• Tidak ada hasil yang ditemukan

ang pulitika ng ampalayang ligaw

Dalam dokumen Norman Wilwayco- Gerilya (Halaman 141-153)

Manggagawa at magsasaka Kabataan at propesyunal Mga alagad ng simbahan

Negosyante at pinunong makabayan. Tayo na at magkapit-bisig

Tapusin ang daan-taong pananahimik Panahon na upang ang ating tinig Ay marinig sa buong daigdig

—Martsa ng Bayan

Kagabi pa ako nandito sa bahay ni Ka Bench. Parang ayaw ko ngang dito kami magkita ni Ka Alma kase bagamat malayo ito sa bahay ni Par Queen, kung saan naganap ang engkwentrong umutas kay Ka Jaron, dito ang daan kung papunta sa gawing iyon ng bundok. Pero si Ka Alma ang nagmungkahi ng lugar kaya okey na rin sa akin. Malaki ang tiwala ko sa kasama.

At naisip ko ring baka mahihirapan akong pumunta rito sa umaga dahil mas makilos ang mga tarantadong kaaway sa araw kesa sa gabi. Sa kahabaan ng maghapon, naglisaw ang mga unipormadong tulisan sa buong bayan, hanggang paakyat sa mga hangganan ng mga baryo, tinatakot ang masa’t pineperhuwsiyo ang kanilang kabuhayan. Pero sa gabi, nagkukulong sila sa kanilang mga baraks, lukot ang mga nanlalamig

na mga bayag sa takot sa mga gerilyang NPA. Kaya gabi ako nagpunta kina Ka Bench, sukob ng kumot ng dilim. Tumambay muna ko sa bahay ni Amba Dencio noong hapon, para maghintay ng pagkalat ng dilim. Nabalitaan kong nasa ospital ang anak niya, binaril daw ng kung sinong gago sa may malapit sa bayan. Sobrang lublob sa mga alalahanin ang matanda kaya di ako masyadong inatupag. Okey lang din sa akin, halos dalawang oras akong nag-monitor sa radyo, nakinig sa daldalan ng mga nagsasalita sa ere, mga miltar at sibilyan, kriminal at hindi, nakiramdam sa mga nangyayari sa bayan, sa munisipyo, at iba pang lupalop.

Nang kumalat ang dilim, binagtas ko ang madilim na daan paakyat ng bundok. Sa may pag-ahon ng matarik na lambak, sa may itaas ng rumaragasang ilog, nakatanghod sa ibabaw ng malaki’t malapad na bato ang dampa ni Ka Bench, nakaharap ang maluwang na bintana sa daan, kita ang sinumang dumarating paakyat sa matarik at baku-bakong kalsada.

Lawit ang dila ko nang mabanaag sa dilim ang malamlam na ilaw na isinasabog ng bukas na bintana. Bagamat mahina ang bombilya nito, para itong 7-Eleven sa dulo ng madilim at tahimik na kalye na humihinga ng init/panganib sa mga taynga ng paisa-isang naglalakad.

Walang hinto kong ininom ang isang pitsel ng tubig na inialok niya sa akin. matapos inumin ang tubig, nahiga ako sa duyang nakasabit sa may puno sa labas ng bahay, at nakatulog. Umaga na akong nagising, nang sundutin ng kislap ng liwanag ng araw ang mga mata ko sa nakasaradong mga talukap.

magmagandang-gabi nang dumating ako. Nakiinom lang ako’t nakitulog na nang wala ni ha ni ho.

Pero sinalubong niya ko ng ngiti at sang tasa ng umuusok na kape, nagsasabing, naiintindihan niya ang inasal ko kagabi. Kung magagalit siya, maiintindihan ko. Para nga naman akong sundalo ng kaaway sa mga ikinilos ko.

Habang nagkakape, pinag-usapan namin ni Ka Bench ang nangyaring engkwentro. May balita siya galing sa bayan, sa panig ng mga sundalo.

Noong hapon daw na iyon, dala ng mga kaaway ang bangkay ni Ka Jaron, binagsak ito nang padapa sa harap ng munisipyo, pagkain sa mata ng mga masang nag-uusyoso. At lima raw ang patay sa hanay ng kaaway.

Mula sa sinabi niya, naalala kong parang sine ang nangyari sa amin noong engkwentro, nang patalilis na kami ni Ka Edgar, nang bumalik ito at narinig ko ang sunod-sunod na putok ng armalite. Akala ko noon, napatay si Ka Edgar. Pero iba ang sinasabi ngayon ni Ka Bench. Ayon sa balitang munisipyo, nakuha ng mga sundalo ang bangkay ng kilalang iskwad lider na si Ka Jaron.

Nasaan si Ka Edgar?

—Teka, may sumusunod sa atin, naalala kong sambit ni Ka Edgar sa akin. —Mauna na kayo, titingnan ko lang para sigurado.

At ang paglamon sa kanya ng talahiban, at ang mga putok.

Kung di siya nakuha ng kaaway, malamang ang mga putok na narinig ko, galing sa kanya. Ang putok na iyon, na akala ko tumapos sa buhay ni Ka Edgar, umutas pala sa buhay ng isang sundalong animal.

Kaya buhay si Ka Edgar dahil kung patay siya, katabi siya dapat ni Ka Jaron sa harap ng munisipyo.

At pwedeng isa sa mga dahilan kung bakit di siya nakasipot sa kitaan matapos ang pangyayari, malamang sugatan siya’t nagtatago sa mga sukal ng gubat.

Dapat malaman agad ito ng mga kasama. Dapat makapag-organisa agad ng operasyon para hanapin si Ka Edgar sa mga kasukalan malapit sa pinangyarihan ng engkwentro. Kailangang masabihan ang mga masang magbubukid na nakatira sa mga kalapit na baryo para makatulong sa paghahanap.

Sana kung sugatan man si Ka Edgar, maabutan namin siyang buhay. Sana makita siya ng masa at mailigtas sa kapahamakan, hanggang sa matugunan ng kilusan ang sitwasyon.

Maya-maya, nagkahulan ang mga aso. Alerto akong sumilip sa bintana, nakahimlay sa puluhan ng baril ang kanang kamay. Nakita kong parating si Ka Alma. Kumaway siya sa akin.

Nakangiti siya pero nabasa ko ang lungkot/pag-aalala sa mukha niya. At nakita ko rin kung paano niya ito maskarahan ng mga tuyong ngiti. Tinitigan ko siya nang matagal, sinisikap impukin sa memorya ang mga detalye ng kasamang naglalakad, mula sa berdeng tubaw na nagtatakip sa malabay niyang buhok na laging nakapusod, sa salamin niya sa mata na para bang pinipilit itago ang mapungay at singkit na mga matang sibat kung tumingin, hanggang sa simpleng kasuutan, lumang backpack, sa pantalon at lumang tsinelas, determinadong naglalakad, matapat na nagsusulong ng mga pangarapin ng bawat-isa sa kanila, di alintana ang tumatabal na alikabok na

hinahalukay ng mga paa niyang sanay na sa lakad at iba pang sakripisyo, at naisip kong handa akong ibuwis ang buhay ko para sa kasamang ito.

—Magandang umaga, Ka Alma, bati ko sa kanya.

—Magandang umaga din sa yo, kasama, sagot niya.

Huminto siya sa harap ko, di ko naiwasang bumaba ang tingin sa humihinga niyang dibdib, at sa halip na maasar, natawa siya, at natawa rin ako.

Pero kahit pa, naroon pa rin ang lungkot/pag-aalala, nakapinta di lang sa mukha niya kundi pati na rin sa laylay niyang mga balikat at hapong mga paa. Kinuha ko sa likod niya ang suot niyang backpack, at di siya tumanggi, bagkus winagwag ang mga braso para kumawala sa sakal ng mga strap.

—Salamat, sabi niya. Pumasok kami ng bahay.

Nakita kong ipinagtimpla siya ng kape ni Ka Bench, at nagsisi akong di ko unang naisip iyon. Inilapag ko ang backpack sa sahig at inalok siya ng kahoy na upuan. Pasalampak siyang umupo, sinubsob ang mukha sa magkabilang palad, at umiyak. Nilunod ng mga hikbi niya ang katahimikan ng buong kubo sa umagang ito. Nagkatinginan kami ni Ka Bench, di alam kung ano ang gagawin.

Marahan ko siyang tinapik sa likod, at dinukot ko sa bulsa ang panyo kong marumi, at inalok sa kanya. Napatingin muna siya rito, bago singahan at ibalik sa akin, hawak sa dulo ng mga daliri. Ibinulsa ko ang panyo ko’t tinuloy ang pagtapik ng palad sa likod niya.

siyang natahimik. Tinigil ko ang pagtapik sa likod niya, umupo sa harap niya.

—Sorry ha, paliwanag niya, —di ko kinaya eh. —Okey lang, sabi ko, —di kita pupunahin, nakangiti ko pang dagdag.

Hindi siya natawa kaya tumahimik na lang ako, hinintay na siya ang unang magsalita.

—Pakisabi kay Ka Mon, negative, mahinang sabi niya.

Tumango ako. Di ko alam kung ano’ng kukumustahin sa kanya dahil alam kong siya mismo, hindi okey. At wala akong alam sa trabaho niya.

—Nandiyan sa pack yung mga suplays na hinihingi niya. Pakisabi, yung mga sapatos, susunod na, di ko kasi alam kanina kung ano ang mga sukat ng mga paa ninyo.

Matagal kaming tahimik. Naririnig namin mula sa labas ang mga sibak ng palakol ni Ka Bench habang nagtatrabaho sa isang hawan sa di kalayuan. Hinawakan ko siya sa kamay, sinalubong niya. Punong-puno ng emosyon ang dibdib ko, di ko alam kung ano ang gagawin. Pinisil ko na lang ang mga palad niya, na ginantihan niya rin ng mga pisil.

At naisip ko, kahit di ko siya masyadong kilala, lahat ng nalalaman ko base lang sa mga sabi-sabi ng masa’t mga kasama na kalimitan eksaherado, kahit pa, handa na kong mamatay para sa kasamang ito.

Tumingin kami sa labas.

Biglang bumaklas sa pagkakalingkis ang mga kamay namin. Kita namin mula sa bukas na bintana ang paparating na army jeep, may lamang mga nakatayong sundalo, may naka-ambang machine gun sa tuktok ng sasakyan. Sabay kaming bumunot ng

baril.

Gumapang ako papunta sa likod ng bahay, dinakma ang backpack, tumalon sa bintana nagtatakbo pababa ng gulod habang isinusuot sa likod ang pack, hanggang sapitin ko ang malapad na batong nakanguso ang dulo sa malalim na parte ng rumaragasang ilog sa ibaba.

Tatalon dapat ako sa bato nang maalala ko si Ka Alma. Napalingon ako sa pinanggalingan ko. Bumwelta ako ng takbo.

Habang-daan, sinusundot ako ng kunsensya ko at ipinapaalala sa akin na kanina lang, handa akong ibuwis ang buhay ko para sa kanya. Pero heto ko’t naunang tumalilis, walang paki-alam sa kasamang babae pa man din, at malabo ang mga mata.

Gumapang ako nang marating ang hangganan ng talahiban, at nakita ko siyang kinakapa ang lupa, hinahanap ang salaming nalaglag siguro mula sa mga mata.

—Psst… ipit na sigaw ko.

Tumingin siya sa direksyon ko. At may nakapa siya sa lupa, at isinuot ang salaming basag ang kaliwang mata. Payuko siyang nanakbo sa pinagtataguan kong talahiban. Nang malapit siya, hinawakan ko siya sa kamay at sabay kaming nanakbo papunta sa direksyon ng ilog, di na nakuhang mamilapil, at sinagasaan ang isang pitakang bagong tanim.

Malapit na kami sa batong malapad nang makarinig ng mga ingay. Sumuot kami sa ilalim ng kawan ng mga ampalayang ligaw, nakiramdam.

Mula sa pinagtataguan namin, nasilip namin ang kapirasong hawan sa labas ng kawan ng ampalayang ligaw, at nakita nang iluwa ng gubat ang isang grupo ng mga Rangers na nagpapatrulya sa mga kasukalan

sa gilid-gilid ng mga bundok.

Maingay na nag-usap ang mga sundalo. May dalawang umihi sa may ampalayahan malapit sa amin. Naalala ko bigla ang sinapit ni Ka Jaron, at pinigilan ang sailing barilin ang mga putangina. Gusto kong magwala, pagbabarilin ang mga animal.

Bagkus, niyakap ko si Ka Alma, dinama sa mga braso ko ang sasal ng hininga’t halimuyak ng kaba niya habang marahang nakapatong sa balikat ko ang ulo niyang natatakpan ng berdeng tubaw, binibilang ng mga tenga ko ang galaw ng hangin ng marahas pero tahimik na paghinga, at sinaklaw na ang isip ko ng samu’t saring usapin.

At naisip ko ang dating niya sa masa. Siya na isang kolehiyalang nagsakripisyong iwan ang lunsod at sumapi sa hukbo para maglingkod sa masa. At inilagay ko ang sarili ko sa masang minumulat niya tungkol sa kung bakit kami naghihirap, kung bakit kami imposibleng yumaman, na wala kaming ibang kailangang tunguhin kundi ang pambansa demokratikong rebolusyon.

At bilang masa, nabighani ako sa lambot ng sayaw ng boses niya sa hangin, isang libreng kapritso habang ipinapahinga ang pagal na katawan. At unti-unti, hiniwa ng mga usapin ang isip ko, ginambala ang tahimik na yugyugan ng idolohiya’t praktikang pinipilit bigyang katwiran ng araw-araw na paghihimagsik.

At bilang aktibistang kritikal, nakita ko rin kung paano ito gamitin ng kilusan sa ikasusulong ng digmaang-bayan, kung paanong kaming mga makikinis na estudyante ang laging nakaharap sa masa, kung paanong kaming mga lider-estudyanteng galing

sa syudad ang malimit nagpapaliwanag, nanghihingi, nagbibigay sa masa, kung paanong karamihan sa amin may nag-uumapaw na karisma sa tao, kung paanong aliw na aliw sa amin ang masa, tinuturing kaming parang mga anak, parang pagka-aliw ko kanina kay Ka Alma nang lumangoy ako mula sa paa ng masa at tingnan siya mula sa perspektiba sa labas.

At kung paanong iba sa inaasahan ang nakita ko. At kahit anumang pilit na iwaksi sa isip ang mga usapin, ayaw akong tantanan ng mga imahe ng mga makikinis na kabataang galing sa syudad, alam lahat ng bagay, mahusay magsalita, malikhain sa mga pamamaraan ng pagpapaliwanag, kung paanong kinawiwilihan kami ng masa, at kinumpara ko ang imaheng ito sa grupo naman ng mga tulisang sundalong sweldado ng gubyerno, kung paanong mukhang kontrabida silang lahat, sa unang tingin di na pwedeng pagkatiwalaan, at sinubukan kong itabi ang tulisang sundalo sa kadreng gerilya na malinis ang gupit, ahit ang bigote’t balbas, alaga’t mabango ang hininga, malinis kahit luma ang suot, ang matikas na porma dala pangunahin ng higpit ng paniniwala sa mga adhikaing isinusulong.

At wala akong makitang anumang punto para ikumpara ang dalawa dahil malinaw pa sa pelikulang Pilipino na dito sa kanayunan, mukhang bida ang mga NPA at mukhang kontrabida ang AFP. Dito sa kanayunan, pogi ang kodang tawag ng masa sa mga kasama at pangit naman ang sa mga sundalong bandido.

Mula sa kanayunan ding ito, kanayunang sinumpaan kong gumampan ng rebolusyonaryong gawain, mula sa bukluran ng matatabil na dila ng

komunidad, napag-alaman ko ang masigasig niyang pagkilos, at alam kong binabakuran siya ng mga kasama’t masang malalapit sa teritoryong kinikilusan niya, at marami pang kwentong ibang panay kaduda-duda kung totoo o hindi.

Tahimik siyang umiyak. Di ko alam kung bakit para kong bangang binibiyak ng mga impit niyang hikbi. Wala akong magawa kundi marahang hagurin ng bahagya kong nanginginig na mga palad ang likod niya.

Hinalikan ko siya sa labi, di ko alam kung gaano katagal. Ang natatandaan ko lang, tumigil ang paggalaw ng mundo mula sa kinalalagyan namin, at huminto ang lahat ng ingay sa paligid, pati ang walang-pahingang alingugngog ng agos ng tubig sa ilog, at naramadam ko ang iisang bagay lang, na pinagsasaluhan naming dalawa. Naramdaman ko ang tibok ng dibdib namin, habang pinagsasaluhan ang saglit na sandaling pagtigil ng pag-inog ng buhay at rebolusyon, saglit na pamamahinga sa idolohiya’t pagbibigay sa kapritso ng damdamin.

Ilang saglit siyang humikbi matapos ang halik. Maya-maya, wala nang bakas ng mga napadaang sundalo. Dahan-dahan akong sumilip mula sa pinagtataguan.

—Wala na sila, bulong ko.

Di siya sumagot. Nakahawak pa rin sa braso ko. —May doobie ka ba? tanong niya.

Di na ko nagulat sa tanong niya, sa halip parang nakahinga nang maluwang dahil alam ko nang di ko kailangang itago sa kanya ang relihiyon kong Marijuana. Dinukot ko sa bulsa ko ang dalawang higanteng joint na kaka-rolyo ko pa lang kaninang

umaga habang nagkakape. Walang kibong tinaggap niya ang mga ito at ibinulsa.

Payuko kaming lumabas ng ampalayahan, malapit na kami sa hawan nang ihinga ng hangin sa direksyon namin ang kakaibang amoy, parang karneng naiwan sa araw at binulok ng langaw, uod, hangin at lupa.

Nagkatinginan kami. Tahimik kong hinawan ang amplayahan, tungo sa pinagmumulan ng amoy, humakbang kami base sa dikta ng mga ilong.

Muntik na akong matisod sa nakausling paang nilalangaw.

Hinawan ko ang makapal na kawan ng ampalaya at tumambad sa amin ang bangkay ni Ka Edgar, naglalabasan ang mga uod sa mukha niya, kasinlalaki ng upos ng sigarilyo. Nakasapo sa kanang tagiliran niya ang isang palad, at may bakas ng tuyong dugo sa bahaging iyon ng damit.

Napapatungan ng ga-kamaong bato ang isang pirasong papel na nakatiklop sa gitna, nakapatong di kalayuan sa kasamang habambuhay nang nakahimlay, nakatago sa masukal na amplayahan, di man lang makalabas pati amoy ng pagbalik niya sa kalinga ng lupa.

Kinuha ko ang papel, nakitang sulat ito ni Ka Edgar para sa anak niyang si Maricar. Tiniklop ko ang liham at ibinulsa. Naisip kong siguro, gusto ito ni Ka Edgar, ang walang makakita sa kanya. Bigla kong naisip kung ano kaya ang iniisip niya sa mga huling sandali, habang nakikita niyang iniinom ng lupa ang mapula’t rebolusyonaryo niyang dugo.

Namatay kaya siyang rebolusyonaryo sa isip? Ibinalik ko ang sukal ng ampalayahan, tinago ang bangkay, at payuko kaming lumabas ng ampalayahan,

nakiramdam, at nagtatakbo papuntang ilog.

Nang marating ang batong malapad, magkahawak dapat kaming tatalon nang matigilan siya.

—Di ako marunong lumangoy, sabi niya.

Natigilan ako. Mula sa di kalayuan, narinig namin ang ingay ng tahulan ng mga aso. Isa lang ang ibig sabihin, may mga sundalo na sa pinanggalingan namin, malamang naka-amoy na sa pagtakas namin.

—Yumakap ka sa akin, sabi ko, —sabay tayong tatalon. Wag kang bibitiw.

Napatingin siya sa akin.

—Poli, baka pareho tayong malunod, sabi niya. At naisip ko ang inasal ko kanina, ang pagliligtas sa sarili ko nang walang pakialam sa kapakanan niya, at heto siya ngayon at iniisip pa rin ang kapakanan ko. At sa di ko mawaring dahilan, musika sa tenga ko ang pagtawag niya ng pangalan ko nang walang Ka sa umpisa.

—Kung mawawala ka, ayoko na rin, sabi ko. Yumakap siya sa akin, mariing pumikit. —Ready na ko, bulong niya.

—Huwag kang magpapabigat, sabi ko.

At magkayakap kaming tumalon mula sa batong malapad tungo sa rumaragasang ilog. Tinakpan ng ingay ng agos ang malakas na tiling sumabog mula sa bibig niyang nakatapat sa tenga ko. Hinigpitan ko ang yakap sa kanya, di ko binitiwan hanggang maramdaman ng katawan ko ang pagkumot sa amin ng malamig na tubig, at pag-init ng katawan kong nakadikit sa katawan niya. At sabay kaming sumikad paitaas.

Dalam dokumen Norman Wilwayco- Gerilya (Halaman 141-153)