Dapat nating malaman Na ang sandata ay isang bagay Na mahalaga sa digmaan
Ngunit hindi ito ang bagay na mapagpasya Ang mga mamamayan hindi ang mga bagay Ang mapagpasya
—Tao ang Mahalaga
Wala si Inang Goring nang dumating siya. Pumutol siya ng kapiranggot na alambre mula sa dulo ng kalawanging sampayan sa loob ng bakuran at ito ang ginamit na panungkit sa padlock. Matapos ang ilang subok, kumalas sa loob ang kandado at nabuksan niya ang pinto.
Pumasok siya sa bahay, isinara’t kinabig ang kapirasong kahoy sa may pinto na nagsasara rito mula sa loob. Napaupo siya sa sahig, sumandal sa pinto, at doon nanatiling walang imik sa loob ng ilang oras.
Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang pangyayari.
Mahimbing ang tulog niya nang gisingin siya ng masa.
—Kasama, bulong nito sa kanya, —may mga parating na kaaway.
Kinapa niya ang baril sa ilalim ng unan niya. Wala siyang nakapa, napa-upo siya’t hinablot ang
unan, bumulagta sa kanya ang lumang banig.
—Nasaan ang baril ko? tanong niya kay Tandang Mario.
Di ito sumagot sa kanya. Lumabas ito ng kuwarto.
Lumabas siya ng kulambo, tumayo’t lumabas ng silid, kasunod ni Ka Mario. Sa munting sala ng bahay, may isang magsasakang nakaupo sa sulihiyadong sofa, hinihingal na nakatingin sa kanya.
—Magandang gabi, kasama, bati nito sa kanya. —Magandang gabi rin po sa inyo, sagot niya. —Ano po ang sadya ninyo’t napasugod kayo rito ng disoras?
Ilang saglit na di sumagot ang panauhin. Gumagapang ang kilabot sa katawan niya.
—Aba eh kasi ang anak nitong si Ka Mario, nahuli diyan sa tindahan sa may hulo.
—Nahuli? tanong niya.
—Aba eh nagpaputok daw ng baril nang magkalasingan silang magbabarkada.
Naalala niya ang baril niyang nawawala.
—Hayun at nahuli daw ng mga sundalo. Iniimbestigahan daw ngayon sa baraks.
Napatingin siya kay Ka Mario. Nakayuko ito, iniiwasan ang tingin niya.
Maya-maya, nagkahulan ang mga aso sa labas. At ang biglang pagbukas ng pinto, at pagtalon niya sa bintana, pananakbo sa pitakan. At ang sakit sa binti niya. Ang pagkaladkad sa kanya papasok sa kamalig. At ang panggagahasa.
Makalipas ang mahigit dalawang oras, nagising siya sa pagmumuni-muni at dahan-dahang tumayo, nakaalalay ang mga kamay sa dingding. Kinapa
niya sa dingding ang switch ng ilaw at binuhusan ng sepiang liwanag ang palibot ng kabahayan.
Naupo siya sa upuang kahoy sa sala ng bahay, dahan-dahan niyang hinubad ang pantalon, tumambad ang benda sa binti niya. Kinalas niya ang nakabilot na tela sa binti at ininspeksyon ang sugat. Alam niyang malalim ang sugat niya, sinasabi ito ng lakas ng kirot na tumatagos sa buo niyang katawan.
Mula sa dala niyang pack, dinukot niya ang maliit na first-aid kit, tinatabi niya para sa mga pagkakataong tulad nito. Mula rin sa pack, kinuha niya ang isang mahabang gulok, pabaon sa kanya ng masa bago siya tumakas.
Naalala niya ang joint na bigay sa kanya ni Ka Poli. Kaninang lalango-lango siyang tumayo matapos lapastanganin, nakita niya ang isang joint sa lupa, ibig sabihin, isa lang ang sinindihan ng mga gumahasa sa kanya. Pinulot niya ang joint at ibinulsa nang nakabihis na siya’t paalis na.
At ngayon, sinindihan niya ang tangang joint at humitit nang malalim. Pinuno niya ng mabangong init ang buong hininga, at saka dahan-dahang ibinuga sa ilong ang nakaliliyong usok. Inulit niya ito ng ilang beses bago pinatay ang umuusok na joint. Gamit ang mga natutunan sa kolehiyo, inopera niya ang sarili.
Inumpisahan niya sa bala. Gamit ang dulo ng gulok, dinukot niya sa ilalim ng punit na binti ang tinggang nakabaon. Di niya makapa ang bala. Binitiwan niya ang gulok, ipinasok ang hintuturo sa sugat at ginalugad ng daliri kung saan humantong ang bala ng kaaway.
Matapos ang makailang pangangapa, natumbok niya ng daliri ang matigas na tingga na siyang sentro
ng sakit sa binti niyang baldado. Gamit ang gulok, nilaslas niya ang sariling binti at unti-unting sinungkit palabas ng laman ang yupi-yuping bala. Mabilis niyang tinahi ang sugat, di matuwid ang daan dahil sa panginginig ng mga daliri niya sa sakit.
Pinitik niya sa sahig ang tingga, tumalbog ito palayo, papasok sa ilalim ng lumang aparador. Balang galing sa buwis ng mamamayan, ngayo’y bumalik sa mamamayan. Sinundan niya ito ng tingin. At nakatulog siya sa sahig.
Makalipas ang isang oras, nagising siyang minumura ng sariling binti. Pinigil niya ang sigaw na gustong kumawala sa bibig niya. Nakita niya ang tirang joint sa sahig, sinindihan.
Naghalungkat siya ng anti-biotic mula sa pack niya, nilunok nang tuyo ang dalawang tabletas. At humiga uli sa sahig, hinintay umepekto ang hinitit na damo.
Maya-maya, naramdaman na niya ang tama ng narkotiko. Paika-ika siyang tumayo at pinatay ang ilaw. Binalot ng dilim ang buong kabahayan. Nahiga siya sa sahig, at marahang binalikan sa isip ang mga pangyayari.
Dumating siya sa bahay ni Ka Mario bandang alas-diyes ng gabi, naki-usap na kung puwede siyang makitulog. Di tumanggi ang matanda. Pinaghanda pa nga siya ng hapunan.
At naalala niya noong kumakain siya, ang paglapit ni Lando, ang binatilyong anak ni Ka Mario.
—Ate Alma, pwede bang hiramin yang baril mo? tanong nito sa kanya.
Natigil ang pagsubo niya. Mabilis siyang umiling.
—Sige na, pamimilit ng kausap.
—Hindi pwede. Hindi akin ito, sa kilusan. Pinagbuwisan to ng buhay ng ibang mga kasama.
Gumuhit ang maktol sa mukha ng binata. —Aanhin mo ba, tanong ko.
—May tatakutin lang akong mayabang na gago diyan sa may tindahan.
—Hindi pwede, sagot ko.
At hinintay lang pala siyang makatulog. Pinasok siya sa silid ng pilyong binatilyo, at “hiniram” ang baril niya’t pinagmayabang sa mga kaibigan sa tambayan. At nagkalasingan. Nagpaputok.
Nahuli ng mga CAFGU. Tinakot. —Saan galing yang baril mo? NPA ka, ano?
—Hindi po!
—Kaninong baril ito? Sumagot ka! sabay bayo ng puluhan ng 9mm sa pisngi ng binatilyo.
Napaiyak. Pinakawalan ng bawat hikbi ang pagsisisi sa pagkakamaling nagawa. At dinala sa baraks, ginulpi at umamin.
Lahat naman maaaring umamin, lalo na’t nasasaktan.
At talagang nasaktan siya, ang binatilyong si Lando. Basag-basag daw ang mukha nito sabi ng masang nakakita, bago ito iposas ng mga sundalo sa haligi ng baraks nila.
At ang pag-gising sa kanya, ang pagtalon niya sa bintana, ang habulan sa pitakan.
Ang panggagahasa sa kanya sa loob ng kamalig. Ang pagliligtas sa kanya ng masa. At masa pang may malaki siyang atraso. Inubos niya ang joint at pumikit. Maya-maya pinamanhid ng ganja ang sakit ng sugat niya at ipinaghehele siya ulit sa malalim at
mahabang tulog.
Todong pahingang umabot ng dalawang araw at dalawang gabi. Aabutin pa sana ng tatlong araw pero nagising siya nang may kumatok sa pinto. Kinapa niya sa dilim ang baril, iika-ikang sumilip sa bintana, sinino ang di-inaasahang panauhin.
Kahit sa dilim, kilala niya kung sino ito.
Binuksan niya ang pinto, matagal na tinitigan ang panauhin, bago nagsalita.
—Magandang gabi, Ka Poli, bati niya.
—Sabi ko na nga ba, nandito ka, sagot ng kasama.
—Nasaan ang Inang Goring? maya-maya tanong ni Ka Poli.
—Wala. Ako lang ang tao rito. Malamang nasa San Miguel ang inang, dumalaw sa mga kamag-anak niya roon. Parang nabanggit niya sa akin kamakailan lang na may balak siyang ganoon.
Pinagtimpla siya ni Ka Poli ng kape. At habang hinihigop niya nang paunti-unti ang mainit na tasa, ikinuwento niya sa kasama ang nangyari sa kanya. Kung paano siya nahuli’t kung paano nakatakas.
Hawak siya nito sa kamay habang nagsasalaysay siya. At paminsan-minsang hinahaplos ng hagod ang likod niya, lalo’t binabayo siya ng mga hikbi sa gitna ng mga pangungusap. Kundi dahil sa mga tengang iyon na nakinig sa litanya niya, malamang na nasiraan siya ng ulo.
At humantong sila sa kuwarto, pinagsawaan ang katawan ng isa’t isa habang sabay na umiiyak at naglalabas ng mga galit, pag-ibig, prinsipyo at sama ng loob.
di naman sila magkarelasyon. Mas reaksyunaryo pa sa simbahang katoliko ang pananaw ng kilusan sa premarital sex. May katapat na kaparusahan ang ginawa nilang kapusukan.
Iyon ay kung may ibang makakaalam. Bahala na, sabi niya sa sarili habang sinisiil siya ni Ka Poli ng halik sa leeg. Sa kauna-unahang pagkakataon, bumigay ang pundasyon ng Marxismo niya. At dahil lang ito sa tawag ng laman.
ReboluSyonaRyong
huStiSya
Iwagayway ang bandilang pula Ng armadong pakikibaka
Ating iwagayway ang bandilang pula Tungo sa tagumpay
Imperyalismo ay dudurugin Bayan ay lalaya rin
—Iwagayway ang Bandilang Pula
Anim kaming hukbong naatasang gumampan ng gawaing pagparusa kay Papa Red. Kaming dalawa ni Ka Jules at apat na kasamang hukbong galing pa sa ibang probinsya, pinadala dito ng kilusan para sa maselang gawaing ito. Kinailangan pang kumuha ng mandirigma mula sa ibang lugar sa simpleng dahilang wala ni isa sa aming gustong magparusa kay Papa Red na ama-amahan kung ituring ng lahat ng hukbo sa parteng ito ng larangan.
Ako man, ayaw kong sumama, pero mapilit si Ka Jules at di na ko makatanggi. Alam kong ayaw niya rin at kailangan niya ako kaya niya ko pinipilit magprisinta. At napilit naman ako, kaya heto ko’t kasama sa paglalakad ng yunit sa gubat, tungo sa pusod nitong kubli sa tanaw at gambala ng kahit na sino sa kasalukuyan at sa darating pang sandaang taon.
kasong panggagahasa. Ayon sa salaysay ni Ka Luz, ang kasamang napangasawa ni Ka Jules, na anak ni Papa Red na siyang tumatayong kalihim ng sangay sa baryo, apat na taong gulang pa lang siya, ginagahasa na siya ng ama. Hanggang sa magdalaga siya. At hindi lang siya kundi pati na rin ang dalawang babaeng kapatid niyang sumunod sa kanya. Ang bunso nilang kasalukuyan ngayong pitong taong gulang, ang siyang paboritong galawin ngayon ng tatay nila.
Nagkwento sa akin ni Ka Jules nang magpahinga kami sa ilalim ng malabay na puno malapit sa maburak na sapa. Habang naninigarilyo kami’t pinapahinga ang pagod na mga binti, parang walang damdaming kinwento niya sa akin ang mga pangyayari.
Umiiyak si Ka Luz habang sinasabi sa kanyang buntis siya, pero di siya ang ama. At ang pagkagalit niya, at pagyugyog sa mga braso ni Ka Luz, pasigaw na inaalam kung sino ang nakasalisi sa kanya, at nabitiwan niya ang asawa nang tukuyin si Papa Red, isang beteranong kasamang kinikilala na niya ngayong tunay na ama mula nang ikasal sila ni Ka Luz.
Tinuloy namin ang paglalakad. Pinangungunahan ni Ka Jules ang hanay, kasunod ako, kasunod ang tatlong kasamang kilala lang namin sa mga alyas, ang sumunod ang bihag na nakagapos ang mga kamay at hila-hila ang lubid na nakapulupot sa braso ng sinusundang kasama. At sa buntot ng hanay, matamang nakabantay ang isang kasamang di-palakibo na tulad ng tatlo, kilala lang din namin sa alyas.
—Mga kasama, maawa na kayo sa akin, narinig naming sabi ni Papa Red. —Ka Jules, anak, patawarin mo na ko.
kami sa paglalakad.
—Mga kasama, buong buhay ko, inalay ko na sa kilusan, patawarin n’yo na ko, parang awa n’yo na, mga kasama.
Ang hirap sa kalooban ko nitong gagawin namin. Mabuti na lang, naka-chongki ako bago kami maglakad. Pero kahit pa, parang di ko yata kayang di pansinin ang mga pagmamakaawa ng matanda. Para lang maituloy ang kapasyahang isakatuparan ang misyon, kinailangan kong isipin palagi ang kaso ni Papa Red, kung bakit ito kailangang parusahan, kung paanong kahiya-hiya sa pangalan ng Partido at ng mga organisasyong masa ang malamang may ganitong tinatagong kalansay ang isa sa mga inaakala nilang matatatag na liderato.
—Parang-awa nyo na, mga kasama. Matanda na ko. Kung gusto n’yo, lalayo ako, di na ko babalik. Hindi na ko magpapakita. Sabihin n’yo sa mga kasama, pinatay n’yo ko. Parang awa nyo na, mga kasama. Tutal pinatuloy ko kayo sa pamamahay ko, pinakain ko kayo sa hapag ko, pinatulog sa bahay…
Biglang pumihit si Ka Jules, mabilis na naglakad palapit sa bihag at dinumbol ito ng puluhan ng armalayt sa nguso.
—Putanginamo manahimik ka! sigaw niya kay Papa Red.
Sumargo ang dugo mula sa bibig ng matanda, habang pabagsak ito sa lupa. Napasapo sa bibig ang isang palad nito, habang ang isa itinukod pa-suporta sa katawan, habang nagpupumilit makatayo. Binayo ni Ka Jules ang siko ng matanda at bumagsak ulit ito sa lupa.
na rito.
Naglapitan ang mga kasama, paikot kaming pumwesto sa nakalupasay na bihag.
May dinukot sa pack niya ang isang kasama, hinugot ang isang malit na palang de-tiklop, inilapag sa paanan ng bihag.
—Maghukay ka na, sabi ng kasama.
Marahang bumangon si Papa Red, dinampot ang pala, sinimulang maghukay. Gamit ang napulot na bato, gumuhit sa lupa ang isang kasama, tinantya ang laki ni Papa Red, at ang guhit na ito ang sinundan ng bihag sa paghuhukay ng sariling libingan.
Umiiyak si Papa Red habang naghuhukay. Walang tigil ang paghingi nito ng tawad at pakiki-usap sa amin.
Samantala, bawat salita niya, nagpupuyos sa galit si Ka Jules, nagpipigil lang na bayuhin siya uilit ng baril sa bibig.
—Parang awa n’yo na, mga kasama. Tusok ng pala, baon sa lupa, tapon sa gild. —Matagal na rin akong kumikilos. Marami na akong kasamang natulungan.
Tusok ng pala, baon sa lupa, tapon sa gild. —Parang mga anak ko kung ituring ang mga kasama. Buong-buo ang puso ko sa pagsuporta sa kilusan.
Tusok ng pala, baon sa lupa, tapon sa gild. —Intindihin n’yo naman ako, lalaki rin naman kayo ah. Mga anak…
—Di mo ko anak, gago! sigaw ni Ka Jules, akmang babayuhin na naman ng armalayt ang bihag pero pinigilan ko.
bihag. Tanggap na niya ang bigat ng parusang naghihintay sa kanya. Makalipas ang mahigit isang oras, natapos din ang paghuhukay.
—Pakisabi na lang sa mga anak ko, bulong niya, —mapatawad sana nila ko.
Isa sa mga kasamang dayuhan ang nag-boluntaryong gumawa ng aktwal na pagpatay sa bihag.
—Akina yung kutsilyo, sabi nito, nakatingin kay Ka Jules.
Umiling si Ka Jules. —Wala akong kutsilyo.
—Sino ang may kutsilyo? tanong niya sa ibang mga kasama.
Nagkatinginan kaming isa-isa. Sinasabi ng mga matang, wala kahit isang nakaalala sa aming magdala ng kutsilyong panaksak sa bihag.
Dahil sa kalagayang may posisyon si Papa Red sa kilusan, napagpasyahang huwag nang gawing hayag ang parusang ipapataw. Missing-in-action na lang ang mangyayari sa nahatulang bihag. Hahayaan na lang ng kilusang mag-isip ang komunidad na marahil nahuli ng mga kaaway ang kanilang lider. Panibagong kaso ng decaparecido.
Kaya pagkatapos saksakin, ibabaon sa lupa. At ngayon, nakapuwesto na ang bihag sa bukana ng hukay, handang tanggapin ang pamatay na tarak ng balaraw sa dibdib niya, rebolusyonaryong hustisya ng kanayunan. Pero wala nga ni isa sa amin ang may dalang kutsilyo.
Isa sa mga kasama ang naghalungkat sa loob ng kanyang pack. Makalipas ang ilang minuto, hinugot nito mula sa isa sa mga bulsa ng pack niya ang isang
malaking nail-cutter. Hinila niya palabas ang maliit na lansetang matalim na nasa loob nito, ibinigay sa kasamang naka-pwesto sa harap ng bihag.
Nagkatinginan kaming lahat, pati ang biktima. At bigla, walang sabi-sabing sinaksak ng kasama ang bihag sa dibdib. Napatingin kaming lahat sa unti-unting kumalat na dugo sa kamiseta ng bihag.
Siya man nakatingin din sa sariling dibdib na kasalukuyang ginigripuhan gamit ang isang maliit na lansetang parang di tumatagos sa loob ng balat niya.
Inulit-ulit ng kasama ang pagsaksak. Di pa rin bumabagsak ang bihag. Hinugot nito sa tagiliran ang nakasukbit na 9mm at binaril ang bihag sa noo. Sumabog ang utak ng bihag at natilansikan ako sa bibig, pinahid ko sa manggas ng suot kong kamiseta. Bumagsak ang bihag.sa hukay.
Walang salitaang tinabunan namin ang hukay, ibinalik ang lupang inalis mula sa pinagkunan, tinakpan ng mga baging ang mga bakas ng hukay sa ibabaw, hanggang sa wala na kaming makitang anumang bakas ng nangyari.
Ilang sandali kaming nagpahinga, nagpalitan ng buga ng mga usok ng sigarilyo, habang hinahanda ang mga katawan sa mahabang paglalakad pabalik.
—May balita na ba kay Ka Alma? tanong sa akin ni Ka Jules.
Napakunot ang noo ko.
—Bakit may nangyari ba kay Ka Alma?
—Hindi raw nagpaparamdam sa ere, sabi ni Ka Luz.
At naalala kong asawa niya nga pala si Ka Luz, ang tumatayong control sa radio network ng pulang larangan. Siguro nagkukuwentuhan ang mag-asawa
ng mga detalye ng kanya-kanyang trabaho. Sa pagkakataong ito, ipinagpasalamat ko ang kahinaan ng idolohiya nila.
—Ano pa ang sabi ni Ka Luz? tanong ko. —Yun lang, ilang araw nang di niya mahagilap sa ere. Di rumaradyo. Pati si Ka Mon hinahanap na siya.
Wala akong ka-alam-alam sa nangyari. Bigla akong kinabahan kay Ka Alma. Napapikit ako’t naisip na sana, saan man siya naroon, sana ligtas siya. Sana walang mangyaring masama sa kanya. Sana di siya nahuli ng mga kaaway. Sana buhay pa siya.
Sa kalagitnaan ng biyahe, kumalas ako sa hanay. Nagpaalam ako kay Ka Jules, nagdahilang kailangan kong bumaba ng bayan, gumampan ng solong gawain. Taas ng kilay ang sinagot sa akin ng kasama, pero di ako pinigilan.
Halos takbuhin ko pababa ang bundok, naghahabulan ang mga daga sa dibdib kong puno ng takot/pangamba. Habang daan, tuliro ang isip ko, di alam kung saan sisimulan ang paghahanap kay Ka Alma sa malawak na kabayanan.