Narito na ang pangkat namin Sa Gitnang Luson pa nanggaling Ang sanhi ng pagparito namin Ang pasista ay durugin
—Narito Na Ang Pangkat Namin
Pakiramdam ko sinlalaki ng kalabasa ang magkabilang bayag ko’t nakasabit sila pareho sa leeg ko. Sa taas ng level ng adrenaline, di ako mapakali, panay ang tayo ko’t lakad nang paikot-ikot sa maliit na sala ng bahay ni Ka Dado. Naaasar na sa akin ang mga kasamang nakaupo sa sahig, tulad ko ring naghihintay, nagpapatay ng oras.
Kangina pa kaming madaling araw narito sa loob ng maliit na bahay ni Ka Dado dito sa pusod ng poblacion. Nasa loob lang kami, bawal kaming lumabas. Sarado ang lahat ng bintana at ang pinto ng bahay para di kami makita ng mga kapitbahay ni Ka Dado. Nasa kalagitnaan kami ng isang operasyon, di pwedeng sumingaw at mabulilyaso.
—Kaya mahigpit na ipinagbabawal, mga kasama, bilin sa amin ni Ka Jaron nang dumating kami kanina. —Bawal lumabas, bawal dumungaw, bawal makita ng kahit na sino. Ang pamilya ni Ka Dado, doon
muna pupuwesto sa biyenan niya. Tayo lang ang narito. Ang alam ng mga kapitbahay, walang tao rito. Kaya di rin tayo pwedeng manood ng tv o makinig ng radyo. Walang magbubukas ng ilaw. Hihintayin natin hanggang mamayang mga alas-kwatro, pag tumawag na ang mga kasama, sinabing positive na sa area ang target, saka pa lang tayo lalabas. Tuloy-tuloy, sa sasakyan, walang tingin-tingin sa mga tao. Maliwanag ba?
Nagtanguan kaming lahat, madarama sa hangin ang bigat ng adrenaline, at ang mapagpasyang pagpipigil ng gigil sa pagitan ng mga bulungan.
Dumating kaming sakay ng jeep na na-commander nina Ka Mario kahapon. Hawak nila ngayon ang sasakyan, nakatago sa isang sikretong garahe, kasama ang tsuper, nakagapos at guwardiyado.
Di pa sumisikat ang araw nang magbabaan kami sa jeep, may kanya-kanya kaming bitbit na mga sako, nasa loob ng mga ito ang mga baril namin. Tuloy-tuloy kami mula kalsada hanggang sa bukas na pintuan ng bahay ni Ka Dado. Nang makapasok ang lahat, isinara ang pinto at inumpisahan naming maghintay.
Ang tantya namin, alas-kuwatro darating ang target. Pupuntahan namin at patitikimin ng naghuhuramentadong galit ng sambayanan.
Bandang tanghali, di ko na matiis ang inip. At isa pa, gusto ko nang mag-doobie. Kung para man lang matanggal ang kabang walang tigil na tumatambol sa dibdib ko. Kaso nga, paano? Hindi pwede rito sa loob ng bahay dahil maaamoy ng mga kasama.
May naisip akong paraan. Pumasok ako sa kuwarto. Naroon at magkatabing nakahiga sa kama sina Ka Aryan at Ka Donald, mga kasamang beterano
na sa laban. Nakapikit sila pero alam kong gising, nakikita ko ang paggalaw ng mga mata sa ilalim ng mga talukap.
Tulad ko, inip na rin sila.
Nahiga ako sa sahig, kunyari maiidlip. Maya-maya, dumapa ako’t kinapa-kapa ang sahig na kahoy, naghanap ng butas sa pagitan ng mga bukbuking tabla.
Suwerte ko’t bukbukin ang ilang parte ng sahig. Bumutas ako sa isang sulok, gamit ang hintuturo. Nang makuntento ko sa butas, nagsindi ako ng joint, humitit, tinapat ang bibig sa butas sa sahig, doon ibinuga sa silong ng bahay ang eskandalosong usok ng ganja.
Walang kamalay-malay ang dalawang kasamang nakahiga sa kama. Mabilis kong inubos ang joint at nagsindi ng isa pa. Inulit ko ang buong proseso hanggang sa maubos ang pangalawang joint. Itinapon ko sa silong ng bahay ang mga upos. Kumurot ako ng kahoy sa ibang bahagi ng sahig at sinaksak sa butas na ginawa ko. Harinawa’y manatiling lihim at tago ang ebidensya ng kaburgisan ko. Hehehe.
Tumayo ako’t lumabas ng kuwarto. Nakapikit pa rin ang dalawa. Sa sala, nakipagpalitan ako ng bulungan sa mga kasamang tulad kong buryong na buryong na sa kapapaypay at kahihintay sa hudyat. Sa tama ng doobie, kahit papaano, nakontrol ko ang inip, lumipad ang utak ko. Inisip ko ang mga gagawin ko mamaya sa banatan. Inisip ko ang mga action films na napanood ko, mga moves na pwedeng gayahin.
—Break! Break! This is Charlie.
Halos mapalundag ang lahat sa mahinang bulong ng radyong nakapatong sa ibabaw ng telebisyon sa
gitna ng sala.
Nakapalibot kaagad kaming lahat sa radyo, alerto ang bawat himaymay ng kalamnan sa mga katawan. Dinampot ni Ka Jaron ang radyo at sinagot.
—Go ahead, Charlie.
—Positive na kay Alpha yung Kilo.
—Copy that, sagot ni Ka Jaron. Sumenyas siya sa aming lahat. Sa pangunguna niya, isa-isa kaming lumabas sa pinto, bitbit ang kanya-kanya naming mga sako. Halos masilaw ako sa liwanag ng araw sa dapit-hapon. Di pa sanay ang mga mata kong maghapon sa loob ng madilim na bahay. Damang-dama kong parang mga batong pinupukol sa akin ang mga suspetyosong tingin ng mga kapitbahay. Di ko pinansin, tuloy-tuloy ang lakad ko, sinusundan ko si Ka Omar.
Sa labasan, naroon na ang pampasaherong jeepney na sasakyan namin papunta sa area, nakababa ang mga plastik na trapal sa magkabilang parihabang mga bintana. Nasa manibela si Ka Mario, sa tabi niya si Ka Sky. Mabilis kaming nagsakayan sa sasakyan at humarurot papunta sa area.
Bago ang huling liko, maghihintay muna kami ng hudyat mula sa isang kasamang nakapuwesto malapit sa target. Rumadyo si Ka Jaron na nasa area na kami. Itinabi ni Ka Mario ang jeepney sa may lilim ng malabay na punong mangga. Dito kami humimpil. Inilabas namin ang kanya-kanyang mga armas mula sa mga sako naming dala. May dalawang kasamang bumaba ng sasakyan at tinanggal ang mga trapal na nakatakip sa mga bintana. Doon namin napansing wala sina Ka Aryan at Ka Donald. Malamang nakatulog ang dalawa sa loob ng kuwarto sa bahay ni Ka Dado.
—Go ahead, Alpha. —Oscar Kilo na. —Copy that, Alpha.
Umandar ang sasakyan. Pumwesto na kami sa gitna, isang hilerang masinsin ang pagitan sa isa’t-isa, nakaluhod sa sahig ng sasakyan, nakasungaw ang dulo ng mga baril sa kaliwang bintana ng jeepney.
Pagliko sa kanto, kita na namin ang target, isang mobil patrol na may lamang apat na pulis. Nakaparada ito sa may lilim ng punong acacia, ilang metro ang layo mula sa paradahan ng mga pampasaherong sasakyan. Matagal nang inirereklamo ng mga masang tsuper ang gang ng mga tarantadong tulisang ito. Buwan-buwan umano ito kung dumalaw sa paradahan ng mga jeepney sa bayan. Limang libong piso nang limang libong piso palagi ang hinihingi ng mga buwitre sa kawawang organisasyon ng mga tsuper. Walang magawa ang masang anakpawis sa pagmamalupit ng mga unipormadong tulisan. Nananakot umano ang mga ito, kapag di sila nakakapag-abot. Nang di na makatiis ang kawawang mga tsuper, inilapit nila ang kaso nila sa kilusan. Sandali lang pinag-isipan ng Partido ang sumbong ng masa. Kahit saang anggulo silipin, dapat lang na parusahan ang mga kriminal na ito. At isa pa, may mga armas ang mga ungas kaya libreng armas din ito para sa kilusan pag nagtagumpay ang operasyon.
—Fire! sigaw ni Ka Jaron nang matapat kami sa mobil patrol
Pinaulanan namin ng bala ang buong kotse. Walang nagawa ang mga matatabang buwayang nakasakay sa loob, bulagta ang apat sa unang bagsakan. Di na kailangan pang mag-reload ng mga magazine.
—Ceasefire! sigaw ni Ka Jaron.
Tumalon kami ng sasakyan ni Ka Omar at lumapit sa kotseng basag lahat ng salamin at tadtad ng butas ang buong tagiliran. Sumilip kami sa loob. Patay na ang lahat ng tulisan. Binuksan namin ang kotse at kinuha ang mga armas ng mga bobong ungas, at mabilis na sumakay pabalik sa jeepney. Wala pang tatlong minuto, humaharurot na kami palayo.
Pigil ng lahat ang tuwa. Pilit pinapababa ang nag-uumapaw na adrenaline na gusto pang kumawala. Buti na lang at naka-doobie ako. Kahit papaano, kampante.
—Break Charlie! sigaw ni Ka Jaron sa radyo nang makalayo kami.
—Come in, Delta.
—Yung dalawang estudyante ko naiwan sa opis mo. Pakihatid na lang sa school bus.
—Ha? Naiwan?
—Roger, naiwan, di nakasama, nakatulog yata eh. Baka umiyak yang mga iyan paggising, pakihatid na lang sa school bus.
—Copy, copy.
Huminto ang sasakyan sa tabi ng ilog. Naroon si Ka Nin, binabantayan ang nakagapos na tsuper na siyang nagmamaneho ng jeepney na ginamit sa operasyon. Bukod sa kanila, naroon din sin Ka Dado at ang dalawang kasamang nakatulog sa bahay niya’t di nakasama sa operasyon. Pinakawalan ni Ka Nin ang tsuper, binantaang papatayin kapag nagsumbong sa mga awtoridad. Nagbabaan kami ng jeepney at sumakay sa naghihintay na bangka, pabalik sa bundok, palayo sa pinangyarihan ng krimen.