• Tidak ada hasil yang ditemukan

Dalumat sa Lipunan: Pakikipagkapwa-Tao

Mahihinuha sa nobela na ang dalumat sa lipunan ay yaong sa kabuuan ng mga institusyong panlipunan at ang kaakibat na ugnayang panlipunang ibinunga. Pinanghahawakan na ang lipunan na binubuo ng kairalan at kamalayang panlipunan ang siyang humuhubog sa kamalayan ng indibidwal.Ang mag-asawang Amanda at Julian sa simula ay likha ng mga panlipunang papel (social roles) na siyang kalakaran sa lipunang ginagalawan. Sa huli ang pagbabayuhay ng kanilang pananaw ay ipinakitang buhat sa mga katunayang panlipunang-pagsasamantala, kahirapan, karahasan, pagkatiwalag-ibinunga ng umiiral na kaayusang pangkabuhayan at panlipunan. Sa simula ang pagbabago ng mag-asawa ay bunsod ng damdaming-magulang na nag-aalala sa sasapitin ng mga anak. Nang lumaon kanilang naigpawan ang damdamin sa pagkagagap sa kalikasan ng umiiral na kaayusang panlipunan.Kaya natumpakan ang wastong pagpapasiya’t pagkilos.

Ang mga nakita rin sa kanilang lipunan ang siyang humubog sa pananaw nina Jules, na naging aktibista, at Em, na naging manunulat. Gayundin kina Gani na nag-US navy at Bingo na malamang ay kumuha ng criminology at maging isang militar. Binuod ang dalumat sa sinipi ni Jules na mga taludtod mula sa isang tula ni Kahlil Gibran na kanyang ipinadala nang isilang ang pamangking si Anna Lisa.Ngunit ang tula ay higit na patungkol kay Em; kay Amanda, sa ina.

Ang inyong anak ay hindi n’yo anak,

Sila’y mga anak na lalaki’t babae ng buhay! Nagdaan sila sa inyo nguni’t hindi inyo, At bagamat pinalaki n’yo sila’y walang pananagutan sa inyo… (p. 58)

113

Tiningnan ang lipunan hindi bilang isang nyutral na larangan ng pagpapakatao’t pakikipagkapwa-tao o kaya’y isang kaayusang itinadhana kung kaya’t di mababago ni dapat baguhin. Sa halip, tiningnan ito bilang layon ng malikhaing pagkilos ng indibidwal, sapagka’t ang kaganapan ng kanyang pagkatao ay nakaugnay sa kanayang pakikipagkapwa-tao. Anupat tungkulin niyang tumulong sa pagbabago sa umiiral na kaayusang panlipunan na umuunsiyami sa kaganapan ng sarili nang sa gayon ay maitatag ang lipunang titiyak at lilinang sa pagpapakatao’t pakikipagkapwa-tao ng indibidwal.

Ang huwaran ng pakikipagkapwa-tao o ugnayang panlipunan ay pinasalamin sa ugnayang pampamilya. Tumayong talinghaga ng kasalukuyang lipunan ang pamilya Barolomete. Kinatawan nila ang ideolohikal na tunggaliang nagaganap sa kasalukuyang panahon. Sina Jules at Ems a kaliwang panig.Sina Gani at Bingo sa kanan. Sina Julian at Amanda ay nadadala sa panig nina Jules at Em.

Pinasalamin sa ugnayang pampamilya ang huwarang pakikipagkapwa-tao o ugnayang panlipunan. Tumatayong talinghaga ng kasalukuyang lipunan ang pamilya Barolome. Nabibigkis ng kasal (ang pag-asawahan) at ng dugo (magulang-anak-kapatid) ang mga indibidwal na bumubuo sa isang pamilya.Sa umiiral na pananaw, anak ang siyang kadahilanan ng pamilya bilang institusyong panlipunan. Sa sinapupunan nito nahuhubog ang pagkatao ng mga bata upang lumaking kapaki-pakinabang sa kabibilangang lipunan. Dito unang nalilinang sa katauhan ng bata ang mga pagpapahalagang pangkalinangang gumagabay sa ugnayang panlipunan tulad ng pag-iibigan, pagmamalasakitan, paggagalangan, pagsusunuran.

Higit sa seremonya ng kasal, pag-ibig ang matibay na buhol ng isang pag-asawahan. Pinag-isa ng pag-ibig ang mag-asawa – isang puso, isang diwa, isang katawan. Ang kaganapan nila kapwa ay ang isa’t isa nang hindi nawawala ang kani-kanilang kaakuhan.

Kung nabibigkis ng pag-ibig ang mag-asawa makapananaig sila sa anumang daluyong ng buhay at bawat krisis na magdaan sa buhay nila ay pagpapatibay at pagpapatatag sa kanilang pagsasama. Hinihingi ng pag-ibig na maging matapat sila sa isa’t isa. Ang paminsan-minsang pagkaligaw ng kabiyak ay hindi dapat sumira sa kanilang pagsasama. Sabi nga ni Amand

114

nang matuklasan na kumaliwa pala ang asawa: “Forgive and Forget na lang.”Nagawa niyang pangatwiranan at unawain ang ginawa ng asawa.

Panghabang panahon ang pag-aasawa. Hindi ito kaning mailuluwa kapag napaso. Dapat nasa hustong bait na at handa para harapin ang kapananagutan ng buhay may-asawa sa paglagay sa tahimik. Tulad ng anumang ugnayang kailangang pagsumikapan ng mag-asawa na mapatatag ang kanilang pagsasama at ikayaman kapwa ng kanilang pagkatao. Pananagutan nila kapwa ang kanilang pagsasama at ang kanilang pamilya.Sila kapwa ang suhay ng kanilang tahanan. Sininsay sa nobela ang kalakarang pananaw na, higit sa lalaki, sa babae nakaatang ang pananagutang patatagin ang pagsasama upang huwag masira ang tahanan. Ito ay ipinakita sa pamamagitan ng mag-asawang Julian at Amanda. Ang pag-ibig na bumibigkis sa isang pag-asawahan at/o sa isang pamilya ay pinakatawan sa anak, na sa kalakarang pananaw ay siyang kadahilanan ng institusyon ng kasal at ng pamilya, at sa paniniwala, ika nga sa Ingles, “Marriage of true minds”. Muntik nang pinaglayo ng nagkakaibang pananaw ang mag-asawang Amanda at Julian. Muli silang pinaglapit ng pag-iisa ng kanilang pananaw sa buhay.

Kinatigan din sa nobela ang paghihiwalay ng isang pag-asawahang hindi magkasundo o di kaya’y nawalan ng pag-ibig ang isa sa isa o sa isa’t isa.Ipinakita ito sa kaso ng mag-asawang Gani at Evelyn.Pagkaraan ng bugso ng nasaktang damdaming-ina pagkat ang anak ang hiniwalayan, hinanggaan ni Amanda ang manugang sa pasiya niyang maging matapat sa sarili. Hindi nito sinangkalan ang anak na si Anna Lisa upang panatilihin ang isang pakitang-taong pagsasama.

Datapwat ang higit na itinampok sa nobela ay ang makauring pag-asawahan na kinatawan nina Jules at Mara. Ang damdamin nila sa isa’t isa at sa anak ay ipinailalim sa pangunahin nilang tungkulin sa Kilusan. Sila ang halimbawa ng kasabihan sa Ingles na “the marriage of true minds.” Ito ang

nalining ni Amanda:

Loving, sabi ni Jules, does not mean looking at each other but looking together in the same direction.

Nakaiinggit ang pagkakasundo ng mga isip nila’t loob, ang kapanatagan at katiyakan na ang trabaho ng isa ay hindi

115

kaagaw ng pansin nito, manapa’y bahagi ng kanilang malaking buhay (p. 134)

Ang hantungan ng pagpupunyagi’t pagpapakasakit ng makauring pag-asawahan ay hindi na lamang ang sarili’t anak kundi ang nakararaming pinagkakaitan ng pagkakataong maisakaganapan ang kanilang pagkatao’t pagkamakatao. Hanggat hindi ito nangyayari ay hindi rin magiging ganap ang kanilang pagkatao’t pagkamakatao.

Ang dalumat sa lipunang inilarawan ay makauri-isang lipunang hati sa iilang mayamang malupa’t mamumuhunan at sa nakararaming mahirap na magsasaka’t manggagawa. Sa pagitan ng dalawa noon ang panggitnang uri – na maantas din sa pang-itaas, panggitna, at pang-ibaba. Ang pamilya Bartolome batay sa pagkakalarawan sa kanilang katayuang pangkabuhayan ay masasabing nasa panggitna ng panggitnang uri-na kinabibilangan ng maraming propesyunal. Si Julian ay isang inhinyero na may mabuting trabaho sa isang malaking kompanya. Si Amanda man ay mahihinuhang tapos din sa kolehiyo. Marahil ay panitikan ang kanyang major. “Jason” ang ipinangalan sa pang-apat na anak na lalaki. Nagsisipag-aral sa mabubuting paaralan ang mga anak. Sa isang subdibisyon sila nakatira. Sa pagtaya ni Amanda siya at si Julian at, ngayon, ang kanyang mga anak ay “mga anak ng may sinasabing mga magulang” (p. 116).

Ngayon siya’y mulat na, nalimi ni Amandang ang kanyang pananaw noong bago mamulat ay nalalinan ang burgis na pananaw ng nakapangyayaring uri. Dahil dito hindi niya Makita ang laganap na kahirapan sa labas ng kanyang bakuran. O kung sumasagi man sa isipan sa mga panahong naghahanda na maraming pagkain ang naaksaya, sasabihin niya sa sarili hindi niya “kasalanan ang paghihirap sa maraming panig ng bansa” at hindi niya “utang na ibigay sa ano pa mang kilusan ng pagbabago ang sinuman sa mga anak” niya (p. 116).

Sa pagbabalik-tingin sa mga unang taon ng dekada ‘70, itiniwalag si Amanda ng ngayo’y tinawag niyang kanyang burgis na pananaw sa umiigting na tunggaliang ideolohikal na ginamit na katwiran sa pagbababa ng Martial Law.Inakala niyang ang mga nagaganap sa paligi maging nang magbunga ng karahasan ay walang kinalaman sa kanya’t sa kanyang pamilya. Bagamat kahit paano’y nagdadala rin ng “bakit sa isip niya sa panghihinayang sa mga batang buhay na naputi sa Mendiola’t sa paligid ng Kongreso. Ang

116

tumitinding aktibismo ng kabataan ay inugat niya sa kalikasan ng kabataan: rebelde, mapusok, at gusot na isip. Ang sinisi niya ay ang mga pabayang ina “na kumakalawa sa pamilya (nila’t) pumapapel sa labor force ng bansa (upang) magbulsa ng perang maipagmamalaki… na galing sa sariling sinabi: “Ano ba’ng ipag-aalala ko? Galing sila (mga anak) sa matinong pamilya… Ang matinong pamilya’y mag-aanak lang ng mating mga tao!” (pp.10-11)

Ngayon natanto ni Amanda na ang gayon niyang pananaw ay sumusuhay at nagpapamalagi sa umiiral na kaayusang panlipunan na di maglalaon ay pagtatalagahang baguhin ng anak na si Jules sa pamamagitan ng sandata at ni Emsa pamamagitan ng panulat na ikinawing sa mapagpalayang kilusan ng uring napangyayarihan. Sa kanyang pagkamulat, ilalagay niya, at maging ni Julian, ang sarili sa panig ng masa ng sambayanan.

Sa pagwawakas ng nobela tataglayin na ni Amanda ang isang makabayan at makamasang oryentasyon. Malilinawan niya na lilok ng imperyalismong Amerikano ang umiiral na lipunang kolonyal at mala-piyudal. Ibinunga ng pamamayani ng imperyalismong Amerikano sa larangan ng kultura ang kaisipang kolonyal na nalinang sa isipan ng Pilipino, na kinatawan ng mag-asawang Bartolome, sa pamamagitan ng edukasyong kolonyal na naghasik at nagpalaganap ng ideolohiyang indibidwalismong liberal.

Ang pagkakahati sa mga uri ay nilinaw ngayon na nakaugat sa relasyon ng kaparaanan ng produksyon sa halip na sa kahinaang moral ng tao.Ibinunga ng naturang kaparaanan ng pagkakahati ng lipunan sa dalawang nagkakatunggaling panig; sa isang panig ng ilang may-ari ng mga kaparaanan ng produksyon at sa kabila ang nakararaming nagbibili ng laks pang-isip at pambisig. Hindi makatarungan ang ibinungang ugnayang panlipunan.Impersonal, walang damdamin, di makatao ang nalilok na ugnayang panlipunan ng paggawa na nakasalalay sa pagsasamantala’t paniniil ng puhunan sa paggawa.

Sa masaklaw at palagom na pagtingin, kung baga sa timbangan, nasa isang dulo ang uring nagmamay-ari sa mga kaparaanan ng paggawa at sa kabila naman ang masa na natiwalag bilang pangunahing lakas ng produksyon kaya’t naging isang bagay na mabibili o mababayarang manilbihan sa puhunan. Sa maikling salita, napasailalim ng puhunan ang

117

paggawa. Sa ganitong kalagayan o kaayusan hindi maiiwasang hindi naging tagibang ang ugnayan ng mga uri. Hindi maiwasang hind imaging mapagsamantala’t mapaniil ang ugnayan yamang ito ay itinakda ng kalikasan ng kaayusang mala-kolonyal at mala-piyudal. Hindi mapagpantay ang magkabilang dulo ng timbangan dahil sa gaan ng ilang nasa isang dulo at sa bigat naman ng nakararaming nasa kabila. Magkasalungat ang layon at kapakanan ng dalawang uri. Hangad ng nakatataas na mapanatili ang katayuan; nais naman ng nasa ibaba na makaahon sa kinasadlakan.

Ang dalumat sa lipunan ay yaong larangan ng pagpapakatao’t pakikipagkapwa-tao ng indibidwal; ngunit makiling sa nakapangyayaring uri.Dahil dito layon ng napanyayarihang uri ang pagbabagong panlipunan upang maisakaganapan ang sariling makataong potensyal.