• Tidak ada hasil yang ditemukan

baRaka ChinSo maSakeR

Dalam dokumen Norman Wilwayco- Gerilya (Halaman 101-141)

Sa hanay ng masa kami ay nagpunta Mga magsasaka ay pinagkaisa Ang layunin namin ay palayain sila Sa kuko ng mga mapagsamantala

—Pukawin ang Magsasaka

Lawit na ang dila ko sa pagod at sumisigaw na sa ngalay ang mga balikat ko sa bigat ng pasan kong backpack. Mahigit sampung oras na kaming naglalakad sa gubat, bumubutas ng daraanan. Basang-basa na ang kamiseta ko sa pawis na parang gripong tumatagas mula sa balat kong pagtong sa araw.

Nang abutan ng tanghaling tapat, nagpahinga kami sa tabi ng isang sapang kulay kalawang ang tubig. Ibinaba namin ang kanya-kanyang mga dalahin at nagsalampakan sa mamasa-masang lupa. Wala ni isa man sa aming nakaisip maghanda ng pagkain. Mas masaklaw ang pagod kesa gutom. Katumbas na ng nilagang baka ang saglit na paghinto ng mga binti at iba pang ngalay na kalamnan.

Naghubad ako ng sapatos at isinawsaw sa sapa ang mga paa kong parang longganisa sa dami ng paltos. Napahiyaw ako sa sakit na gumuhit sa mga talampakan, paakyat sa lulod at tuhod, hanggang sa

mga binti.

Isa lang ang alam kong solusyon sa lahat ng pahirap sa mundo. Nilapitan ko si Ka Jaron at nagpaalam.

—Kasama, eebak lang ako.

Ni hindi na nakuhang magsalita ni Ka Jaron, tumango lang ito.

Mabilis akong lumayo at pumasok sa kasukalan, kubli sa mga kasama. Dinukot ko sa bulsa ang dalawang lukot na joint at sinindihan. Damang-dama ko ang paggaan ng pakiramdam nang tumama sa utak ko ang usok ng ganja.

Nagpalipas muna ko ng ilang minuto bago bumalik sa mga kasama. Nakasalampak silang lahat sa lupa. Nakiupo na rin ako, ginawa kong unan ang mamasa-masa’t namumutok kong pack. Maya-maya’y napipikit na ang mata ko. Sinabayan ng indayog ng doobie ang pagpapahinga ng pagal kong katawan.

Galing kami sa dalawang araw na pagtatanim ng palay sa pitakan ni Tata Ikong. Imbes na umupa pa ng manggagawang bukid ang matanda, napagkaisahan naming lahat sa yunit na magboluntaryong magtrabaho sa bukid. Makakatipid na ang masa, makaktulong pa kami. Nakapagpropaganda pa habang tumutulong.

Ginulantang kami ng andar ng motor sa di-kalayuan. Alertong napatayo ang lahat, nalimutan ang pagod na kanina lang parang mga kumot na nakatalukbong sa amin. Mabilis akong nagsapatos, di alintana ang hapdi ng mga namumulang sugat sa magkabilang paa.

—Motorsiklo? nagtatakang sambit ni Ka Mario, —Sa gitna ng gubat?

Pinakinggan namin kung saan nagmumula ang ingay. Sumenyas si Ka Jaron. Sumunod kaming lahat. Halos pagapang naming tinungo ang pinagmumulan ng ingay.

Sa isang hawan sa gitna ng gubat, tatlong tao ang tulong-tulong na nagbubuwal ng isang malaki’t malabay na puno. Hawak ng isang binatilyo ang isang chinso habang ang dalawang kasama nito nakahawak sa dulo ng kableng nakatali sa tuktok ng puno, ginigiya ang pagbuwal nito.

Di nila namalayan ang pagdating namin. Parang paggapang ng ahas sa talahiban ang tahimik naming paglapit.

—Ihinto nyo yan! sigaw ni Ka Jaron.

Di nila kami narinig sa ingay ng chinso na lumalagare sa punong malapit nang mabuwal.

—Itigil nyo yan! ulit na sigaw ni Ka Jaron. Di pa rin nila kami narinig. Dahan-dahang lumapit si Ka Sky sa likod ng binatilyong may hawak na chinso at hinampas ng puluhan ng baril ang batok nito. Nabitiwan ng binata ang chinso at sumagi ito sa tagiliran niya bago bumagsak sa lupa at namatayan ng makina. Nakabakat sa matatalim na mga ngipin ang hibla-hiblang laman mula sa tadyang ng binatilyong kanina lang buong husay na nagpapaandar nito.

Binulahaw ang buong kagubatan ng malakas na hiyaw ng binatilyo, kipkip ng kamay ang tagilirang may mahabang punit at sumasargo ng dugo. Napalingon ang dalawang kasama nito at nagtakbuhan palapit sa kanya. Napahinto ang mga ito nang tutukan ng baril ng mga kasama.

—Maawa na po kayo, huwag nyo po kaming patayin… sambit ng pinakamatanda sa tatlo.

—Tay, ungol ng pinakabata.

Samantala, di pa rin tumitigil sa pagpalahaw ang binatilyong sugatang naglululupasay sa lupa. Nilapitan ito ni Ka Jaron at binayo ng puluhan ng armalite sa mukha. Kinilabutan ako sa tunog, parang biglang pagnguya ng malutong na kutkutin.

KRASSKK!

Natahimik ang pagpalahaw, tumagas ang makapal at malapot na dugo mula sa basag na ilong ng binatilyong sugatan. Pilit nitong tiniis ang sakit, kagat labing pinigil ang paghiyaw. Nanginginig itong sumiksik sa tabi ng isang puno, ginuguhitan ng dugo ang pinaggapangan.

—Maawa na po kayo sa amin, muling sambit ng isa.

Bilang sagot, binayo siya sa tiyan ni Ka Omar ng puluhan ng M14. Napaluhod ito, sapo ang sikmurang binuntal ng baril. Namimilipit itong gumapang palapit sa binatilyong sugatan.

Biglang pumalahaw ng iyak ang isa pa nilang kasama. Babanatan dapat ni Ka Omar tulad ng ginawa niya sa isa, pero natigilan siya nang mapansing bata pa ito, di lalampas sa labindalawang taong gulang. Ibinaba niya ang naka-ambang baril at mariing sinampal ang batang umiiyak. Bumagsak ito sa lupa, sapo ng kamay ang isang pisngi.

—Ako na lang po ang patayin nyo, huwag na ang mga anak ko, pagmamakaawa ng pinakamatanda.

—Bakit kayo nagpuputol ng troso? paaskad na tanong ni Ka Jaron.

—Hanapbuhay lang po, ser. Ito po ang kinabubuhay namin ng mga anak ko. Mga anak ko po

ang mga ito. Ser maawa na kayo. Ako na lang po ang parusahan ninyo.

—Putangina kang tarantado ka! sigaw ni Ka Jaron, —Illegal logger ka no?

—Maawa na po kayo ser, di na po ako uulit. —Talagang di ka nauulit!

Dinampot ni Ka Jaron ang chinso na nakahimlay sa lupa, binitbit sa gitna ng hawan. Binuksan niya ang takip ng tangke at ikiniling patiwarik ang lagare. Tumagas ang gasolina pakalat sa kabuuan ng chinso. Nang masaid ang gasolina, ubod-lakas na binagsak ni Ka Jaron ang chinso sa lupa. Namataan niya ang plastik na galon ng gasolina sa di-kalayuan, reserbang baon ng mga illegal loggers. Kinuha niya ito at ibinuhos ang laman sa chinso.

Parang noon lang naintindihan ng ama ang gagawin ni Ka Jaron. Halos mangiyak-ngiyak itong nagmakaawa.

—Ser, parang awa nyo na. Yan lang po ang kinabubuhay naming mag-aama.

—Tangina kayo inuubos nyo mga puno! Di nyo ba naiintindihan na pag naubos ang gubat, tapos na rin tayong mga taong umaasa sa biyaya nito? Ha? Di nyo ba naiintindihan?

—Patawarin nyo na po kami ser, wala na po kaming ikabubuhay. Wala na po kaming lupa, nailit na ng bangko. Ito na lang po ang bumubuhay sa amin. Ser maawa na po kayo.

Dumukot si Ka Jaron ng posporo mula sa bulsa at sinindihan ang chinso. Halos umabot sa tuktok ng mga nakapaikot na puno sa gubat ang unang bugso ng silab mula sa singaw ng umaapoy na gasolina. Walang nagawa ang mag-aama kundi pagmasdan ang

pagkatupok ng kabuhayan nila.

Itinuloy namin ang naantalang paglalakbay. Iniwan namin ang tatlong magkakayakap sa gitna ng gubat, nakamasid sa nasusunog nilang kabuhayan, humahagulgol sa balikat ng isa’t-isa.

Reunion

Tulog na bunso ang iyong ama ay Nasa malayong bayan

Ang gawain niya ay di maiwan Para sa sambayanan

Kung malaki ka na’t may isip na Ika’y susunod na rin ba?

Sa iyong ama at ibang mga kasama Pinaglilingkuran ang masa.

—Tulog na Bunso

—Malayo pa po ba, Ate Alma? tanong ni Maricar sa kanya.

Natigil siya sa paglalakad, napapihit ng tingin sa paslit sa likuran. Ngayon niya lang naisip na baka napapagod na ang bata. Tumingin siya sa relo, mahigit dalawang oras na pala silang naglalakad. Basang-basa na ng pawis ang damit ng bata, sayang ang postura nito. Dinukot niya sa bulsa ang panyo at pinahid ang pawis sa noo ng bata.

—Gusto mo bang magpahinga? —Gusto ko na makita si tatay.

—Magkikita kayo ng tatay mo. Pangako iyan. Malay mo, pagdating natin doon sa pupuntahan natin, nandoon na siya.

Nagliwanag ang buong mukha ni Maricar. Napapalakpak ito sa tuwa’t pananabik. Natawa siya nang bilisan nito ang paglalakad, nauna sa kanya ng

ilang hakbang.

Makalipas ang kalahating oras pa ng paglalakad sa bulubunduking daang-kabayo, tanaw na nila ang bahay ni Tata Fred. Halos takbuhin ni Maricar ang nalalabing distansya sa sobrang pananabik.

—Taaaay!!! Tatay! sigaw nito pagtapat sa bintana.

Sumungaw ang ulo ni Tata Fred, napangiti ito. —Kahapon pa narito ang tatay mo, sagot nito sa batang nakatingala.

Nanaog si Tata Fred ng bahay at sinalubong sila. —Kumain na ba kayo? tanong nito sa kanya. —Hindi pa, sagot niya.

—Sige’t bahala ka na muna riyan, susunduin ko lang sa kubo sina Ka Edgar.

—Sino-sino po silang nandoon?

—Silang dalawa la’ang. Si Ka Edgar at Ka Poli. Lumundag ang puso niya nang marinig ang pangalan, pero di siya nagpahalata.

—Sige po. Maghahanda na ko ng sinaing.

—Nakahanda na, nakahain na sa mesa. Kayo na nga lang talaga ang hinihintay.

Biglang naglaway ang bibig niya sa narinig. Bahagyang nanginig ang mga tuhod niya nang maamoy ang halimuyak ng inihaw na manok mula sa bukas na binatana. Inakay niya si Maricar paakyat ng hagdan. Nagtuloy sila sa hapag. Nagtatalon sa tuwa ang bata nang makitang may birthday cake sa gitna ng mesa at may mga kandilang di pa nasisindihan. Binilang ni Maricar ang mga kandila. Siyam lahat, dahil ngayong araw na ito, siyam na taong gulang na siya.

—Parating na siya, sinundo na ni Tata Fred. —Nasaan ba siya?

—Nandiyan lang iyon sa tabi-tabi. Gusto mo na bang kumain?

—Hihintayin ko si Tatay.

Maya-maya nakarinig sila ng mga kaluskos sa labas. Dumungaw siya sa bintana at nakitang papalapit sina Ka Edgar, Tata Fred at si Ka Poli. Sumasal ang tibok ng puso niya. Lumingon sa kanya si Ka Poli, ngumiti nang maluwang. Naramdaman niyang nagtayuan ang mga balahibo niya sa batok at mga braso.

Nagtatakbo pababa ng bahay si Maricar, pasalubong kay Ka Edgar. Nagyakap ang mag-ama sa bakuran, walang mapaglagyan ng nag-uumapaw na mga pananabik. Inilabas ni Ka Edgar mula sa isang maruming sako ng bigas ang isang malaking regalo. Halos lumuwa ang mga mata ni Maricar sa tuwa.

Nagsi-upo na sila sa hapag. Sinindihan ni Ka Edgar ang mga kandila sa cake at inumpisahan ang pagkanta ng Happy Birthday, na sinabayan ng lahat. Hinipan ni Maricar ang mga kandila at bumulong sa sarili.

Nilantakan nila ang nakahaing pagkain habang abala naman ang bata sa pagbubukas ng regalo. Nagtatalon ito sa tuwa nang iluwal ng balutan ang isang malaki at magandang manika. Hanggang sa pagkain, di ito mabitiwan ng paslit. Aliw na aliw itong parang di makapaniwala sa laruang hawak-hawak.

Matapos kumain, nanaog ng bahay sina Ka Edgar at ang anak nito, para mag-usap sa labas. Si Tata Fred nama’y paroroon sa bayan para mamili ng mga gamit na dadalhin ng mga kasamang hukbo pagbalik

sa yunit. Naiwan sila ni Ka Poli sa loob ng bahay. Pinagtulungan nilang iligpit at hugasan ang mga pinagkanan.

—Kumusta? tanong niya nang matapos silang maghugas at naka-upo sa may sala, naninigarilyo habang nakaharap sa nakabukas na bintana. Malamig ang simoy na pumapasok sa buong kabahayan.

—Mabuti naman, sagot ni Ka Poli. Tumayo siya’t nagtaktak ng abo sa bintana. Nakita niyang magkatabing nakaupo sina Ka Edgar at anak nito sa mahabang silya sa silong ng malabay na punong kawayanan sa bakuran ni Tata Fred. Bahagya niyang nauulinigan ang mga kuwento ng batang sabik na sabik sa ama.

—Natanggap mo ba yung padala kong yosi? tanong niya.

—Oo. Salamat ha. Tagal din bago ko naubos. —Walang anuman.

Patlang.

Pinagmasdan niya si Ka Poli. Napakarami niyang gustong sabihin sa kasamang ito. Napakaraming pagkakataong sa mga pasanda-sandaling pamamahinga ng utak niya, iniisip niya ang kasamang ito, ang kaligtasan niya, ang kanyang niloloob, politika, perspektiba sa pagkilos. Minsan, naiiisip naman niya panay pisikal, sekswal, at iba pang lantad na katangian.

Ngayong nasa harap na niya si Ka Poli, di niya alam kung paano sisimulan. At kung alin lang ang mga puwede niyang ikwento, itanong. Sa sobrang tagal bago sila nagkita, parang nakalimutan na niya ang ilan. At dahil nga matagal na, kung anuman iyon, parang di na rin masarap ikwento. Lumapit siya sa

babahan ng bintana at nakipanungaw kay Ka Poli. Pinitik niya sa lupa ang upos ng sigarilyo.

Mahabang patlang.

Para bang ang mangilan-ngilang pagkakataong nagkikita sila, sa halip na kwentuhan, puro mahahabang patlang lang ang nag-uugnay sa kanila. Para bang ang hirap simulan ng mga salita, at kung masimulan naman ang hirap i-sustine. At di rin mawari kung paano tatapusin ang mga pangungusap. Kaya ang patlang, laging nariyan. Mabuti na lang at kahit papaano, napagtatakpan ng huni ng mga kuliglig. At napapansin lang sa mga sandaling biglang sabay-sabay na humihinto sa paghuni ang mga kulisap, para bang nang-aasar, nananantiya, nambubuking ng mga sikreto.

Nagsindi uli siya ng sigarilyo. Humitit-buga muna nang malalim, saka pumihit ang tingin sa katabi. Magsasalita na sana siya nang mapansing bahagya itong nakatingala, pinagmamasdan ang bilugang buwang sumisilip-silip mula sa makapal na ulap. Nasalamin niya sa mga mata ng kasama ang sobrang paghanga, nahiya siyang gambalain ang mundo nito.

Nakisilip na rin siya, hinuli ang mailap na buwan na panay ang kubli sa makapal na ulap. Hanggang sa tuluyan itong magtago sa likod ng mga ulap. Maya-maya narinig nila ang tikatik sa bubong ng mahinang ambon. Narinig nilang nananakbo paakyat ng hagdan ang mag-ama.

Sinara nila ang mga nakabukas na bintana nang lumakas ang hangin. Tinungo niya ang kusina para magtimpla ng kape para sa kanilang tatlo.

Mahabang patlang, lahat sila nakatingin sa batang naglalaro sa sahig, may kanya-kanyang hawak na tasa

ng umuusok na kape.

—May payong ba rito? tanong sa kanya ni Ka Poli.

—May nakita ko sa may kusina, sagot niya. —Bakit?

—Lalabas lang ako sandali, check ko lang ang perimeter.

Tumayo si Ka Poli at tinungo ang payong sa kusina. Sa batalan na ito nanaog palabas ng bahay. Tahimik nilang inubos ang mga tangang kape, kuntento na sila ni Ka Edgar sa mahabang katahimikang nag-uugnay sa kanila, habang pinapanood si Maricar sa sahig, subsob sa sariling mundo ng solitaryong laro.

Ginulat sila ng sunod-sunod na katok sa pinto. Di nila narinig ang paglapit ng kung sinumang panauhing ito, na napasugod sa gitna ng nagsusungit na panahon.

—Mga kasama! Buksan ninyo itong pinto! Madali kayo!

Nagkatinginan sila ni Ka Edgar. Sumenyas si Ka Edgar, nginuso si Maricar na natigil sa paglalaro nito, tumango siya. Inakay niya ang bata at gumapang sila patungong batalan. Tahimik na tumayo si Ka Edgar, binunot ang kwarenta’y singko na nakasukbit sa pantalon, marahang lumapit sa pinto.

—Mga kasama! Buksan nyo tong pinto! Alam ko nandiyan kayo sa loob! Binaril si Tata Fred! Mga kasama, binaril si Tata Fred!

Nagkatinginan sila ni Ka Edgar. Binuksan nito ang pinto at humangos sa loob ang isang magsasaka, putikan ang mga paa’t basang-basa sa ulan.

—Mga kasama… mga kasama… sambit nito sa pagitan ng paghingal.

Inalalayan ito ni Ka Edgar, inupo sa kahoy na upuan. Muli silang nagkatinginan ni Ka Edgar, pareho nilang di kilala ang panauhin.

Kinuha niya mula sa balutan niya ang isang malinis bagamat lumang bimpong pamunas at inialok sa panauhin. Di pa man ganap na humuhupa ang paghingal nito, tinuloy nito ang sinasabi kaninang pagdating.

—Ako si Ka Rading, mga kasama. Diyan ako nakatira sa may kubo sa hulo ng sapa.

Tumango siya, alam niya ang kubong tinutukoy. —Kasabay ko sa sasakyan sa bayan si Tata Fred kanina noong pauwi na siya. Bago umalis ang pampasaherong jeep, may mga sundalong dumating, mga kasama, ininspeksyon lahat ng laman ng sasakyan. Nakita ang dalang bigas ni Tata Fred. Pati ang mga kamisetang bago. Nagduda ang mga putragis, nagkasagutan sila Tata Fred, mga kasama. Nakasakay po ako noon sa jeep. Nakita ko po’t narinig nang barilin sa dibdib si Tata Fred.

Namumula sa galit ang magsasakang nagkukuwento, tiim ang mga bagang at kuyom ang mga malalapad na kamay.

—Salamat po sa inyo, kuya, sabi ni Ka Edgar. —Sige po, umalis na kayo’t kami na po ang bahala.

Nang makaalis si Ka Rading, mabilis silang kumilos.

—Magpapakabait ka, ha, bilin ni Ka Edgar sa anak.

Tumango ang bata, nangingilid ang luha sa mga mata nito.

—Kelan po tayo magkikita ulit? tanong ni Maricar.

—Sa anibersaryo ng Partido, susunduin ka ng ate Alma mo, isasama ka niya sa loob ng yunit. Doon, matagal tayo magkakasama, mahigit isang linggo.

—Matagal pa yun eh. Sa Pasko pa iyon.

—Malapit na iyon. September na ngayon. O, bilangin mo, tatlong buwan na lang.

Di napigil ng anumang pangako ng ama ang pag-iyak ng paslit. Kinarga niya ang batang umiiyak, inalo’t hinimas-himas ang likod.

—Shhhh…. Shhhhh…. Magkikita naman kayo ulit ng tatay mo eh. Tahan na. Wag ka na umiyak.

Ilang saglit at pumasok ng kabahayan si Ka Poli, walang malay sa pagdating at pag-alis ng panauhin at ng masamang balita. Napansin niya ang batang umiiyak, naramdaman ang maselang galaw ng tingin ng mga kasama. Nagtanong ang mga nakataas niyang kilay.

—May masang dumating noong nasa labas ka. —Sino?

—Yung nakatira diyan sa kubo sa may pag-ahon ng sapa. Nakasabay niya raw sa jeep sa bayan si Tata Fred. Binaril daw ng mga sundalo.

—Asan na yung masa, tanong ni Ka Poli.

—Umalis na, pinaalis ko. Ang tagal mo naman, saan ka ba galing?

—Umebak.

—Lika na, alis na tayo. Balik tayo ng yunit ngayong gabi.

—Paano sina Ka Alma?

—Pupunta sila kina Inang Dalisay, doon sila magtatago’t maghihintay ng direktiba.

Parang hilong taranta si Ka Poli, parang wala ito sa sarili habang palinga-linga sa kanilang dalawa.

—Tara na! sambit ni Ka Edgar, at nanaog ito ng hagdan.

Napatingin ito sa kanya, ilang saglit na nanatiling nakaupo, di marahil alam kung ano ang gagawin. Mula sa bintana, napalundag sila sa sigaw ni Ka Edgar.

—Ka Poli, tara na! Ano pa hinihintay mo diyan? Ilang saglit na napatitig sa kanya si Ka Poli, bago nagmamadaling bumaba. Hinabol niya ito hanggang sa pinto.

—Kasama, mag-iingat kayo, bilin niya. —Ikaw din, sagot nito.

Nang makaalis ang dalawa, wala siyang inaksayang sandali. Inayos niyang lahat sa isang maliit na bag ang mga gamit ng bata. Namataan niya ang plastik na mantel ng mesa. Kinuha niya ito’t

Dalam dokumen Norman Wilwayco- Gerilya (Halaman 101-141)