• Tidak ada hasil yang ditemukan

digmaang bayan, ayon Sa kaRanaSan

Dalam dokumen Norman Wilwayco- Gerilya (Halaman 29-36)

Halina, halina tayo’y maglakbay Patungo sa landas ng ating kalayaan Hawakan mo kasama ang iyong sandata Digmaa’y isulong hanggang sa tagumpay

—Halina, Halina

Lahat ng kabadtripan sa pagpasok, nakalimutan ko nang makita ko si Ka Jules. Dalawa’t kalahating taon ang mabilis na lumikdaw nang huli ko siyang makita, at nakakainggit ang halos walang pinagbago ng pala-ngiti niyang mukha. Sa hitsura, parang mas malaki pa ang itinanda ko.

Bago ito, nakakulong kami sa isang safe-house sa Maynila. Ako at dalawa pang mga naka-iskedyul sa pagsampa. Dalawang araw kaming nagpusoy, nagdebate, nagpunahan, nagkuwentuhan ng kanya-kanyang mga drama, mga karanasan, hanggang sa mamulat ang isipan at magpasyang sumampa sa bundok at sumapi sa NPA.

Matapos ang dalawang araw, nang medyo nagkakabadtripan na kami sa isa’t isa at tanging Marxistang idolohiya na lang ang nagpipigil sa amin para wag magsapakan, dumating din sa wakas ang

hinihintay naming kuryer. Siya ang maghahatid sa amin papasok sa sonang gerilya.

Nag-umapaw sa galak ang puso ko, sa wakas, makakapasok na rin sa sona. Sa wakas, makakalahok na rin sa armadong pakikibaka. Sana magkakahiwalay na area ang mapasukan namin, ayokong makasama ang dalawang bugok na ito. Kay raming sana, habang nag-eempake at napupuno ng pananabik ang isip.

Tapos sinabi ng kuryer na may mga aasikasuhin pa siya sa Maynila. Babalik siya matapos ang dalawa-tatlong araw. At saka kami sabay-sabay na aalis, luluwas ng Maynila at pupunta ng probinsya, papasok sa sonang gerilya. Umalis ang kuryer, hinatid namin ng simangot at pagdarabog.

Di lang dalawa kundi tatlong araw bago siya dumating. Nauubusan na kami ng dahilan sa masang may-ari ng bahay na ginawa naming safehouse.

Bakit wala pa ang sundo nyo? Hanggang kailan kayo dito? Hindi kaya nahuli na yung dapat sumundo sa inyo? Bakit kaya ilang araw na wala pa rin. Wala man lang pasabi. Hindi tumatawag. Hindi nagpaparamdam.

Ah, eh, kasi po ate, baka abala lang po sa mga gawain niya dito sa Maynila. Kung nahuli man po ang kasamang kuryer, tiyak naman pong merong kokontak sa amin dito mula sa aming pamunuan.

Hanggang sa kami mismo hindi na naniniwala sa mga sinasabi namin. Hanggang sa umabot sa puntong nagtanggalan kami ng mga prinsipyo sa katawan at naghamunan ng suntukan. Mga naturingang Marxista ng unibersidad, isang linggo lang nakulong sa loob ng bahay, nakalimutan na ang mga prinsipyong pinaglalaban ng patayan.

Sa wakas, dumating ang kuryer. Sinaksak ko lahat sa bag ang mga gamit ko, wala nang ayos-ayos. Di ko na nakuhang ayusin ang mga gamit dahil nagmamadali si Ka Ana. Pati ang masang kumupkop sa amin, halos ipagtabuyan kami sa gate nang magpaalam kami. Sumakay kami sa taxi na naghihintay sa labas.

Isang oras ang lumipas at sakay kami ng matuling bus na biyaheng Bulacan. Panay tulog ang mga kasama ko, kami lang ni Ka Ana ang gising. Abala siya sa pagbabasa ng tabloid.

Binuksan ko ang bintana at nilanghap ang sariwang hangin mula sa labas. Palayo kami nang palayo ng Maynila, nararamdaman ko ang pagpapalit ng klima, unti-unting bumakat ang mga utong ko sa kamiseta ko sa tindi ng ginaw. Dinukot ko sa bag ko ang luma kong sweater.

Tumingin ako sa labas at nag-isip. Isa ako sa mga tibak na matagal bago nakapagdesisyong mamundok. Pero kahit na matagal akong nag-isip, kahit solido na ang mga katwiran ko kung bakit wasto at handa na ko sa armadong pakikibaka, nandoon pa rin ang pagsisisi, parang ipis na gumagapang sa gilid-gilid ng bagong walis na sahig. Hindi nakakasagabal pero napapansin mo.

At maya-maya, di ka mapakali kase kailangan mo nang tapakan ang putanginang ipis. Kung para man lang wag nang malagyan ng mga alinlangan ang utak kong bagong walis. Pero maya-maya, makikita kong gumagalaw pa rin ang mga paa ng ipis. Buhay pa rin ang putangina kahit na anong gawin ko.

Kailangan ko itong gawan ng paraan. Dapat mawala ang kaba ko bago pumasok ng sona.

ng San Miguel, Bulacan. Nagising ako mula sa isang masalimuot na tulog nang tapikin ako sa braso ni Ka Ana. Nanlalata ang mga tuhod ko sa tagal nang pagkakatiklop, manhid ang puwet ko sa ilang oras na pag-upo. Pupungas-pungas kaming bumaba ng bus. Umandar ang bus nang makababa kami.

—Kas, akala ko ba sa terminal tayo bababa? Bulong ko kay Ka Ana.

—Ito na yun, sagot niya.

Tumingin ako sa paligid. May nag-iisang vendor sa tabi ng poste, nalililiman ng isang lumang lona. May mangilan-ngailang bahay na magkakalayo ang natanaw ko sa di kalayuan. Lumapit kami sa vendor, ang nag-iisang liwanag sa gitna ng terminal na ito sa tabi ng highway.

—Kumain muna kayo balut, sabi sa amin ni Ka Ana.

Tumambay kami’t kumain ng balut. Nilapitan ko si Ka Ana at binulungan.

—Kas, na-e-ebs na ko.

—Pambihira ka naman. Walang CR dito. Di ka pa tumae doon sa Maynila.

—Sorry, kas. Di na mapigilan talaga.

Tumingin siya sa paligid. Tinuro ng daliri ang gawing likuran ng terninal.

—Doon sa may likod, sa talahiban. Bilisan mo. Lakad/takbo ang ginawa ko. Pagdating sa talahiban, naupo ako sa lupa at dinukot sa bulsa ang dalawang joint na nakatago sa bulsa-relo ng kupas kong maong. Sinindihan ko ang joint at humitit ng malalim. Pinigil ko ang ubo sa lalamunan at mabilis na hinitit hanggang sa maubos ang kambal-jumbo.

kumalat ang tama ng damo. Unti-unting nalusaw ang kaba ko sa dibdib. Tumayo ako’t mabilis na bumalik sa puwesto nina Ka Ana.

—Asan si Ka Ana? tanong ko sa dalawang kasama ko.

—Naghanap ng sasakyan.

Tulog na tulog na ang buong baryo kaya pati kami parang nahihiyang magkuwentuhan nang malakas. Pabulong ang mga salita namin. Iginala ko ang tingin sa paligid. Para kaming wala sa Pilipinas. Ibang-iba ang eksenang ito sa eksenang nakasanayan ko sa Maynila.

Pinunit ang katahimikan ng maingay na garalgal ng lumang traysikel. Maya-maya, isang luma’t karag-karag na traysikel ang pumarada sa harap namin. Nakasungaw sa gilid ang ulo ni Ka Ana.

—Halika, sakay na kayo, sabi niya.

Tapos na kong makapag-inat-inat ng mga natutulog na masel. Lumilipad na sa alapaap ang isip ko. Excited na uli akong mag-adventure. Sumakay ang dalawang kasama ko sa loob, ako naman sa may likod ng drayber. Iniwasan ko ring malapit sa kanila dahil baka maamoy ako. Baka malusaw ang Marxismo nila sa amoy ng super-chongki na baon ko pa mula sa Maynila (inorder mula sa Baguio, garantisadong buntot-pusa).

Habang daan, ninamnam ko ang bawat lubak, bawat lusong at ahon, habang naka-maximize ang mga butas ng ilong ko sa paglanghap ng malamig at mabangong hangin. Tapos iniisip ko, ito na iyon, ito na iyong matagal ko nang ipinaglalaban doon sa baba. Ito na iyong araw-araw naming ni-le-lecture sa mga tibak sa school.

Sarap ng tama ko. Tamang hardcore na nature trip. Bakit, totoo namang hardcore itong papasukin ko ah. Tangina may mas hardcore pa ba sa pagsapi sa NPA? Panis ang mga tarantadong aktibistang nakikipagbatuhan sa rally sa Maynila. Dito, narito sa kanayunan ang totoong pakikibaka. Dito sinusulat ang kasaysayan ng pambansa-demokratikong rebolusyon, motherfuckers!

Matapos ang mahigit kalahating oras ng lusong at ahon sa pagiray-giray na daan ng baryo, narating namin ang hangganan ng kalsada. Dito na nagtatapos ang biyahe ng traysikel. Sa tanglaw ng bilugang buwan, naglakad pa kami ng mahigit isang oras sa madilim na daang kabayo, nakailang ahon at lusong sa mga gulod, bago marating ang destinasyon, isang kulumpon ng magkakalapit na lima hanggang anim na dampa.

Ang bahay sa gitna ng kulumpong ito ang sadya namin. May maliwanag na ilaw ng gasera na naglalagos palabas ng bukas na bintana.

Bukas ang pinto ng bahay at mula sa ilaw na naglalagos galing sa loob, tanaw ko ang hugis/anino ng isang taong nakatayo sa may pinto, kita sa dilim ang hugis ng armalayt na nakasukbit sa balikat niya. Kahit madilim at bahagyang natatakpan ng anino ang mukha niya, nakilala ko siya. Si Ka Jules, dati kong ka-kulektib sa Maynila.

Lahat ng kabadtripan sa pagpasok, nakalimutan ko nang makita ko siya. Dalawa’t kalahating taon ang mabilis na lumikdaw nang huli ko siyang makita, at nakakainggit ang halos walang pinagbago ng pala-ngiti niyang mukha. Sa hitsura, parang mas malaki pa ang itinanda ko.

Muli, naisip ko, ito na iyon, ito na iyong matagal ko nang ipinaglalaban doon sa baba. Ito na iyong araw-araw kong ni-le-lecture sa mga tibak sa school. Dati kasi, di ko ito nakikita sa ganitong anggulo. Ngayon lang, habang mainit akong kinakamayan ng isang pulang mandirigma, ang paligid balot ng huni ng mga kuliglig at panggabing hayop, malamig sa balat ang hanging amoy dayami, ipa, at mula sa bintana parang kulambong bumabalot sa amin ang mapang-anyayang amoy ng nilagang kape.

Dito ko nakita ang katotohanan sa likod ng paniniwala ko. Sa tinagal-tagal ng pagkilos ko sa baba, ngayong gabi ko lang napagtantong totoo nga ang digmang bayan.

Masdan mo ang parang sa iyong paligid Lahat ay naririyan, anak mo ang papatid Sa kawing ng imperyalistang ganid Hanggang ang demokrasya’y maitayo nang tuwid.

—Awit ng Pagbabalikwas

Dalam dokumen Norman Wilwayco- Gerilya (Halaman 29-36)