• Tidak ada hasil yang ditemukan

Dalumat sa Tao/Sarili: Pagpapakatao

Mahuhulo sa paglalarawan-tauhan at sa aksiyong isinadula na ang saligang pagpapahalagang iniinugan ng Dekada ’70 ay ang karapatan at pananagutan ng bawat tao na maisakaganapan ang sarili bilang indibidwal at sosyal na nilalang. Pinakatema ng nobela ang maka-taong katuparan-ang panloob na kaganapan ng indibidwal sa kanyang sarili at ang panlabas niyang kaganapan sa kanyang lipunan. Mahalagang tungkulin ng bawat tauhan ng nobela na alamin at kilalanin ang kani-kanilang sarili upang maisakaganapan ang kanilang sarili upang mai-sakaganapan ang kani-kanilang makataong potensyal.

Pinakapangunahing krisis na kinaharap ng pangunahing tauhan, ni Amanda, ang pag-alam sa kung ano’t sino siya bukod sa pagiging asawa’t ina. (p. 174)

110

Balintuna, sapagkat sa kanyang pamilya ang patakarang pinaiiral ng padre de pamilya, ni Julian, ay hayaang ang mga anak ang magpasiya kung anong karera o buhay ang nais nila. Si Gani ay nag-US Navy; si Jules ay sumapi sa kilusang armado; si Em ay naging manunulat na komited; at si Bingo, na kumukuha ng inhinyeriya bilang pagsasaalang-alang sa ama, ay malamang criminology na ang kunin na siya niyang talagang hilig matapos maipaunawa ng ina na “Isang bagay lang ang makaka-please kay Dad….Yong makita niya na maligaya kayo sa pinili n’yong buhay!” (p.204)

Ang nagpapakatao ay mapagkakatiwalaan. Handa nitong isabalikat ang tungkulin hindi lamang sa sarili kundi lalong higit sa kaanak, sa kapwa, sa pamayanan, at sa bayan. Higit sa lahat siya ay may mga pagpapahalaga, paniniwala’t prinsipyong pinaninindigan sukdang pag-alayan, kung kinakailangan, ng buhay. Kinilala’t tanggap ni Julian na tulad ng kanyang si Jules, karapatan din ng iba na sundin ang sarili nila, hanapin ang katuparan nila, at manghawak at panindigan, pumatay man o mamatay, ang kanilang prinsipyo. Sa gayon anya nalilikha ang lalaki. “Every man should have

something he’d die for… A man who had nothing he’d die for is not fit to live.”

(p.52)

Sa simula malalim ang panghahawak ni Julian na ang indibidwal ang umuugit sa sariling kapalaran sa pamamagitan ng sariling pagsisikap. Masusukat ang halaga ng indibidwal sa pamamagitan ng pag-asa sa sarili, ng pagtitiwala sa sariling kakayahan, at pagpupunyaging mapaunlad ang kalagayan sa buhay.Pinanghahawakan niyang ang kaparaanan sa pagsasakatuparan nito ay ang edukasyon – ang pagkakaroon ng mabuting propesyon tulad ng medisina, abogasiya, arkitektura o kaya’y inhinyeriya – mga propesyong may silbi’t ambag sa kaunlaran di lamang ng sarili kundi maging ng bayan.

Ngunit nang lumaon sa pamamagitan ng paglilimi’t pagkilos nagawang maligtasan nina Amanda, Julian, Jules, at Em ang pagkatiwalag na ibubunga ng ideolohiyang indibidwalismong liberal. Gayunman, mangyayari lamang ito kung natagpuan na nila ang tunay na pagkatao/sarili. Palibhasa’y hindi na puno ng agam-agam hinggil sa sarili kanilang napagtanto na ang kaganapan ng sarili ay nasa pakikiisa sa kapwa – sa nakararaming api – at pakikiisa sa kolektibong pagkilos ng sambayanan.

111

Unti-unting nasasangkot ang mag-asawang Amanda’t Julian sa tunggaliang ideolohikal dahil sa ginawang paglahok dito ng mga anak: ni Jules sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, ni Em sa pamamagitan ng panulat.Nagiging pansamantalang kanlungan ng mga nagiging biktima ng karahasan ng tunggaliang ideolohikal na binigyang-buhay ng mala-kolonyal at maka-uring lipunan. Nasisiyahan ni Amandang “maging pansamantalang ina’t yaya ng mga sugatan pero matatapang na tao sa kasalukuyang panahon” sapagkat natuklasan niya sa kanila na siya ay mayroon pang silbi, may magagawa’t maiaambag sa mundong ito bukod sa pagiging asawa’t ina (p.205). At katuwang niya si Julian na tama ang ginagawa-ang pinaninindigan-ni Jules.Sa pagkamulat na ito kanyang napagpasiyahan na manatili sa Pilipinas (iminumungkahi ni Ganing i-petition ang mga magulang upang makasama niya sa EU) sapagkat “narito ang laban” (p.205).

Tinurol sa nobela na sa kasalukuyang yugto ngating kasaysayan bawat mamamayan ang kinakailangang tumayo’t mabilang sa alinman sa dalawang magkatunggaling panig: sa sumisikil sa ating pagpapakatao o sa lumilinang nito. Sa pagbaka sa mga batayang suliranin ng lipunan/bansa, kailangang matuon ang pagsisikap at pagkilos ng bawat indibidwal bilang bahagi ng higit na malawak na pagkilos ng sambayanan tungo sa kalayaan pambansa’t panlipunana.

Isinadula sa Dekada ’70 ang pagbabanyuhay ng ideolohiya mula sa indibidwalismong liberal tungo sa nasyonalismo na ang linyang pulitikal sa kasalukuyang antas ng tunggaliang ideolohikal ay pambansang demokrasiya.Nilinaw na ang kamalayang makauring tinaglay ng pangunahing tauhan sa pagtatapos ng nobela ay humihigit sa kamalayang makakapwa o makalipunan.Hindi na lamang pakikiramay sa mga kapuspalad saan mang saray panlipunan nabibilang ang binigyang-diin kundi ang pagkamalay ng pagkabilang sa isang uri at ng pakikipaglaban sa kapakanan ng naturang uri. Makamasa ang kamalayang makauring ibinabandila ng nobela. Binubuo ng mga uring pinagsasamantalahan sa lipunang mala-kolonyal at mala-piyudal ang masa ng sambayanan. Ito ang mapanlikhang lakas ng kasaysayan na siyang magbubunsod ng pagbabagong panlipunan. Umaalinsunod na ang halaga ng indibidwal ay nasa paglilingkod sa masa ng sambayanan at sa pagtatalaga sa rebolusyunaryong kilusan nito. Sa pagkalinang ng kamalayang makauri ng indibidwal kanyang nailalagay sa dapat kalagayan ang mga pansariling pangarapin sa buhay. Ipinatanaw ng nobela na ang kaganapan ng pagpapakatao/sarili ay nasa pakikiisa’t pagtataguyod sa

112

rebolusyunaryong mithiin ng sambayanan: ang mapalaya ang sarili sa pagkatanikala sa mga lakas na umuunsiyami sa kanyang pagiging tao nang sa gayon ay maitayo ang isang tunay na makataong lipunan. Sabi nga ni Jules sa ina: “Mahal ko’ng anak ko.. para sa mga batang gaya niya kaya kami andito! Gusto namin ng mas magandang lipunan para sa kanila!” (p.135). At sa ama: “…Rev (ang kanyang anak)… kasali siya sa mga batang gusto naming mabigyan ng mas maganda’t maayos at makataong lipunan.Para sa kanya at sa iba pang mga batang gaya niya kaya mahalagang magkaro’n ng pagbabago.” (p.187)