan ang mga ama, ina, lolo, lola, amain, tiyahin, pamangkin, apo, kapatid,

(10)

kaibigan, at kalaro na inangkin ng rumaragasang agos mula sa kabundukan isang gabing walang tigil ang pagbuhos ng ulan.

Aaminin ko, may daga sa aking dibdib nang una kong makaharap ang mga batang nakaligtas sa trahedya. Nandu’n ang pangamba ko na baka naiisip nilang ‘kay lakas naman ng loob ng mamang ito na tumayo sa aming harapan gayong hindi naman niya talagang gagap ang tindi ng aming dinaanang tahedya.’ O baka naman ganito ang nasa isip nila: ‘hay naku, heto ulit ang isa pang grupo na pakukuwentuhin na naman kami nang nangyari sa amin hanggang sa kami’y maiyak!’ Ewan ko ba pero noong una, parang nahihiya akong tumayo sa harap nila. Pakiramdam ko ba’y napapalibutan ako ng mga taong higit pa ang kakayahan kaysa sa ‘kin. Ang mga batang kaharap ko ay mga batang nakayang lampasan ang kahindik-hindik na delubyong dumating sa Quezon! Hindi sila mga ordinaryong bata.

Sino nga ba kami para makialam sa kanilang buhay? Dumating na lang kami sa kanilang lugar nang walang kaabog-abog. Pero inari nila kaming mabuting kaibigan, waring mga piling panauhin sa isang magarang piging. Kapag ibinabahagi na sa amin ng mga bata ang kanilang naranasang sakit o takot, ramdam kong ‘yun ang kanilang paraan ng pagsasabi ng ‘mahalaga po sa amin na nandito kayo.’ Sa pagbubukas nila ng loob sa amin, nasaksihan ko ang dakilang himala ng pakikipagkapwa-damdamin.

Sabi ng isang kaibigan ko, “ang mga bata raw ang nagsisilbing barometrong panukat ng isang komunidad. Kaya makabubuting pagmasdan ang kanilang hitsura’t galaw, at mapakinggan ang kanilang sinasabi o di sinasabi.”

Totoo ‘yun. Dahil paano nga ba maitatago ang nararanasang paghihikahos ng pamilya kung ang kilik na bata ay maputla ang balat, malaki ang tiyan, litaw ang butuhing dibdib, at walang kislap ang mga mata? Paano nga ba maililihim ang bunga ng nagdaang sakuna sa mga bata samantalang may mga gabing dinadalaw sila ng bangungot, pag-ihi sa banig, at pangangatal sa pagkaalala ng sakuna? Mahirap lurukin ang kalagayan ng isang komunidad kung ang pagbabatayan ay ang sinasabi ng kanilang tatay, nanay, at iba pang matatanda sa pamilya. Kayang-kayang kasing itago ng mga magulang ang lahat ng kanilang nararamdaman. Kaya nila kaming papaniwalain na ayos lang ang lahat kahit hindi. Iba ang mga bata.

(11)

Sa Real ko nakita ang batang kamukha ni Frankenstein. Nang makilala ko si Bunso, si Frankenstein ang unang pumasok sa aking isip. Paano kasi, punong-puno ng tahi ang kanyang ulo, batok, at leeg (para talagang ‘yung karakter na si Frankenstein sa pelikula). Nangawit kaya ang kamay ng mga siruhano nang inoperahan nila ang batang ito? Sangkaterbang pilat ang iniwang alaala ng sakuna sa mukha at katawan ni Bunso.

“Nadaganan po siya nang gumuho ang Repador Building,” paliwanag agad ng isang guro nang makita niyang waring nagtatanong ang aking mga mata sa hitsura ng batang kaharap ko. “Hindi po siya nakita agad. Akala nga po nila ay patay na si Bunso. Mabuti’t nadala sa Maynila para maoperahan ang nabasag niyang bungo.”

Mula noon, tuwing titingnan ko si Bunso, nahahabag ako. Kung ako kaya ang nasa katayuan niya, makakaya ko kaya ang sinuong niya? Walang sinabi sa mga tahing nasa mukha at ulo ni Bunso ang aking nag-iisang keloid bunga ng inoperahang sebaceous cyst sa aking likod. E, paano pa kaya ang mga pilat ni Bunso na di ko nakikita? Pihadong nag-iwan ng malalalim na pilat sa kanyang murang puso ang sakuna.

Kung nasa ibang lugar lamang si Bunso, pihadong panay tukso ang matatanggap niya mula sa ilang pilyong bata dahil sa kanyang kakaibang hitsura. Pero dito sa Real, walang nangahas bumiro kay Bunso. Siguro kasi’y ang karanasan ni Bunso ay karanasan din ng buong bayan. Ang bawat isang tahi sa mukha at ulo ni Bunso ay nagpapalutang lamang sa kanyang katapangan.

Hindi sinasadya’y naalala ko ang mga batang may kanser sa aming pagamutan. Sila man ay parang si Bunso rin sa maraming pagkakataon. Nasa isang sitwasyon sila na kahit tayong matatanda na ay mahihirapan din. Hindi biro-biro ang diagnosis na kanser para sa sinumang kaanak. Ang aming mga anghel, di pa man nakababasa ng alpabeto, ay hindi rin ipinuwera ng sakit na ito. Sinong magulang ang hindi madudurog ang puso kapag nakita niyang tinitiis ng minumutyang anak ang hapdi ng turok ng karayom sa kemoterapi?

Pero kagaya ng mga batang nakaligtas sa trahedya ng Quezon, ang mga bata ring ito ay di nawawalan ng pag-asa na gagaling sila. Kapag nasimulan na ang kanilang kemoterapi, nagsisimulang malagas ang kanilang buhok kasabay ng pagpatay ng gamot sa mababagsik na

(12)

cancer cells. Pagkatapos, mistulang isang komunidad na na-wash out ang hitsura ng ulo ng aming mga paslit. Pero nandun ang pag-asa na maaaring malampasan nila ang sakit na kanser.

Hitik sa kuwento, games, at activity ang tatlong araw na kasama namin sila. Nakatulong din na palagi kong bitbit ang aking digital camera. Manipis kasi ito at maliit lang kaya madaling ilagay sa bulsa. Sa tuwing pipindutin ko ito, una-unahang nagpo-pose ang mga bata para sa ‘kodakan’. Pagkatapos ay titingnan din kaagad ang picture nila, magtatawanan o magtutuksuhan ayon sa nakitang hitsura sa kamera. Minsan nga ay sila pa ang nagpiprisintang magpakuha ng litrato. Agad kong nakuha ang loob nila. Laking pasasalamat ko sa aking digital camera. Nakapasok ako sa mundo ng mga bata nang di sinasadya. Sa bawat klik ng kamera, palapit nang palapit ang loob namin sa isa’t isa.

Noong unang araw, sinadya naming huwag munang sumalat sa trahedyang sinapit nila. Gusto lang naming magbukas sila ng kanilang mga sarili. At dahil mga lupa at banlik ang tumabon sa kanilang mga bahay at buhay, ninais namin na sa pagpapakilala nila sa kanilang sarili ay dumampot sila ng isang bagay mula sa paligid na kumakatawan sa kanila. Gusto naming bumalik ang tiwala nila sa bundok, lupa, puno, at bato.

“Kagaya po ako ng batong ito,” pakilala ni Cynthia. “Ang ibig ko pong sabihin, matibay po ako, hindi kaagad madudurog. At saka, noong tumatakas po kami, mga matitigas na batong kagaya nito ang hinahanap naming tuntungan para hindi kami malubog sa banlik.”

May mga dala rin kaming librong pambata para ikuwento. Subalit sa bawat kuwentong isinasalaysay ko, humuhugot sila sa nagdaang sakuna upang idugtong sa aming kuwento. Kung tutuusin, walang kinalaman sa bagyo o baha ang isang kuwentong isinalaysay ko. Tungkol ito sa pagmamahal ng isang sapaterong ama sa isang anak na ipinanganak na putol ang dalawang paa. Sa naturang kuwento, palihim palang gumagawa ng sapatos ang ama upang ialay sa anak niya. Kapag nalalapit na ang kaarawan ng bata, pilit na iniimadyin ng ama ang lumalaking sukat ng paa ng anak niya. Ngunit lingid sa kaalaman ng ama, napapanaginipan pala ng anak na walang paa ang mga sapatos na nililikha para sa kanya sa tuwing bisperas ng kaarawan niya.

(13)

Matapos ang pagkukuwento, hiniling ko sa mga bata na lumikha ng isang pares ng sapatos para sa bidang batang babae sa kuwento, at kailangang kumbinsihin nila ako na ang kanilang sapatos ang dapat kong piliin. Nagulat ako nang makitang karamihan ay bota ang iginuhit. Yung isang grupo ay nagdrowing ng botang may mataas na takong. Yung isang grupo pa ay gumuhit ng sapatos na convertible sa bota at ipinagdiinan pang ang sapatos nila ay water-resistant. Kasi raw, nang mga sumunod na araw matapos ang sakuna, mga bota na ang kanilang sapin sa paa. Natuwa ako na iginawa nila ng pambihirang bota ang batang bida sa libro. Ayaw raw nilang marumhan ng banlik ang bago nilang kaibigan.

Iniiwasan ko pa sanang banggitin ang nagdaang sakuna. Sa isip-isip ko, tatalakayin namin ito sa mga susunod pang araw. Pero ipinahiwatig na nilang handa na silang harapin ang kani-kanilang kuwento, katunayan ang mga iginuhit nilang sapatos na pambaha.

Tinanong namin ng kasama kong facilitator kung ano ang limang mahahalagang bagay na ililigtas nila sakaling may mangyaring sakuna. Maraming sumagot na ang ililigtas nila ay ang kanilang uniporme at gamit sa eskuwelahan (na para bang magkakalakas-loob pa ang mga prinsipal ng mga eskuwelahan na ideklarang may pasok kinabukasan). ‘Yung iba, TV at pridyider ang gustong iligtas, na siyempre pa’y sinundan ng tawanan. Kahit yata sanrekwang adrenaline ang ipundar ng katawan, hindi kakayanin ng mga paslit na ito na buhatin ang kanilang pridyider!

Pero sa ilan, mga tao ang kanilang binanggit na ililigtas. Sa kanila, hindi mahalaga na “ano” ang tanong namin, kundi “sino” ang ililigtas nila. Mula sa mga sagot na damit, pagkain, notebook, telebisyon, at pridyider, lumabas ang pangalan ng kanilang lolo’t lola, tatay, nanay, kapatid, at pamangkin.

Hanggang ngayon, hindi mawala sa isip ni May kung paanong nakabitaw ang lola niya sa kanyang kamay noong tinatangay sila ng rumaragasang agos. Hindi na nakita pa ang lola niya, nalibing sa natuyong banlik sa kung saan. At si May, hindi niya mapatawad ang sarili na hindi niya nailigtas ang lola niya. Di lang si May ang nagbahagi nito kundi ilan pang batang pipituhin o wawaluhing gulang na pawang nakangabitaw sa mahigpit na pagkakakapit sa mga kaanak nila. Nandu’n ang masidhing pagnanais na mailigtas ang kapamilyang minamahal. Kung tutuusin, kasama sa mga karapatan ng mga batang kagaya nina May ang unang mailigtas sa panahon ng trahedya. Pero para sa mga batang kagaya nila, higit na mahalagang nailigtas nila ang mahihina

(14)

na nilang lolo’t lola o ang mga nakababatang kapatid na karga-karga nila. Napag-isip-isip ko, sa panahon pala ng sakuna, nagbabagong-anyo ang mga bata. Gusto nilang maging tagapagligtas. Gaya ng napapanuod nilang cartoons sa TV na inililigtas ng superhero ang mga biktima.

Nang inaakala naming palagay na ang loob nila sa amin, hiniling namin sa kanila na isulat o idrowing ang naganap noong gabi ng Nobyembre 29, 2004. Naupod ang mga krayolang kulay-brown sa kanilang mga iginuhit. Nagkulay-tsokolate ang kanilang mga papel. Nagmistulang dagat iyon ng tsokolate, parang mga kumunoy na walang katapusan, inaangkin ang bawat batang nahuhulog doon.

Sabi ni Raymond, nagulat na lang sila sa napakabilis na pagtaas ang tubig. Wala na silang panahon pang maka-tapok (lengguwaheng Quezon para sa ‘paglikas sa matataas na lugar’). Ang tanging nakita ng Nanay niya na mataas ay ang magkatabing puno ng abokado sa kanilang bakuran. Agad nila itong inakyat. Mahigpit na kumapit doon habang ginaw na ginaw, kasama ang isa pa niyang pamangkin. Sa kabilang puno, doon naman umakyat ang Nanay niya, ang ate niya, at isa pang pamangkin. Ngunit hindi naging mabait sa kanila ang mga punong ito. Nabali ito at sapilitang tinangay ang Nanay niya at dalawang pamangkin. Sila na lamang ng kanyang ate ang natira.

Nanlambot ako nang marinig ang kuwento ni Raymond. Hindi sila nailigtas ng matatayog na puno sa kanilang bakuran. Nag-uunahang pumatak ang luha sa mga mata ni Raymond sa pagkaalala sa ina at mga kalarong pamangkin. Paano pa ako kakain ng abokado gayong sa bawat pagbanggit ng prutas na ito ay ibinabalik sa aking gunita ang alaala ng pamilya ni Raymond?

Iisa ang hitsura ng kanilang drowing: mga bahay na nakalubog sa banlik at bubong lang ang makikita, mga taong nakatalungko sa bubungan, mga taong nakakapit sa mga sanga ng puno, mga bahay na inaanod ng rumaragasang banlik, mga nabunot na puno at troso, nalulunod na kalabaw, baboy, at aso. Nagulat pa ako dahil kahit stick figure lamang ang iginuhit ng karamihan, malinaw pa ring nakasaad doon kung ano ang kasarian o kung bata o matanda ang nakita nilang nalunod!

(15)

“Matandang babae po itong nalunod na ito,” sabay turo sa drowing. “Ito naman po ay batang lalaki.”

Sa narinig ay pilit gumagawa ng koneksyon ang aking naririnding utak. Magkaano-ano kaya ang matandang babae at batang lalaki? Maglola kaya ang dalawa? O baka wala naman talaga silang kaugnayan sa isa’t isa. Sabay lamang silang nalunod.

Hindi rin nakaligtas sa drowing ng mga bata ang buwan, ulan, at kidlat. Napansin ko agad ang kakaibang hitsura ng buwan. Nilagyan nila ito ng mukha. Nakalabi ang buwan!

“Kasi po, sobrang lungkot noong gabing ‘yon. Pulos hiyawan at iyakan ang maririnig. Maraming namatay. Maraming nawalan ng bahay. Nakakatakot ang mga troso at banlik. Parang umiiyak ang langit sa nangyari. Kaya naglagay po ako ng umiiyak na buwan.”

Kakaiba rin ang sinulat na kuwento ni Jenny. Kapansin-pansin na magaling siyang humagod ng mga salita. Nang gabing ‘yon, maaga raw siyang nahiga sa kama. Masarap daw matulog dahil malakas ang ulan. Makapal na kumot ang gamit niya. Akala niya’y panaginip ngunit nagising na lang siyang mistulang dagat na ang kanyang silid. Nagkakagulo na ang kanyang buong pamilya. Nag-aapurang lumikas silang lahat patungo sa kanugnog na bundok, ingat na ingat na huwag madapa o malubog sa rumaragasang banlik. Tinapos niya ang maigsing sanaysay sa pagbanggit ng mga kaanak na nakaligtas.

“Mabuti naman at nakaligtas ang buong pamilya mo sa sakuna,” sabi ko kay Jenny.

Hindi ko inaasahan ang tugon ni Jenny. “H-Hindi po.”

Dito na unti-unting nanginig ang tinig ni Jenny. Sa paputol-putol na kuwento ay nalaman kong kasama palang inanod ang kanyang ina, at di na rin natagpuan pa. Pinalaya na niya ang luha na kanina pa pilit pinipigil.

(16)

Maingat ang pagkukuwento ni Jenny. Hindi niya binanggit ang kinahinatnan ng kanyang magulang. Kung ang pagbabatayan ko lamang ay ang sinulat na sanaysay ni Jenny, hindi ko iisiping may matinding nangyari sa pamilya ni Jenny. Sinadya niyang iwasan sa kanyang kuwento ang sinapit ng kanyang ina.

Sabi ng nanay ko, kapag sobrang masakit na raw ang nangyayari sa atin, di man sinasadya ay pilit tumatakas ang gunita. Gumagawa ito ng sariling paniniwalaan para malampasan niya ang personal na trahedya. Ayaw na ni Jenny na isiping may nawala sa kanya kaya hindi na niya ito ikinuwento pa. Pero nasukol si Jenny ng aking tanong kaya napilitan siyang magtapat. Noon lamang niya inamin ang pagkamatay ng nanay niya. Nang mga sandaling ‘yun, pakiramdam ko, napaka-pakialamero ko. Nabulabog ko nang di sinasadya ang kanyang pananahimik.

Iyon din siguro ang dahilan kung bakit ang batang Frankenstein na si Bunso ay ayaw magbigay ng salaysay. Ayaw nitong magsulat ng kahit ano. “Baka puwedeng magdrowing na lamang,” payo ko pa. Pero iniwasan din nito ang mga krayolang ibinigay namin. Hinayaan na lamang namin si Bunso na sumali sa lahat ng aktibidad namin: kasali sa larong “Open the basket”, kasama ring umaawit sa kanilang “group cheer”, kasabay na kumakain ng iba pang bata, nagtataas ng kamay para sa libreng kopya ng libro matapos ang aking pagkukuwento. Kapag makakasalubong ko siya, matipid siyang ngingiti kapag binabati. Pero ang kapansin-pansin sa kanya, kung ako’y nagpapahinga sa isang sulok, basta na lamang siyang tatabi sa aking kinauupuan, hahaplusin ang aking braso, o hahawakan ang aking palad. Minsan naman, napapansin kong nakakapit siya sa kamay ng iba pang nakatatanda sa kanya.

Iginalang ko ang pananahimik ni Bunso. Walang kaso kung wala siyang maalala sa nangyari. May kapangyarihan naman talaga ang ating isip na limutin ang mga pangyayari na hindi nakalulugod sa atin. Hanggang sa nakita niyang nagtapat ang lahat ng kanyang kasama sa nangyari sa kanilang buhay. Nakita niya kung paanong umiyak at humagulgol ang mga kapwa bata matapos ibahagi sa grupo ang kanilang isinulat o iginuhit. Noon nagkalakas-loob si Bunso na basagin ang pananahimik.

Siya ang pinakahuling batang pumunta sa harap at nagkuwento ng buhay. Wala siyang artwork o sinulat na sanaysay. Pero naikuwento niya, sa pagitan ng hikbi, ang nangyari. Nagpunta sila sa

(17)

Repador building sa pag-aakalang ligtas dito kasama ang kanyang tatay, isang kapatid, at lola. Bigla na lamang daw may gumuho sa loob ng building, at basta na lamang siyang tumalsik. Naiwan sa guho ng Repador ang kanyang magulang at kapatid. Hindi na niya nalaman kung ano ang nangyari sa kanila.

Dinugtungan na lamang ng mga guro ang nangyari kay Bunso. Kung paanong ito’y natagpuang nakaipit sa mga guho. Kung paanong inilipad ito ng helikopter patungong Maynila para operahan ang bungong nabasag. Hindi na nahukay pa sa guho ang mga mahal ni Bunso, sama-sama nang nalibing doon. Masisisi ko ba si Bunso kung waring nabura na sa kanyang gunita ang sinapit ng mga kaanak?

Ang dalagitang si Julie ay napaiyak din nang maalala kung paanong pagkatapos ng sakuna ay nakikipag-agawan siya sa mga relief goods na dumarating sa kanila. Walang namatay sa kanyang kapamilya. Pero nawalan sila ng bahay, nabuwag ng mga trosong humampas doon.

“Habol po kami ng habol sa mga trak na may dalang pagkain. Nagkakagulo po ang lahat kasi’y gutom na. Kahit po ang mga kalalakihan, di na kami iginagalang, itinutulak o hinahawi kami para lamang makakuha ng relief goods.”

Nandoon ang hinanakit ni Julie habang ikinukuwento ang naganap. Sa isang nagdadalagang kagaya niya, nahihiya na siya sa ginawang paghabol sa mga trak para lamang makakuha ng pagkain para sa kapamilya. Pero nagugutom sila. Naghahalo ang gutom at hiya, at si Julie ay walang magawa.

Ramdam ko, nagtatapang-tapangan ang mga bata habang nagsasalaysay. Ayaw nilang umiyak. O mas dapat yatang sabihing pinipigilan nilang maiyak. Nang may magsimulang umiyak, hindi ko pinatahan ang bata. Hinayaan ko lamang siyang umiyak. Hinayaan kong tumulo ang kanilang luha para sa mga kaanak na lumisan. Sabi ko sa kanila, okey lamang umiyak. Kahit lalaki, walang kaso kung umiyak. Hindi nakakahiya ang pag-iyak. Ikinuwento ko sa kanila na nang namayapa rin ang tatay ko, umiyak ako nang umiyak. Hinayaan ko lang silang umiyak upang kahit paano’y mahugasan ng luha ang nakakapit na banlik sa kanilang gunita.

(18)

“Umiyak ka na ba?” gayon ang tanong na isinalubong sa akin ng isang kaibigan ilang araw matapos na manggaling ako sa Real.

Hindi ako agad nakasagot. Alam niya kasing mababaw ang aking luha. Kayang-kaya nga akong paiyakin ng isang magandang pelikula. Pero pagkatapos kong marinig ang kuwento ng mga bata sa Quezon, hindi ako makaiyak. Ewan ko kung bakit. Napagod ba ako? Na-drain sa narinig kaya walang mailuha? O baka ang dahilan kung bakit hindi ako makaiyak ay sapagkat nasaksihan ko ang katapangan ng mga batang ito habang sila ay naglalahad ng kani-kanilang kuwento? At ang tapang na ‘yun ay sumaakin na.

Aaminin kong hindi ko gaanong binabanggit ang tungkol sa Diyos sa aming mga aktibidad. Nakita ko kasi sa kanilang mga sinulat na dasal sila nang dasal nang nagaganap ito. Lahat daw ay tumatawag sa langit nang mga oras na iyon. Pero walang nangyaring himala. Paano ko ngayon sasabihin sa mga bata na kasama na ng Diyos ang kanilang mga kaanak doon sa langit? Paano nila maiintindihan ang grasya ng Diyos samantalang kitang-kita nila kung paanong walang-awang tinangay ng rumaragasang agos ang kanilang ama’t ina, lolo’t lola, at mga kapatid?

Pero hindi nawawala ang sampalataya ko sa mga batang ito. Alam kong pansamantala lamang ang kanilang pagtatampo. Unti-unti, muli silang kakapit sa Diyos. Muli silang hahabi ng mga panalangin. Hanggang sa tuluyang bumalik ang tiwala nila sa Dakilang Lumikha.

Natuwa ako na naiisip nilang iligtas, kung bibigyan ng pagkakataon, ang mga gamit at uniporme nila sa eskuwelahan. Iisa lang ang ibig sabihin noon. Na ang sakunang nagdadaan sa buhay nila ay iniisip nilang pansamantala lamang. Na matatapos din ang lahat ng ito. Na pagkatapos ng bagyo at baha, umaasa silang babalik sa normal ang lahat. Muli silang papasok sa eskuwelahan, muling pupunta sa simbahan tuwing Linggo, at muling maglalaro sa plasa ng bayan.

Iisa ang mukha ng mga bata sa panahon ng sakuna. Hindi man sila nagbubukas ng kanilang bibig, alam kong marami silang tanong na nakalutang sa hangin at nakasulat sa tubig. Pero hindi para sa akin ang pagsagot dito. Gusto ko lang silang samahan at pakinggan, at iparamdam sa kanila na hindi sila nag-iisa sa karanasang ito.

(19)

Sabi ng isa kong kakilala, “may pambihirang spirit daw sa loob ng bawat nilalang, bata man o matanda, na di kayang buwagin ng kahit anong sakuna. Na kahit daanan pa natin ang pinakamatinding trahedya, mananatili itong di natitinag.” Sa mga nagdaang araw na inilagi ko sa Quezon, naramdaman ko ang sinasabing spirit na ito ng mga bata. Ito siguro ang dahilan kung bakit sa lahat ng panahon, sa kahit anong sakuna, maraming bata ang nakakaligtas mula rito. Muli silang nakakaigpaw, muling nagpapanibagong-sigla.

Mula sa mga batang napiit sa concentration camp sa Terezin, hanggang sa mga batang nasa gitna ng digmaan sa Afghanistan, at hanggang sa mga batang dumanas ng landslide sa Quezon, ang mga bata ng sanglibutan ay hindi kaagad-agad sumusuko. Taglay nila ang kapangyarihan na makabangon at lampasan ang mga trahedyang ito ng sangkatauhan.

Sana’y masumpungan ni Bunso, at ng lahat ng bata sa Quezon, na nakangiti na ulit sa kanila ang buwan!

(20)

ANG REYNA NG MGA TUMBONG

by: Maria Clarissa N. Estuar

ANG REYNA NG MGA TUMBONG

Awtograpiya ng Isang Nagpapanggap na Peminista

Nuong bata pa ako, isa sa mga paboritong palabas ng aking mga magulang ang Piling Piling Pelikula sa Channel 13. Madalas kasi, pelikula ni Ramon Revilla ang kanilang sinasalang dito. Kabitenyo ito tulad ng aking mama at papa kaya wiling-wili silang panoorin ito.

Madali kong pinagsawaan ang mga pelikulang iyon dahil halos pare-pareho lang naman ang takbo ng kuwento ng mga ito. Una, aapihin at madedehado ang bida; pagkatapos, may misteryosong lalaking mag-uudyok sa kanyang hanapin ang isang anting-anting. Kapag nakita niya ito, doon lang siya maaaring makipaglaban. Sa totoo lang, natuwa lang ako sa mga pelikulang iyon dahil sa mga gabi kung kailan si Ramon Revilla ang palabas, hindi napapansin ng mga magulang namin na hindi pa rin kami natutulog ng aking kapatid kahit lumalalim na ang gabi. Libre tuloy kaming mag-ensayo ng exhibition sa jackstones hanggang gusto namin.

Isang gabi sa gitna ng tag-ulan, napatigil ako sa paglalaro nang narinig kong sabihin ng bida na kailangan niyang kumain ng tumbong para panatiliin ang pambihira niyang lakas.

(21)

"Talaga bang kinakain yun?" patuloy ko. Oo, sabi niya, pero lalaki lang ang pwedeng kumain noon. "Bakit po?" Basta, sagot niya.Nangulit pa ako hanggang pinaliwanag niyang pangit kasing tingnan kung babae ang kumain noon.

Minsa'y nag-uwi ang ama ko ng lechon manok mula sa isang tindahan sa Coastal Road. Napansin ko ang hugis-trayangulong tumbok ng laman na nasa dulo nito. Tinanong ko si Papa kung iyon ang tumbong at kung pwedeng akin na lang ‘yun. Tiningnan niya ako na tila nagtataka kung bakit himingi pa ako ng permiso. Nang nakita kong wala siyang balak na pigilan ako, agad-agad kong kinuha ang tumbong at isinubo ito.

Nagulat ako nang nadiskubre kong mas malasa ang tumbong kung ikukumpara sa ibang bahagi ng manok, palibhasa halos purong taba ito. Ginawa kong mabagal ang pagnguya ko para malasap kong ito nang tuluyan. Tamang-tamang dumating ang aking mama. Hindi ako nagsalita at baka makahalata pa siya.

Pagkatapos nito, pinakiramdaman ko ang sarili ko. Wala naman akong napansing pagbabago. Hindi lumalim ang boses ko. Hindi ko rin naramdamang mas gusto ko nang maglaro ng mga robot kesa sa Barbie dolls ko. Lalo ko tuloy hindi naintindihan kung bakit sabi ng mama ko, mga lalaki lang ang dapat kumain nito.

Simula noon, sa bawat pagkakataong lechon manok ang aming uulamin, magmamadali ako sa mesa para makuha ang pinakatatangi kong bahagi nito. Mababaw nga siguro, pero maliit na tagumpay para sa akin ang bawat pagkakataong nakakakain ako ng tumbong. Sa ganitong paraan, napapatunayan ko sa sarili kong may tapang din akong sumuway sa reglamentong sa palagay ko’y hindi makatarungan. Aba, baka tama nga si Ramon Revilla—may lakas na makukuha galing sa pagkain ng tumbong ng manok. Bakit ko hahayaang mga lalaki lang ang makinabang dito?

(22)

* * *

Isang araw, noong nasa elementarya pa ako, tahimik akong nagbabasa sa aking kuwarto nang biglang pumasok ang mama ko na galit na galit. Bakit ko raw sinabi sa mga kaibigan ko na ang papa ko ang namamalengke para sa amin? "Siya naman po talaga ang gumagawa nu’n, di ba?" sagot ko. "Ano’ng masama roon?"

Basta na naman ang panimula ng mama ko. Baka raw pagtsismisan kami ng mga kapitbahay: ano’ng klaseng pamilya ba kami’t lalaki ang namamalengke sa 'min? Naguluhan ako. Ano ba ang masama roon? Pero kesa humaba pa ang diskusyon, tumahimik na lang ako.

Buong buhay ko, hindi ko nakitang umalis ng bahay ang mga magulang ko para magtrabaho. Pensyunado na ng U.S. Navy ang papa ko noong asawa siya. Ang mama ko naman, nag-resign sa pagte-teller sa bangko pagkatapos nilang ikasal. Pareho silang nakapirmi lang sa bahay kaya sa pakiwari ko, walang masama kung maghati sila sa mga gawaing-bahay. Kami ngang magkapatid, madalas mautusan, kaya wala naman sigurong kaso kung kumilos din ang papa ko, hindi ba? Noong pinagalitan ako ng mama ko, nalaman kong mali pala ito sa mata ng maraming tao. Di bale nang noong taong iyon, nahalal ang isang biyuda bilang presidente ng bansa. Sa loob ng mga tahanan, ang karamihan ng gawaing-bahay ay nanatili pa ring pambabae lamang.

Makulit akong bata noon kaya madalas, kinukuwentuhan ko ang papa ko kahit nagbabasa pa siya ng diyaryo o nagdidilig ng hardin. Mas madalas sa hindi, maiksi ang mga natatanggap kong sagot sa kanya dahil maliban sa gusto niyang ituon ang buong pansin sa kanyang gawain, likas siyang tahimik na tao.

Dalawa lang kaming magkapatid, pareho pang babae. Isang araw, naisip ko, magiiba kaya ang trato sa akin ng papa ko kung subukan kong mag-asta na parang lalaki? Baka sakaling dahil dito, hindi na niya masyadong maramdamang may kulang sa pamilya namin dahil hindi siya nabiyayaan ng isang junior.

(23)

Naghanap ako ng mga paraan upang patunayang kaya kong punan ang kakulangan ng lalaking anak sa pamilya namin. Humingi ako ng baril-barilan at nakipaglaro ng Cops and Robbers sa mga anak ng kapitbahay. Kapag namimili kami sa grocery, nagpupumilit akong magbuhat ng mabibigat na plastic kahit na salat ako sa lakas at tangkad.

Pagkatapos ng ilang taon, sa edad kung kailan unti-unting nadiskubre ng aking mga kaklase ang pagma-manicure ng sarili’t pagti-tease ng kanilang bangs, nagprisinta ako sa aking mga magulang na magpintura ng bakod namin. Natuwa ako noong makalipas ang isang linggo, nakita ko ang ilan sa mga dati kong kalaro na nagpipintura na rin ng kanilang mga bakod. Halata ang inis nila sa kanilang ginagawa. Teorya ko’y napilitan lang silang gawin ito nang nasabihan sila ng kanilang mga ina: "Tingnan mo nga ‘yung anak nilang dalagita sa kabila, nagawa ‘yan, ikaw pa kaya?" Gusto kong sabihin sa papa ko, kita niyo na—natalo nga nila ako’t lumabas silang lalaki, pero kaya ko silang ungusan sa ibang bagay.

Hindi ko na ito sinabi sa kanya dahil nakita kong wala ring nagbago. Mas gusto pa rin niyang kausapin ang kanyang mga halaman kaysa ang anak na kahit ano’ng pilit, babae pa rin kaya kailanma’y hindi magiging junior para sa kanya.

* * *

Kung magpapakatoto ako, aamin akong may napagdaanan din akong kabiguan sa gitna ng aking pagpupursiging patunayang kung ano ang kaya ng mga batang lalaki, kaya ko rin. Nagkataong halos lahat ng mga kapitbahay naming kaedad ko ay lalaki, kaya sila ang naging kalaro ko noong kabataan ko. Madalas, doon kami naglalaro sa hardin sa tapat ng bahay namin kaya madalas kung ipilit na kung ano ang gusto ko, iyon dapat ang masunod. Noong una, sa

(24)

simpleng laruan at taguan nauubos ang mga hapon namin. Pero minsan, sinubukan kong pilitin ang kapitbahay kong si Toti na maglaro ng luto-lutuan para maiba naman. Iyon ang huling beses na pumunta siya sa bahay ko para makipaglaro.

Nalagasan pa ang lupon ng mga kalaro ko noong nadiskubre nila ang pagbibisikleta. Lumawak ang kanilang mundo na dati’y hanggang kalye lang namin ang sinasakupan. Nakita kong napag-iiwanan na ako kaya nagpaalam ako kung pwede akong mag-aral na magbisikleta. Ayaw akong payagan ng aking mama. Sa halip na simulan ang kanyang pagpapaliwanag sa salitang "basta", sinabi niyang napaginipan niya kasing nabundol ako ng trak habang sakay ako ng bisikleta. Pa’no raw kung pangitain iyon? Nang marinig ko iyon, takot ko lang na ipagpatuloy pa ang balak ko.

Pagkatapos ng ilang taon, inamin ng mama kong gawa-gawa lang niya ang panaginip na iyon. Tinakot niya ako para siguraduhing hindi ko susubukang magbisikleta. Paano raw kasi kung bumagsak ako’t masugatan ang mga binti ko? Di bale na ang mga gasgas na pwedeng matamo sa habulan; kayang-kaya ang mga iyon ng sebo de macho. Pero mas malalim ang mga sugat na pwede kong makuha sa pagbibisikleta. Maaari silang mag-iwan ng mga marka, e ang gusto ni mama, umabot ako sa pagkadalaga na makinis pa rin ang binti ko, tulad niya.

Nakakatuwa ang pinamalas na dedikasyon ng mama ko pagdating sa pangangalaga sa aking mga binti. Sayang nga lang at hindi siya nagpakita ng ganoong klaseng pagpupursigi noong kinailangan ko talaga ang proteksyon niya.

Grade 4 ako noon. Siguro’y tumalab na rin sa wakas ang mga leksyong galing sa kinalakihan kong Sesame Street patungkol sa pangangalaga sa mga ngipin kaya ako pa ang nagpumilit na sumama sa mama ko sa dentista noong araw na iyon. Nagdesisyon ang dentista na unahin ang mama ko. Hindi pa uso ang kidnapping noon at wala pang nakakarinig sa mga pangalang Echegaray o Jalosjos, kaya noong nagpaalam si papa na maglilibot sa department store na katabi ng klinika ng dentista, hindi nagprotesta si mama. Kampante siyang walang mangyayari sa amin ng nakababata kong kapatid sa waiting room kahit iwan pa kaming mag-isa.

(25)

May dumating na binatilyong mga disisiyete siguro. Payatin siya’t puno ng tigyawat ang mukha. Nakita niyang matagal-tagal na paghihintay ang hinaharap niya kaya nakipagkuwentuhan siya sa aming magkapatid. Napatawa niya kami. Napalagay ang loob ko sa kanya. Pero isang oras pagkatapos namin siyang nakilala, kinuha niya ang braso ko’t gumawa ng linya ng mga halik sa aking balat.

Kaagad kong naramdamang may mali rito. Gusto ko sana siyang awayin at sabihang dapat niyang itigil ang ginagawa niya, pero naalala ko kung gaano siya kabait kani-kanina lang. Lumingon ako para hanapin ang kapatid ko. Mag-isa siyang naglalaro sa isang sulok at nagkukunwaring hindi niya nakikita ang nangyayari.

Gusto kong sigawan 'yung lalaki, kurutin, tadyakan... kahit ano, para patigilin siya sa ginagawa niya. Sinubukan kong lipunin ang lakas na kumbinsido akong nakuha ko sa ilang taon na ring pagkain ng tumbong. Pero walang dumating sa akin. Kaya nanatili akong tahimik at hinayaan ko siya sa kanyang ginagawa.

Nang lumabas ang mama ko, sinabi ko sa kanyang inip na inip na ako kaya hindi na ako magpapatingin sa kanyang dentista. Pagdating sa bahay, tumuloy ako sa banyo. Nakita ni mama na sinasabon ko ang aking braso. Tinanong niya kung bakit ko ginagawa ‘yon. Sinabi ko sa kanya ang totoo. Nagalit ang mama ko. Na-rape na raw ako, wala pa akong ginawa. Nagsalita lang ako noong huli na.

Nagtaka ako. Eto nga ba ang rape na naririnig ko lang sa mga diskusyon sa Lovingly Yours, Helen at Coney Reyes on Camera? Hindi kaya, gusto kong sabihin, pero tumalikod na ang mama ko at naglakad palayo. Naramdaman ko ang galit niya sa akin dahil pinabayaan ko ang sariling mapagsamantalahan nang ganun-ganun lang. Tumatak sa isip kong kasalanan ko kung bakit humantong ang lahat sa ganoon... Kung hindi ko kinausap ang binatilyong iyon, hindi niya ako napansin. Hindi sana nangyari ang bagay na iyon. Hindi sana naging ganoon ang tingin ng mama ko sa akin. Sana, sana, sana.

Dalawang taon makalipas nito, pumunta kami sa Harrison Plaza para bumili ng sapatos naming magkapatid para sa susunod na pasukan. Habang hinihintay naming bumalik ang

(26)

saleslady, napansin ko ang isang binatang nakaupo sa isang bangko. Payatin siya’t puno ng tigyawat ang mukha. Pasimple niyang hinahalikan ang braso ng isang batang babaing siguro’y walo o siyam na taong gulang pa lamang. Nakatalikod ito sa binata’t tila pinipilit ang sariling hindi pansinin ang nangyari sa kanya.

Kinabahan ako at nag-isip: posible kayang iyon ang binatilyong (ayon sa mama ko’y) nang-"rape" sa akin noon? Tumingin ako sa aking paligid at nakitang ako lang ang nakapansin (o kaya’y ako lang ang gustong pumansin) sa nangyayari. Alam ko ang dapat kong gawin: kailangan kong tumulong. Hindi ako dapat manatiling tahimik lamang. Pero gusto ko mang kumilos o kaya’y sumigaw, hindi ko pa rin nagawa. Tila nagkaroon ng bara sa lalamunan ko kaya kahit ano’ng pilit, hindi makalabas ang boses ko.

Nahiya ako sa sarili ko. Mas matanda ako sa batang iyon, ilang pulgada din ang kinatangkad ko sa kanya. Napagdaanan ko na rin ang bagay na nangyayari sa kanya, pero hindi ko nagamit ang tinig ko upang pigilan ang bumibiktima sa kanya.

Hanggang ngayo’y natutunaw ako kapag naaalala ko ang araw na ‘yon. Bakit nga ba hindi ako nakagalaw? Natakot ba akong mapahiya? Paano nga naman kung mali ako sa aking akala? O baka naman takot akong mabulatlat na nangyari na rin ang bagay na iyon sa akin kaya sandali ko lang silang nakita, alam ko na agad kung ano ang nagaganap? Naisip ko, hindi ko nga naproteksyunan ang sarili ko noong sampung taong gulang ako, susubok pa ba akong magsalba ng iba pagkatapos ng dadalawang taon?

Doon ko lang naramdaman ang galit sa lalaking gumawa noon sa akin. Dahil sa kanya, nagkaroon ako ng kaalaman sa mga bagay na hindi pa dapat nailantad sa akin. Pero higit pa rito, dahil sa kanya, nakita kong hindi pala ako matapang.

Noong nagtagal, natanto kong galit ako hindi lang sa lalaking iyon kundi pati na rin sa mama ko. Pinagalitan niya ako’t hiniya dahil hindi ko naipagtanggol ang sarili ko noong hapong iyon sa waiting room. Pero pagkatapos niyang malaman ang nangyari sa akin, may ginawa ba siya? Pasyente ng dentista niya ang binatilyong iyon. Kung ginusto ni mama, hindi ganoon kahirap para sa kanyang alamin ang pangalan at tirahan nito. Kung nagkataon, di sana, naharap ng

(27)

mama ko ang lalaking iyon pati na rin ang mga magulang nito. Pero hindi man lang sinubukan ng aking mama na hanapin siya. Suspetsa ko, wala man lang siyang sinabi sa papa ko tungkol dito. Nangyari na ang nangyari kaya itinuring niyang tapos na ang lahat patungkol sa bagay na iyon.

Pero para sa akin, mahirap kalimutan na minsan lang niya pinayagang mapag-usapan naming ang bagay na iyon, at ginamit pa niya ang pagkakataon na iyon para pagalitan ako dahil hindi ko nagawang lumaban. Gusto kong sabihing paano ko magagawa iyon, e hindi niyo naman ako naturuan tungkol doon.

Sa loob-loob ko, naisip kong mabuti nga’t iyon lamang ang nangyari sa akin dahil wala pala akong maaasahang proteksyon galing sa kanya. Hanggang kakinisan lang ng mga binti ko ang kaya niyang pangalagaan.

* * *

Pinag-high school ako ng mga magulang ko sa isang exclusive school para sa mga babae. Dito, inasahan ng mama ko na kasabay ng mga leksyon namin sa agham, matimatika at iba pa, matututunan ko rin kung paano dapat kumilos ang isang dalaga. Ang hindi niya alam, walang balak ang mga madreng namamahala ng eskuwelahan na magbibigay lamang ng ,finishing school education sa kanilang mga mag-aaral. Mayroon nga kaming mga klase para matutong magluto at manahi, pero meron din kami sa carpentry. Ang oras para sa pag-aaral ng tamang social graces ay tinumbasan ng oras sa pag-eensayo ng arnis at iba pang klase ng self-defense. Sa halip na himukin kaming isaulo lamang ang laman ng aming mga aklat, sinanay kaming bumalangkas ng sariling opinyon at ipahiwatig ang mga ito kapag nararapat. ;

(28)

Sa panahong ito, nagsimulang magbago ang tingin ko sa mga lalaking kasing edad ko. Kakumpitensiya pa rin ang tingin ko sa kanila pero hindi na sila kalaban. Totoo, natutuwa ako kapag napapatunayan kong talisik ako’t mas mabilis mag-isip kapag may nakakabiruan ako sa labas ng paaralan. Pero nang nagtagal, naisip ko, kailan kaya nila mapapansing hindi lang ako masarap na kausap kundi ako rin ang tipo ng babaing dapat ligawan? Hindi ko na mabilang ang mga pagkakataong nasaktan ako nang piliin ng mga lalaki kong kaibigan ang mga kaklase kong tahasang pinaramdam na handa silang tumalima sa kanila sa lahat ng bagay. Inisip ko na lang na mas mabuti pa sigurong hintayin ko na lang kapag nakapagtapos na ako. Pangangatwiran ko, pagkatapos ng ilang taon, mas malaki na siguro ang posibilidad na makahahanap ako ng lalaking nais makasama ang isang babaing may sariling pag-iisip, tulad ko.

Sa pangatlong taon ko sa high school, naging bahagi ng pag-aaral namin ang pakikibahagi sa mga symposium tungkol sa mga karapatan ng mga babae. Sa pakikinig sa mga babaing naabuso ngunit nakabangon mula rito, inasahan ng mga madre na mamulat kami sa buhay sa labas ng eskuwelahan. Kasama na rin ito sa paghubog nila sa amin bilang mga babaing hindi papayagan ang mga sariling matapakan, saktan o manduhan ng sino man.

Tumatak sa akin ang mga sesyon na iyon dahil sa unang pagkakataon, nalaman kong hindi dapat sisihin ng isang babae ang sarili kung siya’y naabuso. Na karapatan niyang magsalita at hindi niya kailangang sarilinin ang sakit na nararamdaman.

Akala ko'y didikit na sa akin ang katapangang pilit na pinamamana sa amin ng mga madre ng eskuwelahang pinasukan ko, pero nasubukan din ako pagtungtong ko ng kolehiyo.

Hatid-sundo ako ng school bus mula pagkabata ko. Noong lumipat ako sa State U, napilitan akong matutong sumakay sa mga pampasaherong bus para pumasok sa eskuwela. Sa simula pa lang, pikon na pikon na ako kapag nasisiksik ako ng mga lalaking umuupo na nakabikaka. Hindi ba kayo tinuruan ng mga mama niyo sa tamang paraan ng pag-upo, gusto kong isigaw, pero oo nga pala, iba ang mga pamantayan para sa kanila. Mga lalaki sila kaya hindi ito pangit tingnan. Mga lalaki sila kaya okay lang kung sakupin nila ang espasyo ng iba. Mga lalaki sila, kaya ang mundo’y naririyan para angkinin nila.

(29)

May mga araw na umiinit ang ulo ko ng sobra-sobra sa ugaling ito ng mga lalaki, pero may sinabi ba ako sa kahit sino sa kanila? Nanahimik lang ako’t nagtiyaga. Isang araw, nangyari na ang matagal ko nang kinakatakutan. Naligaw ang kamay ng lalaking katabi ko sa gilid ng hita ko at hinayaan niyang doon ito manatili.

Nanigas ako. Sunod-sunod ang mga katanungang dumaplis sa isip ko. Sisigaw ba ako? Kukurutin ko ba ang kamay ng lalaki? O tatahimik lang uli ako?

Bumalik sa akin ang mga natutunan ko sa mga madre sa dati kong eskuwela, pero mas nangibabaw sa akin ang takot. Paano kung sumigaw ako’t gumawa ng eksena, tapos wala sa aki'y maniwala? O mas malala, sa akin na naman ipapataw ang sisi sa naganap? Noong mga panahong iyon, naka-walking shorts ako lagi sa aking pagpasok. Natakot akong makarinig ng sumbat na kung ayaw ko talagang mabastos, di sana naging mas maingat ako sa pagpili ng aking isusuot. Sa sandaling iyon, naging sampung taong gulang akong muli: tuyo ang lalamunan, iniwan ng tinig, tahimik na tinitiis na lang ang nangyayari.

Ilang beses pa akong naging target ng mga lalaking tila open buffet ang tingin sa mga babaing mag-isa kung bumiyahe. Nagsawa din ako’t sinubukang lumaban kahit paano. Nagdala ako ng perdible sa bag ko. Noong sunod na may kamay na naligaw sa hita ko, tinusok ko siya nito.

Naging effective ang taktika kong ito. Umurong agad ang kamay na kani-kanina lang ay todo ang arangkada. Natuwa ako sa nangyari, pero agad din akong nagdesisyon na hindi ko na uulitin iyon. Natakot akong baka sa susunod na gawin ko iyon ay awayin ako ng lalaking tinusok ko; kapag nagkatuusan, may katibayan siyang sinaktan ko siya, pero salita lang ang meron ako para mapatunayang hinipuan nga niya ako. Paano kung wala palang halaga ang salita ng isang babae sa mga tagpong tulad nito?

Simula noo’y hindi ko na nakaligtaang manalangin sa bawat pagsakay ko sa bus. Hinihiling kong ‘wag akong tabihan ng mga lalaking may masasamang balak. Hinihiling kong kung subukan man akong hipuan ng katabi ko, magsimula sana ito pag pababa na ako, para sandali ko lang titiisin ang kahihiyang madalas dumapo sa mga babaing pinipiling tumahimik na lamang.

(30)

* * *

Sa trabaho, madali kong natutunan na para makausad ang isang babae, kailangan marunong siyang bumalanse. Kung gusto niyang gumawa ng marka sa kanyang karera, kailangan siyang maging maingat na hindi siya magmukhang masyadong agresibo. Kailangan niyang matutong daanin ang lahat sa lambing at pa-charming. Dahil kahit ano pa ang posisyon niya, babae siya unang-una at ito ang inaasahan sa kanya.

Kapag babae ka, ingat talaga ang kailangan. Marami na kasing babae ang nakadiskubreng magkamali ka lang minsan, ayun na, markado ka na habangbuhay. Sa pulitika pa lang, malinaw na ito. Maging masyado ka lang matapang sa pananalita, tatawagin ka nang Brendang brain-damaged kahit nakalipas na ang ilang termino. Labing-isa man kayong bumotong huwag buksan ang second envelope, pero pagkatapos ng siyam na taon, halos lahat ng mga lalaking kasabay mo, absuwelto na sa mga isip ng tao pero ikaw, Dancing Queen pa rin ang bansag ng lahat ng tao.

Dahil sa mga ehemplong ito, madaling maintindihan kung bakit ang maraming kababaihan ang nakikisama na lang. Kaysa nga naman mapunta pa sa delikado, hahayaan na lang nilang madala sila ng agos ng buhay. Pati sa pakikipagrelasyon, kadalasan, ganito na rin ang atake nila. Kaysa nga naman magkaroon pa ng away. Kaysa maiwan kang mag-isa.

Minsan din akong nahuli sa patibong na ito. Maraming nagsabi sa akin noong huwag kong pakawalan ang boyfriend ko dahil mukha naman siyang disente at may maganda pang hanapbuhay. Oo nga’t napapadalas nang hindi kami magkasundo, pero hayaan ko na lang raw. Tumatanda na rin daw kasi ako. Kapag treinta na ang babae, hindi na siya pwedeng maging masyadong mapili. Wala naman daw masyadong kaso na siya dapat ang laging nasusunod, sa isusuot ko kapag magkikita kami o sa restawran kung saan kami kakain. Kalimutan nang ilang

(31)

beses din niya akong nasigawan sa harap ng ibang tao at sinusuntok niya ang manibela kapag nag-aaway kami sa kotse (Pa’no kung sa susunod mukha ko na ang suntukin niya? Ah, hindi ko nga pala dapat isipin ito; wala naman akong pruwebang pwede itong mangyari).

Kaya hayun, hindi ko pa rin nagawang makipagkalas sa kanya nang ganun-ganun na lang. Ang hirap palang sumalungat sa sulsol ng mga tao sa paligid mo.

* * *

Gusto kong tawagin ang sarili ko na peminista, pero mahirap palang pangatawanan ang salitang ito. Mas madali ang maging mahina, o kaya’y payagan ang sariling makulong sa mga limitasyong itinakda ng ating lipunan. Sa paulit-ulit na panghihiya at pananakot, napapapaniwala tayong mas mabuti pa ang sumunod na lamang. Masyadong mahirap kung tuloy-tuloy ang laban, kaya bibigay ka: sa umpisa, paminsan-minsan lang, hanggang sa mapadalas na ito ‘pag nagtagal.

Naisip ko, buti pa noong bata ako. Napakadaling gumawa ng bagay na pwedeng ipagmalaki ko. Sa pagkain ko lang ng tumbong, napapatunayan ko na sa sarili kong may tapang ako. Kaya ngayon, dumadating pa rin ang pagkakataong hinahanap ko ang pagkain na iyon. Sa pagsubo kasi ng bawat tumbong, napapaalala ko sa sarili kong hindi pa ako talo. May iba pang pagkakataon para ipakita kong hindi ako basta-basta, na hindi ako hanggang dito na lang. Tulad noong bata pa ako, kaya ko pang lumaban.

Referensi

Dokumen terkait

Likas na sa mga Pilipino ang pagbibigay halaga sa edukasyon. Ang edukasyon ay isang paraan kung saan pinapaunlad ang kaalaman at pagkatao ng isang indibidwal

Mediko –  Mediko ng Berbanya na hindi alam kung ano ang sakit ni Haring Fernando Juana -Siya ang isang kapatid ni Donya Maria at ang isa pang anak ni Haring Salermo na naninirahan

At dahil sila ang ating pag-asa, nararapat lamang na ibigay natin sa kanila ang lahat ng edukasyon na kailangan nila upang maabot nila ang mga pangarap na nais nilang

Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw ko nang hindi nasasalamin ang isang larawang mahal sa akin: bilugang mukha, malapad na noo, hati-sa-kaliawang

Sa pag-aaral na ito, kinakailangang malaman kung ano ang sanhi at epekto ng pambubulas sa isang estudyante lalo na sa kanyang pisikal, mental, at behavioral na kalagayan..

Magugulat na tayo sa isang banda na kung ano na ang nangyayari bakit nila iyon ginagawa na sila ay wala pa sa wastong edad kaya nga may teenage pregnancy o maaga o

Napansin ni coach na hindi na namin pinapasahan ang aming mga kakampi dahil pareho kaming point guard na dapat nagpapadaloy ng play sa basketball.. Mistulang kami lang ang magkalaban sa

Tumingin ang bayani sa mga kasamahan niya; wala na siyang maskara ngayon upang itago ang totoo niyang pagkatao na muntikan na rin niyang nakaligtaan dahil sa pagiging isang bayani..