• Tidak ada hasil yang ditemukan

Filipinas sa Malolos noong 21 Enero 1899. Gawa ito sa kawayan, kahoy, at pinintahang tela upang magmukhang pader na tisa, mistulang isang arc d’triumph o arko ng tagumpay, para sa pumaradang hukbo at lider ng Kongreso sa pangunguna ni Pangulong Emilio Aguinaldo.

Nangunguna ngayon ang Bulacan sa pag-iingat ng sining ng singkaban. Bukod sa paligsahan sa tradisyonal na kinayas na kawayan, may nag-eeksperimento din sa paggamit ng punò ng saging at ibang materyales. (VSA)

Ang singkíl ay isa sa pinakapopular na sayaw na nagmula sa katimugan ng Filipinas. Ang pangalang singkil ay mula sa kadenang suot sa bukong-bukong ng mga taga-Mindanao na may gayon ding katawagan.

May tatlong pangunahing mananayaw dito na gumaganap bilang prinsesa (Gandingan), prinsipe (Darangen), at babaeng nagsisilbing tagapayong ng prinsesa. Hawak ng prinsesa ang pamaypay at makukulay na panyong gawa sa sutla. Ang malikhaing galaw at maniobra ng mga ito sa kamay ng prinsesa at ang mahusay na pag-iwas niya sa nagpipingkiang kawayan ang tampok ng sayaw. Katulad ng iba pang mga sayaw na Magindanaw, hindi magkaparehang sumasayaw ang babae’t lalaking mananayaw ng singkil. Karaniwan itong sinasaliwan ng kulintangan o grupong pangmusika ng mga gong.

Hango sa epikong Darangen ang naratibo ng sayaw na singkil. Sa epiko, kinuha ng mga diwata si Prisesa Gandingan at dinala ito sa isang gubat. Dito, dumaraan si Prinsipe Darangen upang maghanap ng mapupusuang prinsesa. Lilindol sa loob ng gubat, at magbubungguan ang mga puno at bato na isinasalarawan ng pingkian ng mga kawayan sa sayaw. Kaakit-akit at mahinhin ang pag-iwas sa mga ito ni Prinsesa Gandingan, at sa pagkakataong ito’y makikita siya ng Prinsipe na siya namang susunod sa mga hakbang ng pag-iwas sa mga puno at bato.

Ang sayaw ay ginagawa sa gitna ng isang magkahanay na pares ng kawayan na may nakapatong na isa pang magkakrus na pares ng kawayan. Ang ritmo ng pingkian ay regular kompara sa ritmo ng tinikling na isa ring sayaw sa kawayan na pabilis naman nang pabilis. (RCN)

Marami ang nagsasabi na ang sinigáng ang hiyas ng katutubong lutuing Filipino dahil sa malikhaing paggamit dito ng mga dahon at prutas na pampaasim. Tóla o tinóla ito sa mga Bisaya. Tulad ng bulangláng, isang lutuing gulay ito na may sabaw. Pangunahin sa gulay ang kamátis, kangkóng, sélerí, sibúyas, labanós, at gábe. Maaaring isigang ang karne ng baboy at báka, manok, isda’t hipon.

Nása timplang asim at sa pampaasim ang katangian ng sinigáng. Ang sinampalúkang manok ay may muràng dahon ng sampalok. Ginagamit din ang hilaw na bunga at ang bulaklak ng sampalok. Ginagamitan ng bunga ng kamyas o katas ng kalamansi’t dayap ang sinigáng na isda’t hipon. Paborito sa Pampanga at Bulacan ang sinigáng sa bayabas. Pansigang sa Bisayas at Mindanao ang maasim na bunga ng batwan. Sa San Miguel, Bulacan ay ipinansisigang ang dahon ng alibangbang. May gumagamit din ng bunga ng sinigwelas.

Kung nagmamadalî, may nabibili na ngayong nakapaketeng pampaasim sa sinigáng. Ikinatutuwa din ito ng mga Filipino na nása ibang bansa, lalo’t taglamig. Iba raw ang lasa ng tunay at sariwang pampaasim? Kung natatabangan, ang sagot ng matakaw, nariyan naman ang sawsawang patis. (VSA)

Isa ito sa mga pinakapopular na laro ng mga batang Filipino. Ginagamitan ito ng pinagsama-samang goma o ng isang tingga na tinalian ng maikling istraw. Maaari itong laruin ng dalawang tao o dalawang pangkat.

Nilalaro ito sa pamamagitan ng pagsipa dito gamit ang tagiliran ng paa, itaas ng tuhod, o ng tagiliran ng siko at tiniklop na braso.

Isinasagawa ang laro sa pamamagitan ng pagsipa sa tingga o goma nang ayon sa napagkasunduang bilang. Ang indibidwal o pangkat na nakakuha ng pinakamataas na bilang nang hindi bumabagsak ang sipa ang siyang nananalo. (GB)

Itinuturing na obra maestra ni Juan Luna ang Spoliarium (is·pol·yár·yum) na sinimulang ipinta noong 1883 at natapos noong Marso 1884. Isa itong oleo sa kambas na may sukat na 4.22 metro x 7.675 metro. Tinapos ni Luna ang pintura sa loob nang walong buwan. Noong Mayo 1884, itinanghal ito sa Exposicion de Bellas Artes sa Madrid at ginawaran ng gintong medalya.

Salitâng Latin ang spoliarium na tumutukoy sa pinakamababàng palapag ng koliseo ng mga Romano. Dito ang tambakan ng mga talunan at namatay na gladyador. Sa spoliarium din silá hinuhubdan ng sandata at kalasag. Ito mismo ang itinatampok na eksena sa Spoliarium ni Luna: ang masaklap na hantungan ng talunan. Nása gitna ng pintura ang mga bangkay ng gladyador na hinahatak ng mga sundalong Romano. Nása kaliwang bahagi ang mga manonood sa tagpo. Nakaabang ang ilan hábang nakatitig sa mga bangkay. Isa sa mga sundalong may hatak na katawan ang hinaharangan ang isang manonood gamit ang kaniyang braso. Sa kanang bahagi ng pintura, makikita ang isang matandang lalaking may tangang sulo. Malapit sa kaniya ang isang babaeng nakahandusay sa sahig at umiiyak.

Marami ang nagpapakahulugan sa obra, kabilang na sina Jose Rizal at Graciano Lopez-Jaena, bilang sagisag ng kalunos-lunos na kalagayan ng mga Filipino sa ilalim ng mga Espanyol. Naging bahagi ang Spoliarium ng mga pagtatanghal sa Roma, Madrid, at Paris. Noong 1885, binili ito ng pamahalaang-panlalawigan ng Barcelona sa halagang 20,000 peseta. Dumaan ang pintura sa mahabàng siklo ng pagkasira, restorasyon, at paglipat sa iba’t ibang museo. Sa kasalukuyan, nakatanghal ang obra maestra sa Pambansang Museo kasáma ng ibang pintura ni Luna. (RPB)

Ang imahen ng Sánto Níño (Sán·to Nín·yo) o representasyon ng sanggol na Hesus ang pinakamatandang imaheng Kristiyano na natagpuan sa Filipinas. Ito ang Santo Niño na patron ng Cebu. Ayon sa kasaysayan, nang dumating sa Cebu si Hernando Magellanes noong 1521 ay nagpabinyag sa Kristiyanismo si Rajah Humabon at ang maybahay at binigyan ng Kristiyanong pangalan na Haring Carlos at Reyna Juana. Bilang simbolo ng pagkakaibigan, inihandog ni Magallanes kay Reyna Juana ang isang imahen ng Santo Niño na yari sa kahoy at iniukit ng isang artesanong Flemish. Noong 1565, sinúnog ng mga alagad ni Miguel Lopez de legazpi ang malaking bahagi ng Cebu at isang himala ang hindi pagkasúnog ng imahen ng Santo Niño kayâ itinuring itong banal na patron ng mga taga-Cebu. Isang simbahan para sa Santo Niño ang itinayô noong 28 Abril 1565 sa pangunguna ni Padre Andres de Urdaneta. Ito ngayon ang Basilica del Santo Niño at siyáng permanenteng kinalalagakan ng imahen.

Hindi lámang ang Sinulog ng Cebu ang nagpapakita ng debosyon sa mahal na Santo Niño. Tuwing buwan ng Enero ay ipinagdiriwang sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas ang pista bilang pagpaparangal sa sanggol na si Hesukristo. (IDC)

Dokumen terkait