• Tidak ada hasil yang ditemukan

pRologo Sa iSang maka-uRing kaSal

Dalam dokumen Norman Wilwayco- Gerilya (Halaman 64-82)

Sapagkat kayo’y mga tapat na kasama Masaya ang Partido, Hukbong Bayan at masa Ngunit kasalata’y di maipagkaila

Kaya’t handog namin, lagom na ideya Una sa lahat, baya’y paglingkuran Mag-ambag ng salinlahi sa himagsikan Inyong pagmamahalan, gawing isang huwaran Dagdag na lakas sa pag-gapi sa kaaway

—Awit sa Kasal

Halos mapaiyak ako sa tuwa nang umupo sa hapag. Nakahain sa harap ko ang isang malaking mangkok ng umuusok na nilagang baka. Sa tabi nito may isang malaking plato ng puting-puti, katakam-takam at umuusok na kanin. May isang platitong patis sa tabi. At ang kakainan ko, malapad na pinggang babasagin, may kasamang luma pero nagkikintabang mga kubyertos. Halos mahalikan ko ang malinis at puting mantel ng mesa sa sobrang galak. Mahal talaga ng Diyos ang mga masisipag na komunista.

Inisip ko tuloy, kelan ba ko huling nakakain ng nilagang baka? Di ko na maalala.

Di na ko naghintay pang sabihan, nilantakan ko na ang pagkaing nakahain.

Nasa kasarapan pa ko ng tulog kanina nang gisingin ako ng mariing mga tapik sa pisngi. Nagulat ako nang mapagsino ko ang walang pusong gumambala sa tulog ko. Maliban sa ilang puting buhok at ilang gatla sa noo, parang walang nagbago sa hitsura niya, siya pa rin ang Anto na kilala ko. Tatlong taon na kaming di nagkikita, mula nang sumampa ako sa hukbo. Ni hindi rin ako nakapunta sa kasal niya sa Malolos noong nakaraang taon.

—Kumusta na, bok, bati niya sa akin, —kilala mo pa ba ko?

Parang nang-aasar ang tanong niya, kase pareho naming alam na kailangan akong mauntog nang malakas at magkaroon ng permamanenteng brain damage para makalimutan ko siya. At malamang ganoon din siya sa akin.

Si Anto ang nagrekrut sa akin sa kilusan, siya ang unang nagtahi-tahi ng mga tanong sa utak ko, at naglapat ng kumpletong solusyong nagtanggal ng mga agam-agam ko sa pagkilos. Idol ko siya mula noon hanggang ngayon, at kung hindi siya hihinto sa pagkilos, malamang hanggang sa hinaharap.

—Ano? Hindi ka na nakapagsalita. Hindi mo na ko kilala no?

—Makakalimutan ng Pilipinas ang mga Marcos pero ang pagmumukha mong iyan, malabo ko yatang makalimutan, sagot ko, nakabalatay ang ngiti’t panis na laway sa mukha ko.

—Kumusta na kasama, bati niya, sabay alok ng isang kamay.

Mainit kaming nagkamay. Bumangon na ko’t tiniklop ang mga hinigan. Kasalukuyan akong nakabase ngayon sa kitchen. Sa gabi pag tapos nang

kumain ang lahat, nagsisilbing kama ko ang malapad na mesang gawa sa tinistis na mga punongkahoy.

Mula nang bumalik ako ng kampo galing sa komunidad ng mga Dumagat, dito na ko dumiretso sa kusina, di na ko bumalik sa dati kong estasyon sa yunit 3 sa pamumuno ni dakilang Ka Jerry, at ng dakila niyang alalay na si Archie. Nagpaalam ako kay Ka Mon, na kung maaari, dito na ko sa kitchen bumase. Kako’y naiinip ako sa yunit 3, di tulad ditong masaya, laging may mga kasamang nagkukuwentuhan, may kantahan, at higit sa lahat, maraming tsibog.

—Ano, di mo man lang ba ko pagkakapehin? tanong ni Anto.

May malaking lata ng biskwit sa kalan at mula rito humahalimuyak ang singaw ng nilulutong kape. Kumuha ako ng dalawang tasa mula sa batalan sa tabi ng turaroy sa kusina at nagsalin ng kape, inalok ko kay Ka Anto ang isa. Payapa naming hinigop ang umuusok naming mga tasa

—Di ka pa rin nagbabago, bati ko, —mahilig ka pa rin sa kape.

—Kung may kape, di bale nang walang pagkain, sagot niya habang dahang-dahang hinihigop ang tasang mainit.

—Kelan ka pa dumating? Di ka man lang nagpasabi na papasok ka ng yunit. Ginulat mo ko.

—Di ko nga rin alam na ipapatawag ako rito eh. Ang sarap-sarap ng buhay namin sa TU office, may tatlong computer, may stereo, tv, at higit sa lahat, daming pagkain. Para kaming nasa bahay ni Fr. Emil. Tapos kagabi, pinasundo ako kay Ka Ana, yung naghatid sa iyo pagpasok mo.

—Hayun, burat na burat na sa simbahan. Gusto nang sumampa pero siyempre ayaw payagan ng mga bosing. Sabi pa niya nang huli kaming magkausap : —Ayoko na sa gawaing ito. Di na ko naniniwala sa diyos eh. Niloloko ko na lang sarili ko dito eh. Pati masang nagsisimba, niloloko ko na rin. Alangan namang sabihin ko sa kanilang di totoo ang Diyos.

Naubos ang kapeng di ko namamalayan. Kumuha ako ng refill sa kalan. Dumarami na ang tao sa kusina kaya lumipat kami ng pwesto sa may tabi ng isang malaking puno, naupo kami sa lupa’t itinuloy ang kuwentuhan.

—Kumusta ka naman dito? tanong niya.

—Ayos lang, natututo, nagwawasto, nakikibaka. —Balita ni Ka Mon, humahataw ka raw ah. Ikaw daw ang inaasahan pagdating sa laban.

Lagi talagang nauuna ang reputasyon ko kesa sa akin.

—Bakit, ano ba’ng mga naririnig mo? tanong ko.

—Kunwari ka pa. Ikaw ang idol ng mga tibak sa lunsod. Umabot na sa iba’t-ibang unibersidad ang legend mo.

Namataan kong papalapit sa amin si Ka Mon. —Nasabi mo na ba? tanong niya kay Anto. —Hindi pa, nahihiya akong magsabi eh, sagot ni Anto, —ikaw na lang.

Di ko alam ang pinag-uusapan nila, taas-kilay lang ang reaksyon ko.

—Meron ba kong dapat malaman? tanong ko, nagpalipat-lipat sa dalawa ang baling ng tingin.

Nagsalita si Ka Mon.

si Ka Anto.

—Ano yun, tanong ko kay Anto, —ba’t di mo pa sa akin sinabi ng deretso?

—Kase, para sa kasal ni Ka Jules bukas, paliwanag ni Ka Mon, —Kase ninong si Ka Anto.

Nananatiling nakataas ang kilay ko mula kanina. —Kailangan kasi natin ng marriage contract, yung pipirmahan nina Ka Jules at Ka Luz bukas sa kasal nila, at pati ng mga ninong at ninang. Wala tayong kopya ng marriage contract.

—Eh di gumawa, sagot ko.

—Kaso wala tayong kokopyahan, paliwanag ni Anto. —Dapat kase official, hindi yung iimbentuhin lang natin ang mga nakasulat.

May naisip ako.

—Di ba kinasal ka noong isang taon? —Oo, sagot ni Anto.

—Eh di gamitin mo yung marriage contract mo. —Yun na nga eh. Di ko dala. Di ko naman alam na wala pala kayong marriage contract dito. Kung alam ko lang, tatlo-tatlo ang computer namin sa office, pwede na sana ko nag-print doon. Marami pang dokumento roon pwedeng pagkopyahan.

—Ano ngayon, Ka Anto ang gusto mong gawin ko? Mag-magic ng kontrata?

—Wala nang ibang pwedeng gumawa kundi ikaw lang.

—Unang-una, hindi ako magician. Hindi pa ko kasal, ni hindi ko alam kung ano nakasulat sa marriage contract. Ano’ng magic ba ang iniisip mo?

—Kunin mo sa amin ang marriage contract. Ilang saglit akong natahimik. Tama ba ang dinig ko? Isang gerilyang NPA, pupunta ng legal office sa

white area?

—Sa TU office?

—Hindi, sa bahay namin, namin ng nanay ko, sa Angat.

Nakahinga ko ng maluwag. Akala ko pa naman kung ano na. Kung diniretsa nila ko kanina, di na sana ko kinabahan kung ano ang ipapagawa sa akin. Mga kasama talaga.

—Bok, tanong ko, —bakit kaya hindi ikaw ang kumuha?

—Kase kasama ko sa pulong mamaya.

—Eh bakit di tayo mag-utos ng ibang kasama. Kakagaling ko lang sa community work sa mga Dumagat. Di ba ko pwedeng mag-relax muna ng ilang araw?

—Bok bukas na ang kasal eh. Saka maliban sa akin, ikaw lang dito ang nakakaalam kung saan ako nakatira. Ikaw lang ang tibak na naisama ko sa amin.

Nakatingin lang sa amin si Ka Mon, bahagyang nakangiti.

Mukhang luto na ang desisyon bago pa man ako kausapin. Tipong wala akong kawala. Biglang napalitan ng asar ang tuwang naramdaman ko kanina nang makita si Anto. Ang ganda-ganda ng bati niya sa akin kaninang umaga, yun pala uutusan lang ako.

At ginamit pa si Ka Mon. Duda akong wala siyang ideya kung ano ang saklaw ng pinapagawa niya sa akin.

—Alam mo ba ang sinasabi mo, tanong ko sa kanya

Di ko na siya hinintay sumagot. Pinaliwanag ko sa kanya.

ganito ang mga steps na involved. Una, maglalakad ako mula rito sa kampo hanggang Matictic. Mga tatlong oras na lakad iyon. Pangalawa, pagdating sa Matictic, saka pa lang ako makakasakay ng traysikel. At di pwedeng basta traysikel. Dapat kilala natin ang drayber, dahil baka matiklo naman ako ng walang kahirap-hirap ng mga bobong kaaway natin. Kaya pangatlo, maghahanap ng traysikel drayber na kakilala. Kakain din ng oras iyon. Pag may traysikel na, saka ko pa lang tatahakin ang mahaaaabaaaang highway na tumatahi sa Garay at Angat. Kwarenta’y singko minutos, humigit kumulang ang kakaining oras nito. Tapos heto ang pinakamahirap. Kakausapin ako ng nanay mo, tatanungin ka sa akin, nasaan ka na, ba’t di ka tumatawag, etc. ano isasagot ko? Ngayon, kapag nasa kamay ko na ang dokumento, haharapin ko naman ang biyahe pabalik. Traysikel ulit mula Angat hanggang Matictic, pero may pagkakaiba mula kanina. Kase sa tantya ko, bandang hapon na kaya may jeep nang bibiyahe paakyat ng Baraka mula sa bayan ng Garay. Mababawasan ng mahigit isang oras ang lalakarin ko.

Hinayang na hinayang ako sa mga plano ko ngayong araw. Plano kong maligo sa ilog mamayang tanghali matapos kumain, at mamitas ng pako, manisid ng tulya, at kapag napagod, maidlip sa ilalim ng punong kahoy, at pagsapit ng dapithapon humitit ng marijuana bago bumalik sa kampo at maghapunan, sabay magkabit ng duyan sa isang sulok at payapang itulog ang malamig na gabi.

Ibinuhos ko sa damuhan ang lumamig kong kape at gigil na dinildil sa lupa ang upos ng yosi. Tumayo ako’t bumalik ng kusina para ihanda ang sarili sa

Mission: Marriage Contract. Parang pelikula ni Chuck Norris.

Iisipin ko na lang na ang gagawin kong ito, para sa mga kaibigan at kasama kong sina Ka Jules at Ka Luz, sa pag-iisang dibdib nila bukas. Naalala kong ni-request nga pala ng dalawa na tugtugin ko sa gitara at kantahin ang Himig ng Pag-ibig. Sana pag-uwi ko mamayang gabi, may lakas pa ko para makapag-ensayo.

At inumpisahan ko na nga ang biyahe, isang gerilyang buo ang loob na harapin ang simula ng mahaba’t solitaryong paglalakbay. Binagtas ko ang mahabang daang-kabayo pababa ng bundok. Tinuhog ko ang mahigit tatlong baryo bago sumayad ang nangangawit kong mga talampakan sa batuhing ibaba ng bundok.

Mataas na ang araw nang sapitin ko ang poblasyon. Pinuntahan ko sa bahay at inabutang naghahanda nang pumasada ang isang kakilala kong drayber ng traysikel. Matapos ang ilang paki-usapan, pumayag siyang ihatid ako nang balikan sa bayan ng Angat.

At katanghaliang tapat, narito na ko sa bahay nina Anto, sa bayan ng Angat, sa kusina ng maliit ngunit masinop na bahay ng nanay niya, sinisimot ang bawat litid ng mga ga-brasong buto ng nilagang baka.

—Lagi akong may nilagang baka sa freezer kase di ko alam kung kailan uuwi si Robert. Basta na lang sumusulpot ang batang iyon. Madalas dis-oras ng gabi. Kaya lagi akong may nilaga, para pag dumating si Robert, iinitin ko lang.

Saglit akong nagtaka kung sinong Robert ang tinutukoy niya. Tapos naalala kong Robert nga pala ang pangalan ni Anto sa labas ng kilusan.

—Kumusta naman siya, anak? Di naman nangangayayat?

—Mabuti naman po, sagot ko sa pagitan ng mga pagnguya.

—Sabihin mo sa kanya, mag-iingat siya parati. —Opo, makakarating.

—At dalas-dalasan niya kamo ang dalaw niya rito sa bahay.

Pakiramdam ko, sasabog na ang tiyan ko nang tumayo ako. Matapos kumain, pinaupo ako ni Inang Berta sa silyang tumba-tumba sa labas ng bakuran habang umano’y may mga ihahanda siyang ipapadala sa akin.

Habang dinuduyan ng silyang tumba-tumba sa lilim ng mga punongkahoy, napatawad ko na si Anto. Nilagang baka lang pala ang katapat ko. Medyo nakakatulog na ako nang tapikin ako ni Inang Merting.

—Ayaw sana kitang gisingin pero andiyan na yung traysikel na naghatid sa ‘yo kanina, yung pinabalik mo.

Ayaw pang tumayo ng mga tuhod ko. Nararamdaman ko ang protesta ng katawan kong pagod at gusto pang sumandal sa makinis at nakahilig na silya at umugoy-ugoy sa ihip ng hangin.

Inabot niya sa akin ang isang lumang knapsack. —Pakibigay na lang ito kay Robert, hane. Pagdating mo doon. Nariyan sa bulsa yung marriage contract.

Binuksan ko ang zipper ng bulsa para makatiyak, at nakita ko ang isang lumang papel na nakabilot, natatalian ng pulang laso.

Yumakap pa sa akin nang mahigpit at matagal si Inang Berta bago ako naka-alis. Sa isip niya, ako ang anak niyang si Robert, ang tanging bunso’t panganay niya, niluwal sa mundo’t pinalaking marangal, at ngayo’y susulong sa isang mapanganib na labanan. Di man gagap ng isip niya ang dahilan ng digmaan, ramdam niya sa puso niya ang kawastuhan nito.

Habang nakasubsob ang ulo ko sa nakayakap niyang mga braso, sa amoy-kusina niyang damit at timpi ngunit mahabang mga hikbi, sa ilang segundo naming pagkakalapit, parang di na siya si Inang Berta sa akin. Parang naaalala ko si nanay, ang nanay kong nagluwal sa akin sa mundo’t nagpalaki sa akin ng marangal. Namasa sa luha ang mga mata ko at niyakap ko si nanay.

Nagpaalam na ako’t lumabas ng bahay. Sumakay ako sa naghihintay na traysikel, at taglay ang lakas na dulot ng nilantakang karne at pagmamahal ng masa, sinimulan ko ang mahabang paglalakbay pabalik.

buwiS,

ReboluSyonaRyo

Tamad na burges Na ayaw gumawa

Sa pawis ng iba nagpapasasa

—Tamad na Burges

Mahigit limang minuto na siyang nagdo-doorbell bago niya marinig ang mga yabag na nanggagaling sa loob, papalapit sa lampas-taong tarangkahang bakal.

—Sino po sila? tinig mula sa loob.

Hindi muna siya nagpakilala. Luminga-linga siya sa paligid, sinipat na mabuti kung meron bang mga nagmamatyag. Sobrang tahimik ng kalye pati mga poste ng ilaw akala mo tulog. Walang mga sasakyang parating at madalang na madalang na rin ang mga naglalakad sa kalsada. Hinintay niyang makalayo pa ng kaunti ang nagdaang magbabalut, saka niya Inilapit ang ulo sa gate at bumulong.

—Ubeng, si Ka Alma ito, bulong niya.

Narinig niya ang tahimik na pagbukas ng gate mula sa loob. Para siyang mabibingi nang gumuhit sa tahimik na gabi ang ingit ng marahang pagbubukas ng tarangkahan. Mula sa siwang, sumungaw ang ulo ng isang babae.

—Ka Alma, magandang gabi.

— Magandang gabi rin sa iyo, Ubeng. Nariyan ba si Uncle?

—Nasa loob po. Tuloy po kayo.

Nagtuloy siya sa loob ng maluwang na bakuran. Hinintay niya munang maisara’t maikandado ni Ubeng ang tarangkahang bakal, saka sumabay dito papasok sa malaking bahay. Nagtuloy sila sa sala.

—Maupo ka muna, Ka Alma, ikukuha kita ng juice.

—Salamat, Ubeng.

—Sige po, hintayin n’yo na lang po siya dito kase may kausap lang po sa telepono.

—Sige, salamat.

Umupo siya sa sofa. Halos bumaon ang buong puwet niya sa lambot nito, habang lapat na lapat sa likod ang malambot ding sandalan. Iginala niya ang paningin sa loob ng bahay.

Di niya maiwasang mapailing sa garbo’t ganda ng bawat gamit. Mula sa malalaking kurtina hanggang sa malambot na alpombra, mula sa mga mamahaling abubot na nakakalat sa buong kabahayan hanggang sa mga pinakamodernong mga appliances. Kahit saan niya ibaling ang tingin, puro ganda ang nakikita niya.

Noong unang panahon, noong wala pa siya sa kilusan, parang ganito rin ang buhay niya. Sa burges na bahay na tinalikdan niya, bawat kulay, hugis, larawang nakasabit, antigong banga, ang lahat ng ito nagpapaganda sa pangkabuuan.

Di niya maiwasang kuwentahin ang estadong panlipunan ng nakatira sa pamamahay na iyon.

pareho na sila ng basyong baso ng juice na nakapatong sa makintab na mesita sa tabi niya. Sawa na siya sa kakatingin sa paligid. Nakatingin na siya ngayon sa malaking relo sa dingding, tinititigan ang bawat igtad ng segundo. Dahil wala siyang kakilos-kilos, para na rin siyang kasama sa mga palamuti ng bahay. Naisip niyang maghintay pa ng hanggang limang minuto. Kung di siya haharapin ni Uncle, aalis na lang siya, tutal marami pang pagkakataon para makasalamuha niya ito.

Tatayo na sana siya nang may bumukas na pinto sa may likuran niya. Humahangos na pumasok si Uncle sa sala at umupo sa isa sa mga bakanteng upuan sa harap niya.

—Ka Alma, sabi ni Uncle nang makaupo na, —pasensya ka na’t marami kasing ginagawa eh. Ano ba maipaglilingkod ko sa inyo?

—Uncle gusto ko lang i-follow-up yung sagot mo sa sulat ni Ka Mon.

Nagsindi ng sigarilyo si Uncle, matagal muna itong tahimik, ninanamnam ang usok, bago nagsalita.

—Sabihin mo kay Ka Mon, grabe naman yung hinihingi nyo sa akin. Ano ba tingin nyo sa akin, si Henry Sy? Pambihira naman kayo.

Nagsindi siya ng yosi, binalangkas sa isip ang mga sasabihin.

—Ako, gusto kong sumuporta. Makabayan ako. Mula pa sa mga lolo ko, hanggang tatay at mga tiyuhin at tiyahin ko, buong angkan namin symphatizers ng kilusan. Hindi kami pro-government. Pero kung ganyan kayo, ano pagpipilian ko? Alam nyo ba kung magkano halagang hinihingi nyo? Ikaw, Ka Alma, alam mo ba kung magkano ang hinihingi ni Ka Mon,

ng Partido?

Alam niya, pero pinili niyang manahimik.

—Limang M16, Limang M14, sampung 9MM, isang M60, mga granada, bala, radyo. Tapos may pera pa. Alam mo ba kung magkano? Isang milyong piso. Susmaryosep, saan ako kukuha ng ganoong halaga? Eh putangina daig nyo pa gobyerno kung mangurakot ah.

Dinildil ni Uncle sa ashtray ang sigarilyo nitong nangangalahati at nagsindi ng panibago.

—Ang yabang pa ng asta ni Ka Mon sa sulat, akala mo kung sinong siga. Samantalang hindi naman ganoon ka-lakas ang kilusan ngayon. Kitang-kita mo naman ang ebidensya. Hindi komo’t dumarami kayong mga aktibistang galing Maynila na sumasampa sa hukbo, hindi ibig sabihin na lumalakas ang pakikibaka, hindi ba?

Blangko pa rin ang mukha niya, di kakikitaan ng pagsang-ayon o pagtanggi sa mga sinasabi ng kausap. Diretsong nakatama sa mga mata ni Uncle ang paningin niya.

—Konting pang-unawa naman, mga kasama. Maliit na negosyante lang ako, purong Pilipino, walang dugong Intsik. Wala akong ginagawang ilegal, nagbabayad ako ng buwis, may mga permit ako mula sa gubyerno, na binayaran ko rin mula sa sariling

Dalam dokumen Norman Wilwayco- Gerilya (Halaman 64-82)