GERILYA
GRAND PRIZE
Kay Flash,
balon ng pag-ibig at inspirasyon, di nagmamaliw, di natutuyo, parang agimat, parang rebolusyon.
Gusto kong pasalamatan ang lahat ng magsasaka’t manggagawang bukid na nagbigay ng sagot sa mga tanong na kaytagal ding namahay sa utak ko. Binigyan nila ng katwiran ang mga paglalagalag, pagsasaliksik, at pagpupumiglas.
Salamat din sa lahat ng tropang tumulong para magkahugis ang librong ito. Alam nyo na kung sino-sino kayo! Salamat!
At paalala sa mambabasa, kathang-isip lang ang nobelang ito. Di sinasadya ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay.
i hope you like
jammin’ too
Hindi piknik ang rebolusyon. —Mao Zedong
late night Show
Mabuhay ay langit sa sariling bayan Kung ang sambayanan ay may kalayaan Umaga ay tula ng kaligayahan
At ang dapithapo’y awit kung pakinggan. —Awit ng Mendiola
Nag-uunahan ang mga talampakan niya, nagmamadaling nanunulay sa mga pilapil, inaarumba ang mga natutulog na makahiya, sinasagasaan ang mga bagong tanim na palay sa pitakan. Di niya alintana ang pabigat-nang-pabigat na mga talampakang bawat hakbang kinakapitan ng pakapal na pakapal na putik mula sa pitakan.
Takot lang ng mga putang inang militar na sundan ako sa gubat. Hindi nila kabisado ang terrain dito.
Sa di kalayuan, dinig ni Ala ang impit na tahulan ng mga aso. Tinatangay ng hangin ang mga ungol at galit, isinasayaw ng mga alingawngaw, at pinupunit ang payapa ng gabi.
Bilis pa, bilis pa. Malapit na ang kaaway.
Pinunit ng maliwanag na sibat ng flashlight ang pitakan.
Dapa. Gapang. Kailangang marating ang hangganan ng pitakan ni Amba Dencio. Malapit na
ang gubat. Nasa sukal ang kaligtasan.
Sa hangganan ng pitakan, isang higanteng sanktuwaryo na nakatanghod ang gubat. Tagos ang kasukalang ito hanggang sa kabilang bayan. Ang kabilang bayan, malayo sa kaaway, kubli sa matang nanunugis, isang sanktuwaryo, at ang pinto, narito sa hangganan ng pitakan ni Amba Dencio, na minana ng amba sa mga ninuno niya. Naka-iskedyul na ang paghahawan, ilang araw na lang at sisilaban ang sukal na ito para bigyang daan ang pagpupunla ng palay. Pero ngayon, sanktuwaryo ito para kay Ala. Dito siya bubutas ng daan patawid sa kabilang bayan.
Lalong nagpalakas ng loob niya ang kumukulong adrenaline na umaandar sa mga ugat niya, parang gasolinang sinusunog sa pusod ng makina ng sasakyang pangarera. Mabilis manakbo ang mga binti niyang banat sa lakad.
Malakas na malakas ang kabog sa dibdib niya. Malakas na malakas ang tv. Ang putang inang host at ang putang inang young actor na nagdadaldalan tungkol sa mga kahindutang pinaggagagawa ng mga militar na ito sa mga mamamayan. Mga putang ina n’yo!
Malapit na siya sa gubat nang pumailanlang ang mga putok. Tumama sa kaliwang binti ni Ala ang isa sa mga halang na bala, mabilis ang pagpunit ng kirot sa katinuan niya, napahandusay siya sa pitakan, pumasok ang masangsang na tubig/putik sa ilong niya sa sumubsob niyang mukha. Naamoy niya ang matapang na sangsang ng dugong malapot na tumatagas mula sa hita niya, pahalo sa malapot na tubig/putik/burak ng pitakan.
binting walang silbi. Sa binting kangina lang malakas na malakas.
Malakas ang tawanan ng mga halang na militar. Dumadagundong sa pandinig niya ang mga hiyawan ng mga bandidong unipormado. At habang kaladkad siya sa magkabilang bisig, naramdaman niya ang mga pisil sa suso, puke, at puwit niya. Balewala sa mga tarantado kahit basang-basa siya ng dugo mula sa tama niya sa binti.
Ang mga walanghiya, kahit sa laban puro kalibugan ang nasa isip.
—Gahasain na natin ang putang inang rebeldeng ito!
—Nasaan ang mga kasamahan mo? Ha? Ikaw putang ina ka, kababae mong tao, hindi ka magpirmi sa bahay! Dapat sa yo turuan ng leksyon.
Basa. Dilang gumuhit sa leeg. Dilang malagkit at may kamandag. Dila ng sundalong hayok ang asal at bulok ang isip.
—Makinis ang isang to. Mukhang estudyante. Taga-UP ka ba? Ano’ng pinakain sa yo ng lider n’yo at naisipan mong mamundok? Ha? Ha? Chinupa mo ba siya? Ha? Ha? Sinuso mo ba burat niya? Sampal. Suntok.
Halakhakhalakhakhalakhak. Hahaha. Hahahahahaha.
Naalimpungatan si Ala sa biglang paggapang ng ipis sa braso niya. Pinalis niya, kinilig.
—Iniipis na kami.
Umiikot ang paningin niya. Nilinga niya ang bedside table sa kanan. Halos magkalaglagan na sa mesa ang mga basyo ng gin, katabi ng nag-uumapaw na ashtray. Dinukwang niya ang kaha ng sigarilyo sa
tabi ng ashtray, kumuha at nagsindi ng isa. Sa kanyang paghitit, nabawasan ang sakit ng ulo. Bahagyang kumulo ang tiyan na agad ding nawala.
Sinipat niya sa mga bote kung alin ang may laman. Isa rito nangangalahati pa lang, nakatulugan niya kanina. Tumungga siya ng alak mula sa bote.
Tuloy-tuloy ang pagsasalita ng talk show host. Sa paningin ni Ala, parang bumubula ang bibig nito habang walang tigil ang dakdak at bungisngis.
—Daig pa’ng puwet ng manok na may almoranas.
Muli siyang uminom ng gin at tinaktak ang sigarilyo sa ashtray. May ilang upos na nalaglag sa bedside table. Nilingon niya ang umaapaw na ashtray. Napailing.
Dinampot niya ang ashtray at ibinuhos ang lamang mga upos at abo sa sahig na nalalatagan ng luma at naninilaw na linoleum.
—Wawalisin na lang. Inom. Hitit.
—…you mean, if the girl breaks up with you, you’re going to let her go, just like that?
—Of course. Kung ayaw na niya sa akin, bahala siya. Ayaw ko na rin sa kanya.
—Ladies and gentlemen, Jake here just broke up with his girlfriend.
—Correction. She broke up with me. Ako yung iniwan.
—Buti nga sa ‘yo, gago! Hitit. Inom.
—Let me ask you something, Jake. Why didn’t you go after her? You said kanina, you love her. Bakit di ka maghabol? Show her how much you love her.”
sa akin. Matagal na, actually. Ibig sabihin, matagal na niya akong niloloko. I gave her all my love pero hindi pala siya honest. That’s so f--king unfair!
—Ooops, please, Jake, refrain from saying the f-word. We’re on national TV.
—Sorry. Na-o-overcome ako ng emosyon, eh. Nakakainis kasi. Di ko mapigilan ang sarili ko. Sorry ulit.
—It’s okay. As you were saying, it’s unfair? —Yeah, it’s so very, very unfair.
—Ano ba ang fairness sa ‘yo, gago? Ang ibuyangyang sa buong madla ang nakaraan nyo ng ex mo?
Iling. Hitit. Inom.
Ano na ang nangyayari sa mundo? Bakit na kay Mr. Young Actor ang simpatya ng lahat? Hitit. Inom.
Ang putang ina, kung pumorma, daig pa nilalagnat. Naka-jacket ng makapal at naka-sumbrero. Habang si host, naka-sleeveless.
Ano na nangyayari sa mundo? Bakit mayroon nang mga lalakeng parang puwet ng manok ang bunganga kung dumaldal.
Lalake ka ba?
PUTANG INA KA, LALAKE KA BA?
DAIG MO PA’NG MATRONANG KULANG SA KARAT! HINDOT!
Nagbibigay na, sinasakal pa. Iyan ang Ginebra. Tinungga ni Ala ang natitirang alak sa bote at idinuldol sa ashtray ang sigarilyo. Pinagulong niya sa sahig ang bote.
Dumukwang siya sa ilalim ng kama kinapa-kapa ang stock niya ng alak, kumuha ng isa. Kinagat
niya ang takip na tansan at sa pagkakabukas ng bote gumapang sa ilong niya ang sangsang ng alkohol.
—Just the way I like it.
Dahan-dahan, nagsalin siya ng konting gin sa tansan at bumulong ng animo isang orasyon:
—Para sa mga gagong nanonood ngayon ng TV, huwag sana kayong makatulog…
Pagkasabi nito, ibinuhos niya sa sahig ang laman ng tansan.
—She’s so unfair! Life is unfair!
—Whoever said that life is fair, asshole? —It’s okay. Hey, stay right there. We’ll be back. APPLAUSE!
—Gago!
Ang putang inang to, kumikita ng malaki sa pagsasabog ng laway. Tumatabo ng pera kahit di nagbabanat ng buto! Putang ina ka mamatay ka na hayup ka! Napansin niyang hawak niya pa rin sa isang kamay ang tansan. Pinitk niya ito sa ere..
Malutong ang pagtama ng tansan sa mukha ng tv. Bumalandra ito sa salamin at bumagsak sa sahig. Tinungga niya ang bote, hinayaang maglagos sa lalamunan ang pait nito. Bawat lunok, may pagmamadali, nag-aasam na lunurin sa tapang ng alak ang mga agiw ng utak. Unti-unting namigat ang talukap ng mga mata niya. At napapikit.
At maya-maya, tumatakbo na siya.
Inaarumba ang pitakang bagong tanim, palayo sa mga buwitreng humahabol, papasok sa sanktwaryong gubat…
—Hahaha. That’s ridiculous, man! I mean, Mart, it never occurred to me that girls are like that.
—Well, siguro nga, sometimes, you can’t help but wonder. It’s a mystery, this woman nature.
—That’s true. And most of the time, kahit kaladkarin mo sila, ayaw sumama.
At maya-maya, kinaladkad siya sa pitakan ni Amba Dencio. Naisip ni Ala na Ito na siguro ang katapusan. Come on, baby, give it to me. Bigyan mo ko ng isang putok sa sentido. Hindi ko na masikmura ang kababuyan n’yo. Request lang, huwag n’yo na akong pahirapan.
Tumatagas ang dugo mula sa binti niya, pakalat sa pitakan ni Amba Dencio.
Hindi rin pala nasayang ang dugo ko. Kahit papaano, patatabain nito ang lupa, para sa pagsibol ng mga bagong tudling ng palay, ng buhay.
Hirap na hirap na ako, latang-lata na ako, samantalang ang putang inang talk show host na ito, kumikita ng malaki sa kadadaldal ng mga istoryang walang kapararakan.
At hinihingal pa sa kabubungisngis ang mga tarantado.
—Haah… haah… (hingal, hingal) Hihihihihi!!! —Come on, Mart, give me a clue.
Hingal. Tapos na ba ang bangungot? Makakapagpahinga sandali ang mga binting walang tigil sa pagtakbo.
Naalimpungatan si Ala sa biglang paggapang ng ipis sa braso. Pinalis niya ito, kinilig.
—Iniipis na kami.
Sa tv, walang tigil ang salitaan ng dalawang alanganing lalake at alanganing matrona.
—And we were having so much fun. God, I miss that moment.
—Yeah. Me too, have moments like that. Only a little different. But that’s another story.
MUTE.
—Well, you think girls will let you walk away with that?
—Why not?
Nanggigigil ang mga kamay ni Ala habang hawak ang remote control ng telebisyon. Nakapindot siya sa MUTE pero patuloy ang pagsasalita ng talk show host at ni Mr. Young Actor.
Mula sa sala, tuloy-tuloy ang ingay ng tv papasok sa kuwarto.
—Tony hinaan mo yang tv, anas niya.
Walang nagbago, maingay pa rin ang tarantadong talk-show host at ang bobong daldalerong aktor.
—Tony, hinaan mo sabi yang tv! Bahagyang humina ang tv. —Hinaan mo pa.
Narinig niya ang papalapit na yabag ni Tony at ang paghaplit pasara ng pinto ng silid. Nawala ang tinig ng talk show host nang lumapat ang pinto. Ang tanging naiwan, mga impit na hagikgikan ng mga puwet ng matronang matatanda na pero heto pa rin sige ang hagod sa dibdib niyang nananakit na. Ang mga hayop na pasistang hindot na putang inang gobyernong hayup! Hayup! Mga animal! Tigilan n’yo ko!
Pero ayaw nilang tumigil. Bingi sila sa pagmamakaawa niya. Ganito kalupit ang gobyerno ng Pilipinas. Ganito ito kalupit sa mga tulad niyang gusto ng pagbabago. Ganito ito kalupit sa mga mamamayang ayaw magpasupil, manhid na sa panloloko, pang-aapi, pagsasamantala, at gusto nang
tumindig at lumaban.
At batid ni Ala, walang digmaang mapayapa. Ang liyong dulot ng alak, ang litanya ng mga gunita at panaginip, ang mahina ngunit pirming bumubulong na ugong ng syudad, pinaghele siya ng mga ito pabalik sa masalimuot na tulog.
Cityland nightS
Kaytaas ng pader sa aking paligid Munting pisngi ng langit
Ang tanging nasisilip
—Mutya
Sa ibabaw ng centertable sa sala, maingat na hinihimay ni Tony ang hibla-hiblang tangkay ng marijuana. Buong ingat niyang inilalagay sa pipang yari sa tanso ang mga dahong nahimay. Nang mapuno ang pipa, sinindihan niya ito at hinitit. Malalalim na hinga, at unti-unting paglabas ng usok sa ilong.
—Ahhh… God bless Tikboy…
Kanginang hapon, paglabas niya galing sa opisina, nagdalawang isip siya kung saan bibili ng doobie. Inisip niyang puntahan ang isang source na kakilala niya na nakatira sa Sta. Mesa. Pero isang masid lang sa kalyeng puno ng mga sasakyang nagkasala-salabat sa traffic ng rush hour, nagbago ang isip niya. Naisipan niyang sa mas malapit na lang bumili.
Lumutang sa gunita ang pangalan ni Tikboy. Sa mga ganitong pagkakataon, kapag nakakatamad pumunta ng Sta. Mesa, naaalala niya si Tikboy, isang kakilalang taga-UP na part-time pusher at part-time
student. Sa mga ganitong oras, malamang nakatambay si Tikboy sa UP lagoon at malamang, sabog. Putang ina, ang sarap ng buhay ni loko. Pa-chongki-chongki lang, pa-aral-aral ng konti, may allowance mula sa mga magulang sa probinsya, at may ekstrang kita sa pagbebenta ng weed. Tama, si Tikboy. Sabihin nang kung minsan konting magbigay, pero sa kasalukuyan, siya ang The Man.
At ngayon, kasama na sa hinihitit niya ang mga libag at banil ni Tikboy na sumama’t kumapit sa damong tinda niya.
—Tony hinaan mo yang tv, narinig niyang sabi ni Ala mula sa kuwarto.
Patuloy siya sa paghitit.
—Hinaan mo sabi yang tv! sigaw ni Ala.
Hinagilap niya ang remote control at hininaan ang TV. Tumayo siya’t humakbang patungong silid, hinila pasara ang pinto. Bumalik sa inuupuan sa sala, humitit.
—Ahhh… God bless Tikboy… God bless the whole fucking scene.
Nanuyo ang bibig niya habang unti-unting gumagapang sa katawan niya ang tama ng ganja. Kasunod nito, gumaan ang katawan niya, na para bang kaya na siyang liparin ng hangin. Namula at namungay ang mga mata niya.
Tumingin siya sa relo sa dingding. Alas-onse na ng gabi.
—Kainitan na ngayon.
Dinampot niya ang remote control at pinatay ang tv.
—What a pathetic show. So long, fucker.
ang maliit na tuldok na kulay puti na biglang lumalabas kapag pinapatay ang tv. Isa ito sa mga inaabangan niyang palabas, ang papalayo nang papalayong tuldok na puti sa gitna ng screen, parang biyahe papalayo, papalabas/papasok ng ibang dimensyon. Natira ang blankong screen na parang isang higanteng mata na nakatitig sa kanya.
Tumayo siya’t nagpunta sa banyo. Tiningnan sa salamin ang namumulang mga mata. Mula sa medicine cabinet, kinuha niya ang isang maliit na bote ng Visine at pinatakan ang mga mata. Isang patak bawat mata, tanggal ang pamumula.
—Ahh… God bless Visine…
Dinampot niya ang telepono at nag-request sa guard-on-duty na ipara siya ng taxi.
Nagpalit siya ng damit. Nasapatos. Binuksan niya ang pinto ng silid at tiningnan ang hugis na namamaluktot sa kama, nakabalot ng kumot. Napansin niya ang pagtaas, pagbaba ng kumot, tanda na humihinga’t buhay pa ang nilalang sa ilalim nito. Lumapit siya sa kama at humalik sa noo ng natutulog.
—Ala, alis muna ko.
Nag-ring ang telepono. Nariyan na raw ang taxi, sabi ng guwardya.
Nagsuot siya ng jacket at lumabas ng pinto. Sa elevator, nakasakay niya ang dalawang magsyotang Koreano. Di niya mawawaan ang mga salitang pinupukol nila sa isa’t-isa. Pero nababasa niya ang kahulugan ng mga ngiti, kindat, pisil. Punong-puno ng pag-ibig, na parang ang pagmamahal di lang isang tula. Binibigyang buhay ng magkalingkis na mga kamay, na tila lapat na lapat at mukhang sadyang
nagkahugis para hawakan ang isa’t isa.
Huminto sa 8th floor ang elevator. Lumabas ang dalawang nakasabay niya. Hinatid niya ng tingin ang paglakad nila palayo, magkarugtong ang mga tingin at magkalingkis ang mga kamay, isang imahe ng pag-ibig, ng kaayusan, katiwasayan, hanggang unti-unting kitlin ang imaheng ito ng papasarang pinto ng elevator, at ang pagkaiwan niyang nag-iisa, nakatingin sa repleksyon niya sa salaming dingding, at ang mahinang ding! nito na parang amen sa dasal.
Ako at ang mahinang ugong ng elevator.
—Ooops… Reality check. Buti pa ang mga foreigner masaya sila sa Pinas.
Bigla tinuhog siya ng lumbay, pinanlambot ang mga hita niya. Biglang naging kalbaryo ang paghinga. Pakiramdam niya, unti-unting umiipit sa kanya ang apat na dingding ng parisukat na kinalalagyan, kaytagal umilaw ng letrang G. Napapikit siya, kumirot ang dibdib niya’t biglang nangalay ang mga tuhod, sandal ng maige ang isang kamay sa dingding, nakasapo ang isa sa noong kumikirot.
Reality check! You are just inside an elevator, you crazy fuck! Chill it, yo!
—Inhale… Exhale… Inhale… Exhale…
The walls, the friggin walls are closing in on me. It’s just the doobie, don’t be so fucking paranoid, you paranoid shit! Reality check!—Tony de Guzman, stoned, suffocated inside an antique elevator, tormented by reality, unreality and all the shit in between. Reality—Tony de Guzman, high-paying job, promising career, born for the revolution, stoner by choice, gone, dead, suffocated inside an antique elevator in Cityland Mandaluyong, modest starter
condos for the newlyweds, Tony, a very good software engineer, bright future, nice friends, vegetable wife in bed tormented by the past, twitching under the blanket, Marxist revelations dancing inside her head, TV blaring all day and all night, gin burns down her throat… Reality check… think positive… think God… Yes God. Dig God.
Kaybagal ng takbo ng elevator. Idiniin niya lalo ang pagkakapikit. Pinilit isaksak sa isip ang imahe ng dalawang Koreano, mga kamay nila magkahawak, ang pag-ibig, kampante, payapa.
Huminto ang pag-galaw ng elevator, Idinilat niya ang mga mata. Nakakasilaw ang patay-sinding ilaw ng letrang G. Nasa Ground Floor na siya’t bukas ang pinto ng elevator, nakamasid sa kanya ang dalawang batang singkit, nagtataka ang mga mata, marahil kung bakit tila namimilipit sa sakit ang mamang ito.
—Hey, OK?
Matipid na ngiti ang sagot niya. Narinig niya ang mahinang hagikgikan ng dalawang musmos habang walang tigil ang paglakad niya, palayo, bahagya siyang tumango sa guwardyang nakaposte sa labasan, tuloy-tuloy sa nakahintong taxi.
—Ma, Anonas, ho.
Hinimas-himas niya ang naninikip pa ring dibdib. Think God, Dig God. Sa pagmaniobra ng taxi, sa paglayo nito, nabasa niya ang neon sign sa ibabaw ng ng building: IN GOD WE TRUST.
maSakeR Sa gulod
Mabuhay ay langit sa sariling bayan Kung ang sambayan ay may kalayaan Umaga ay tula ng kaligayahan
At ang dapithapo’y awit kung pakinggan. —Awit ng Mendiola
Sa dinami-dami ng pwede niyang samahang operasyon, dito pa siya nasama. Gusto sana niyang magpaiwan kanina sa bahay ng masa kung saan sila nakabase, pero di siya pinayagan ni Ka Ely.
—Napagkaisan na natin ito, kasama.
Yun lang ang sagot sa kanya ng iskwad lider. Tumalikod ito at umakyat ng bahay. Naiwan siya sa tabi ng kalan, binabantayang mainin ang sinaing.
Ngayong gabi nakatakdang isagawa ang isang operasyon. Ang desisyon ng Partido, parusahan ang despotikong rancherong ayaw magbayad ng rebolusyonaryong buwis. Turuan natin ng leksyon ang putangina, dagdag pa ni Ka Ely kangina sa pulong. Turuan natin ng leksyon ang putangina, ulit pa. Turuan natin ng leksyon, mga kasama. Sa paanong paraan, kasama? Pumwesto tayo sa gulod at paulanan ng bala ang mga putangnang baka niyang nasa mga koral. Hah! Tanginang rancherong panginoong maylupa!
Makikita niyang hinahanap niya! Oras na para turuan siya ng leksyon.
Masigabong palakpakan ang sumalubong sa ideyang ito. Pinagmasdan niya ang mga kasamang mandirigma. May ngiti sila sa mata, samantalang siya, nagkasamid-samid sa sobrang pagkabigla. Tama ba ang dinig ko? Raratratan namin ng bala ang mga baka?
—Sa may gulod sa likuran ng rancho, doon tayo pumwesto, sabat ni Ka Mario.
—Tama, sabay-sabay na sagot ng ilang kasama. —Ah, mga kasama, parang may mali yata sa planong iyan, sabat niya sa usapan.
—Ano’ng mali? nakasimangot na tanong sa kanya ni Ka Ely, kunot ang noo’t salubong ang mga kilay.
Natahimik ang lahat, lahat ng ulo napalingon sa kanya. Di siya makasagot. Ano nga ba ang mali? Kailangang parusahan ang maysala. Kailangang ipakita sa kanya ng Partido na dito sa kanayunan kung saan isinusulong ang pangunahing porma ng pakikibaka, batas ang salita ng rebolusyonaryong kilusan. Pero bakit mga baka ang pupuntiryahin? Kawawa naman ang mga bakang walang kasalanan maliban sa pag-aari sila ng rancherong salbahe.
—Ano’ng mali, kasama? ulit ni Ka Ely, medyo mataas na ang boses.
Ilang minutong tahimik ang lahat. Puro buntong-hininga ang ingay na bumalot sa pulong. Nakatitig sa kanya si Ka Ely, at nagsalita.
—Ilang beses nang kinausap ng Partido yang si Mr. Gomez. Ayaw talaga magbayad ng buwis. Hanggang sa mapagdesisyunan na sa taas na parusahan na siya.
Bahala na ang yunit natin magdesisyon kung paano. Naiintindihan mo ba, Ka Alma?
Di siya kumikibo. Inulit ni Ka Ely ang tanong. —Naiintindihan mo ba kako, Ka Alma? Tumango siya.
—Hirap sa inyong mga estudyanteng galing Maynila, akala nyo alam nyo na ang lahat. Panay naman galing sa libro. Pupunta-punta kayo dito sa kanayunan tapos gusto nyo pa kaming turuan kung paano makibaka. Eh matagal na kami rito, mas kabisado namin ang rebolusyon. Kung may reklamo ka, kausapin mo si Ka Mon.
Paglubog ng araw, lalakad sila, magbibiyak sa dalawang yunit. Iisa lang ang pupuntahan, magkaiba ang dadaanan. Magkikita na lang sa target area. Pagdating doon, maghihintay ng hudyat mula kay Ka Ely.
—Luto na ang sinaing, bulong niya sa sarili. Wala siyang ganang kumain. Pinatay niya ang apoy at nagtuloy sa batis, naghilamos, pilit binuburang parang libag ang pangamba sa dibdib. Nilublob niya ang ulo sa matining na tubig batis. Bumalot sa buo niyang katawan ang lamig ng tubig. Kahit sa ilalim ng tubig, nakikita niya ang papahaba nang papahabang mga anino ng puno, pinapahiwatig ang marahan ngunit tiyak na paglubog ng araw.
Tapos nang kumain ang mga kasama pagbalik niya sa bahay. Nagsisipanigarilyo ang mga ito habang mga nakatayo sa tabi ng punong kaymito, nagpapababa ng kinain. Namataan niyang nakatingin sa kanya si Ka Ely. Inaya siyang kumain ni Ka Edgar pero umiling siya. Umakyat siya ng bahay at nagtuloy sa sulok na kinalalagyan ng backpack niya.
Bago pa man tuluyang lumubog ang araw at kainin ng dilim ang paligid, naglalakad na ang yunit nila papunta sa target area. Habang daan, palakas nang palakas ang kabog sa dibdib niya. Parang dagang gustong kumawala ang nerbyos niya sa dibdib. Sa isip, kaya niyang bigyang katwiran ang gagawing pagmasaker sa daan-daang hayop. Pero sa puso niya, di niya matanggap. Lalong nagpapabigat ng bawat hakbang ang pagtatalo ng mga katwiran sa isip, dinodoble ang pagod.
Halos di na siya makahinga sa pagod at panimdim nang marating nila ang pupuwestuhang gulod. Mula rito kita ang mga koral sa gawing ibaba, tahanan ng daan-daang baka ng despotikong rancherong si Mr. Gomez. Na ayaw magbayad ng rebolusyonaryong buwis.
Habang nakadapa sila sa damuhan at hinihintay ang hudyat ni Ka Ely, di niya mapigilan ang panginginig ng mga braso. Nadagdagan ng kung ilang ulit ang kabog niya sa dibdib. Pinilit niyang iwaksi sa isip ang nagtutunggaling mga pananaw.
Sa liwanag ng buwan, kita niya ang makapal na bilang ng mga bakang natutulog sa loob ng mga koral. May ilang mga nakatayo, payapang nangingingain sa tanglaw ng nakalatag na liwanag ng gabi.
Kita niya rin ang harutan ng ilang malilit pang baka. May mga naghahabulan, pumapasok sa pagitan ng mga hita ng naiiritang malalaking baka, pero di sila iniinda. Papasok sa binti ng isa’t lalabas sa binti ng iba pa. At paulit-ulit silang nagsasaya, walang pinag-iba sa araw ang turing sa malalim na gabi.
FiRe!
Nagulat siya sa sigaw ni Ka Ely. Hinudyat nito ang sunod-sunod na putukang halos magpasabog sa pandinig niya. Kinasa niya ang riple’t nakipagsabayan sa mga kasamang nagpaputok sa direksyon ng mga baka. Halos limang minuto ng walang puknat na putukan ang pinakawalan ng yunit nila.
Kitang-kita niya sa liwanag ng gabi ang kisayan ng mga bakang tinamaan ng bala. Nakita niya ang pagkakagulo ng mga nagulat na hayop, ang pagwawala, takbuhan, bulagtaan. Nangingintab sa tama ng buwan ang dugong humalo sa lupa.
Sa bawat putok ng baril niya, sunod-sunod naman ang pagtagas ng luha sa mga mata niya.
Karipasan ng takbo ang mga baka. Nasira ang ilang koral at nagtakbuhan sa lahat ng direksyon ang daan-daang bakang di malaman kung saan susuling. Halos mangibabaw sa putukan ng mga baril ang malalakas na unga ng sugatang mga hayop na naglupasay sa lupa, natatapakan ng nagtatakasan nilang mga kasamahan.
Halos mapisa sa takbuhan ang mga batang baka. Sa gulo ng takbuhan, natapakan ang maliliit ng malalaki. At gabundok ang patung-patong na mga bangkay na hayop na di na humihinga.
May ilan na sa halip na kumaripas ng takbo palayo sa painanggagalingan ng putok, tumakbo ang mga ito papalapit sa kanila, paakyat sa gulod, paharap sa tiyak na kamatayan. Pinaputukan ito ng mga kasama.
Hanggang sa di na niya kayang magpaputok. Binitiwan niya ang baril at sumubsob sa marusing niyang braso, humagulgol ng iyak. Di niya alam kung bakit siya naiiyak. Naaawa siya sa mga baka, naaawa
siya sa kanila na kailangang gawin ang ginagawa nila, naaawa siya sa sarili niya dahil naaawa siya, di na niya alam.
Halos di siya makahinga sa tapang ng amoy ng hangin. Balaraw na humihiwa sa dibdib ang bawat lunok ng hininga. At masakit sa ilong ang lasong pulbos na galing sa sinunog na pulbura.
CeaSeFiRe!
Narinig niya ang sigaw ni Ka Ely pero di niya inintindi. Mariing nakapikit ang mga mata niya, hanggang sa unti-unting tumahimik ang putukan sa paligid. Nangibabaw ang iyakan at ngawaan ng mga bakang sugatan sa may baba ng gulod.
Matapos ang putukan, nakahilera silang tumalilis pababa sa kabilang-gilid ng burol, palayo sa pinangyarihan ng operasyon. Nagbiyak sila sa dalawang yunit nang marating ang ibaba ng burol at naghiwalay ng tatahaking daan papunta sa napagkaisahang postehan pagkatapos ng operasyon.
digmaang bayan,
ayon Sa kaRanaSan
Halina, halina tayo’y maglakbay Patungo sa landas ng ating kalayaan Hawakan mo kasama ang iyong sandata Digmaa’y isulong hanggang sa tagumpay
—Halina, Halina
Lahat ng kabadtripan sa pagpasok, nakalimutan ko nang makita ko si Ka Jules. Dalawa’t kalahating taon ang mabilis na lumikdaw nang huli ko siyang makita, at nakakainggit ang halos walang pinagbago ng pala-ngiti niyang mukha. Sa hitsura, parang mas malaki pa ang itinanda ko.
Bago ito, nakakulong kami sa isang safe-house sa Maynila. Ako at dalawa pang mga naka-iskedyul sa pagsampa. Dalawang araw kaming nagpusoy, nagdebate, nagpunahan, nagkuwentuhan ng kanya-kanyang mga drama, mga karanasan, hanggang sa mamulat ang isipan at magpasyang sumampa sa bundok at sumapi sa NPA.
Matapos ang dalawang araw, nang medyo nagkakabadtripan na kami sa isa’t isa at tanging Marxistang idolohiya na lang ang nagpipigil sa amin para wag magsapakan, dumating din sa wakas ang
hinihintay naming kuryer. Siya ang maghahatid sa amin papasok sa sonang gerilya.
Nag-umapaw sa galak ang puso ko, sa wakas, makakapasok na rin sa sona. Sa wakas, makakalahok na rin sa armadong pakikibaka. Sana magkakahiwalay na area ang mapasukan namin, ayokong makasama ang dalawang bugok na ito. Kay raming sana, habang nag-eempake at napupuno ng pananabik ang isip.
Tapos sinabi ng kuryer na may mga aasikasuhin pa siya sa Maynila. Babalik siya matapos ang dalawa-tatlong araw. At saka kami sabay-sabay na aalis, luluwas ng Maynila at pupunta ng probinsya, papasok sa sonang gerilya. Umalis ang kuryer, hinatid namin ng simangot at pagdarabog.
Di lang dalawa kundi tatlong araw bago siya dumating. Nauubusan na kami ng dahilan sa masang may-ari ng bahay na ginawa naming safehouse.
Bakit wala pa ang sundo nyo? Hanggang kailan kayo dito? Hindi kaya nahuli na yung dapat sumundo sa inyo? Bakit kaya ilang araw na wala pa rin. Wala man lang pasabi. Hindi tumatawag. Hindi nagpaparamdam.
Ah, eh, kasi po ate, baka abala lang po sa mga gawain niya dito sa Maynila. Kung nahuli man po ang kasamang kuryer, tiyak naman pong merong kokontak sa amin dito mula sa aming pamunuan.
Hanggang sa kami mismo hindi na naniniwala sa mga sinasabi namin. Hanggang sa umabot sa puntong nagtanggalan kami ng mga prinsipyo sa katawan at naghamunan ng suntukan. Mga naturingang Marxista ng unibersidad, isang linggo lang nakulong sa loob ng bahay, nakalimutan na ang mga prinsipyong pinaglalaban ng patayan.
Sa wakas, dumating ang kuryer. Sinaksak ko lahat sa bag ang mga gamit ko, wala nang ayos-ayos. Di ko na nakuhang ayusin ang mga gamit dahil nagmamadali si Ka Ana. Pati ang masang kumupkop sa amin, halos ipagtabuyan kami sa gate nang magpaalam kami. Sumakay kami sa taxi na naghihintay sa labas.
Isang oras ang lumipas at sakay kami ng matuling bus na biyaheng Bulacan. Panay tulog ang mga kasama ko, kami lang ni Ka Ana ang gising. Abala siya sa pagbabasa ng tabloid.
Binuksan ko ang bintana at nilanghap ang sariwang hangin mula sa labas. Palayo kami nang palayo ng Maynila, nararamdaman ko ang pagpapalit ng klima, unti-unting bumakat ang mga utong ko sa kamiseta ko sa tindi ng ginaw. Dinukot ko sa bag ko ang luma kong sweater.
Tumingin ako sa labas at nag-isip. Isa ako sa mga tibak na matagal bago nakapagdesisyong mamundok. Pero kahit na matagal akong nag-isip, kahit solido na ang mga katwiran ko kung bakit wasto at handa na ko sa armadong pakikibaka, nandoon pa rin ang pagsisisi, parang ipis na gumagapang sa gilid-gilid ng bagong walis na sahig. Hindi nakakasagabal pero napapansin mo.
At maya-maya, di ka mapakali kase kailangan mo nang tapakan ang putanginang ipis. Kung para man lang wag nang malagyan ng mga alinlangan ang utak kong bagong walis. Pero maya-maya, makikita kong gumagalaw pa rin ang mga paa ng ipis. Buhay pa rin ang putangina kahit na anong gawin ko.
Kailangan ko itong gawan ng paraan. Dapat mawala ang kaba ko bago pumasok ng sona.
ng San Miguel, Bulacan. Nagising ako mula sa isang masalimuot na tulog nang tapikin ako sa braso ni Ka Ana. Nanlalata ang mga tuhod ko sa tagal nang pagkakatiklop, manhid ang puwet ko sa ilang oras na pag-upo. Pupungas-pungas kaming bumaba ng bus. Umandar ang bus nang makababa kami.
—Kas, akala ko ba sa terminal tayo bababa? Bulong ko kay Ka Ana.
—Ito na yun, sagot niya.
Tumingin ako sa paligid. May nag-iisang vendor sa tabi ng poste, nalililiman ng isang lumang lona. May mangilan-ngailang bahay na magkakalayo ang natanaw ko sa di kalayuan. Lumapit kami sa vendor, ang nag-iisang liwanag sa gitna ng terminal na ito sa tabi ng highway.
—Kumain muna kayo balut, sabi sa amin ni Ka Ana.
Tumambay kami’t kumain ng balut. Nilapitan ko si Ka Ana at binulungan.
—Kas, na-e-ebs na ko.
—Pambihira ka naman. Walang CR dito. Di ka pa tumae doon sa Maynila.
—Sorry, kas. Di na mapigilan talaga.
Tumingin siya sa paligid. Tinuro ng daliri ang gawing likuran ng terninal.
—Doon sa may likod, sa talahiban. Bilisan mo. Lakad/takbo ang ginawa ko. Pagdating sa talahiban, naupo ako sa lupa at dinukot sa bulsa ang dalawang joint na nakatago sa bulsa-relo ng kupas kong maong. Sinindihan ko ang joint at humitit ng malalim. Pinigil ko ang ubo sa lalamunan at mabilis na hinitit hanggang sa maubos ang kambal-jumbo.
kumalat ang tama ng damo. Unti-unting nalusaw ang kaba ko sa dibdib. Tumayo ako’t mabilis na bumalik sa puwesto nina Ka Ana.
—Asan si Ka Ana? tanong ko sa dalawang kasama ko.
—Naghanap ng sasakyan.
Tulog na tulog na ang buong baryo kaya pati kami parang nahihiyang magkuwentuhan nang malakas. Pabulong ang mga salita namin. Iginala ko ang tingin sa paligid. Para kaming wala sa Pilipinas. Ibang-iba ang eksenang ito sa eksenang nakasanayan ko sa Maynila.
Pinunit ang katahimikan ng maingay na garalgal ng lumang traysikel. Maya-maya, isang luma’t karag-karag na traysikel ang pumarada sa harap namin. Nakasungaw sa gilid ang ulo ni Ka Ana.
—Halika, sakay na kayo, sabi niya.
Tapos na kong makapag-inat-inat ng mga natutulog na masel. Lumilipad na sa alapaap ang isip ko. Excited na uli akong mag-adventure. Sumakay ang dalawang kasama ko sa loob, ako naman sa may likod ng drayber. Iniwasan ko ring malapit sa kanila dahil baka maamoy ako. Baka malusaw ang Marxismo nila sa amoy ng super-chongki na baon ko pa mula sa Maynila (inorder mula sa Baguio, garantisadong buntot-pusa).
Habang daan, ninamnam ko ang bawat lubak, bawat lusong at ahon, habang naka-maximize ang mga butas ng ilong ko sa paglanghap ng malamig at mabangong hangin. Tapos iniisip ko, ito na iyon, ito na iyong matagal ko nang ipinaglalaban doon sa baba. Ito na iyong araw-araw naming ni-le-lecture sa mga tibak sa school.
Sarap ng tama ko. Tamang hardcore na nature trip. Bakit, totoo namang hardcore itong papasukin ko ah. Tangina may mas hardcore pa ba sa pagsapi sa NPA? Panis ang mga tarantadong aktibistang nakikipagbatuhan sa rally sa Maynila. Dito, narito sa kanayunan ang totoong pakikibaka. Dito sinusulat ang kasaysayan ng pambansa-demokratikong rebolusyon, motherfuckers!
Matapos ang mahigit kalahating oras ng lusong at ahon sa pagiray-giray na daan ng baryo, narating namin ang hangganan ng kalsada. Dito na nagtatapos ang biyahe ng traysikel. Sa tanglaw ng bilugang buwan, naglakad pa kami ng mahigit isang oras sa madilim na daang kabayo, nakailang ahon at lusong sa mga gulod, bago marating ang destinasyon, isang kulumpon ng magkakalapit na lima hanggang anim na dampa.
Ang bahay sa gitna ng kulumpong ito ang sadya namin. May maliwanag na ilaw ng gasera na naglalagos palabas ng bukas na bintana.
Bukas ang pinto ng bahay at mula sa ilaw na naglalagos galing sa loob, tanaw ko ang hugis/anino ng isang taong nakatayo sa may pinto, kita sa dilim ang hugis ng armalayt na nakasukbit sa balikat niya. Kahit madilim at bahagyang natatakpan ng anino ang mukha niya, nakilala ko siya. Si Ka Jules, dati kong ka-kulektib sa Maynila.
Lahat ng kabadtripan sa pagpasok, nakalimutan ko nang makita ko siya. Dalawa’t kalahating taon ang mabilis na lumikdaw nang huli ko siyang makita, at nakakainggit ang halos walang pinagbago ng pala-ngiti niyang mukha. Sa hitsura, parang mas malaki pa ang itinanda ko.
Muli, naisip ko, ito na iyon, ito na iyong matagal ko nang ipinaglalaban doon sa baba. Ito na iyong araw-araw kong ni-le-lecture sa mga tibak sa school. Dati kasi, di ko ito nakikita sa ganitong anggulo. Ngayon lang, habang mainit akong kinakamayan ng isang pulang mandirigma, ang paligid balot ng huni ng mga kuliglig at panggabing hayop, malamig sa balat ang hanging amoy dayami, ipa, at mula sa bintana parang kulambong bumabalot sa amin ang mapang-anyayang amoy ng nilagang kape.
Dito ko nakita ang katotohanan sa likod ng paniniwala ko. Sa tinagal-tagal ng pagkilos ko sa baba, ngayong gabi ko lang napagtantong totoo nga ang digmang bayan.
Masdan mo ang parang sa iyong paligid Lahat ay naririyan, anak mo ang papatid Sa kawing ng imperyalistang ganid Hanggang ang demokrasya’y maitayo nang tuwid.
—Awit ng Pagbabalikwas
Semi-legal
Dinatnan niyang maganang kumakain ang pamilya ni Ka Manny. Hiyang-hiya siya, pakiramdam niya pusa siyang naka-amoy ng pagkain, at lumalapit kahit walang imbitasyon. Pero saglit lang ang hiya. Kase dito sa kanayunan, karamihan laging mainit ang tanggap sa mga bisita, sino man ito, saan man galing.
—Nakow! Aba e tamang-tama ang dating mo, Ka Alma, bati sa kanya ni Ka Manny nang sumungaw siya sa bukas na bintana.
Napalingon sa kanya ang mag-anak na maganang nagsisikain sa mesa. Napangiti ang lahat nang mapagsino siya.
—Anak, mabuti naman at nagawi ka, bati sa kanya ni Inang Metring —matagal ka ring di napasyal.
—Oo nga, ate, halos sabay-sabay na bigkas ng apat na dalagang anak nila.
Isa sa mga anak nila ang nagbukas ng pinto, isa ang tumayo’t kumuha ng ekstrang pinggan sa paminggalan, isa ang nag-ayos ng mga plato sa mesa para bigyang daan ang isa pang kakain. —May kanin pa ba? narinig niyang bulungan ng magkakapatid.
Ilang saglit lang at may nakahandang silya at espasyo sa mesa para sa kanya. Iginala niya ang tingin sa lahat, wala siyang makitang bahid ng kahit konting pagkainis sa naantala nilang salu-salo. Bakas sa mukha ng pamilya ang saya, naglalarawan ng pananabik sa muli nilang pagtatagpo. Sapat na itong imbitasyon para sa kanya. Inayos niya sa pagkakasukbit ang baril na nakaumbok sa may tagiliran niya at sinaluhan sa pagkain ang nag-iimbitang pamilya.
Isa ang pamilya ni Ka Manny sa mga unang na-organisa dito sa may sentrong kabayanan. Mula nang mamulat ito, kusang-loob itong nag-alok ng anumang maitutulong sa ikasusulong ng rebolusyon. Karaniwan nang dito sa bahay nila nagpapalipas ng gabi ang ilang mga kasamang inabot ng gabi sa bayan.
Mabilis niyang nakapalagayang loob ang buong pamilya ni Ka Manny. Wiling-wili sa kanya ang magkakapatid na para bang tunay na kapatid ang turing sa kanya. Sobrang galang at bait ng mga ito at kahit minsan di niya kinakitaan ng masamang ugali. Di niya maiwasang ikumpara sa mga kakilala niya dati sa Maynila.
Unang natapos sa pagkain si Ka Manny. Nagpaalam at tumayo, magpapahangin at maninigarilyo sa labas. Naiwan siya kasama ang mga babae.
—Mabuti naman at naisipan mong dumalaw, parang may tampo sa pananalita ni Ka Metring.
ng yunit.
—Ate Alma may boyprend na si bunso! report sa kanya ng panganay.
—Talaga, bunso?
—Talaga, sabay-sabay na sagot ng mga kapatid. Isang maingay na tuksuhan ang pinagsaluhan ng lahat. Kunwang naaasar pero nakangiti si bunso, samantalang pulang-pula ang mukha niya sa hiya. Pati si Ka Metring, sinasakyan ang kantyawan ng magkakapatid. Madalas, pinakamalakas ang tawa niya sa lahat, bagay na lalong kina-aasar/kina-tutuwa/ kinahihiya ni bunso.
Sa gitna ng maingay na daldalan at tawanan nilang mga babae, di maiwasang kurutin siya sa dibdib ng mga ala-ala niya noong kasama pa niya ang sariling pamilya. Ganito sila noon ng mga kapatid niya. Puro babae rin sila. Ganito sila ingay, daldal, ka-kulit sa hapag-kainan. Ingay na di matagalan ng papa nila, kaya lagi itong nauunang matapos, at lumalabas ng bahay para magpahangin at manigarilyo.
Tulad ng ginagawa ngayon ni Ka Manny. At maiiwan silang mag-iinang aabutin ng siyam-siyam bago magsitayo sa hapag. Tulad ng ginagawa nila ngayon nina Ka Metring. Kung susuriin palang mabuti, walang masyadong pinagkaiba ang buhay niya noon sa buhay niya ngayon. Bahagya siyang nakonsuwelo nang maisip ito.
—Tama na yan, lumalalim na gabi, paalala ni Ka Metring —At pagod pa yang ate Alma nyo.
Isa-isang nagtayuan ang mga magkakapatid, tulong-tulong silang nagligpit ng pinagkanan, may kanya-kanyang toka sa mga gawaing bahay.
Metring.
—Dito na po, kung ayos lang sa inyo. —Susmaria, parang anak na kita ah. —Salamat po nay.
—Sige na, labasin mong tatay mo doon sa labas at mukhang marami pa kayong pag-uusapan.
Sa munting bakuran sa labas, namataan niya sa dilim ang baga ng sigarilyo ni Ka Manny. Nakatayo ito sa may tabi ng matandang punong acacia sa harap ng bahay. Lumapit siya rito. Inalok siya ng kuping kaha ng sigarilyo, may ilang laman pang natitira sa loob. Kumuha siya’t nagsindi ng isa, ibinuga ang usok kasabay ng mahabang hikab.
—Nabusog ka ba, Ka Alma? tanong sa kanya. —Opo, tay, sagot niya. —Busog sa pagkain at busog sa kakatawa.
Tumango-tango si Ka Manny, nakakunot ang noo. Ilang minuto muna silang tahimik, kapwa ninanamnam ang paghitit-buga ng usok, tanging liwanag na nagmumula sa mga sigrailyong mumurahin ang nag-uugnay sa kanilang dalawa. Mabigat ang mga buntong-hininga, pinipilit ikubli sa pagbuga ng usok.
—May problema tayo dito, kas.
Pinitik niya ang upos palabas ng bakod. Nasasanay na sa dilim ang mga mata niya kaya bahagyang naaaninag na niya ang kausap.
—Ano po ang problema? tanong niya.
Nagsindi ng panibagong sigarilyo si Ka Manny. Matagal muna itong tahimik, maingat na binubuo sa isip ang gustong sabihin. Di ito umimik hanggang maubos ang sigarilyong hinihitit.
—Problema natin si Joseph.
sa memorya ang pangalan at hitsura ng taong nagngangalang Joseph. Wala siyang maalala.
—Sino hong Joseph?
—Anak ni Amba Dencio na taga-Bamban, sa may hangganan ng gubat patagos ng Garay.
Saglit siyang nag-isip. Naaalala na niya. —Si Amba Dencio na sunog ang mukha? —Siya nga.
—Ano po ang problema kay Amba Dencio? —Hindi siya, yung anak niyang si Joseph. Ngayon niya lang nalaman na may anak pala si Amba Dencio. Humingi siya ng sigarilyo sa kausap at hinintay itong magpaliwanag.
—Yung mga pwersa natin sa bayan, hindi makapagpulong ng maayos. Lagi silang natitiktikan ng kaaway.
—Si Joseph? —Aba’y sino pa?
—Sigurado ho kayo? Paano nyo nalaman? Bahagyang nanginginig ang sigarilyong nakaipit sa mga daliri ng kausap habang ikinukumpas ang mga kamay, pagdidiin sa sinasabi.
—Paano’y laging aali-aligid kung saan meron kaming pulong. Noong na kina Taburgo kami, nandoon siya sa may ilog sa labas, namamante kunware. Noong na kina Pareng Dak kami, nagpupulong para sa mga gagawin natin sa rally sa Maynila, nandoon iyang Joseph na iyan sa bilyaran, katapat ng bahay na siya naming pinagdadausan ng usapan.
—Hindi ho papayagan ni Amba Dencio na gawin yun ng anak niya.
—Kow e matanda na ang amba. Di naman na niya alam mga kalokohan ng anak niya.
—Sigurado ho kayo? paniniyak niya. Malalang paratang ang maging ahente ng kaaway.
—Mas sigurado pa sa pagtaas ng presyo ng abono’t pestisidyo taun-taon.
Mahirap ito, naisip niya. Kailangan niya itong ireport agad kay Ka Mon.
—Heto pa, may bagong motorsiklo si Joseph. Panay pahambog ng ulol sa mga kaibigan niya.
—Binilhan siya ni Amba Dencio?
—Ano ipambibili ni Amba Dencio ng bagong motorsiklo? Nakita mo? Saan galing motorsiklo ni Joseph? Bakit meron siya noon? Saka hindi mo ba napansin yung suot? Bagong kamiseta, pantalon, tsinelas. Dami pa nga daw pera sabi ng mga tao sa bilyaran. At heto pa, may nakakita kay Joseph na nakatambay sa may ibayo, sa bagong checkpoint ng CAFGU.
—Ano ho ba hitsura nitong Joseph?
—Payat, medyo maputi, singkit. Malapad ang katawan. Barkada dati nina Tikboy na anak ni Ka Dadeng.
Nagulat siya, kilala niya si Tikboy.
—Barkada ni Tikboy? Eh kinse anyos lang iyon ah.
—Siya nga. Bata pa itong si Joseph. Nagbibinata, maingay, makulit, malikot, mayabang. Noong nakaraang taon daw, nag-aaral pa ito sa bayan. Pero sabi ng mga napagtanungan ko, di na raw nag-aaral ngayon, huminto na. Di ko naman maharap ng deretsa si Amba Dencio at tanungin kung ang anak niya ba’y ahente ng kaaway. Matanda na ang amba, ayoko nang dagdagan pa ang problema. Kakamatay pa mandin ng asawa.
Napailing siya. Isang batang paslit ang sanhi ng pagkaudlot ng pagsulong ng digmaang bayan. Sigurado kaya si Ka Manny sa sinasabi niya? Dapat niya itong imbestigahang maige.
—Sige Ka Manny. Ipaparating ko agad kay Ka Mon ang problemang iyan.
—Sana, kasama. Kase nahihirapan kaming umiral dito, di namin alam ang gagawin. Gusto na nga ng ibang mga kasama na parusahan si Joseph. Pinigil ko lang. Kako’y sasabihin ko muna sa iyo.
—Wag ka mag-alala. Pangako bibigyan kita agad ng sagot. Makakarating kaagad kay Ka Mon ito.
—Salamat, Ka Alma.
—Kumusta naman ho yung mga magsasaka natin sa tumana? Nakapagpulong ho ba sila?
Umiling-iling si Ka Manny.
—Hindi. Natatakot silang magpunta kina Kunsehal Eddie. Kilala daw sila ni Joseph, baka raw sila matiklo.
Di siya makapaniwala sa narinig. Mas malala pala ang problemang ito kesa una niyang akala.
—Yung mga kabataan naman natin sa may talampas, dapat meron silang nakatakdang ED. Hindi natuloy kase pagdating daw ng mga kabataan sa bahay nina Ople, pagtingin daw nila sa tindahan sa tapat, may motorsiklong nakaparada. Baka raw kay Joseph.
Ngayong gabi rin, tatawag siya kay Ka Mon sa radyo. Siya mismo ang personal na nag-organisa sa mga kabataan sa talampas. Di niya hahayaang sirain ng isang batang walang isip ang lahat ng pagod na ipinundar niya sa solidong pakikisalamuha’t pag-oorganisang ginawa niya sa komunidad.
—Hayaan nyo po’t makakarating lahat iyan kay Ka Mon.
—Pumasok na kayo’t mahamog diyan sa labas, aya ni Ka Metring, nakadungaw sa bintana.
Napansin niyang patay na ang karamihan sa gaserang bukas. Madilim na’t inaantok ang bahay kung titingnan mula sa labas. Maririnig pa rin ang mahihinang bungisngisan at tuksuhan ng magkakapatid, na sinusundan ng mabining saway ng ina.
—Pumasok ka na sa loob, Ka Alma. Pumasok ka sa nanay mo’t nang makapagpahinga ka na. Bukas natin ituloy ang usap. Sige na.
Di na niya nakuhang tumanggi. Bagamat gusto pa niya sanang makipagkwentuhan/konsultahan tungkol sa kanilang mga gawain, mas mapang-akit ang karinyo ng antok. Lalo pa’t naparami ang kinain niya. At kailangan niya pang rumadyo kay Ka Mon.
—Sige po, paalam niya. —Mauuna na po ako. Naiwan si Ka Manny sa tabi ng puno. Sa paghakbang niya, narinig niya ang kiskis ng palito sa posporo at ang buntong-hininga sa dulo ng pagbuga ng usok.
laki Sa gubat,
dumagat!
Ako, ama ang puputol sa lahi mong naiwan Sa lahi mong napako, hatid ko ay kalayaan Ako ang pupunit sa dahon ng kasaysayan Sa langit-langitang ating kinagisnan.
—Langit-langitang Kumunoy
Kung alam ko lang na aabutin ng maraming oras na lakaran ang gawaing ito, di na sana ko pumayag. Tangina mas masarap magkuyakoy sa duyan maghapon kesa maglakad na tanging ihi lang ang pahinga. Putangina iniwan pa ko ng “ka-buddy” ko. Putanginang si Archie. Petty-burgeosie-cocksucking-motherfucker. Naturingan pang “kasama” ang putangina. Naturingan pang “pulang mandirigma” ang putangina. Pero asan siya ngayon? Tangina naroon naghihilik na malamang sa kampuhan. Putanginang motherfucker.
—Malayo pa ba, kas, tanong ko kay Ka Luter. —Malapit na, sagot niya.
Napabuntunghinga ako. Ang malaman lang na nalalapit na ang pagtatapos ng biyahe, laking ginhawa na sa pakiramdam. Parang nabawasan ang timbang ng katawan kong kanina pa namimigat sa walang tigil na paglalakad.
—Pahinga muna tayo, sabi ko.
Inilapag ko ang pasan kong bigas at isinandal ko rito ang baril ko, sabay naupo ako sa lupa. Umupo na rin siya’t maingat na ipinatong sa damuhan ang hawak na M14. Halos sabay kaming naglabas ng maliit na balutan mula sa mga bulsa ng kanya-kanyang pack. Yung sa kanya, may lamang ikmo’t nga-nga, yung sa akin, damo. Nagdalawang-isip pa ko kung papalag siya, bakasakaling miyembro siya sa grupo ni Richard Gomez na mga crazy anti-drug motherfuckers, pero mukha namang hindi. Pag pumalag, eh di sasabihin ko gamot ko ito, nireseta ng doktor. Hehehe. Gaano ba kahirap paliwanagan ang isang Dumagat?
Ilang minuto kaming tahimik, pabagal nang pabagal ang hininga kong nag-uunahan kanina lang, habang sa paligid namin, todo na ang chorus ng mga panggabing hayop sa gubat. Sa sobrang pagod, di ko na iniinda ang mga kagat ng lamok sa mga braso’t mukha ko. Sinilip ko sa liwanag ng buwan ang relo ko. Mag-aalas-diyes na ng gabi. Ibig sabihin, mahigit labindalawang oras na kaming naglalakad. Kaya pala parang malalagot na lahat ng ugat ko sa katawan. At may pasan pa kong isang sakong bigas, at backpack, ammo-belt at armalite ko.
Habang ninanamnam ko ang tama ng joint, naisip ko ulit si Archie. Putanginang-selfish-petty-burgeosie-kupaloids-motherfucker. Tanginang kupal at kalahati, puro kawag, walang bayag. Pupunahin ko talaga itong gagong kasamang ito pagbalik ko. Makikita niya.
Ang yabang pa ng ulul kaninang umaga nang kausapin ni Ka Mon ang yunit namin. Akala mo kung sinong may itatagal.
gawaing edukasyon? tanong ni Ka Mon kanina sa mga pupungas-pungas naming mga mukha.
Mag-dadalawang linggo na rin kami sa kampuhan. Inip na inip na ko. Gusto kong lumabas, maligo sa ilog, mag-explore sa gubat, pero di naman pwede, sobrang higpit ng security. Kahit na ano’ng gawin kong paliwanag kay Ka Jerry, na kesyo masisiraan na ko ng bait, kinakausap ko na ang mga bubuling pumapasok sa tent ko, etc. Ayaw pa rin akong payagan. Tanginang motherfucker. Kahit sa ilog diyan sa baba ng kampo, ayaw. Cheeky fucking bastard motherfucker. Naging OIC lang akala mo iskwad lider kung umasta. Pakiramdam ni gago IL siya ng isang SYP. ULOL! Tangina mo! Sandatahang Yunit Pampropaganda? Baka Sadistang Ypot ng Partido. Itong mga barok na kasamang ito, nagpopropaganda? Eh puta mga di nga marunong magbasa itong mga ka-yunit natin dito eh. Nakalimutan na ni gagong OIC lang siya ng isang yunit na pansamantalang binuo para bantayan ang seguridad ng pulong ng mga bosing sa regional committee. Tanginang power-tripping cocksucker kupal.
Maghapon at magdamag wala kaming ginagawa. Puro na lang bate sa umaga’t bate sa hapon, ilang bate sa gabi sa kanya-kanyang tent. Kahit ayaw aminin sa isa’t isa, alam kong puro yon ang ginagawa ng mga putangina, kase yon din ang ginagawa ko. Nakakasawa na. At lalong sawa na ko sa adobong daga na araw-araw naming ulam. Ang mga putangina kasing mga kasama, ang tatamad magpunta ng kitchen para kumuha ng supplies. Apat na araw nang ubos ang pang-ulam namin, kaya apat na araw na ring naninilo ng mga dagang gubat si Ka Mario.
Kaya nang magtanong si Ka Mon kaninang umaga, isa ako sa nagprisinta. Wow, sa wakas, makakalayo rin ng ilang araw sa mga mababaho kong kasama sa yunit.
Anim kami sa yunit 3, naka-istasyon sa may bukana ng kampuhan, sa may akyat ng gulod pag-ahon ng ilog. Mula sa puwesto namin, kitang-kita kung may mga kaaway na darating mula sa magkabilang pampang ng ilog. Pero di rin kami masyadong naka-alerto kase, bago pa man makarating dito ang kaaway, naitimbre na ng mga kasama sa yunit 4, na siyang mauuna sa amin, na natimbrehan na rin ng yunit 5, 6, 7 hanggang 12, nakakalat sa buong gubat. Kami ang hari ng Angat Dam, motherfuckers! Ngayon subukan ng kaaway na umatake nang maranasan naman niyang mapulbos sa mga bala ng galit na mamamayan. Bwahahahaha!!!
—Sino pa? tanong uli ni Ka Mon.
Nagtaas ako ng kamay. Kumunot ang noo niya pero ngumiti, sabay nakipagkamay.
—Ikaw yung taga-UP? tanong niya. —Ako po.
—Ako si Ka Mon, pakilala niya. —Ako naman po si Ka Poli.
Tumango-tango siya, akala mo kung sinong inspektor na nangingilatis.
—Kumusta naman ang pagkilos mo dito? Hindi ka naman naiinip? Di naman nalulungkot?
Magsasalita na ko pero sumabat itong gagong si Archie.
—Inip na inip na yan, Ka Mon. Gusto na ngang mag-laylo eh.
ang mga bungisngis ng dalawang pinaka-nakakaasar sa yunit, si Ka Jerry at si Ka Archie. Mga putanginang motherfuckers. At nasaan ang dalawang yun ngayon? Nandoon naghihilik sa mga tent nila. Malamang nagbabanatan sa puwet ang mga tarantado. Sana mahuli sila ng ibang mga kasama sa akto ng kabastusan. Hehehe. Sana si Ka Joy, yung dating ministro ang makahuli sa kanila, at yung ibang mga homophobic sa grupo na malalaki ang mga katawan tulad nina Ka Mario, Ka Edgar, at si Ka Omar.
—Magbaon kayo ng isang sakong bigas, pagkain nyo yan at ng mga masang tuturuan nyo.
Panay tango ang sagot namin ni Archie kay Ka Mon habang apurahang iniinspeksyon ang kanya-kanyang pack. Sobrang tagal mag-ayos ng pack ni Archie boy. Daming mga binabalikang mga brief sa sampayan. Iba-iba pa kulay. Doon pa sa harapan namin nina Ka Mon nagtiklop ng mga brief niya’t mahinahong isinilid sa plastik, isa-isa, bago ipinasok sa pack niyang busog na busog na. Di ko maintindihan kung bakit ang mga iyon ang huli niyang ipinasok sa pack bago ikabit ang sandosenang mga buckle, tali at zipper. Daig pa ang pack ng cafgung kulelat. Meron pang dalawang pares ng malilinis at bagu-bago pang degomang tsinelas na nakatali sa labas ng pack, parang mga dilang nang-aasar, ang sarap pigtalin at ipagtatapon sa ilog. Kung bakit may dalawang pares ng tsinelas ang isang naturingang komunista, isang pulang mandirigma pa man din ng New People’s Army, di ko na talaga kayang arukin sa isip ko, Archie boy. Napatingin siya sa tent niyang nakakabit pa rin at di pa natitiklop. Tumingin siya saglit sa amin, saka binalikan ang tent niya.
Habang naghihintay kami, naisip ko tuloy, kung noon pa lang kasama ko si Archie sa safehouse sa Maynila, noong di pa siya si Archie at siya si Allan, hindi NPA kundi CEGP, kung binaril ko siya sa ulo noong mga panahong iyon, tiyak na mas malaking pabor sa Partido at sa pangkalahatang pagsulong ng digmaang bayan.
Sa wakas, natapos din si gago. Bumubuntong-hininga na si Ka Mon, di na tinatago ang inip.
—Doon kayo ng tatlong araw. Tutal wala naman kayong ginagawa rito. Maluwag naman ang security, di ganon ka-agresibo ang kaaway.
Ibig sabihin, walang ka-alam-alam ang bobong gubyerno ng Pinas na nadito ngayon at nagsasagawa ng planning session ang mga boss ng mga boss ng pinakamakulit niyang kaaway.
—Kasama nyo si Ka Luter. Siya ang guide nyo sa area. Nasa baba siya sa pampang ng ilog naghihintay.
Napatingin ako kay Ka Jerry. Umiwas siya ng tingin. Para turuan ng leksyon ang mga tamad na kasama, pinasan ko ang isang sakong bigas na nakasandal sa tabi ng tent ni Ka Jerry.
—Kasama, pahabol niya, —huling bigas na namin dito yan.
—Eh di kumuha kayo sa kitchen. Kung dadaan pa kami doon lalo akong matatagalan. Di ba, Ka Mon?
—Oo nga, Ka Jerry, sang-ayon ni Ka Mon, —maglakad-lakad ka paminsan-minsan para mabawas-bawasan yan, sabay turo sa malaking tiyan ni Ka Jerry, na bigla niyang hinugot papasok.
Bungisngisan ang mga kasama. Pero saglit lang nang mapansing di nasasakyan ni Jerry boy kapag
nasa kanya ang sentro ng joke. Nang matahimik ang grupo, napatingin sa akin si Ka Jerry, sabay ngumiti.
—Narinig nyo mga kasama, galing mismo kay Ka Mon. Maluwag daw ang security. Kaya pwede tayong… magswimming sa ilog!!!
—Yehey!!! sagot ng mga kasama. Lahat nakatingin sa akin. Alam nilang araw-araw akong nagbabakasaling payagang maligo sa ilog. Ang akala yata ng mga hunghang, sasama ang loob ko. Di nila alam na kung sila rin lang ang makakasama kong mag-swimming, mas pipiliin ko pang magdoobie, magbate at matulog sa loob ng pribado kong tent/ paraiso sa kampo.
Tuloy tuloy akong nanaog pababa ng gulod. Halos maglulundag ako sa tuwa, di alintana ang isang sakong bigas na pasan-pasan ko. Pagdating sa ilog, sa sobrang saya ko, kahit si Archie ang kasama ko, okey na rin.
Sa baba ng gulod, gumawa kami ng stretcher para dalawa kami ni Archie na magbubuhat ng bigas. Nababasa ko ang sisi sa mukha ni loko. Nagpiyesta ko sa sama ng loob niya. Hah! Iyan ang napala mo, loko. Mahilig ka kasing magbida-bidahan.
Bandang ala-una, tumigil kami ng paglalakad. Kumain kami sa tabi ng isang makipot na batis sa pusod ng gubat. Pinutakte kami ng malalaking lamok pero di namin ininda sa tindi ng pagod. Nagbukas si Archie ng apat na lata ng sardinas.
—Ang dami naman, sabi ko. Dapat tipirin natin yan dahil wala na yang kasunod. Tatlong araw pa tayo doon.
—Pambihira ka naman, kasama. Nakita mo nang pare-pareho tayong pagod.
Halos siya lahat ang kumain ng ulam. Mula iyon sa pack niya, kaya siguradong mas magaan na ang bitbit niya kesa sa akin. Pero di bale na, titipirin ko ang sandosenang sardinas na baon ko sa pack. Mahirap na, marami kami doon ng mga masang tuturuan ko, alangan namang ako lang ang kumain ng sardinas, di man lang mag-aalok.
Matapos kumain, habang nagpapababa ng kinain, na inabot nang hanggang dalawang yosi ni Archie boy ng kanyang Winston na umano’y na-arbor niya kay Ka Jerry kaninang bago kami umalis. Halos tipid na tipid siyang mag-alok mula sa kabubukas pa lang niyang kaha.
—Walang hingian, ha, kunwa’y biro niya, pero alam ko’t alam niya na alam ko, na ayaw naman talaga niyang mag-alok.
—Sige, sagot ko. At inilabas ang kabubukas ko pa lang na kaha ng Marloboro na —hindi ko inarbor kundi binigay ng isang kasamang nagmamahal.
—Sino? tanong niya.
—Wala ka na roon, kasama, sagot ko. Halika na’t mahaba pa ang lalakbayin natin.
Nanatili siyang naka-upo, halos humilata sa damuhan. Di na nakaalis sa pwesto niya mula nang sumalampak siya’t lumamon ng pananghalian.
—Eh kasama, mukhang di ko na kaya eh. —Anong di mo na kaya?
—Parang masama ang pakiramdam ko eh. —Ha? di ko maintindihan ang gustong palabasin ng tarantado.
—Para kong lalagnatin eh. Iba na yung pakiramdam ko.
makarating sa patutunguhan.
—Babalik na lang ako sa kampuhan. Pasensya na, kasama. Kanina pa ‘tong umaga. Nahiya lang ako kay Ka Mon kaya ako nagprisinta. Kase, alam mo na, baka walang magprisinta mula sa atin, mapapahiya si Ka Jerry kay Ka Mon.
—Pano itong bigas? Di ko to kaya mag-isa. —Katulungin mo na lang iyang Dumagat. May isa pa naman siyang kamay eh.
Di ko na naman alam kung ano ang isasagot ko sa kanya. Di pa man ako sumasang-ayon, mabilis na siyang nakatayo’t papalayo na ng lakad, pabalik ng direksyon.
—Iwan mo yang radyo!
—Gagabihin na ko sa daan, kasama, wala akong guide, sagot niya nang walang tingin-tingin.
Tinapon ko ang stretcher at pinasan ang isang sakong bigas. At bago pa ko mabadtrip nang todo tinuloy ko na ang naantalang paglalakad, litong-lito sa inasal ng kasama. At di man lang naalalang iwan ang mga dala niyang sardinas.
Alas-diyes y medya ng gabi nang marating namin ang komunidad ng mga Dumagat. Sikat na sikat dito si Ka Luter, parang artista ang turing sa kanya ng mga kaanak niyang sumalubong sa amin. Mula sa pagiging kimi sa kahabaan ng biyahe, naging masayahin at makuwento si Ka Luter. Nakapalibot sa kanya ang mga kaanak niya, dilat ang mga mata sa paghanga habang kinukuwento niya ang mga karanasan niya sa hukbo.
Nagtuloy kami sa pinakamalaking bahay sa gitna ng kulumpon ng mga dampa. Mula sa bukas nitong pinto, nanununtok sa ilong ang amoy ng mainit na
kape. Nakangiting pinatuloy kami ng mga may-aring napag-alaman kong mga magulang ni Ka Luter.
Niyakap siya ng matagal ng ama’t ina niya, halos maluha-luha ang mga ito. Matagal silang nanatiling magkakayakap, umiiyak at tumatawa, di pansin ang ingay ng mga nagsasayang kaanak sa buong paligid sa loob at labas ng kubo. Dito sa bahay na ito ako nagpalipas ng gabi. Sa kauna-unahang pagkakataon ngayong araw na ito, nagpasalamat ako’t wala si Archie. Buti na lang takot sa sakripisyo ang tarantado.
Kinabukasan, sinama ako ni Ka Luter sa may tabi ng ilog, sa may malapad na hawang nalililiman at napapaderan ng nagtataasang mga puno, kung saan nagkabit siya ng tent na siyang gagawing blackboard. Nakaipon sa harap ng pisara ang mahigit tatlumpung mga Dumagat, nakaupo sa lupa’t nakatingala sa blankong pisara, handa na para sa kanilang kauna-unahang araw ng pormal na pag-aaral sa buong buhay nila.
Halos maiyak ako sa determinasyon nilang matuto at kahit papaano maintindihan kung bakit at paano sila paulit-ulit na pinagsasamantalahan ng sistema. At gamit ang chalk, ito ang matiyaga kong pinaliwanag sa kanila.
Sa pagitan ng mga drowing at eksampol, nadama ko bilang guro ang pagkatuto ng mga estudyante ko. Noong unang araw ng ED, alas-dos na kami ng tanghali nang mag-break. Inilabas ko ang mga sardinas ko sa bag, inilapag sa damuhan. Di ko muna binuksan tutal kakasalang lang ng sinaing.
Habang naghihintay maluto ang sinaing, nagtakbuhan kami ng mga Dumagat sa ilog. Sa wakas,
makakapaligo rin ako sa ilog na nakikita ko lang araw-araw sa kampo pero di ko napagtatampisawan. Sumisid ako ng malalim sa tubig, biningi ang sarili sa ingay ng mundo.
Nang umahon ako, naamoy ko ang bango ng inihaw na isda galing sa kampo. At totoo nga, may apat na malalaking karpa na ngayo’y nagmamantika habang pinapaypayan ni Ka Luter sa baga.
—Saan galing ang mga isda? tanong ko. Tinuro niya ang ilog. Manghang-mangha ako. —Hinuli nyo sa ilog? Pano? Biningwit nyo? Takang-taka ko, sa sobrang enjoy ko sa malamig na tubig ng ilog, ni hindi ko napansing may fishing bonanza pala sa paligid ko. Nagtawanan ang mga Dumagat. Napailing na lang ako. At dahil ako pala ang hinihintay ng lahat bago magsikain, inunahan ko nang kumurot sa umuusok na laman ng matabang karpang nakahain sa hapag. Nabaliw ako sa sarap nakalimutan ko nang tanungin kung paano nila nahuli ang nilalantakan namin.
Kinagabihan, inulit nila ang ginawa nila noong tanghali. Dahil di naman ako maliligo, pinanood ko sila. Nakita ko, totoo nga, sisisid lang sila, may dalang pana, pag-ahon, may dala nang karpa. Ang buong proseso, kakain lang ng humigit-kumulang sa isang minuto.
Tatlong araw akong nagpiyesta sa ulam na ganito. Umaga, tanghali, gabi. Yung mga baon kong sardinas, di ko na napulot mula sa pinaglapagan ko noong unang gabi.
Matapos kumain, mayroong naglabas ng isang lumang gitara mula sa isang maruming sako. Nandilat ang mga mata ko, naglaway sa nakita. Naisip ko,
ilang buwan na ba akong di nakakahagod at kalabit ng kwerdas ng gitara? Ewan ko, basta ang alam ko, matagal na.
—Pahiram naman, kuya!
Nanginginig ang mga kamay ko sa pananabik nang mahawakan ang gitara. Una kong tinugtog ang Stairway to Heaven. Sabit-sabit ang areglo ko pero okey lang, tutal mga Dumagat ang audience. Naisip ko, di naman siguro mataas ang kanilang ekspektasyon.
Tinugtog ko lahat, mula Stairway hanggang Patience, mula reggae hanggang metal, mula Dire Straits hanggang Green Day. Nagkataon pang kaka-doobie ko lang. Sabit-sabit lahat ng tinugtog ko pero maiyak-iyak ako sa tuwa. Sa pangalawang pagkakataon, nagpasalamat ako’t wala si Archie. Halos halikan ko ang gitara nang isoli ko sa hiniraman.
Nagulat ako nang marinig ang intro ng Stairway to Heaven. Napatingin ako kung sino ang tumutugtog. Nanay ni Luter. Napatunganga ako sa ganda ng areglo ng gitara, na para bang sumasaliw ito sa mga kanta ng gubat, parang kasama sa mga sipol ng sariwang hangin, at mabining ugong ng mayamang ilog. Matapos ang kanta, pinagpasa-pasahan nila ang gitara. Natameme ako dahil lahat pala halos sa kanila, malupit maggitara, mapalalake o mapababae, mapabata o matanda.
Matapos ang tatlong araw na ED, nagpaalam na kami. Pang-apat na araw ko na noon sa kanila. Lahat sila, mainit ang pakikipagkamay, para bang ito na ang huli naming pagkikita. Ibinigay ko sa kanila yung tirang bigas. Halos ayaw nilang pakawalan si Ka Luter, lalo na ng kanyang ina. Hinayaan ko lang sila, di ko inapura. Sa kahuli-hulihang pagkakataon,
naipagpasalamat ko na namang buti na lang, wala dito si Archie.
Sobrang gaan ng pakiramdam ko habang naglalakad pabalik ng kampo. Nakapalagayang loob ko na si Ka Luter kaya habang daan, masaya kaming nagkukuwentuhan. Magtatakipsilim nang marating namin ang kampo. Nasugatan pa ko nang matalisod sa mga basyong lata ng sardinas na nadaanan naming nakakalat sa daan. Walang duda, ito yung mga sardinas na dala ni Archie, kinain lahat ng tarantado bago bumalik at magbate at matulog sa kampo.
Sangay
Ang masa, ang masa lamang Ang siyang tunay na bayani
—Ang Masa
Nasa labas pa lang siya, dinig na niya ang ingay ng pagtatalo sa loob. Mula sa bintanang bahagyang nakabukas, dinig ang mga pasigaw na salitaang nanggagaling sa kusina. Nangingibabaw sa lahat ang boses ni Tata Ikong. Naghubad siya ng tsinelas sa may pinto at pumasok sa loob.
Natahimik ang mga nagtatalo sa loob nang makita siya.
—Heto na pala si Ka Alma, bungad ni Papa Red. Akmang iinom ito mula sa basong tangan nang mapansin ang pagpasok niya. Inilapag nito ang baso sa mesa, tumayo’t humakbang palapit sa kanya, at nakipagkamay.
—Kumusta na, kasama, bati nito.
Sinakmal ng malalapad at anak-bukid na palad ni Papa Red ang maliit niyang kamay na bantulot niyang inalok. Halos ayaw nitong bumitiw, pinisil-pisil ang kamay niya. Nang mapansing walang balak bumitiw
sa pakikipagkamay si Papa Red, hinugot niya nang pabigla ang namumula nang kamay.
Napakunot ang noo niya nang siya nang mapansin ang bukas na bote ng gin sa mesa. Mula sa bukas na bote, gumapang ang mga mata niya sa mga basong may laman, sa mga kamay ng mga kasamang may tangan sa mga ito, at sa mga mata nilang namumula, di niya alam kung sa puyat o alkohol.
—Ang aga naman ng inuman nyo, nayayamot na bati niya sa tatlo.
Humila siya ng bangko at dumalo sa mesa. Halos masuka siya sa amoy ng alak na sumisingaw mula sa bukas na bote, at mula sa mismong mesang mahabang panahon nang sumahod ng mga buhos ng alak na lumasing sa maraming mga magbubukid sa dampang ito ni Papa Red.
—Nasaan po ang Inang Rosing? tanong niya kay Papa Red.
—Nasa bayan, kasama ang mga bata, sagot ni Papa Red, —Naghatid sila ng saging.
—Kaya pala kayo nakainom. Di niya tinago ang pagkayamot niya.
—Kow, eh di naman kami naglalasing ah, katwiran ni Tata Ikong.
—Siyang naman, sabat ni Ka Rey, —Pampainit la’ang ire.
—Ang aga namang pampainit niyan.
Maugong at matagal na tawanan ang sinagot sa kanya ng tatlo.
—Kaya nga pampainit, Ka Alma, kase malamig sa umaga. Kay aga pa ah, kay lamig.
Muli siyang natulala sa hagalpakan ng mga kasama. Pinigil niyang magalit. Magdamag siyang
naglakad para lang makarating sa pulong na ito ng sangay ng Partido sa baryo, at heto ang bubungad sa kanya. Mahirap pero kailangan niyang magtimpi. Kung sino ang kasamang mas sulong, siya dapat ang matutong umunawa.
Hinintay niyang humupa ang tawanan sa paligid, bago nagsalita, pinilit na maging magalang sa abot ng pasensya niya.
—Pambihira naman kayo, mga kas. May pulong tayo ngayon, ngayon pa kayo nag-inuman.
—Makulit pala ang batang ire, nagkakamot ngulong pasigaw na salita ni Tata Ikong. —Kakapaliwanag lang sa iyong hindi kami naglalasing, nagpapainit lang, napakarami mo pang reklamo.
Nagtiim ang mga bagang niyang sumagot. —Gawain ba ng totoong rebolusyonaryo iyan? Isumbong ko kaya kayo kay Ka Mon?
—Aba, kami pa ang tinakot mo, magdahan-dahan ka, kasamang Alma. Ke bagu-bago mo rito sa area, kung magsalita ka, para kang supremo. Mas magalang pa sa iyo magsalita si Ka Mon at Ka Ely.
Nanginginig ang boses ni Tata Ikong, di na tinatago ang yamot sa kanya. Namumula ang mukha nito’t nanlilisik ang mga mata. Walang dudang nasagasaan ang pride ng isang kasamang tinuturing nilang walang muwang at mahina. Una kase, bagong sampa lang, pangalawa, babae. Kahit mga naturingang Marxista, abot-langit ang pagsaludo ng uring magbubukid sa patriarchal na relasyon sa bahay at pamayanan. Na kesyo babae, mas mahinang klase.
Di na siya nakapagtimpi, sinagot nang pasigaw ang kasamang sa tingin niya nagkamali na, ayaw