Charlie Samuya Veric
De La Salle University–Manila [email protected]
Abstract
An assessment of the debate between E. San Juan Jr. and Virgilio S. Almario, the essay inquires into what it calls the planetary unconscious of Filipino literary production. The essay is divided into two parts. The first part explains the historical context that informs the San Juan-Almario debate. The second part focuses on the planetary implications of their exchange. The essay argues that Filipino literature should be viewed from a more planetary perspective. Moreover, it suggests that the example of Filipino literature has much to contribute to the reinvention of world literature as a practice and concept, one that provides a counterpoint to the field’s Goethean origins.
Keywords
Filipino diaspora, planetarity, world literature About the Author
Charlie Samuya Veric holds a PhD in American Studies from Yale University where he was a former member of the Working Group on Globalization and Culture, the Initiative on Race, Gender, and Globalization, and the Photographic Memory Workshop. He currently sits on the Technical Panel on Literature at the Commission on Higher Education of the Republic of the Philippines. Also a poet and translator, his current research experiments with world systems theory and close cultural analysis.
Ang DApAt MAbAtiD ng pLAnetAryong FiLipino:
SAn JUAn VerSUS ALMArio
AlAm Kong KAbAliwAn ang pumagitna sa umpugan nina E. San Juan, Jr. at Virgilio Almario, dalawang higante sa kritisismo at panulaang Filipino. Pero wala
akong ilusyong maging bagong Bernardo, o dili kaya’y Bernarda, Carpio. Kung pumapagitna man ako, hindi ito pakikisawsaw sa alitan ng iba, kundi pakikisangkot.
Dahil lahat tayo, mga Filipino sa buong planeta, ay may nakataya sa palitan ng
dalawang kritiko. Nais ko, kung gayon, na mabigyang pansin ang mga bagay na pakiwari ko’y tinatanghal ng kanilang palitan: mga alegorya at apostasiya, mga signos sa kasalukuyan at hinaharap ng kritisismong Filipino.
Bago ko dalumatin ang kanilang debate, hayaan muna ninyo akong mailahad ang pagkukrus ng aming landas, isang pagsalikop ng mga karanasan sa iba’t ibang pook mula Diliman patungong New Haven, at mula sa huli, pabalik ng Maynila.
Ang historikal na pagsalikop na ito ang siyang nagtakda upang aking mabusisi, dito at ngayon, ang kahulugan ng mga ideya ng dalawa sa pinakamahalagang nabubuhay na intelektuwal na ipinanganak sa Pilipinas. Ano ang kwento ng mga pagtatagpong ito?Uunahin ko ang pagtatagpo namin ni Almario na siyang naglathala ng dalawa kong artikulo sa Bulawan na kanyang dating pinamatnugutan.1 Samantala, nadaluhan ko rin bilang estudyante ng komparatibong panitikan sa UP Diliman noong huling bahagi ng dekada 90 ang kanyang panayam sa Balay Kalinaw kung saan tinalakay niya ang Bagong Pormalismong Filipino.2 Isa ako sa mga nagtanong sa kanya. Ani ko, parang magkatunog lamang ang Bagong Lipunan, Bagong Kritisismo, at Bagong Pormalismong Filipino. Ano ngayon ang bago, dagdag ko?
Kinabukasan, nakasalubong ko si Lilia Quindoza-Santiago na dati kong guro sa isang kurso sa Araling Pilipino. May nakapagsabi raw sa kanya na may “bomba”
akong pinasabog sa Balay Kalinaw. Ganito ako noon, noong bata pa si Sabel, wika nga, laging nagpapasabog ng mga bagay.
Nang muli kong makita si Almario makalipas ang ilang taon para kunin ang honorarium para sa artikulo ko tungkol kay Jose Garcia Villa, mabuti ang kanyang turing sa akin. Mabilis ang usapan namin sa kanyang opisina sa ikalawang palapag ng Faculty Center, sapat na panahon marahil iyon upang maikabit niya ang aking mukha sa aking pangalan. Isa na siyang Pambansang Artista at Dekano ng Kolehiyo ng Arte at Literatura noon, habang ako nama’y naghahandang umalis ng bansa para sa araling doktorado.
Samantala, kasama sina San Juan at Delia Aguilar sa mga unang kumupkop sa akin pagdating ko sa Amerika. Nakatira sila sa Storrs na halos dalawang oras ang biyahe mula sa New Haven kung saan ako pansamantalang nanirahan habang nagpapakadalubhasa sa Araling Amerikano sa Yale. Malimit kaming magkita.
At kapag napapadaan sila sa akin, pumupunta kami sa mga restawrang Intsik o Indian na paborito ni San Juan. Sa huling bahagi ng aking pananahanan sa New Haven, dinaluhan namin ang konsyerto ng Madrigal Singers na nagtanghal isang araw sa taglagas sa Marquand Chapel ng Divinity School. Nakaupo kami sa harap, at habang pinagliliyab ng tinig ng mga kayumangging anghel ang puting kapilya, bumaling ako sa mag-asawa at pabirong nagsabing, “It’s the day the singers came.”
Samakatwid, makahulugan ang samahan namin nina San Juan at Aguilar, pinanday sa magkabilang panig ng Pasipiko at higit na pinatatag ng mga kolaborasyong intelektuwal, kundi man ng natatanging pangarap para sa lahat ng kababayan natin na nasadlak sa apat na sulok ng mundo.
Nagsimula ang lahat ng ito sa UP Diliman kung saan inorganisa ko bilang mag- aaral ang sub/berso, isang serye ng mga panayam na tinampukan ng mga kritiko at artista sa kampus tulad nina Luisa Mallari-Hall bago siya sumakabilang buhay, Edel Garcellano, Gelacio Guillermo, Bienvenido Lumbera, Neferti Tadiar, Caroline Hau, Jason Banal, Neil Doloricon, at iba pa. Naimbitahan ko minsan si San Juan na magsalita sa sub/berso. Hindi nagtagal at naging rebyuwer ako ng ilan niyang mga akda. Sa New Haven, naisalin ko sa Ingles ang kanyang mga tula sa Filipino na tinipon sa Mahal Magpakailanman. Pagbalik ko sa Maynila matapos ang aking doktorado noong nakalipas na taon, nagturo ako sa De La Salle kung saan isa ako sa mga nagtaguyod upang makapagbigay siya ng panayam na kanya ring binasa sa Ateneo. Tinalakay niya rito ang semiolohiya ni Charles Sanders Peirce kasama ang
tula ni Cirio H. Panganiban na siyang pinag-ugatan ng palitan nila ni Almario.3 Mahalagang banggitin na makailang ulit nang natalakay ni San Juan ang mga masalimuot na ideya ni Peirce, isa rito ay nangyari sa pahina mismo ng Kritika Kultura.4 Dito binuno nina San Juan at Ubaldo Steconni ang puno’t dulo ng kaisipan ni Peirce. Sa kanyang sanaysay, pinagtagni-tagni ni San Juan ang semiolohiya ni Peirce, ang kampanyang global laban sa terorismo, at ang nobela ni Michael Ondaatjee para mabuo ang tinatawag niyang siyensa ng pragmatikong esteteka, isang pamamaraan ng pagbasa na obhetibo at diyalektiko. Pagbasa itong materialista na pumapanig sa ideyang kasaysayan ang ugat ng lahat ng pagsisiyasat. Binanatan ni Steconni ang naturang pamamaraan. Aniya, pwersahang ginamit ni San Juan ang kaisipan ni Peirce para maisulong ang kanyang layuning politikal. Dagdag pa ni Steconni, hindi naipaliwanag ni San Juan ang palaisipan ng pagtalikod ni Peirce sa ordinaryong kalakaran upang masuri nito ang mga dakilang katanungan.
Inilathalang muli ni San Juan ang kanyang sanaysay kasama ang naging tugon niya kay Steconni sa From Globalization to National Liberation bilang “Knowledge, Representation, Truth: Lessons from Charles Sanders Peirce.”5 Sa librong ito, itinampok din ni San Juan ang maikli kong sanaysay tungkol sa Balikbayang Mahal, koleksiyon ng kanyang mga tula at salin, kung saan binusisi ko ang poetika ng paglalakbay at ang konsepto ng planeta bilang Inangbayan.6 Batay sa panukala ni W. E. B. Du Bois, iminungkahi ko ang kahalagahan ng dalawahang kamalayan o diasporikong sensibilidad sa panulaan ni San Juan na nagpapamalas ng pagkakahambing ng karanasang Filipino at ng pagdanas ng mga Afrikano Amerikano. Para sa dalawang komunidad, mahihinuhang ang batayang karanasan
ay kumakawala sa bansa at umuugnay sa maraming kasaysayan.
Ano ngayon ang saysay nitong pagbabalik-tanaw? Maaaring pagbubuhat ito ng bangko para sa iba, subalit mahalagang mailarawan ko kung paano pumaloob ang agos ng buhay ko sa buhay nina San Juan at Almario. Sa madaling sabi, naging saksi ako sa mga kasaysayang tinahak nila — isang tagamasid sa ilan sa kanilang mga mahahalagang panukala. Ito na rin marahil ang sanhi kung bakit ako nasali sa usapang ito. Samakatwid, nililinaw nitong pagbabalik-tanaw na sadyang malawak ang larangan ng kasaysayan. Na bago pa man ang panayam ni San Juan tungkol kay
Peirce sa De La Salle, may malalim nang alala na nag-uugnay sa iba’t ibang panahon at tauhan. Na malayo man ang Storrs sa Maynila, malapit din. Na magkaiba man ang karanasan, magkadikit din. Na ang personal ay kritikal. Na binubuo ng nakalipas ang politika ng kasalukuyan. Kung gayon, ang paglagom sa palitan nina San Juan at Almario ay pagtawid sa mga sangandaang planetaryo ang saklaw.
Hindi ko na babalikan pa ang mga detalye ng pagsasangandaan nina San Juan at Peirce. Sapat nang sabihin na makabuluhan ang pag-unawa ng una sa pilosopiya ng huli bilang sosyalistang semiotika na taliwas sa personal na pragmatisismo na ang layon ay makasariling pagpapayaman lamang. Isantabi natin pansamantala ang semiolohiya ni Peirce at tutukan nang mabuti ang mga di-tuluyang nasasabi subalit tuwirang inilalahad ng palitan nina San Juan at Almario. Ano, halimbawa, ang kasaysayang nakapaloob sa palitan ng dalawa at paano nito tinatanghal ang mga posibilidad ng panitikan at kritisismong Filipino? Sa mga susunod na bahagi ng sanaysay na ito, tatangkain kong unawain ang mga signos, at pag-uugnayin sila, upang tuluyang mawari ang kinakaharap ng panitikan at kritisismong Filipino.
Pansinin ang simula ng tugon ni Almario na kumalat sa internet matapos ang panayam ni San Juan: “May bagong tuklas na naman si E. San Juan, Jr. para sa ating mga tagahanga ng Karunungang Kanluranin. Si Charles Sanders Peirce.”
“[A]t nakalulungkot,” aniya, “na hindi natin natutuklas sa kabila ng mataos na pagkahumaling natin sa mga kritikong Amerikano.” “Mabuti’t may tulad ni San Juan,”
dagdag ni Almario, “na kailangang dalawin tayo sa pana-panahon at buksan ang ating mga mata sa mga bago’t magandang balita mula sa Estados Unidos.” Mapang- uyam ang tono ni Almario: mapagbiro, makamandag. Tinig ito ng subersibong payaso, tinig na hindi na rin bago sapagkat matagal nang armas ng poskolonyal na utak ang parikala. Ang kakaiba rito, ang kabalintunaan mismo, hindi nagsayang ng oras si Almario at ipinambala ang parikala laban kay San Juan na isang poskolonyal at materyalistang kritiko.
Sa unang tingin, masasabing paglulon ng sariling salita ang banat ni Almario.
Maaalala, halimbawa, na tinuligsa ng una ang “ugaling pangginggera” sa panitikan noong dekada sisenta kung saan walang nangyayari, ayon na rin sa kanya, kundi
“pataasan ng ihi ng magkaibang kapisanan” (18).7 Kung hindi man pataasang ihi ang ginawi ni Almario, malinaw na personal ang atake niya kay San Juan. Sa email na ipinasa sa akin, inilahad mismo ng huli ang kanyang pagkagitla sa inasal ng una.8 Kung gayon, madaling isipin na sadyang magkaiba ang kapisanan ng dalawang kritiko, at may materyal na basehan ang posisyong ito, subalit malaking kamalian na magtapos tayo sa hakang ganito. Sa ibang salita, madaling isipin na magkaibang ilog ang pinamamangkaan nina San Juan at Almario, na hindi na magtatagpo pa ang kanilang mga bangka. Subalit malawak ang dagat ng kasaysayan kung saan dumadaloy ang lahat. Nais kong mangisda, kung mararapatin, sa nasabing dagat.
Ibig sabihin, nais kong balikan ang kasaysayan upang maisapook ang palitan ng dalawang kritiko. Gagawin ko ito sa pamamagitan ng paghimay sa panimula ng
tugon ni Almario, panimulang marami ang tinutukoy. Tututukan ko ang tatlo rito:
ang personal, ang historikal, at ang metakritikal.
Una, ang personal sa biradang may bagong tuklas na naman si San Juan. Kung babalikan ang kasaysayan ng dalawa, mahihinuhang lumang hibik na ito ni Almario.
Sa unang kalipunan niya ng pampanitikang kritisismo, napuna na niya ang pagsusuri ni San Juan na “waring pagpapakita na lamang ng erudisyon ng sumusuri at di ng birtud ng makatang sinusuri” (Ang Makata 92). Nagmula ang obserbasyong ito sa pagtataya ni San Juan sa obra ni Alejandro G. Abadilla. Sa ganang akin, mababakas sa tinuran ni Almario ang suhestiyon na abanse talaga mag-isip si San Juan noon pa man, laging may bagong tuklas at pinapamansag. Malinaw ito, para kay Almario, sa mga tula ni San Juan na “may likas na kalabuan” (Ang Makata 172). Sa katunayan, parang pagbasa raw sa dyaryong Intsik ang pagbasa sa kanyang gawa. Tula ang tinutukoy rito, subalit maaring sabihing tumpak na paglalarawan ito sa kritisismo ni San Juan. Anupat nasabi ni Almario na sadyang walang “kahandaan ang lipunan sa isang tulad ni San Juan” (Ang Makata 172). Makalipas ang apatnapung taon, tumining ang kahulugan ng inusal ni Almario. Hindi pa rin handa ang lipunan ng mga Almario sa mga tulad ni San Juan.
Subalit katampalasan kung hindi ko babanggiting malalim ang respeto ni Almario sa kakayahan ni San Juan.9 Ayon nga kay Almario, “[n]asa kanyang mga obra ang pag-uugnay ng mga kalinangang Kanluranin at Silanganin, ang pagtitimbang ng diwa’t damdamin, ang pagdukal sa naaangkop na tradisyon at pagsasagap ng mga makabagong inobasyon” (Ang Makata 173). Ganito din naman, sa totoo lamang, ang tingin ni San Juan sa panulaan ni Almario.10 Maliban dito, malalim din ang kanilang ugnayan sa paglinang sa panulatang Filipino sa pangkalahatan. Matatandaang naging kontribyutor si San Juan noong dekada sisenta sa Dawn, ang pahayagang pangkampus ng University of the East na naging sentro ng kilusang modernista na kinabibilangan nina Almario, Rogelio Mangahas, at Lamberto Antonio. Mula sa Harvard kung saan tinatapos niya noon ang kanyang doktorado sa panitikang Ingles, masugid na nagpapadala si San Juan ng kanyang mga ambag sa pahayagang pangkampus.11
Malinaw, kung gayon, ang mahabang ugnayan sa pagitan ng dalawa, ugnayang pinagyaman ng kanilang simulaing humawan ng bagong larangan para sa pagsusulat sa Filipino. At minsan, na siya rin namang nararapat, nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan. Sa isang banda, ang hidwaang namagitan sa dalawa, noon man at nito lamang, ay hidwaang nakabatay sa respeto ng isa sa isa. Sa madaling sabi, maaaring atakeng personal ang tugon ni Almario kay San Juan, pero napapanahong pagpapaalala rin ito sa iisang kasaysayan ng dalawang manunulat na madaling makalimutan kung magpapatangay tayo sa silakbo ng tugon ni Almario. Pero sa kabilang banda, walang pasubaling pinapakita ng palitan kung paano tuluyang nag- iba ang mga landasin nila. Sa ganitong pananaw, ang kanilang palitan ay tanda ng pag-iibang isip, kundi man ng pag-iibang kulay, na siyang ugat ng kanilang debate.
Dito ngayon papasok ang pangalawang bagay na pinapangalanan ng tugon ni Almario, ang usaping historikal na sa kahuli-huliha’y hindi maihihiwalay sa kanilang desisyong personal. Muli nating balikan ang panimula ng tugon ni Almario. Aniya, mabuti na lamang at may tulad ni San Juan na dumadalaw sa atin sa pana-panahon at nagdadala ng mga magagandang balita mula sa Estados Unidos. Mababatid sa banat ni Almario ang pag-uugnay sa dalawang bahagi ng ating kasaysayan, ang epoka ng kolonyalismo at neokolonyalismo. Makabuluhan ang pagbanggit niya sa pagdalaw ni San Juan sapagkat nagpapaalala ito sa historikal na relasyon sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas. Ang kakaiba sa pagpapaalalang ito, tulad ng kaibahan ng parikalang ipinambala ni Almario laban kay San Juan, ay ang nakakamanghang pagtatalaga ng una sa huli bilang kinatawan ng neokolonyalismo.
Kung gayon, binubuhay ni Almario ang multo ng neokolonyalismo sa persona ng poskolonyal at materyalistang kritiko. Tila baga bagong pensionado si San Juan sa mata ni Almario, sugo ng neokolonyalistang Estados Unidos para dalawin tayo at biyayaan ng pinakabagong tuklas mula sa imperyo. Ito ang multong historikal sa tugon ni Almario at inilalarawan nito ang malalim na bitak sa hanay ng mga intelektuwal, Filipino at Filipino Amerikano, sa magkabilang bahagi ng Pasipiko.
Para sa mga tulad ni Almario, hiwalay ang kasaysayang kinakaharap ng mga tulad ni San Juan sa kasaysayang kinakaharap ng mga naririto. Ito, sa madaling sabi, ang lamat sa pagitan ng posisyong katutubo (pantayo) at diasporiko (panlabas). Mula Makata sa Panahon ng Makina hanggang Pag-unawa sa Ating Pagtula, halimbawa, kakikitaan ng pagkiling sa katutubo si Almario. Sa huling libro, iginiit niya na ang
“panitikang likha ng manunulat na Filipino [ay] para sa mambabasang Filipino” (18).
Ano ngayon ang kahihinatnan ng panitikang Filipino Amerikano? At paano na ang likha ng mga Filipino Koreano, Filipino Mehikano, at iba pang diasporikong identidad? Aling mambabasa ang tatangkilik sa kanila? Kung gagamitin ang lente ni Almario, magkasalungat ang mga karanasang diasporiko at katutubo. At para sa kanya, umiba ng landas si San Juan nang tumulak ito pakanluran at doon manirahan bilang naturalisadong mamamayan ng Estados Unidos.12
Samantala, si Almario ang siyang nawalay sa tingin naman ni San Juan. At makikita ito sa pagbira ng huli sa pagbasa ng una sa tula ni Panganiban, pagbasang binansagang Marxista ni Almario. Pero kay San Juan, “[l]ubhang lihis kundi palpak ang kilates at hatol” ni Almario. Dagdag pa niya, “pormalistikong sipat ang ginamit ni Almario, mapang-uyam na karikatura ng Marxista at pormalista. Bunyag na iyo’y walang muwang o walang kinalaman sa diyalektiko-materyalistikong kritikang kultural.” Mabagsik ang hatol ni San Juan at may ipinamumukha ang banat nito. Matatandaang naging bahagi si Almario ng Panulat Para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA) na itinatag noong 1971, isang grupo ng mga aktibistang manunulat na kinabibilangan nina Lumbera, Virgilio Vitug, at iba pa. Matapos maideklara ang Martial Law noong 1972, pumailalim ang organisasyon sa kilusang lihim. Noong dekada 80, nagdesisyong kumawala si Almario at sinuportahan ang diktadoryang Marcos. Sa ganang akin, pinapaalala ng lihis na Marxistang
pagbasa ni Almario ang kanyang pagbaligtad noong Batas Militar at pagtalikod sa kilusan. Kung susuriin, ang paglihis ay walang iba kundi sintoma ng pagbaligtad. Sa madaling sabi, inilalabas ng lihis na pagbasang Marxista ni Almario ang katunayan ng kanyang pagbaligtad. Tila baga pinapalabas na walang kredibilidad na maging Marxista, kahit sa lebel lamang ng pagbasa, ang mga nagkanulo sa kilusan.
Pagmasdan ngayon ang naratibo ng pagkawalay sa birada ng bawat isa. Kung nawalay si San Juan sa bansa dahil nangibang bayan, ayon sa pahiwatig ni Almario, nawalay naman si Almario sa kasaysayan dahil nagtaksil sa kilusan, ayon sa pahiwatig ni San Juan. Bakit matingkad ang naratibo ng paglihis at pagkawalay sa kanilang palitan? Paglalahad ito, para sa akin, ng pangkalahatang kondisyon ng buhay sa dulo ng modernidad kung saan namamayani ang pagkakawatak-watak. Sa pangkalahatan, mawawari ang kondisyon ng pagkakawatak-watak sa mga komunidad na lumilitaw sa laylayan ng mga lungsod sa buong mundo, mga etnikong pamayanan na binubuo ng mga nawalay sa tinubuang lupa: migrante, manggagawa, destyero, at biktima ng gera o persekusyong politikal. Sa lebel na mas molekular, mararamdaman ang pagkakawatak-watak bilang paghahanap sa nawaglit na kabuoan ng sarili, bayan, at kalinangan. Sa aking tingin, ang buhay ni San Juan ay alegorya nito, alegoryang pinakawalan sa baul ng apostasiya ni Almario. At dahil sa kanilang palitan, hindi na tayo maaaring magbulag-bulagan sa mga bagong katanungan ng ating panahon.
Ano ang kahulugan ng bansa sa harap ng patuloy na paglitaw ng mga diasporikong komunidad sa apat na sulok ng planeta? Ano ang nag-uugnay sa mga naglalakbay na bahagi ng bayan? Ano ang kasaysayan na hindi nakatali sa heograpiya? Ano ang taong walang bayan? Sa aking pakiwari, tinatanghal ng alegorya ni San Juan ang krisis sa puso ng katutubong pananaw na kinakatawan ni Almario. Pinapakita ng una na hindi na sapat ang dikotonomiyang pantayo at panlabas, na bangkarote na ang kaisipang nagwawalang bahala sa mga karanasan na lampas sa makitid na hurisdiksiyon ng bayan, na nangangailangan tayo ng lenteng mas sinteteko ang layon, mas malawak ang pananaw, mas malalim ang pagsusuri, mas bukas at handa sa mga karanasang umuusbong sa hindi inaasahang pook, sa hindi pangkaraniwang kalagayan, sa hindi pa nasusulyapang panahon.
Ano ang ibig sabihin nito para sa panulatang Filipino? Isa lamang: dumating na ang panahong dapat suriin ang karanasang Filipino at ang panitikang kaakibat nito na planetaryo. Kung lumalawak ang karanasan, naglalakbay sa iba’t ibang pook, nararapat lamang na maging kasing lawak ang ating pag-unawa. Ibig sabihin, kailangang harapin natin ang mga nagbabagong kalagayan ng kulturang Filipino, lalo na ang panitikan nito. Mula lenteng pambansa, kailangang balangkasin natin ang mga bagong lapit na lalagom sa karanasang planetaryo. Mayabong na ang kritisismong tumatalakay sa ating panitikan gamit ang pambansang pananaw, salamat sa mga tulad ni Almario, ngunit bihira ang sistematikong pagtatangka na usisain ang mga ekspresyong kutural na hindi natatali sa heograpiya ng bansa. May aral para sa atin ang halimbawa ni San Juan na patuloy na tumutula sa Filipino sa Estados Unidos.13 Sino ang aangkin sa kanyang gawa? Hindi Amerika o Pilipinas
lamang, dahil kolektibong awit ito ng planetaryong karanasan ng mga kababayan natin sa London, Paris, Tokyo, Dubai, Madrid, Amsterdam, Hong Kong, Milan, at Singapore. At dahil marami ang paraluman ni San Juan, planetaryong layon lamang ang makakasagot sa kanyang kalatas. Samaktwid, nasa atin ngayon ang pambihirang pagkakataon upang bakasin ang planetaryong di-malay ng ating panitikan na pinapanday sa mga kabisera ng daigdig, binubuo sa pamamaraang hindi pa natin tuluyang magagap. Ito ang hamon ngayon ng planetaryong panitikang Filipino at ng kritisismo nito — ang maunawaan ang karanasang lampas sa abot-tanaw ng pambansang pananaw.
Hindi matatawaran ang kahalagahan ng hamong ito dahil kasangkot dito hindi lamang ang katangian ng panitikang Filipino kundi ang konsepto ng panitikang pandaigdig mismo. Nakasanayan nang tingnan ang panitikang Filipino bilang isang pambansang kalinangan na nakakabit sa partikular na heograpiya at wika.
Ngunit kung iisipin, nasa puso ng panitikang Filipino ang lohika at dinamismo ng panitikang pandaigdig. Sa madaling sabi, planetaryo ang tunay na kalagayan ng panitikang Filipino at kinakatawan nito ang mga posibilidad at suliraning saklaw ng panitikang pandaigdig. Ano ang saysay ng wika sa konteksto ng multilingualismo?
Ano ang ugnayan ng sentro at laylayan? Ano ang kahalagahan ng katutubo at lokal sa harap ng pamamayani ng kanluraning monokulturalismo? Paano lalagumin ang sanga-sangang tradisyon? Ito ang mga tanong na kinakaharap ng panitikang Filipino, mga tanong na nasa puso rin ng panitikang pandaigdig. Sa ganang akin, malaki ang maiaambag ng panitikang Filipino sa teorya at praktika ng mga prosesong planetaryo, ambag na kakaiba sa namamayaning pag-unawa sa panitikang pandaigdig na unang pinangalanan ni Johann Wolfgang von Goethe noong 1827 kung saan tinukoy niya ang pag-angat ng panitikang lumalampas sa bansa. Nitong huling dekada, naging saksi tayo sa muling pagbuhay sa konsepto ni Goethe sa konteksto ng ekonomikong globalisasyon at pampanitikang transnasyunalismo.
Ayon kay John Pizer, modelo ang konsepto ni Goethe para sa kontemporaryong produksiyon sa panitikan.14
Mangangahas akong sabihing hindi si Goethe, o ang kaso ng bansang Aleman noong ika-19 na siglo, ang modelo para maunawaan ang planetaryong daloy ng kultura sa ating panahon. Matagal nang nakatanghod ang mga kritiko pakanluran upang mailatag ang mga batayan para sa panitikang pandaigdig. Kung nais natin ng mas napapanahon at makabuluhang halimbawa, kung nais nating maimbentong muli ang konsepto ng panitikang pandaigdig, maaaring magsimula tayo sa panitikang Filipino. Samakatwid, natatangi ang kalagayan ng panitikang ito. Bilang isang tradisyon, kakambal nito ang mahabang kasaysayan ng modernidad. Isipin ito: kung masasabing nagmula ang modernidad sa kaisipang bilog ang mundo, nagsimula lahat ito sa paglayag ni Ferdinand Magellan at sa kanyang “pagtuklas” sa kapuluang kinalauna’y tinawag na Pilipinas. Mula noon, naging kolonya ang bansa ng tatlong imperyo — Espanyol, Amerikano, Hapones — na nagdulot ng kontra- modernong experimentasyon at inobasyon sa pangkabihasnang kaisipan.
Sa ganitong pananaw, buhay na kwadro ang kalinangang Filipino ng mga engkwentrong kultural na planetaryo ang saklaw. Masdan ang ating panitikan.
May tradisyon sa Espanyol at mabulas na produksiyon sa Ingles, mayroon tayong hindi magkulang sa pitong wikang rehiyunal, maliban pa sa pambansang wika, na may malakas na tradisyon sa panitikan: Ilokano, Kapampangan, Bikolano, Waray, Ilonggo, Kinaray-a, at Cebuano. Sa kasalukuyan, may mga manunulat tayong nakabase hindi lamang sa Estados Unidos, kundi sa Australia, Canada, at Inglatera.
Hindi magtatagal at yayabong ang panulat na magmumula sa mga diasporikong komunidad: mga panitikang Filipino Arabo, Filipino Italyano, Filipino Hapones, Filipino Aleman, at iba pa. Kung gayon, hindi kalabisang sabihing bagong kapital o ang bagong Babel ng panitikang pandaigdig ang Pilipinas. At ang palitan nina San Juan at Almario ay isa lamang sa maraming tanda nitong bagong kulturang Filipino na malawak ang saklaw. Higit pa rito, mahalaga ang kanilang palitan dahil pinapakita nito ang kontekstong anti-kolonyal kung saan sinasagisag ng pagtalunton sa panitikang Filipino ang paghahanap sa kaayusang mas mapagpalaya. Kaya ang aral ng planetaryong panitikang Filipino ay aral ng planetarismo mula sa ibaba. Ito ang planeta mula sa mga komunidad na minsan ay itinuring na walang kasaysayan, walang kalinangan, walang hinaharap. At sa hanay nitong mga komunidad magmumula ang mga bagong gawang muling bibinyag sa konsepto ng panitikang pandaigdig sa mga darating na panahon. Saan tayo magsisimula para matugunan itong bagong kondisyon?
Ang sagot dito ay nakakabit sa pangatlong bagay na tinatampok ng tugon ni Almario, ang metakritikal na aspekto. Balikan natin sa huling pagkakataon ang kanyang panimula. Ang sabi niya, mataos ang ating pagkahumaling sa mga kritikong Amerikano, kasama na si San Juan dito. Sa kilatis ni Almario, laging nakasandal si San Juan sa mga kanluraning ideya at ang kanyang diskusyon sa semiolohiya ni Peirce ay ebidensiya nito. Pero sa katunayan, at ito ang kritisismo sa kanilang kritisismo, magkatulad ang kanilang pagbasa. Mapapansin ito sa kanilang pagtalakay sa tula ni Panganiban. Sa kanyang Pag-unawa sa Ating Pagtula, halimbawa, sinasabi ni Almario na itinatampok ng tula ang magkakambal na demonyo ng modernisasyon at Amerikanisasyon: “Ang salon mismo ay mikrokosmo ng masamang buhay- lungsod, isang aliwang pangmayaman, at isang lusak na kinasasadlakan ng mga babaeng anak-mahirap. Isang uri din ito ng aliwang panggabi na sumisigabo na panahon ng Amerikano at tanghalan ng dekadenteng kulturang Amerikano” (283).
“Malinaw,” dagdag pa niya, “ang impluwensiyang Amerikano sa titulong mula sa popular noong kantang Amerikano at sa banggit sa Jazz” (283).15 Ganito rin naman ang buod ng pagbasa ni San Juan sa tula ni Panganiban, pagkakahambing na hindi niya binanggit sa kanyang panayam. Tingnan ang interpretasyon ni San Juan. “Sa palagay ko,” aniya, “ang aral dito ay hindi ‘Huwag mag-aksaya ng panahon sa sayawan sa mga kabaret,’ kundi ‘Huwag maging biktima ng superpisyal na kabihasnang mapagmataas dahil may elektrisidad, jazz, ginto, pilak, sapagkat sa huling paghuhukom, di natin mapapagkatiwalaan ang pangako ng mga iyan,
bagkus mapapariwara tayo.’ Sa huling taya, mga ilusyon lamang ang idinulot ng Amerika sa Pilipinas.” Mapapansing parehong nakatuon sina Almario at San Juan sa imahe ng salon at jazz upang maisulong ang kanilang pagbasa tungkol sa epekto ng Amerikanisasyon sa Pilipinas. Sa madaling sabi, ang salon at jazz ang batayan ng kanilang pagbasa ukol sa masamang dulot ng kulturang Amerikano.
Makabuluhan ang ganitong pagbasa, ngunit may pundamental na limitasyon.
Una, aling Amerikano ang tinutukoy dito at kaninong kultura? Kulturang puti o dominante lamang ba ito? Nakatali ba ang kulturang ito sa bansa? Kung uusisain ang kasaysayan ng jazz bilang musika, malalamang mas malawak ang sinasaklaw nito, kasaysayang di maipapaloob sa iisang bansa o layon. Hindi patay ang estetiko at pandamdam ng jazz, subalit buhay na alaala ng mga aliping inangkat mula sa Kanlurang Africa, kung saan nagmula ang karamihan sa kanila, patungong Bagong Mundo. Ayon nga kay Nathan Huggins, mahalagang batis ng kasaysayan ng mga Afrikano Amerikano ang jazz na may bahid din ng kulturang Europeo.16 Batay dito, kasaysayan ng tatlong kontinente — Amerika, Europa, Afrika — at ng karagatang Atlantiko ang taglay ng jazz. At kung isasali natin ang halimbawa ni Panganiban,
mauungkat ang kasaysayan ng kontinenteng Asya at ng karagatang Pasipiko.
Ang mas mahalaga, mapapansing hindi nakapako ang jazz sa monolitikong pagbasa kapag sinuri ang tula ni Panganiban. Sa isang banda, senyas ito ng kultural na impluwensiya ng Amerika sa Pilipinas — isang kanluraning modernisasyon para kay Almario at ilusyong imperyalista naman para kay San Juan. May batayang historikal ang ganitong pagbasa dahil nailathala ang tula noong 1955 kung kailan namayagpag ang jazz dahil sa mga sundalong Amerikano na nakabase sa bansa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matatandaang dinadayo pa ng mga musikerong Filipino ang mga base militar noon para magbigay aliw sa mga nakadestinong GI. At hindi lamang sa Pilipinas namayani ang ganitong kondisyon dahil may kuwento na nailabas noon ding 1955 si Yukio Mishima kung saan kinahuhumalingan ng mga Hapones ang jazz. Batay dito, masasabing malawakan ang pagtukoy sa musika bilang instrumento ng Amerikanisasyon sa Asya.17 Pero sa kabilang banda, higit na komplikado ang jazz bilang senyas. Balikan natin ang tula ni Panganiban kung saan orkestrang jazz ang tumutugtog sa salon na lunan ng Amerikanisasyon. Dahil sinasalamin ng jazz ang masamang epekto ng dominanteng kultura, masasabing kritikal na komento rin ang musika sa proseso ng kultural na imperyalismo. Multidimensiyonal, kung gayon, ang jazz. Sa katunayan, may radikal na ginampanan ang musika sa anti-kolonyalismo dahil mga sundalong Afrikano Amerikano ang unang nagpatikim ng jazz sa mga Filipino. Mga sundalo
itong sumapi sa rebolusyonaryong hukbo ni Emilio Aguinaldo bunga na rin ng rasismo sa hanay ng mga tropang puti sa kasagsagan ng Gerang Filipino Amerikano (Quirino).18
Hayaang arukin ng imahinasyon, kung kakayanin, ang nasasakupan ng musikang ito. Kaya masasabing akostikong salon ang jazz ng maraming kasaysayan at kultura, nagsisilbing mikrokosmo ng makrokosmo. Sa ibang salita, isa itong pampublikong
tagpuan ng maigting na pagtatagisan ng magkaiba, magkasalungat, subalit magkasalikop na kasaysayan, estetika, at tradisyon ng buong planeta. Kaninong armas, kung gayon, ang jazz? Armas ba ito ng kulturang dominante o ng kulturang galing sa ibaba? Ang tumpak na sagot sa nasabing katanungan ay nangangailangan ng mas malawak na perspektibo na bumabalikwas sa anumang simplipikasyon.
Samaktwid, ito ang aral ng kaisipang planetaryo: walang madali, walang simple, dahil lahat ay magkaugnay. Ang kalahatan ng planeta, kung hahalawin ang imahe ni Panganiban, ay isang salon. Gayundin ang palitan nina San Juan at Almario na nagtatanghal sa bagong karanasang planetaryo ng mga Filipino ngayon, salon itong malaki at maluwang na lunan ng iba pang palitan na nagtakda sa mga bagong yugto ng ating kasaysayan: Lopez versus Villa, Sison versus Lava, at marami pang iba.
Kung nais nating matugunan ang bagong hamon ng planetaryong Filipino, kakailanganin natin ng kasinglawak na pananaw na hahango sa katutubo at diasporiko upang masinop na madalumatang mga karanasan ng ating panahon. Kakailanganin din natin ang tulong ng mga tulad ni Peirce sa ating patuloy na paghahanap, wika nga ni San Juan, “ng kasunduan sa pangkat ng mga matiyagang nagsisiyasat, gumagalugad, nananaliksik, dumudukal, sumusuyod, nagpapaunlad — mga katagang lapat sa ebolusyonaryong pangitain ni Peirce tungkol sa pagsulong ng sangkatauhang kabihasnan.” Dahil ang nais para sa buhay na malaya ay layuning walang bansa, walang dayuhan o katutubo sa sangkatauhang kabihasnan na nagnanais ng kalayaan para sa lahat. May pook dito ang mga San Juan, Peirce, at Almario na ating gabay sa pagbalangkas ng bagong humanistang planetarismo na mag-uugnay sa lahat ng mga komunidad, kaisipan, at gawaing mapagpalaya. Sa ibang salita, ang pagdalumat sa karanasang planetaryo ay kinakailangang bukas at demokratiko, mapagtanggap at mapagpalawak. Pagpapaalala ito sa ating lahat na ang tagisang kultural ay hindi lamang proseso ng oposisyon, kundi ng sirkulasyon;
hindi lamang ng pakikipag-buno, kundi ng pakikipag-alyansa; hindi lamang ng pagsuway, kundi ng pag-unawa. Ito ang diwang makikita sa pagtalakay ni San Juan sa Tagala sa obra ni Peirce. Ibig kong magtapos sa imahe ng Tagalang ito at hayaang manatiling bukas ang aking pagwakas.
Isipin, sabi ni Peirce, ang isang Amerikanong estudyante na naglalakbay sa karagatang Pasipiko. Habang nasa laot, sinulat niya sa kapirasong papel ang mga salita ni Patrick Henry noong panahon ng Rebolusyong Amerikano — ang tatlong milyong mamamayan na tumitindig para sa kalayaan ay hindi palulupig sa anumang lakas na dadaluyong sa kanila. Liliparin itong papel at matatagpuan ng Tagalang walang pangalan sa baybayin ng Luzon. Ayon kay Peirce, magkakaroon ng parehong epekto ang mga salita sa kinapadparan nito sapagkat ang anumang layuning mapagpalaya na napapangalanan sa isang pook ay maisasakatuparan din sa iba. Ani San Juan, kaila kay Peirce ang tradisyong rebolusyonaryo ng ating kasaysayan mula kay Raja Soliman hanggang kay Cherith Dayrit, ngunit makabuluhang makipagbalikatan tayo sa Amerikanong pilosopo. Narito ang sabi ni San Juan. Narito rin ang kamalayang planetaryo mula sa ibaba:
Hindi na natin kailangang basahin si Patrick Henry. Gayunpaman, dapat pahalagahan ang alyansiyang inihandog ni Peirce at iba pang aktibistang intelektuwal ng ibang bansa. Kailangan ito sa pagsasakatuparan ng simulain ng Nagkakaisang Hanay. Bukas-makalawa — sundan natin ang alegorya ni Peirce — mahahagilap din natin itong Tagalang ito sa madlang gumagala sa ating dalampasigan, naglalakbay sa iba’t ibang lupalop ng daigdig, kabilang sa mahigit na 10 milyong Pinay/Pinoy na gumagala sa buong planeta, pinagsalikop sa mapagkandiling abot-tanaw ng kaisipan ni Charles Sanders Peirce. Matatagpuan natin sila, makikipagtulungan at patuloy na makikipagtalikan. Mabuhay itong natatanging balikatang mapagpalaya’t makatarungan!
Mabuhay itong natatanging balikatang mapagpalaya’t makatarungan! Mabuhay itong natatanging balikatang mapagpalaya’t makatarungan!
notes
1. Tingnan si Veric, “The Disentangling” at “Jose Garcia Villa.”
2. Tingnan ang pagtalakay ni Almario sa Bagong Pormalismong Filipino sa Pag- unawa sa Ating Pagtula.
3. Tingnan sina San Juan, “Kahulugan, Katwiran, Katotohanan”; at Almario, “Si San Juan Bilang Interpretant.”
4. Tingnan si San Juan, “Signs, Meaning, Interpretation”; at Steconni.
5. Tingnan din si San Juan, Critical Interventions.
6. Veric, “The Planet as Homeland.” Nailathala rin ang rebyung ito sa ilang dyornal sa Pilipinas at Estados Unidos. Tingnan din si San Juan, Balikbayang Mahal.
7. Tingnan si Almario, “Ang Filipino sa Kritisismong Filipino.” Nararapat banggitin na naisama sa antolohiyang ito ang sanaysay ni Almario tungkol kay Panganiban at may sanaysay din si San Juan sa nasabing libro.
8. Personal na email ni E. San Juan, Jr. 16 Apr. 2012.
9. Pansinin, halimbawa, ang papuri ni Almario sa mga gawa ni San Juan noong dekada sisenta: “At kaipala, ang inihahandog niya ay manigong landas upang idugtong sa gasgas na’t putol na tradisyon nina Balagtas at Batute. Taglay ang ganitong kadalubhasaan at intensiyon, na kay San Juan na rin ang lahat ng pagkakataon upang binyagan ng bagong pangalan ang Panulaang Pilipino”
(Ang Makata 186).
10. Nabanggit ni Almario sa Balagtasismo Versus Modernismo ang pahayag ni San Juan tungkol sa antas ng intelektuwalisasyon sa kanyang tula. Nailathala ang akda ni San Juan sa Dawn mismo (tingnan ang “Sining at Rebolusyon”). Narito ang diskusyon ni Almario: “Ang wika at pamamaraang Modernista ay anino lamang o pang-ibabaw na antas ng higit na malalim na hidwang pagtanaw sa daigdig sa panig ng mga Balagtasista. Ito ang ang panukalang katwiran ni San Juan sa pagtatanggol na tumpak ang salitang ‘makinasyon’ sa halip na ‘mekanisasyon’
sa tula ni Alma. Ang antas ng intelektuwalisasyon sa tula ni Alma — na wika nga ni San Juan ay ‘malinaw na katibayan na ang kamalayang rasyunal na tao ay siyang mabisang lakas sa pagpapahalaga at pagpapakahulugan sa lahat ng bagay sa daigdig” (Balagtasismo 249).
11. Bilang editor, isinama ni Almario ang mga tula ni San Juan sa Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino na naglalaman ng mga obra mula kay Julian Cruz Balmaceda hanggang Jesus Manuel Santiago.
12. Natukoy ni San Juan ang sentimyentong ito sa tulang “Biyernes ng Hapon sa Oktubre” kung saan binabalikan ng persona ang kutob at kilabot na kanyang naramdaman bago ito “naglakbay patungong Amerika” (9). Nagbabalik-tanaw ang persona at ang kutob at kilabot na kanyang naramdaman noon ay naging realidad sa kasalukuyan kung saan namamayani ang terorismo ng imperyo.
Napagtanto ng persona na nasa tiyan siya mismo ng hayop ng imperyalismo.
Tingnan ang tula ni San Juan sa Mahal Magpakailanman: Poems in Filipino and English.
13. Ukol dito, tingnan si Veric, “What, and Where, is Philippine Studies?”
14. Tingnan din sina Damrosch; at Casanova.
15. Pahabol pa ni Almario: “nagtataglay din [ang tula ni Panganiban] ng mga binhi ng wika’t buhay na dulot ng Amerikanisasyon — bagaman naiiralan pa rin ng pamumunang Balagtasista — at maaaring ituring na palatandaan ng di- maiiwasang pagkiling ng mga edukadong makata sa modernong kultura ng bagong mananakop” (Pang-unawa 285).
16. Maliban kay Huggins, tingnan din si Panish.
17. Tingnan ang kuwentong akda ni Mishima, “Swaddling Clothes.”
18. Mahalaga ring banggitin na isa sa mga una at pinakamahalagang komposisyong jazz sa Pilipinas ay tumatampok sa katutubong kultura, ang “Igorot Rhapsody”
ni Angel Peña.
Sanggunian
Almario, Virgilio S. Balagtasismo Versus Modernismo: Panulaang Tagalog sa Ika-20 Siglo. Quezon City: Ateneo de Manila UP, 1984. Print.
——— . “Ang Filipino sa Kritisismong Filipino.” Kilates: Panunuring Pampanitikan ng Pilipinas. Ed. Rosario Torres Yu. Quezon City: U of the Philippines P, 2006. Print.
——— . Ang Makata sa Panahon ng Makina. Diliman, Quezon City: U of the Philippines P, 1972. Print.
——— . Pag-unawa sa Ating Pagtula: Pagsusuri at Kasaysayan ng Panulaang Filipino.
Pasig City: Anvil, 2006. Print.
——— . “Si San Juan Bilang Interpretant.” Kritika Kultura. Web. 30 Aug. 2012.
——— , ed. Walong Dekada ng Makabagong Tulang Pilipino. Manila: Philippine Education Co., 1981. Print.
Casanova, Pascale. World Republic of Letters. Cambridge: Harvard UP, 2004. Print.
Damrosch, David. What is World Literature? Princeton: Princeton UP, 2003. Print.
Du Bois, W.E.B., The Souls of Black Folk. Chicago: A.C. McClurg & Co., 1903. Print.
Huggins, Nathan. Harlem Renaissance. Oxford: Oxford UP, 1971. Print.
Mishima, Yukio. “Swaddling Clothes.” Death in Midsummer and Other Stories. New York: New Directions, 1966. Print.
Panish, Jon. The Color of Jazz: Race and Representation in Post-War American Culture.
Jackson: UP of Mississippi, 1997. Print.
Pizer, John. “‘World Literature’ Paradigm and Contemporary Cultural Globalization.”
Comparative Literature 53.3 (2000): 213-27. Print.
Quirino, Richie. Pinoy Jazz Traditions. Pasig City: Anvil, 2004. Print.
San Juan, Jr., E. Balikbayang Mahal: Passages from Exile. Storrs: Philippines Cultural Studies Center, 2007. Print.
——— . Critical Interventions: From James Joyce and Henrik Ibsen to Charles Sanders Peirce and Maxine Hong Kingston. Saarbrücken: Lambert, 2010. Print.
——— . From Globalization to National Liberation: Essays of Three Decades. Diliman, Quezon City: U of the Philippines P, 2008. Print.
——— . “Kahulugan, Katwiran, Katotohanan: Pagpapakilala kay Charles Sanders Peirce.”
De La Salle University, Manila. 3 Mar. 2012. Lecture.
——— . Mahal Magpakailanman: Poems in Filipino and English. Trans. Charlie Samuya Veric and E. San Juan, Jr. Storrs, CT: Philippines Cultural Studies Center, 2011. Print.
——— . “Signs, Meaning, Interpretation: C. S. Peirce’s Critique of Deconstruction and Poststructuralism.” Kritika Kultura 8 (2007): 57–79. Web. 30 Aug. 2012.
——— . “Sining at Rebolusyon: Ilang Puna sa ‘Makinasyon’ ni Rio Alma.” Dawn [campus journal of University of the East] 16 May 1969. Print.
Steconni, Ubaldo. “Addendum to ‘Signs, Meaning, Interpretation: C. S. Peirce’s Critique of Deconstruction and Poststructuralism’ by E. San Juan, Jr.” Kritika Kultura 8 (2007): 80–91. Web. 30 Aug. 2012.
Veric, Charlie Samuya. “The Disentangling of a Tongue-Tied Subject.” Bulawan (2):
42–61. Print.
——— . “Jose Garcia Villa and the Imagination of Radical Poetics.” Bulawan (15): 58–77.
Print.
——— . “The Planet as Homeland.” San Juan, From Globalization to National Liberation.
——— . “What, and Where, is Philippine Studies?” Kritika Kultura 16 (2011): 145–47.
Web. 30 Aug. 2012.