Pinakamataas na bundok sa Filipinas ang Bundók Apò na nása mga lalawigan ng Davao del Sur at North Cotabato, at may layòng 32 kilometro mula sa bahaging kanluran ng Lungsod Davao. May taas itong 2,954 metro (9,690 talampakan). Bagaman isa ring bulkan, wala pang naitatalâng pagputok níto. Ang Bundok Apo ay patag sa ibabaw, na may tatlong taluktok. Sa bahaging timog, sa ibabâ ng bunganga ay may uka o vent na nilalabasan ng singaw na asupre. Tinatawag din itong Sandawa (Bundok ng Asupre) ng mga táong naninirahan sa paanan nitó. May anim na katutubong pangkating nagtuturing sa Bundok Apo bilang sagradong lupain: ang mga Manobo, Bagobo, Ubos, Atas, Kalagan, at Tagakaola. Sa lugar na ito nilá sinasamba si Apo Sandawa na kinikilála niláng dakilang ninunong ama o apò at pinagmulan ng pangalan ng bundok. Ang bunganga ng bundok na may 500 metrong lawak ay nagsisilbing isang malaking lawa, ang Lawang Venado, na pinagkukunan ng enerhiyang heotermal. Ang Mindanao Geothermal Production Field, na nása barangay Ilomavis sa Lungsod Kidapawan, North Cotabato, ang pinagmumulan ng koryenteng ginagamit sa Kidapawan at mga karatig lalawigan.
Noong 1936, idineklara ang Mt. Apo National Park na may 80,864 ektarya sa paligid ng bundok, upang mapangalagaan ang maraming di-pangkaraniwang hayop at halamang matatagpuan dito. Makikita rin dito ang pinakamalaking agila sa mundo—bánoy o Philippine Eagle, ang pambansang ibon ng Filipinas. May 270 uri ng mga ibon na naninirahan sa kagubatan ng bundok at 100 sa mga ito ay tanging sa bansa lamang matatagpuan. (AMP)
Kabílang ang bungkakâ (bung∙ka∙kâ) sa mga instrumentong kawayan na nása kategoryang baser at makikiíta ito sa Hilagang Luzon. Gawâ ito sa isang túbo ng kawayan. Hinahati ang itaas na bahagi hanggang bandáng ibabâ. Sa paghahati, nagiging pahabaâng letrang U ang itaas na magkabilâng bahagi nitó. Ang resulta—isang espasyo sa pagitan ng dalawang nabuong hugis. Sa bandáng ibabâ ng túbo ay may maliit na bútas na tinatakpan ng kanang hinlalaki upang mabago ang kalidad ng tunog at tono ng instrumento. Para patunugin, gamit ang kanang kamay, hinahampas sa matigas na bahagi ng palad ng kaliwang kamay ang itaas na bahagi ng bungkaka. Sa isang pangkat ng bungkaka, maririnig ang umuulit na melodiya na epekto ng sabay-sabay na pagpapatunog ng instrumento. Ito ay resulta ng magkakaibang timbre, yari, kapal o nipis ng kawayang ginamit, at pagsabay sa kompas ng pagsara at pagbukás ng bútas na inukit sa bungkaka.
May iba’t ibang tawag sa bungkaka ang mga etnolingguwistikong grupo sa hilagang Filipinas. bungkaka ang tawag dito ng Itneg, avakko para sa Bontok, balimbing para sa Kalinga. Tinatawag din itong bilbil ng mga grupong Itneg, Tinggian at Kankanaey.
Pahinghing ito para sa Isneg, pakkung sa Ibaloi, at ubbeng naman sa Kalingga. (RCN)
Ang buntál ay isang pino at kulay putîng hibla o himaymay na ginagamit sa paggawa ng sombrerong buntál sa Filipinas. Mula ang himaymay na ito sa katawan at dahon ng halamang palma talipot (Corypha umbraculifera). Ang halamang ito ay kilalá rin sa tawag na bulé o buri. Kabilang ito sa pitong species ng palma na likás sa India, Malaysia, Indonesia, Filipinas, New Guinea, at sa hilaga-silangang Australia. Malalaki ang palmang ito, hugis pamaypay ang mga dahon, at may matatag na tangkay na may sukat na 2-5 metro ang habà. Lumalaki ito nang 20-40 metro, may diyametro ang punò na 1-2.5 metro. Lahat ng species ay namamatay pagkatapos makapamulaklak. Mabagal lumaki ang halamang ito, maaaring mangailangan ng maraming taon bago magkaroon ng malaking punò.
Ayon sa kasaysayan, ginagamit sa maraming kultura sa timog-silangang Asia ang mga dahon ng palma talipot na sulatan, sa pamamagitan ng panulat na yari sa bakal, upang makagawa ng mga manuskrito. Ang dagta ay ginagamit sa pagawa ng isang uri ng alak. Kabílang sa produkto na mula sa dahon ng talipot ang tradisyonal na páyong. Ang mga dahon ay karaniwang ginagamit sa pagdadatig o paglalála ng mga basket, sombrero, at iba pa. May tatlong klase ng himaymay ang maaaring makuha mula sa halamang ito: ang buri, raffia, at buntal. Naging popular ang paggawa ng sombrerong buntal sa Bulacan. Nagkaroon ng negosyo sa paglalála ng buntal at paggawa ng buntal hat, handbag at iba pa. Magandang halimbawa nitó ay ang Baliuag Buntal Enterprises. Naging bahagi na ng turismo ng Bulacan ang pagdaraos ng taunang Buntal Hat Festival upang ipakita ang magagandang sombrerong buntal, kasama na rin ang paggunita sa una at orihinal na buntal hat na ginawa pa noong 1910—noong panahong nauso sa buong mundo ang sombrerong buntal at mahigpit na naging kakompetensiya ng panama hat. (SSC)
Ang butandíng o Rhincodon typus ang pinamakamalaking isda sa mundo. Lumalaki ito hanggang 20 metro at may bigat na hanggang 34 tonelada. May mga natatanging mapusyaw na batik at guhit sa tagiliran ang katawan ng isang butanding. Nagkakaiba ang pattern na ito sa bawat uri ng butanding kayâ maaari itong gamitin na pagkakilanlan ng uri nitó. Kitang-kita rin ang mga pahabâng gulugod sa likod ng katawan nitó. Malapad at sapad ang ulo ng isang butanding na may malaking bibig sa dulo at maliliit na bibig at ngipin. Dahil sa kaliitan ng bibig at ngipin nitó, hindi nakakakagat o nakangunguya ang butanding. Sinisipsip at sinasalà lang nitó ang pagkain mula sa tubig. Mumunting hayop (1 milimetro), maliliit na isda, pusit, alimango, at hipon ang karaniwang kinakain ng isang butanding.
Gumagalà ito sa iba’t ibang dako ng mundo, kabilang ang malamig at mainit na mga dagat ng Atlantiko, Pasipiko at Indian, sa pagitan ng latitude na 30oHilaga at 35oTimog at paminsan-minsan, sa 41oHilaga at 36.5oTimog. Mabagal lumaki ang isang butanding at maraming taón ang lilipas bago dumating ang panahon ng panganganak nitó. Mahahabà rin ang patlang sa pagitan ng panganganak. Pagkapanganak, pinababayaan na ng ina ang mga anak na mamuhay nang sarili. Dahil sa mababàng kakayahang magparami at mabuhay, malamang labis na bumabà o maubos ang populasyon ng butanding sa mga susunod pang taon.
Tradisyon sa Filipinas ang panghuhúli ng butanding. Sa kasamaang palad, mas dumami ang mga nanghuhúli noong tumaas ang pangangailangan para sa laman, balát, at palikpik nitó. Upang labanan ang pagkaubos, nagpalabas ang Filipinas ng mga batas na nagbabawal ng malawakang pagpatay at pangangalakal ng butanding. Sa katunayan, idineklara ng pamahalaang lokal ng Donsol, Sorsogon na santuwaryo ng butanding ang buong lawak ng kanilang baybayin. Sa ngayon, dinadayo ng mga turista ang Donsol dahil dito. (MA)
Limang kilometrong tulay ang Candaba Viaduct (Kan·dá·ba Va·yá·dak) na tumatawid sa pinak (marshland) ng Candaba, isa sa mga pangunahing pinak ng bansa at may lawak na 32,000 ektarya. Ang viaduct ay uri ng mahabàng tulay o serye ng mga tulay. Isa ang