• Tidak ada hasil yang ditemukan

Semi-legal

Dalam dokumen Norman Wilwayco- Gerilya (Halaman 36-44)

Dinatnan niyang maganang kumakain ang pamilya ni Ka Manny. Hiyang-hiya siya, pakiramdam niya pusa siyang naka-amoy ng pagkain, at lumalapit kahit walang imbitasyon. Pero saglit lang ang hiya. Kase dito sa kanayunan, karamihan laging mainit ang tanggap sa mga bisita, sino man ito, saan man galing.

—Nakow! Aba e tamang-tama ang dating mo, Ka Alma, bati sa kanya ni Ka Manny nang sumungaw siya sa bukas na bintana.

Napalingon sa kanya ang mag-anak na maganang nagsisikain sa mesa. Napangiti ang lahat nang mapagsino siya.

—Anak, mabuti naman at nagawi ka, bati sa kanya ni Inang Metring —matagal ka ring di napasyal.

—Oo nga, ate, halos sabay-sabay na bigkas ng apat na dalagang anak nila.

Isa sa mga anak nila ang nagbukas ng pinto, isa ang tumayo’t kumuha ng ekstrang pinggan sa paminggalan, isa ang nag-ayos ng mga plato sa mesa para bigyang daan ang isa pang kakain. —May kanin pa ba? narinig niyang bulungan ng magkakapatid.

Ilang saglit lang at may nakahandang silya at espasyo sa mesa para sa kanya. Iginala niya ang tingin sa lahat, wala siyang makitang bahid ng kahit konting pagkainis sa naantala nilang salu-salo. Bakas sa mukha ng pamilya ang saya, naglalarawan ng pananabik sa muli nilang pagtatagpo. Sapat na itong imbitasyon para sa kanya. Inayos niya sa pagkakasukbit ang baril na nakaumbok sa may tagiliran niya at sinaluhan sa pagkain ang nag-iimbitang pamilya.

Isa ang pamilya ni Ka Manny sa mga unang na-organisa dito sa may sentrong kabayanan. Mula nang mamulat ito, kusang-loob itong nag-alok ng anumang maitutulong sa ikasusulong ng rebolusyon. Karaniwan nang dito sa bahay nila nagpapalipas ng gabi ang ilang mga kasamang inabot ng gabi sa bayan.

Mabilis niyang nakapalagayang loob ang buong pamilya ni Ka Manny. Wiling-wili sa kanya ang magkakapatid na para bang tunay na kapatid ang turing sa kanya. Sobrang galang at bait ng mga ito at kahit minsan di niya kinakitaan ng masamang ugali. Di niya maiwasang ikumpara sa mga kakilala niya dati sa Maynila.

Unang natapos sa pagkain si Ka Manny. Nagpaalam at tumayo, magpapahangin at maninigarilyo sa labas. Naiwan siya kasama ang mga babae.

—Mabuti naman at naisipan mong dumalaw, parang may tampo sa pananalita ni Ka Metring.

ng yunit.

—Ate Alma may boyprend na si bunso! report sa kanya ng panganay.

—Talaga, bunso?

—Talaga, sabay-sabay na sagot ng mga kapatid. Isang maingay na tuksuhan ang pinagsaluhan ng lahat. Kunwang naaasar pero nakangiti si bunso, samantalang pulang-pula ang mukha niya sa hiya. Pati si Ka Metring, sinasakyan ang kantyawan ng magkakapatid. Madalas, pinakamalakas ang tawa niya sa lahat, bagay na lalong kina-aasar/kina-tutuwa/ kinahihiya ni bunso.

Sa gitna ng maingay na daldalan at tawanan nilang mga babae, di maiwasang kurutin siya sa dibdib ng mga ala-ala niya noong kasama pa niya ang sariling pamilya. Ganito sila noon ng mga kapatid niya. Puro babae rin sila. Ganito sila ingay, daldal, ka-kulit sa hapag-kainan. Ingay na di matagalan ng papa nila, kaya lagi itong nauunang matapos, at lumalabas ng bahay para magpahangin at manigarilyo.

Tulad ng ginagawa ngayon ni Ka Manny. At maiiwan silang mag-iinang aabutin ng siyam-siyam bago magsitayo sa hapag. Tulad ng ginagawa nila ngayon nina Ka Metring. Kung susuriin palang mabuti, walang masyadong pinagkaiba ang buhay niya noon sa buhay niya ngayon. Bahagya siyang nakonsuwelo nang maisip ito.

—Tama na yan, lumalalim na gabi, paalala ni Ka Metring —At pagod pa yang ate Alma nyo.

Isa-isang nagtayuan ang mga magkakapatid, tulong-tulong silang nagligpit ng pinagkanan, may kanya-kanyang toka sa mga gawaing bahay.

Metring.

—Dito na po, kung ayos lang sa inyo. —Susmaria, parang anak na kita ah. —Salamat po nay.

—Sige na, labasin mong tatay mo doon sa labas at mukhang marami pa kayong pag-uusapan.

Sa munting bakuran sa labas, namataan niya sa dilim ang baga ng sigarilyo ni Ka Manny. Nakatayo ito sa may tabi ng matandang punong acacia sa harap ng bahay. Lumapit siya rito. Inalok siya ng kuping kaha ng sigarilyo, may ilang laman pang natitira sa loob. Kumuha siya’t nagsindi ng isa, ibinuga ang usok kasabay ng mahabang hikab.

—Nabusog ka ba, Ka Alma? tanong sa kanya. —Opo, tay, sagot niya. —Busog sa pagkain at busog sa kakatawa.

Tumango-tango si Ka Manny, nakakunot ang noo. Ilang minuto muna silang tahimik, kapwa ninanamnam ang paghitit-buga ng usok, tanging liwanag na nagmumula sa mga sigrailyong mumurahin ang nag-uugnay sa kanilang dalawa. Mabigat ang mga buntong-hininga, pinipilit ikubli sa pagbuga ng usok.

—May problema tayo dito, kas.

Pinitik niya ang upos palabas ng bakod. Nasasanay na sa dilim ang mga mata niya kaya bahagyang naaaninag na niya ang kausap.

—Ano po ang problema? tanong niya.

Nagsindi ng panibagong sigarilyo si Ka Manny. Matagal muna itong tahimik, maingat na binubuo sa isip ang gustong sabihin. Di ito umimik hanggang maubos ang sigarilyong hinihitit.

—Problema natin si Joseph.

sa memorya ang pangalan at hitsura ng taong nagngangalang Joseph. Wala siyang maalala.

—Sino hong Joseph?

—Anak ni Amba Dencio na taga-Bamban, sa may hangganan ng gubat patagos ng Garay.

Saglit siyang nag-isip. Naaalala na niya. —Si Amba Dencio na sunog ang mukha? —Siya nga.

—Ano po ang problema kay Amba Dencio? —Hindi siya, yung anak niyang si Joseph. Ngayon niya lang nalaman na may anak pala si Amba Dencio. Humingi siya ng sigarilyo sa kausap at hinintay itong magpaliwanag.

—Yung mga pwersa natin sa bayan, hindi makapagpulong ng maayos. Lagi silang natitiktikan ng kaaway.

—Si Joseph? —Aba’y sino pa?

—Sigurado ho kayo? Paano nyo nalaman? Bahagyang nanginginig ang sigarilyong nakaipit sa mga daliri ng kausap habang ikinukumpas ang mga kamay, pagdidiin sa sinasabi.

—Paano’y laging aali-aligid kung saan meron kaming pulong. Noong na kina Taburgo kami, nandoon siya sa may ilog sa labas, namamante kunware. Noong na kina Pareng Dak kami, nagpupulong para sa mga gagawin natin sa rally sa Maynila, nandoon iyang Joseph na iyan sa bilyaran, katapat ng bahay na siya naming pinagdadausan ng usapan.

—Hindi ho papayagan ni Amba Dencio na gawin yun ng anak niya.

—Kow e matanda na ang amba. Di naman na niya alam mga kalokohan ng anak niya.

—Sigurado ho kayo? paniniyak niya. Malalang paratang ang maging ahente ng kaaway.

—Mas sigurado pa sa pagtaas ng presyo ng abono’t pestisidyo taun-taon.

Mahirap ito, naisip niya. Kailangan niya itong ireport agad kay Ka Mon.

—Heto pa, may bagong motorsiklo si Joseph. Panay pahambog ng ulol sa mga kaibigan niya.

—Binilhan siya ni Amba Dencio?

—Ano ipambibili ni Amba Dencio ng bagong motorsiklo? Nakita mo? Saan galing motorsiklo ni Joseph? Bakit meron siya noon? Saka hindi mo ba napansin yung suot? Bagong kamiseta, pantalon, tsinelas. Dami pa nga daw pera sabi ng mga tao sa bilyaran. At heto pa, may nakakita kay Joseph na nakatambay sa may ibayo, sa bagong checkpoint ng CAFGU.

—Ano ho ba hitsura nitong Joseph?

—Payat, medyo maputi, singkit. Malapad ang katawan. Barkada dati nina Tikboy na anak ni Ka Dadeng.

Nagulat siya, kilala niya si Tikboy.

—Barkada ni Tikboy? Eh kinse anyos lang iyon ah.

—Siya nga. Bata pa itong si Joseph. Nagbibinata, maingay, makulit, malikot, mayabang. Noong nakaraang taon daw, nag-aaral pa ito sa bayan. Pero sabi ng mga napagtanungan ko, di na raw nag-aaral ngayon, huminto na. Di ko naman maharap ng deretsa si Amba Dencio at tanungin kung ang anak niya ba’y ahente ng kaaway. Matanda na ang amba, ayoko nang dagdagan pa ang problema. Kakamatay pa mandin ng asawa.

Napailing siya. Isang batang paslit ang sanhi ng pagkaudlot ng pagsulong ng digmaang bayan. Sigurado kaya si Ka Manny sa sinasabi niya? Dapat niya itong imbestigahang maige.

—Sige Ka Manny. Ipaparating ko agad kay Ka Mon ang problemang iyan.

—Sana, kasama. Kase nahihirapan kaming umiral dito, di namin alam ang gagawin. Gusto na nga ng ibang mga kasama na parusahan si Joseph. Pinigil ko lang. Kako’y sasabihin ko muna sa iyo.

—Wag ka mag-alala. Pangako bibigyan kita agad ng sagot. Makakarating kaagad kay Ka Mon ito.

—Salamat, Ka Alma.

—Kumusta naman ho yung mga magsasaka natin sa tumana? Nakapagpulong ho ba sila?

Umiling-iling si Ka Manny.

—Hindi. Natatakot silang magpunta kina Kunsehal Eddie. Kilala daw sila ni Joseph, baka raw sila matiklo.

Di siya makapaniwala sa narinig. Mas malala pala ang problemang ito kesa una niyang akala.

—Yung mga kabataan naman natin sa may talampas, dapat meron silang nakatakdang ED. Hindi natuloy kase pagdating daw ng mga kabataan sa bahay nina Ople, pagtingin daw nila sa tindahan sa tapat, may motorsiklong nakaparada. Baka raw kay Joseph.

Ngayong gabi rin, tatawag siya kay Ka Mon sa radyo. Siya mismo ang personal na nag-organisa sa mga kabataan sa talampas. Di niya hahayaang sirain ng isang batang walang isip ang lahat ng pagod na ipinundar niya sa solidong pakikisalamuha’t pag-oorganisang ginawa niya sa komunidad.

—Hayaan nyo po’t makakarating lahat iyan kay Ka Mon.

—Pumasok na kayo’t mahamog diyan sa labas, aya ni Ka Metring, nakadungaw sa bintana.

Napansin niyang patay na ang karamihan sa gaserang bukas. Madilim na’t inaantok ang bahay kung titingnan mula sa labas. Maririnig pa rin ang mahihinang bungisngisan at tuksuhan ng magkakapatid, na sinusundan ng mabining saway ng ina.

—Pumasok ka na sa loob, Ka Alma. Pumasok ka sa nanay mo’t nang makapagpahinga ka na. Bukas natin ituloy ang usap. Sige na.

Di na niya nakuhang tumanggi. Bagamat gusto pa niya sanang makipagkwentuhan/konsultahan tungkol sa kanilang mga gawain, mas mapang-akit ang karinyo ng antok. Lalo pa’t naparami ang kinain niya. At kailangan niya pang rumadyo kay Ka Mon.

—Sige po, paalam niya. —Mauuna na po ako. Naiwan si Ka Manny sa tabi ng puno. Sa paghakbang niya, narinig niya ang kiskis ng palito sa posporo at ang buntong-hininga sa dulo ng pagbuga ng usok.

laki Sa gubat,

Dalam dokumen Norman Wilwayco- Gerilya (Halaman 36-44)