Dugo at pawis ang pinuhunan Nang iluwal ang sanggol
Kaya’t di tutugot, hanggat di maidulot Ang bukas na ligtas sa salot
—Awit ng Isang Ina
Pinara niya ang traysikel sa tapat ng isang maliit na tindahan, ilang kabahayan ang layo mula sa bahay ni Inang Goring. Bumili siya ng sigarilyo sa tindahan, sinindihan sa umaandap-andap na ilaw ng gasera, habang pinakikiramdaman/minamatyagan ang paligid. Hinintay niyang makaalis ang sinakyang traysikel bago siya naglakad papunta sa bahay ni Inang Goring. Tinapon niya ang di pa ubos na sigarilyo nang marating ang luma’t nilulumot na mga bakod na nakapalibot sa bahay.
Nasa tarangkahan pa lang siya, nakita niyang nakadungaw sa bintana si Inang Goring, nakangiti nang maluwang. Pumasok siya ng bakuran, sinalubong siya ng matanda, mahigpit na tangan sa isang kamay ang lumang baton na yari sa yantok.
—Kumusta na, anak? bati nito sa kanya. —Matagal-tagal ka ring hindi napasyal ah.
napalayo ho kasi ng destino.
—Kumusta naman ang aking anak na si Rading? Nagkikita ba kayo doon? Sa taas?
—Naku, eh hindi po. Magkahiwalay po kasi kami ng area.
—Ganoon ba? Saan ba ang area niya?
—Hindi po ako sigurado. Pero narinig ko ho minsan sa mga kasama na sa malayo nakadestino ang anak ninyo.
Saglit na bumalatay ang lungkot sa mukha ng matanda, nangilid ang luha sa mga mata. Dumukot ito ng panyolito mula sa palda at pinahid ang naluluhang mga mata, at pilit ang ngiting inaya siya papasok ng bahay.
—Ikaw ba’y kumain na?
—Hindi pa po. Pero wag na po kayo mag-abala nay.
—Dyaskeng bata ire! Umupo ka sa loob at ipaghahanda kita ng makakain. Kung anuman ang malalantakan diyan sa kusina ko.
—Salamat po.
Nagtuloy sila sa loob ng kabahayan. Mag-isa na lang si Inang Goring sa buhay kaya napakalaki ng bahay para sa solo niyang katawang bihira namang magkikilos. Sampung taon na siyang byuda, at kasapi sa bagong hukbong bayan ang kaisa-isa niyang anak.
Naupo siya sa luma’t umuugang bangko sa hapag-kainan habang halos mataranta si Inang Goring sa pagpari’t-parito sa buong kusina, buong siglang iniistima ang panauhin.
—Mabuti’t napasyal ka. Nagkikita ba kayo ni Rading? Doon sa taas?
—Ganoon ba? O halika, kumain ka. Sabi mo di ka pa kumakain.
Wala siyang nagawa kundi paunlakan ang panyaya.
—Ikaw ba anak ay may sadya sa akin?
—Napadalaw lang po, sagot niya, —makikigamit lang ho sana sandali ng bahay nyo, kung pwede po inang.
—Aba’y bakit hinde? Kung ano ba ang maitutulong ko riyan sa ginagawa ninyo eh.
Nakahain sa hapag sa kusina ang isang platong may lamang tatlong makunat at lumang tinapay, at sa tabi nito, may isang tasa ng maaligamgam na kape. Halos may amag na ang tinapay pero di niya ininda sa tindi ng gutom. Naalala niyang mahigit dalawampu’t apat na oras na siyang di kumakain.
Habang kumakain siya, panay ang kuwento ni Inang Goring, ng kung anu-anong mga pinagkakaabalahan nito sa buhay. Panay din ang pangunugmusta nito sa kanyang anak na si Rading. Sa pagitan ng pagnguya ng tinapay, hindi niya halos maintindihan ang mga kwento ng matanda. Karamihan ng atensyon niya, nakasentro sa pagkagat, pagnguya, at paglulon ng pagkain. Nang maubos ang tinapay, tinungga niya nang tuloy-tuloy ang maaligamgam na kape.
Abot hanggang tenga ang ngiti niya matapos kumain. Damang-dama niya sa buong katawan ang unti-unting panunumbalik ng lakas niya.
Ginambala ang kuwentuhan nila ng mahinang katok sa pinto.
—Ako na po ang magbubukas, Inang.
pantalon, at tinungo ang pinto. Sinilip niya sa bintana kung sino ang kumakatok at nang mapagsino, muling isinukbit sa pantalon ang tangang baril at binuksan nang maluwang ang pinto.
Pumasok sa kabahayan si Ka Mon.
—Kumusta, Ka Alma, bati nito sa kanya, —kanina ka pa ba?
—Kani-kanila lang, Ka Mon.
—Magandang gabi po, Inang, bati ni Ka Mon kay Inang Goring.
—Si Ka Mon ba ire? Diyaskeng bata ka! Aba eh halos ‘sang taon kang hindi nagawi rito sa bahay ko ah. Huli kitang nakita’y noong nagdaang Pasko! Labing-isang buwan, aba’y mag-iisang taon na nga’t gawa nang Pasko na sa isang buwan. Saan ka ba nagsususuot bata ka ha?
—Diyan lang ho sa tabi-tabi, Inang.
—Halika nga rine’t nang maaninag ko yang pagmumukha mo! Dyaskeng bata ire!
Lumapit si Ka Mon sa matanda at nagmano. Luhaang yumakap ang matanda sa kanya, isinubsob ang mukha sa puti niyang kamiseta. Maya-maya nahaluan ng mga tuyot na hikbi ang malabnaw na luhang tumagas sa magkabilang pisngi ng matanda. Tinapik-tapik/hinagod ni Ka Mon ng palad ang likod nito.
—Tama na po iyang pag-iyak, Inang, alo ni Ka Mon.
—Rading… anak ko…
—Shhhh…. Inang, tama na po Inang, baka makasama pa sa inyo ang pag-iyak...
—Sabik na sabik na akong makita ang anak ko. Ka Mon, dalhin mo naman ako sa kanya, ako na lang
ang dadalaw kung di siya makaka-uwi.
—Naku, nasa malayo ho nakadestino ang anak ninyo. Baka po hindi ninyo kayanin ang biyahe. Bukod pa rito, masyado pong makilos ang kaaway doon sa area niya.
—Saan ba ang area niya?
—Hindi po ako tiyak kung saang probinsya, pero ang alam ko sa may Kabisayaan po.
—Sa Visayas? Aba’y bakit naman doon siya inilagay ng kilusan?
—Ang alam ko po, si Ka Rading mismo ang nagboluntaryong tumungo doon. Kilala nyo naman po ang anak ninyo. Kung saan mahirap, doon siya.
Unti-unting nagliwanag ang mukha ni Inang Goring. Pinahid nito ng panyo ang mga mata.
—Malaki po ang utang na loob ng buong kilusan sa anak ninyo. Isa siyang tunay na rebolusyonaryo. Lagi siyang handang magsakripisyo para sa ikasusulong ng digmaan. Ang lahat ng mahihirap na gawain, siya lagi ang nagboboluntaryong gumawa.
Nag-umapaw sa galak ang damdamin ni Inang Goring sa narinig. Musika sa tainga ang balitang hinahangaan ng marami ang anak niya.
—Mahal na mahal po siya ng masa doon sa Kabisayaan. Huwaran sa bait, sipag, tiyaga at higit sa lahat, tapang. Siya po ang kinatatakutan doon ng mga kaaway. Kapag naririnig ang pangalan niya, nagkukumaripas na ng takbo!
Sinalamin ng maluwang na ngiti ang kanyang pagmamalaki sa kaisa-isang anak.
—Ka Mon, sinasabi mong malaki ang utang ng kilusan sa anak kong si Rading, sasabihin ko naman sa iyong ako itong may malaking pagkakautang sa
kilusan. Mantakin mong noong di pa kumikilos iyang si Rading, nakow, ni hindi tumutulong sa ama niya sa bukid. Ni hindi ko mautusan dine sa bahay. Nakahilata buong araw. Sa gabi nama’y nasa galaan, kasama ang mga barkada. Uuuwi nang lasing. Nakow! Dyaskeng bata iyon. Laking sakit sa ulo naming mag-asawa.
—Inang, hindi na po ganyan ang anak nyo. Nagbago na po siya.
—Kaya nga laking utang na loob ko sa kilusan. Nadisiplina ninyo ang aming si Rading. Mula palamunin, naging tunay na mandirigma, hinahangaan ng masa.
—Ang kuwento pa nga ng ibang mga kasama roon, sa sobrang sikat niya sa masa, pwede na siyang tumakbong meyor.
—Ano? Pag ginawa niya iyan, pag siya’y sumapi sa mga gubyerno, ako mismong ina niya ang unang kukutos sa tuktok niya!
Nagtawanan silang tatlo, pansumandaling napuno ng masaya’t malutong na halakhakan ang buong kabahayang kanina lang parang kasabay na umiiyak ni Inang Goring. Pakiramdam niya, parang mas lumiwanag ang mga bumbilya, nahawa sa saya, nagising sa tawanan nila.
—Teka’t ipagtitimpla kita ng kape, Ka Mon. Medyo nahuli ka ng dating, naubos na ni Ka Alma ang tinapay!
—Okey lang po ako, Inang. Ang totoo po’y galing pa po ako sa kainan. Bertdey po kasi ng anak na dalaga ni Amba Luis, yung may-ari ng kiskisan diyan sa may Lawasan. Medyo naparami na po ang kain ko.
ire! Baka mamaya mo dyan, biglang magdatingan ang mga sundalo, hindi ka makatakbo!
—Oo nga ho eh. Kapag po ganoon ang nangyari Inang, pwede po bang magtago na lang po sa loob ng aparador nyo?
—Nakow! Idadamay mo pa ang mga pang-alis kong baro! Baka ratratan iyan ng bala, magkabutas-butas pati yung nakatagong barong ng tatay mo! Dyaskeng bata ire!
Wala nang bahid ng pananamlay si Inang Goring. Masiglang-masigla ang matanda, tuwang-tuwa’t narito sa pamamahay niya ang mga kasamahan ng kanyang anak. Ang kanyang si Rading na ngayo’y hinahangaan na ng marami dahil sa mabuting gawa.
Matapos ang isang mahabang pakikipagbuno sa masasal na ubo, nagpaalam sa kanila si Inang Goring.
—O, siya, maiwan ko muna kayo. Mag-aalas-sais na, ako’y sisimba.
—Sige po, Inang Goring, paalam niya,—Ingat po kayo.
Bumaling sa kanya si Ka Mon. —Isasakay ko lang ng traysikel ang Inang.
Hinatid niya ng tingin ang dalawa palabas ng bahay. Naka-alalay si Ka Mon sa bawat hakbang ng matanda. Sa labasan, pinara ni Ka Mon ang nagdaraang traysikel at inalalayan sa pagsakay si Inang Goring.
Bahagya niyang narinig mula sa bukas na bintana ang paalaman ng dalawa. Bumalik siya sa kusina at naupo sa inuupuang bangko. Ilang saglit pa’t narinig niya ang mga yabag ni Ka Mon pabalik.
—Ano yung sinusumbong sa akin ni Papa Red? tanong ni Ka Mon pag-upo nito sa harap niya.
—Bakit, ano ba ang nakarating sa iyo?
—Sinermunan mo raw yung buong sangay ng Binagbag. Tapos sabi pa ni Papa Red, sinigawan mo daw siya ng manyakis. Pinagmumura mo daw siya. Totoo ba iyon?
Di siya makapaniwala sa narinig. Kung sino pa ang may mga atraso, siya pang may ganang magmalaki at mag-imbento ng kwento. Sa pagkakatanda niya, pinilit niyang maging magalang kahit galit na galit na siya. Pigil na pigil ang pagtataas niya ng boses, eksaktong kabaligtaran ng nagmumura’t sumisigaw niyang mga katalo.
Naramdaman niyang unti-unting umaakyat ang galit mula sa nakakuyom niyang mga kamay, pagapang sa mga braso, paakyat sa sentido.
—Talaga namang manyakis siya eh. Mahilig manghawak, kahit ayaw mong pahawak.
Nagsindi siya ng sigarilyo, sinikap pakalmahin ang sarili, pinipilit bale-walain ang daan-daang tambol na nagko-korus sa loob ng yayat niyang dibdib.
—Sabihin na nating pilyo sa babae si Papa Red, wala ka pa ring karapatang punahin yung kasama, lalo na sa harap ng kulektib niyang pinamumunuan.
—Bakit, Ka Mon, komo ba bago lang ako, wala akong karapatang mamuna ng mga kasamang nagkakalat? Kesyo ba sila Papa Red, matatagal nang kumikilos, pwede nila kong bastusin? Kesyo ba mga miyembro sila ng sangay, di na sila susunod sa mga patakaran?
—Binastos ka nila? Paano? Hinipuan ka? —Hindi.
—Paano ka binastos?
—Yung pag-iinuman nila kaninang umaga, noong mga oras na dapat sana nagpupulong kami. May nakatakdang pulong tapos di pa man nag-uumpisa, umagang-umaga pa lang, di pa nga ako dumarating, nag-iinuman na sila. Hindi ba pambabastos iyon? HIndi ko maintindihan, kasama. Porke ba’t babae ako, pwede akong tratuhin ng ganito? Ipaliwanag mo nga sa akin, Ka Mon. Kase di ko talaga maintindihan.
Matagal na tahimik si Ka Mon, tinitimbang sa utak ang mga sasabihin.
—Hindi mo maintindihan, puwes, ipapaliwanag ko sa iyo na para kang nasa-grade one.
Nagtitimpi siya sa galit. Halos magutay ang filter ng sigarilyong kagat-kagat niya sa mga ngiping nagngangalit.
—Ikaw ang mas sulong na elemento ng Partido kaya ikaw dapat ang umunawa.
Parang binuhusan ng nagyeyelong tubig ang galit niya. Parang si Inang Goring, kagyat ang pagpapalit ng timpla ng damdamin niya mula asar/galit tungo sa pagkamangha/pagkapahiya.
—Di ba narito tayo para magsilbi sa masa? Si Papa Red, Tata Ikong, Ka Rey, mga masang magsasaka ang mga iyan. Kahit pa sabihing mga miyembro sila ng Partido, masa pa rin sila. Dito sila sa lupa nakaugat. Kabilang sila sa milyon-milyong Pilipino na pinagsasamantalahan ng sistema.
Oo nga naman, kaya siya sumampa sa hukbo para paglingkuran ang masa.
—Ito’ng tatandaan mo, kasama. Ang mga magsasaka, sobrang sensitive. Kase karamihan sa kanila, di marunong bumasa’t sumulat. Alam nila, sobrang baba ng level nila sa lipunan. Dahil ignorante
sila, kaya silang lokohin at pagsamantalahan ng kahit na sino. At ginagawa ito sa kanila, araw-araw. Niloloko sila ng gobyerno, mga negosyante, mga nagpapautang, mga ahensyang kunyari tumutulong, mga pekeng NGO. Lahat na ng pwedeng makinabang, nakinabang sa kanila.
Nagsindi ng sigarilyo si Ka Mon at itinuloy ang paliwanag.
—At alam nilang lahat ito. Alam nilang niloloko sila. Kaya sila super-sensitive. Kaya sila madaling magalit. May masabi ka lang na kung ano, sumasama na loob nila. Kaya dapat, maingat tayo palagi sa pagsasalita. Ang tunay na Marxista, lumalangoy sa hanay ng masa, hindi nakahiwalay na parang tagapagligtas mula sa langit. Ikaw na sana, kasama ang magpasensya. Tutal, nanumpa ka sa kilusan na isasabuhay ang mga batayang prinsipyo ng komunismo.
Oo nga naman, kaya siya narito sa kanayunan, para makipamuhay sa masa, lumahok sa produksyon, turuan at sanayin ang masang palayain ang sarili nito mula sa mga kuko ng mapanupil na sistema.
—Alam mo naman kung gaano kahirap ang buhay ng mga magbubukid, di ba? Sobra na silang mamad sa kahirapan, kahit minsan sa buong buhay nila, di sila nakatikim ng ginhawa. Ginhawang malamang tinatamasa mo noong di ka pa kumikilos. Ngayon, may nagbigay sa kanila ng alak, ininom nila, pampainit ‘ika nga. Sana naman yung mga ganoong bagay, pinagbibigyan mo na. Tao rin naman sila tulad nating lahat, marupok din.
Napayuko siya sa inuupuan, di makuhang tumingin ng diretso sa kausap. Hiyang-hiya siya
kay Ka Mon. Hindi niya maiwasang ikumpara ang buhaghag niyang pagkilos sa gahiganteng mga tungkuling ginagampanan nito bilang political officer ng buong distrito.
Nakakahiya kay Ka Mon. Si Ka Mon na larawan ng tunay na rebolusyonaryo, si Ka Mon na parang anak kung ituring ng masa, si Ka Mon na kahit maraming naghihintay na gawain, handa pa ring maglaan ng panahon para paliwanagang parang nasa grade-one ang isang naguguluhang kasamang tulad niya.
—Okey lang yun, kasama, sambit ni Ka Mon. Kasunod nito, naramdaman niya ang mabining tapik sa balikat niya. Malayong-malayo ang tapik na ito sa mariin at malisyosong himas/hagod ni Papa Red sa kanya noong nakaraang pulong. Noo’y kinilabutan siya habang ginagaygay nang papisil ang buong palad sa likod niya. Para siyang nasusuka pag naaalala.
Di niya napigilang mapaiyak. Biniyak ng daan ng luha ang magkabila niyang pisngi. Hinintay ni Ka Mon na humupa ang mga tuyot niyang hikbi, bago muling nagsalita.
—Maiba ko, Ka Alma. Ano yung sinabi mong problema sa Bamban?
Ipinaliwanag niya kay Ka Mon ang problemang inihapag ni Ka Manny tungkol kay Joseph na anak ni Amba Dencio, na umano’y ahente ng kaaway. Dahil kay Joseph, natatakot nang dumalo ng mga pulong nga mga masang inoorganisa ng kilusan. Tulad niya noong unang marinig ang problema, hindi rin makapaniwala si Ka Mon.
—Imbestigahan mo muna nang maigi. Huwag ka basta-basta naniniwala sa mga sumbong ng masa. Minsan gusto lang nilang gumanti sa mga may atraso
sa kanila, kaya nag-iimbento sila ng kuwentong ikapapahamak ng mga kaaway nila. At ginagamit pa ang kilusan.
—Kailangan na nating aksyunan ito, Ka Mon. Nahihirapan akong mag-organisa sa baryo dahil sa kanya.
—Wag tayong magpadalos-dalos. Dapat muna tayong makatiyak.
—Naiinip na ang masa. Gusto nga nila, sila na ang bumanat kay Joseph, pinigilan lang ni Ka Manny.
—Masyadong mura pa ang imbestigasyon kay Joseph.
—Ka Mon, pumayag ka lang, ako ang uutas sa hayop na yon. Putangina niya, magbubukid na nagtaksil sa uri niya.
—Ka Alma, huwag padalos-dalos.
Unti-unting nanumbalik ang galit niya. Nababagalan siya sa burukratikong makinarya ng kilusan sa pagdedesisyon. Naiinip siya sa tagal magpasya ng mga kasama. At habang tumatagal, nauunsyami ang pag-oorganisa niya sa mga mamamayan sa baryo.
—Hindi lang tayo ang nagdedesisyon sa kilusan. Meron tayong mga kulektib, sangay, higher organ na gumagabay sa atin. Hindi tayo mga insureksyunista.
Oo nga naman, hindi pinamumunuan ng isang tao lang ang Partido. Kung gayon ay wala na itong pinagkaiba sa diktadurya.
Napagpasyahan nilang magsagawa muna ng masusing imbestigasyon, inisyatiba na mismo ng kilusan, para mapatunayan kung totoo nga o hindi ang paratang sa batang si Joseph.
dapat gampanan, mga pagsusuring di pwedeng ipagpaliban. Bagama’t natambakan siya ng gawain, magaan ang loob niya nang matapos silang mag-usap. Dumating siya kaninang bagsak ang moral, pero aalis siya ngayong may bagong-silang na kapasyahang magpunyagi, umigpaw sa mga balakid, at matapat na isulong ang digmaang bayan sa abot ng makakaya.
—Maya-maya na tayo umalis, sabi sa kanya ni Ka Mon nang matapos silang mag-usap, —hintayin muna natin ang Inang Goring. Ganitong oras, malamang pauwi na iyon.
—Kawawa naman ang Inang Goring, no? Mag-isa na lang sa buhay, wala man lang kasama sa bahay. Sana minsan dalawin siya ng anak niya.
—Patay na si Rading, sambit ni Ka Mon. Limang taon nang patay. Wala ka pa rito sa kanayunan. Hindi alam ni Inang Rosing. At napagpasyahan na rin ng Partido na huwag nang ipaalam.
Nagulat siya sa narinig. Sa tingin niya, karapatan ng kahit na sinong magulang na malaman kung buhay pa o patay na ang ang kanilang mga anak, lalo pa’t ang mga anak nila, buong tapang na sumapi sa hukbo at ipinaglaban ang kapakanan ng sambayanan.
—Ang kilusan ang pumatay kay Rading.
Ilang saglit siyang di nakapagsalita. Matagal bago rumehistro sa utak niya ang narinig.
—Bakit?
—Naging ahente ng kaaway.
Mula sa loob narinig nila ang pag-ingit ng mga bisagra ng lumang tarangkahan sa labas, kasunod ang maingay at pakaladkad na yabag ng bakya ni Inang Goring papasok ng bakuran. Tumayo si Ka Mon at pinagbuksan ang matanda. Naiwan siyang nakaupo tuliro ang isip.