Bangon sa pagkakabusabos Bangon alipin ng gutom Katarunga’y bulkang sasabog Sa huling paghuhukom
—Ang Internasyunal
Kanina pa siya palakad-lakad nang paika-ika sa harap ko, walang tigil ang katok ng saklay niya sa kahoy na sahig. Alam kong nag-iisip siya, nagdadalawang-isip pa nga, sa gagawin namin. Di ako nagsalita, tahimik na pinanood ang pari’t parito niya sa sala.
—Nagdadalawang-isip ka ba? tanong ko.
Natigil siya sa harap ko, tumingin sa akin. Nabasa ko sa mga mata niya ang di niya kayang sabihin. Na naguguluhan pa rin siya, na di pa rin siya talaga resolbado sa gagawin naming pagluwas sa Maynila at pag-alis sa kilusan.
—Kung gusto mo, ako na lang, sabi ko, —Maiwan ka dito.
Di siya makasagot. Nagtitigan kami ng matagal. Kagabi pagdating ko, di na ako nagulat nang siya ang magbukas ng pinto. Malakas ang kutob kong dito ko siya matatagpuan.
Parang ganito rin, nagtitigan kami ng matagal. —Magandang gabi, Ka Poli, bati niya.
—Sabi ko na nga ba, nandito ka, sagot ko. —Nasaan ang Inang Goring?
—Wala. Ako lang ang tao rito. Malamang nasa San Miguel ang inang, dumalaw sa mga kamag-anak niya roon. Parang nabanggit niya sa akin kamakailan lang.
Patlang.
Mahabang mga patlang habang nagkakape kami’t nagpapahinga. Mahahabang patlang na nauwi sa hawakan ng kamay, yakapan, halikan, hanggang sa humantong kami sa kuwarto ni Inang Goring at pagsaluhan ang linamnam ng mga katawan namin.
Noon ko napansin ang mga pasa niya. At gumapang ang tingin ko sa saklay na nakasandal sa dingding.
—Napaano yang mga mata mo? Bakit ka may black-eye? Kanino yang saklay?
—Nasuntok. —Nino?
At kinuwento niya sa akin, ang paglapastangan sa kanya ng tatlong CAFGU. At kung paano siya niligtas ng masa. At kung paanong nakatulong din yung higanteng joint na bigay ko sa kanya noong huli naming pagkikita. Sabog ang mga animal kaya di nahirapan si Amba Dencio na gilitan ang leeg ng mga putang ina habang nagpipiyesta sa katawan niya. Isinalaysay niya lahat, habang tahimik na iniluluha, ang mga pasakit at pahirap na malamang ngayon lang niya naihihinga sa iba.
Magdamag naming pinagsaluhan ang munting langit na katawan ng isa’t isa, ang rebolusyonaryong
libog na matagal kinimkim, at proletaryong laway mula sa mga naghihimagsik naming kalooban, habang pareho naming iniingatan ang katawan niyang tadtad ng pasa.
Tapos naisip namin, napakasarap pagsaluhan ng mga pagkakataong tulad nito, panandaliang sangktuwaryo sa puspusang pakikibaka. Di man namin agad inamin sa isa’t isa, gusto namin itong gawin nang paulit-ulit, sa anumang oras na gusto namin. At di lang dahil sa damdaming nararamdaman namin sa isa’t-isa, kundi kung para man lang maipahinga ang pagal na isip at katawan na walang humpay na gumigiling/pumapalo sa marahan ngunit masigasig at tuloy-tuloy na andar ng makinarya ng rebolusyon.
Sabay naming sinalubong ang pagsikat ng araw, di makakilos ang mga ngalay na katawang magdamag nakipagpalitan ng lakas at libog sa isa’t-isa.
—Gusto ko nang maglaylo, sabi niya sa akin. Di ako nabigla sa sinabi niya, parang inaasahan ko na ito. Kahapon ko pa napapansin sa matamlay niyang kilos na bagsak ang moral niya at walang lagablab ng rebolusyon sa malamlam niyang titig.
Pasalampak siyang umupo sa tabi ko, pabagsak na inilapag sa sahig ang tangang saklay, bumuntong-hiniga nang malalim, ipinikit ang mga mata. At saka ko lang nakita ang matagal-tagal na rin niyang tinatago.
Tulad ko, siya man pagod na rin. —Ako din, sagot ko.
Napansin ko ang pagkabigla niya. Akala niya siguro, bilang isang tunay na kasama sa rebolusyon, patataasin ko ang bulagsak niyang moral, patatabain ko ang namamayat niyang idolohiya, palalakasin ko
ng pulitika ang pagod niyang katawan. Dahil isa akong kasama. At ang isang tunay na kasama sa digmaan, di pahihintulutang panghinaan ng loob ang mga kapwa niya rebolusyonaryo. Batas na ito ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong.
Pero ang problema, ako man pagod na rin. Ako man, nalilito at bagsak ang moral. Nahihirapan nang pagaanin ng pulitika ang mga pisikal na dinaramdam ko sa katawan kong tatlong taon ding walang pahinga sa pagsasapraktika ng prinsipyong: Simpleng Pamumuhay, Puspusang Pakikibaka.
Nadarama ko na ang hapdi ng mga sugat ko sa paang nakakulob sa init ng luma kong sapatos na de goma. Nadarama ko na ang sakit ng mga singit kong tadtad ng buni. Nadarama ko na ang kati ng bumbunan kong pinuputakte ng makapal at mamasa-masang balakubak. Nadarama ko na ang lahat ng hirap at sakripisyo.
—Kung maglalaylo ka, sasama ko, sabi ko sa kanya.
Tumingin siya sa akin, malakas ang pag-agos ng luha mula sa mga mata niya. Niyakap niya ko ng mahigpit.
—Bahala na, bulong niya, —Magkasama naman tayo eh.
Di ko na rin napigil ang pag-iyak. Naisip kong matapos ang tatlong taon sa kanayunan, parang walang ka-abug-abog na bigla ko na lang iiwanan ang rebolusyon, parang kamisetang maruming huhubarin at itatambak sa isang sulok. Pakiramdam ko, di ako naging tunay na rebolusyonaryo kahit kailan.
Hinalikan ko siya sa labi. At ginawa namin ulit ang paulit-ulit naming ginawa kagabi, habang
sabay kaming lumuluha. Mga utak namin, parehong nilalagari ng pag-aalinlangan.
At matapos ang mahabang palitan ng laway at lakas, di na namin kailangan pang pag-usapan. Di man sabihin, pareho naming alam na gusto na naming bumaba, makipagsapalaran sa loob ng sistema, mabuhay ng tahimik at mapayapa, lumikha ng sarili naming mundo na pwede naming pagsaluhan sa lahat ng oras, sa lahat ng araw, sa mga nalalabi pang mga taon ng buhay namin.
—Aayusin ko lang mga gamit ko, sambit niya. Noon ko naisip ang isang dapat kong gawin bago umalis. Bilang pasasalamat sa masang kumupkop sa akin, gagawin ko ang matagal na nilang request sa kilusan, na matagal na rin naming iniisnab.
—Aalis muna ko, sabi ko, —May kailangan lang akong asikasuhin bago umalis.
—Saan ka pupunta, kailan ka babalik? —Sa Binagbag. Sandali lang ako.
—Bakit? tanong niya. Nabasa ko ang alinlangan sa mga mata niya.
—Basta, maliit na bagay lang, naipangako ko sa isang kaibigan.
Di na siya nagsalita, di na nagtanong. Itinuloy niya ang pag-eempake. Nagbihis ako’t lumabas ng bahay. Ni hindi siya nag-angat ng tingin, nanatiling nakatungo sa mga damit na isa-isang tinitiklop.
Sumakay ako ng traysikel sa labasan. Habang daan, pasasal nang pasasal ang kabog ng punyetang daga sa loob ko. Nagsisi ako’t di ako nakapagbaon ng weed. Pinara ko ang sasakyan ilang kabahayan ang layo mula sa pupuntahan. Itutuloy ko ng mahahapdi kong mga talampakan ang natitirang distansya. Sa
isang liko pa, kita ko na ang bahay ni Kardo. Sobrang bilis ng pulso ko, halos di ko na ito maramdaman.
Dinukot ko ang baril sa pantalon ko nang pumasok ako sa bakuran. Nilinga-linga ko muna ang paligid, paniniyak na walang nakapansin sa pagpasok ko sa bakuran. Niroska ko ang silencer ng baril, tinanggal ang safe at ikinasa bago kumatok sa pinto.
—Sino yan? tanong mula sa loob. —Si Poli, sagot ko.
Bumukas ang pinto at tumambad sa akin ang butuhang mukha ni Kardo, kilalang distributor ng shabu sa bahaging ito ng Angat.
Napalis ang ngiti niya sa mukha nang mapansin ang tangan kong baril. Nakita ko sa galaw ng naka-usli niyang lalamunan ang biglaan niyang paglunok ng tuyong laway. Tinutok ko ang baril sa mukha niyang tulala, pumatong ang hintuturo ko sa gatilyo.
—Kasama, maawa ka sa akin. Maraming umaasa sa akin.
Pumasada sa utak ko ang lahat ng reklamo ng masa hinggil sa putang inang drug dealer na ito.
Muli kong narinig ang mga hagulgol ng mga ina sa balikat ko habang sinasalaysay ang kinahinatnan ng mga anak-anak nilang nalulong sa droga at karamihan nagtatrabaho ngayon bilang mga delivery boy/runner ni Kardo.
At naisip kong kung papatayin ko siya, malaking bagay sa masa, pwede nang kabayaran sa napipinto kong pamamaalam sa paglilingkod sa sambayanan.
Kung hihintayin kong umaksyon ang Partido, baka maging adik na ang lahat ng kabataan sa parteng ito ng Angat. Kaya ang pagpunta ko rito, sarili kong desisyon, walang basbas ng kilusan. Naisip ko, tutal
naman paalis na ko, parusahan ko muna itong salot ng lipunang ito. Siguro naman, mapapalampas ng Partido ang kapusukan kong ito.
Kinalabit ko ng dalawang beses ang gatilyo. Una sa dibdib, para sigurado, tapos sa noo. Napaatras siya papasok ng bahay, halos walang ingay na lumagapak sa sahig ang pagbagsak ng patpatin niyang katawan.
Luminga-linga ako sa paligid, tiniyak kung may nakapansin sa ginawa ko. Nakalutang sa hangin ang nakasusulasok na amoy ng pulbura. Mabilis kong tinanggal ang silencer, binulsa ang kapirasong tanso at isinuksok patago sa pantalon ang mainit-init na baril.
Mission accomplished, naisip ko. Mabilis akong lumabas ng bakuran at naglakad palayo sa pinangyarihan ng krimen. Pinara ko ang paparating na traysikel. Habang daan, pagaan nang pagaan ang pakiramdam ko, unti-unting nawawala ang kaba sa dibdib. Hanggang sa maging parang ala-ala na lang ito nang bumaba ako ilang bahay mula kina Inang Goring. Pagpasok ko ng bakuran, dumungaw si Ka Alma sa bukas na bintana, nagtama ang mga mata namin. Lumukso ang puso ko sa tuwa.
Halos magtatakbo ako papasok sa loob ng bahay para yakapin siya nang mahigpit. Natigilan lang ako nang mapansing naka-upo sa sala si Inang Goring, kararating lang mula sa isang linggong pagbisita sa mga nalalabing kamag-anak nito sa San Miguel.
—Tuloy ka, Ka Poli, aya sa kanya ng masa. Lumapit siya sa matanda, inabot ang kamay nito at nagmano.
—Kanina pa kami nagkukuwentuhan nitong si Ka Alma. Ang sabi niya’y darating ka nga raw. Kagabi
pa nga raw kayo narito. Mabuti’t madaling sungkitin ang kandado ng luma kong bahay.
Tumingin ako kay Ka Alma, gumapang ang tingin ko sa sahig, nakalapag sa may paanan niya ang backpack naming dalawa. Habang wala ako, inempake na niya ang pati kakarampot kong gamit.
—Parang may nararamdaman akong kakaiba sa inyong dalawa, biglang sambit ni Inang Goring.
Nagkatinginan ulit kami ni Ka Alma. Nagpalipat-lipat ang tingin ni Inang Goring sa akin at sa kanya. Nagsalita siya.
—Inang, magpapaalam na po kami sa kilusan, sabi niya sa matanda.
Tahimik lang si Inang Goring. Tumingin ito sa labas ng bukas na bintana.
—Iiwan namin sa inyo ang mga baril namin at mga radyo, sabi ko sa matanda. At sulat po ni Ka Edgar sa anak niya. Pakibigay na lang po kay Ka Mon kapag nagawi siya dito.
Matagal na di tumitinag si Inang Goring, parang walang narinig.
—Kung diyan kayo sasaya, garalgal ang boses na nasambit ng matanda.
Marahan kong inilapag sa mesa ang 9 mm na naka-isyu sa akin, at radyo. Sumunod si Ka Alma. Bukod sa armas, maingat niyang pinatong ang sulat ni Ka Edgar sa anak niya.
Matapos ang mala-ritwal na pangyayaring ito, sinenyasan ko siya, tara na, sabi ng mga kilay ko. Pero bantulot siya, parang may gusto pang sabihin sa matanda.
—Inang, may ipagtatapat po ako sa inyo, wag po kayong mabibigla.
Nakatingin sa mata niya si Inang Goring, naghihintay sa sasabihin niya.
—Patay na po ang anak ninyong si Rading, mahinang sambit niya, —ang kilusan po ang pumatay sa anak ninyo, inang. Di po maiwasan, naging ahente po ng kaaway ang anak ninyo.
Napaiyak siya. Nabasa ko ang pagsisisi sa mata niya, na sana di na lang niya sinabi. Napakalaking konsuwelo na ng matanda ang isiping isang magiting na pulang mandirigma ang kanyang si Rading.
Nagulat kami nang biglang magsalita si Inang Goring.
—Lumayas kayo sa pamamahay ko, ngayon din! Mga animal. Gusto nyo lang maglaylo, pati mabuting pangalan ng kilusan, pati pangalan ng anak ko, sisirain nyo pa! Tanginang mga anak-mayaman ng siyudad, di kayo kailangan dito! Alis! Alis! Layas!
Humihingal si Inang Goring, nanginginig ang boses sa galit.
—Mga putangina n’yo! Isusumbong ko kayong dalawa kay Ka Mon! Lumayas kayo sa pamamahay ko! Ngayon na kundi tatawag ako ng mga pulis at ipapahuli ko kayong dalawa!
Nagkatinginan kami, at sabay tumayo. Binitbit ko ang dalawang pack at inalalayan ko siya sa paglakad palabas. Pinara ko ang isang nagdaraang traysikel.
—Kuya, sabi ko sa drayber, —sa terminal ng bus, paluwas ng Maynila.
Tahimik kami habang daan. Di na kailangang magsalita. Di na kailangang sabihin ang mga alinlangan dahil nilalarawan na ang mga ito ng bawat pisil at haplos ng mga daliri ng magkalingkis naming mga palad. Pag-ibig kapalit ng pulitika.
Binasa ko ng malakas ang humihiyaw na signboard sa salamin sa harap ng nakahimpil na bus sa terminal. Nanibago ko sa karanasan, parang di ko ito araw-araw ginagawa dati.
Cubao
Bago sumakay ng bus, hinawakan niya ko sa braso, inilapit ang mukha niya sa mukha ko, at bumulong.
—Mula ngayon, wag mo na kong tatawaging Ka Alma. Ako si Ala.
Saglit akong napa-isip bago nakasagot. At napangiti ako.
—Mula ngayon, huwag mo na rin akong tatawang Ka Poli.
Pinisil ko ang mga palad niya. —Ako si Tony, dagdag ko.
Taglay ang lahat ng inip at pananabik, tuwa at pag-aalinlangan, takot at lakas ng loob, sumakay kami sa bus at sinimulan ang mahabang paglalakbay pauwi.
Magkakaroon ng rebolusyon, simulan ko na kaya ngayon.