• Tidak ada hasil yang ditemukan

Inilalahad sa kabanatang ito ang literaturang konseptwal, literaturang pananaliksik, sintesis, balangkas konseptwal, konseptwal paradaym at katuturan ng mga katawagang ginamit.

Literaturang Konseptwal

Ang panitikang tuluyan o prosa ay ang ―wika ng katuwiran‖ sapagkat ito‘y binubuo ng mga pangungusap na walang sukat (Baritugo, et al., 2008). Nag-uugnay ito ng mga pangyayari, nagpapahayag ng mga kaisipan at naglalahad ng mga opinyon. Ito rin ay tumutugon sa pang-araw-araw na mga huwaran ng pagsasalita at ginagamit upang maglaan ng detalyadong paglalarawan sa mga ideya, bagay at sitwasyon (Sialongo, et al., 2007).

Ilan sa mga halimbawa ng anyong tuluyan ang nobela o kathambuhay, maikling katha o maikling kuwento, dula, alamat, pabula, parabula, anekdota, sanaysay, talambuhay, balita at talumpati (Villafuerte, et al., 2000). Lahat ng nabanggit ay maaaring ipahayag nang pasalita at ilathala sa mga aklat, magasin at iba pang uri ng babasahin. Ngunit kaiba sa lahat ng mga ito ang talumpati na maaaring nakalimbag nga, subalit

hindi ganap na matatawag na talumpati kung hindi bibigkasin sa harap ng balana.

Dagdag pa, hindi tulad ng alamat, maikling kuwento, nobela at iba pa na nasusulat ayon sa mga pangyayaring hango sa haraya o imahinasyon ng mga manunulat, ang talumpati gayon din ang balita, talambuhay, at iba pang mga kauri ay ipinahahayag batay sa mga totoong pangyayaring naganap o nagaganap sa paligid ng kapwa awtor at mambabasa. Samakatuwid, ang talumpati ay hindi lamang isang akdang tuluyan manapa‘y isa ring piyesang ‗di kathang isip na may kaugnayan sa tunay na mga pangyayari at umaalinsunod sa mga makatotohanang katangian, tagpuan at aksyon (Vian, 2006).

Isa sa makukulay na pasalitang pakikipagtalastasan ang talumpati. Wika ni Arrogante (2000), kung sa pag-ibig ang isang binata ay maakit manligaw o sa pangangalakal ang isang representante ay makapanghikayat ng kliyente, maitatangi sa kanila ang ekspresyong ―matamis ang dila.‖ Sa pagtatalumpati, kapag ang isang tagapagsalita ay nagbukas ng bibig at hinangaan ng mga tagapakinig, angkop sa kanyang sabihin na siya‘y ―nagdilang anghel.‖

Kilala sa mga katawagang address, oration, public speaking at

pagpapahayag na binibigkas sa harap ng mga taong handang makinig. Nilalayon nitong maghatid ng mahalagang ideya tungkol sa isang paksa upang makaakit (Sauco, et al., 2004). Tuwiran ang paggamit nito ng wika, tinig, kilos o galaw, komposisyon, paraan sa pagpapaunlad ng kaisipan at pag-aangkop ng materyales sa partikular na manonood at sitwasyon (Dayag at Baisa, 2005). Ito rin ay isang komposisyong may tiyak na tema na karaniwang nasa prosa, analitiko at nagpapahayag ng interpretasyon (Almario, 2010). Dagdag pa ni Arrogante (2003), ito‘y isang uri ng komunikasyong pampubliko sapagkat nagpapaliwanag ng isang mahalagang paksa.

May tatlong pangunahing layunin ang pagtatalumpati: ang magbigay-impormasyon, manlibang at manghikayat (Carpio at Encarnacion, 2004). Kung nilalayon ng isang talumpati na magbigay ng impormasyon, ito‘y maaaring ipahayag sa anyo ng paglalahad, paglalarawan, paglilinaw, pagpapakahulugan, pagpapaliwanag at pag-uulat. Kung layunin naman ng isang mananalumpati ay mang-aliw, ang paksang kanyang isasalaysay ay karaniwa‘y isang nakatatawang sitwasyon o nakalilibang na kuwentong kapupulutan ng aral na bibigkasin niya sa paraang kawili-wili sa mga tagapakinig. Kung ibig naman ng isang nagtatalumpati na manghikayat, layon niyang magpahayag ng kanyang

saloobin, pananaw o paniniwala sa isang mahalagang isyu o usapin, mangatuwiran, mang-akit, makaimpluwensya sa paninindigan at damdamin ng madlang nakikinig at mag-udyok para kumilos.

Isinasagawa o ginaganap ang isang talumpati saanman at sa alinmang uri ng okasyon, pormal man o hindi, pribado man o pampubliko. Maaaring sa isang pulutong ng nagkakatuwaang magkakaibigan ay may magtalumpati nang sa gayo‘y lalo pang mabigyang kasiyahan ang nangaroroong nagsasaya.

Ang pag-uulat ng isang empleyado sa mga gastusin, proyekto at kita ng kompanyang kanyang pinagtatrabahunan sa isang pribadong pagpupulong ay maituturing na pagtatalumpati. Isa ring anyo ng pagtatalumpati ang pagsesermon o pagmimisa ng mga pinunong pansimbahan gaya ng pari, pastor, ministro at imam sa madlang nakikinig. Sinumang panauhing pandangal ng isang partikular na pagdiriwang na nagpapaabot ng kanyang pagbati, pasasalamat o papuri sa balanang dinatnan ay nagtatalumpati. Ang sinumpaang testimonya o pahayag ng isang nasasakdal, saksi o nang-aakusa at ang kaukulang hatol ng huwes sa isang asunto sa hukuman ay mauuri bilang pagtatalumpati. Mangyari pa, pagtatalumpati rin ang tawag sa isinasagawang pagsasalita ng mga politiko sa harap ng taumbayan tuwing may pagpupulong o halalan.

Sa mga paaralan, karaniwan nang pinagtatalumpati ang mga mag-aaral bilang isa sa mga paksang tinatalakay sa Ingles at Filipino, at kasunod nito‘y ang gawaing bumigkas ng talumpati, sinaulo man ito o isinulat ng isang mag-aaral. Ito‘y isinasagawa hindi lamang para papagsalitain ang bawat mag-aaral sa harap ng klase kundi upang matutuhan din nilang magpahayag nang malakas at malinaw, mangatuwiran at mahubog ang sariling kakayahan sa pamumuno. Paraan din ito upang makilala nila ang sariling kakayahan sa pagsasalita at upang matuto silang humarap sa madla na kadalasang ikinahihiya‘t ikinakatakot ng marami. Isa pa‘y nakapagpapayaman at napakapagpapaunlad din ito ng pakikipag-ugnayang panlipunan ng mga mag-aaral. Sa pagtatalumpati‘y binibigyang halaga ang maayos at angkop na pagtindig at paglakad sa entablado. Dito rin itinuturo ang iba‘t ibang galaw ng katawan at kumpas ng kamay batay sa mga pahayag na sinasabi.

Para sa marami, ang pagtatalumpati ay isang nakatutuwang karanasan. Ayon naman sa ilan, ito ay isang nakatatakot na gawain (Ulit, 2003). Hindi madaling magtalumpati sa harap ng maraming tao lalong-lalo na para sa mga nininerbiyos, kapos sa kasanayan, kulang sa kahandaan at baguhan pa lamang. Tinatawag na stage fright sa Ingles ang takot sa pagharap sa balana (Mish, 2011). Karaniwan itong nararamdaman ng mga

taong may mababang tiwala sa sarili, ng mga wala pang gaanong karanasan at maging ng ilang nakaranas nang magtalumpati. Subalit ang ganitong takot at pangambang mapahiya ay maaaring labanan at iwasan ng isang mananalumpati kung maninindigan at magtitiwala siya sa sarili na kaya niyang magsalita nang maayos, malinaw at mahusay upang matagumpay niyang maipabatid ang mensaheng ibig niyang ipaunawa sa mga nakikinig.

Ayon kina Bernales, et al. (2011), marami na‘ng natanyag at nagtagumpay na mga guro, tagapamayapa, rebelde at pinunong bayan dahil sa kanilang katangi-tanging kakayahan sa pagtatalumpati na kinalugdan ng mga tagapakinig. Ilan sa kanila‘y si Demosthenes, isang kilalang orador o mananalumpati ng Sinaunang Atenas, at sina dating Pangulong Abraham Lincoln, Franklin D. Roosevelt at John F. Kennedy ng Estados Unidos. Karamihan sa kanila‘y hindi noon magaling magsalita, ngunit dahil sa paulit-ulit nilang pagsasanay ay natuto silang bumigkas nang mahusay at kalauna‘y natanyag sa daigdig.

Sinasabi rin na upang makapagsalita nang mahusay sa harap ng madla, kinakailangang may sapat na kaalaman, kahandaan at kasanayan. Kung ang kaalaman ang pag-uusapan, ang paksa ng isang talumpati ay dapat na maging makabuluhan at kapaki-pakinabang. Kung ang

kahandaan ang bibigyang diin, ang isang mananalumpati ay kinakailangang handa sa kanyang sasabihin nang sa gayo‘y maging relax siya sa pagbigkas. Dapat ding mabakas sa nagtatalumpati ang pagtitiwala sa sarili upang maging mabisa at kapani-paniwala ang kanyang mga sasabihin o sinasabi. Kung ang kasanayan ang pagtutuunan ng pansin, maisasagawa ito sa pamamagitan ng matiyaga at puspusang pagsasanay. Sa pagsasanay ay dapat bigyang halaga ang ekspresyon ng mukha, galaw ng kamay, lakas at linaw ng tinig upang higit na maging kapani-paniwala at kagalang-galang sa harap ng mga tagapakinig (Dayag, et al., 2005).

Bukod sa kaalaman, kasanayan at kahandaan, dapat ding taglayin ng isang mananalumpati ang sumusunod na mga katangian: interes sa kapaligiran, mapakiramdam at may pandamang palatawa, kumbersasyonal sa pagsasalita, mapamaraan at malinis sa pananamit. Ayon kay Arrogante, natural lamang na kalugdan ng isang nagtatalumpati ang lahat sa kanyang kapaligiran sapagkat nakapagbibigay ito ng likas na sigla sa anumang paksang tatalakayin. Kinakailangan ding maging mapagmasid sa magiging reaksyon ng madla sa kanyang mga sinasabi sapagkat mahalaga ang kabatiran sa mapamukaw-isip na mga pamamaraan sa pagsasalita lalo na kung ang paksang itinatalumpati ay

lubhang napakaseryoso na maaaring kabagutan o kaantukan ng mga tagapakinig. Hindi rin dapat matulad ang pagtatalumpati sa pagsesermon ng pari o pagtula ng isang makata na nagsaulo ng iskrip manapa‘y kailangan makipag-usap nang tuwiran upang mapalagay ang loob ng mga nakikinig. Samantala, ang pagsusuot ng malinis, maayos at angkop na pananamit ay lumilikha ng unang impresyon sa mga tagapakinig kung kawiwilihan nila o hindi ang mananalumpati.

Kaugnay ng mga pahayag na nabanggit, sina Tanawan, et al. (2004) ay nagtala ng labing-isang bagay na dapat taglayin ng isang magtatalumpati. Una, may matinding interes o kagustuhang magsalita at magbahagi ng opinyon sa mga nakikinig; ikalawa, may sapat na kahandaan at kaalaman sa paksa; ikatlo, gumagamit ng kawili-wiling mga salita; ikaapat, mayroong malinaw at madaling maunawaang estilo; ikalima, mayaman ang talasalitaan o bokabularyo; ikaanim, nakahahalina ang tinig; ikapito, gumagamit ng voice variation o pag-iiba ng tono o lakas ng boses ayon sa nilalaman ng talumpati; ikawalo, tumitingin sa nakikinig upang ipadamang sila ay mahalaga at bahagi ng talumpati; ikasiyam, umiiwas mapako ang tingin sa itaas o sa isang bahagi lamang; ikasampu, maingat sa pagsasalita at wasto ang balarila o gramatika ng mga pangungusap na ipinahahayag nang sa gayo‘y mabisang maipauunawa

ang mensahe ng talumpati; at ikalabing-isa, minamasdang sandali ang mga tagapakinig pagkatapos ng pangwakas na pananalita bago bumalik sa upuan.

Kaugnay ng mga bagay na inilahad, nararapat ding isaalang-alang ng isang nagtatalumpati ang wastong tinig, tindig, paraan ng pagbigkas at ang pagtutuunan ng pansin at kumpas (Dayag at Marasigan, 2005). Napakalahaga ng tinig sa isang matagumpay na pagtatalumpati. Kailangang batid ng mananalumpati kung kailan dapat lakasan o hinaan ang kanyang boses ayon sa pangangailangan. Ang tinatawag na voice

variation o pag-iiba-iba ng boses ayon sa hinihingi ng sitwasyon ay lalong

nagbibigay-buhay sa talumpati at nakaaakit sa mga tagapakinig upang lalong bigyang pansin ang kaisipang inihahatid.

Dagdag pa nina Dayag at Marasigan, mahalaga rin sa isang nagtatalumpati ang pagkakaroon ng tinatawag na ―tindig panalo.‖ Ito ang pagtindig sa entablado na kakikitaan ng tikas at tiwala sa sarili. Ang posisyon ng mga paa ay mahalaga rin sa isang mananalumpati.

Sa pagkuha ng atensyon ng mga tagapakinig, nararapat na mabigkas nang malinaw at matatas ang isang talumpati. Ang bitaw ng bawat salita ay dapat may wastong diin at may wastong pagkakapantig-pantig. Ang pagbuka ng bibig ay lubhang kailangan sa pagbigkas ng bawat

pantig. Kung ang bibig ay nakabuka nang ayon sa salita, magiging maliwanag ang mensahe ng bawat linya at maihahatid ito nang malinaw at maayos.

Kaugnay pa rin ng mga bagay na inilahad, bago pa man magsimula ang talumpati, ang magtatalumpati ay dapat magkaroon ng ugnayan sa kanyang tagapakinig sa pamamagitan ng panuunan ng paningin o eye

contact. Karaniwang nakatuon ito sa gawing likuran, gitna, subalit maaari

ring baguhin papuntang kanan o kaliwa na daraan din sa gitna. Mahalagang mapanatili ang pagtutuon ng paningin sa mga tagapakinig upang madama ng mga ito ang sinseridad ng mananalumpati.

Ang kumpas ay lubhang kailangan upang mabigyang diin ng nagtatalumpati ang mga bahaging dapat pagtuunan ng pansin. Dito ay higit na nagiging mabisa ang paglalahad sapagkat ang galaw ng mga kamay ay nakatutulong upang lalo pang maihatid ang damdamin ng talumpati sa mga tagapakinig. Mahalaga kung gayon na angkop ang kumpas, hindi biglaang itinataas o ibinababa ang mga kamay, at hindi rin parang nanlalambot sapagkat hindi ito makatutulong sa paghahatid ng diwang nais bigyang halaga.

Sina Mendoza at Romero (2007) ay nakapagtala ng mga halimbawa o uri ng kumpas at galaw sa pagtatalumpati na nagpapahayag ng iba‘t

ibang kahulugan. Ito ay ang kumpas na pasuntok na nagpapahayag ng pagkapoot, galit o pakikilaban; kumpas na pahawi na nagsasaad ng pagsaklaw ng isang diwa, tao o pook; marahang pagbaba ng dalawang kamay na nagpapahiwatig ng kabiguan o kawalan ng lakas; paturong pagkumpas na nagpapakilala ng panduduro, pagkagalit at panghahamak; nakabukas ang palad at biglang ibababa na nagpapahayag ng galit o marahas na damdamin; nakabukas na palad na magkalayo ang mga daliri at unti-unting ititikom na nagpapahiwatig ng matimping damdamin; palad na itinataas habang nakalahad na nagpapahiwatig ng dakilang damdamin; palad na bukas at marahang ibinababa na nagpapahiwatig ng mababang uri ng kaisipan at damdamin; kumpas na halos pantay-balikat ang dalawang bukas na bisig na sumisimbolo ng kalawakan; at kumpas na pakutya na nilalakipan ng pag-ismid na nagpapahiwatig ng pag-uyam.

Dagdag pa nina Sauco, ang kumpas na nakalahad ang palad ay nagpapahayag ng pagtanggap o pagsang-ayon. Nagsasaad naman ng pagtanggi o pagsalungat ang kumpas na nakataob ang palad samantalang ang kumpas na naglalarawan ay nagpapakita o gumagagad ng hugis, laki o kinalalagyan ng isang bagay.

Tulad ng liham, sanaysay at iba pa, ang talumpati ay nahahati rin sa tatlong bahagi: ang panimula, katawan at kongklusyon. Ayon kina Igoy at

Saymo (2004), ang panimula ng isang talumpati ay nagbibigay-impresyon sa nagtatalumpati batay sa pananaw ng mga tagapakinig. Dito natitiyak ng mananalumpati kung mayroon siyang tiwala sa sarili at kung talagang batid niya ang paksang kanyang ipinahahayag. Ipinahihiwatig ng panimula kung tungkol saan ang talumpati na makatutulong sa madla upang mabigyang diin at masundan nila ito nang madali. Nakapupukaw rin ito ng kuryusidad at interes ng mga nakikinig na nagtutulak sa kanila na makinig nang mabuti.

Ayon pa kina Igoy at Saymo, may tatlong pangunahing layunin ang panimula ng anumang talumpati para sa mga tagapakinig: una, panatilihin ang kanilang interes sa paksang ipinahahayag; ikalawa, hayaang makinig sila nang may katalinuhan; at ikatlo, tanggapin nila nang maayos at patas ang mga sinasabi ng talumpati.

Ayon naman kina Tanawan, ang panimula ay maaaring simulan ng mananalumpati sa isang quotation o kasabihang natatampok, sa isang salaysay, isang malinis na biro, tanong na panretorika, kawikaan, salawikain, mahalagang balita, saknong ng tula, anekdota o anumang kataga o pahayag na makatatawag-pansin. Maidaragdag pa rito ang pagbabahagi ng pansariling karanasan, pagsasalaysay ng isang nakaaliw

na kuwento, pagbanggit sa mga tagapakinig bilang pagkilala at pagbibigay-halaga sa paksang tatalakayin.

Ang ikalawa at ang pinakamahalagang bahagi ng talumpati ay ang katawan. Wika nina Tanawan, ito ang pinakakaluluwa ng isang talumpati. Dito inilalahad ang paksang tatalakayin, ang proposisyon ng nagtatalumpati at mga ebidensya o patunay sa mga katuwirang nabanggit upang mapaniwala at mahikayat ng mananalumpati ang mga nakikinig. Ang paksa sa konteksto ng kasalukuyang kalagayan, ang pangunahing suliraning kinakaharap at ang argumentong magpapatibay sa proposisyon ng nagtatalumpati ay tinatalakay sa bahaging ito.

Nagtala sina Igoy at Saymo ng limang anyo ng kagamitang pansuporta na lubhang makatutulong upang mabisang maipaliwanag at mapagtibay ng isang mananalumpati ang mga kaisipang kanyang ipinahahayag sa katawan ng talumpati; ito ay ang ilustrasyon o larawan bilang halimbawa, paliwanag, muling pagpapahayag o pag-uulit, testimonya o patotoo at tulong biswal o visual aid. Ang limang ito ay makapagpapahimok sa mga tagapakinig upang paniwalaan nila ang mga argumento. Anumang bagay na ibig ipaliwanag sa katawan ng isang talumpati ay maaaring makuha ng isang magtatalumpati sa mga panayam,

imbestigasyon o pagsisiyasat, nalathalang datos at pansilid-aklatang pananaliksik o library research.

Mayroon ding mga metodo o pamamaraang makatutulong sa pagpapaunlad ng katawan ng talumpati. Ilan sa mga ito ay ang deduktibong pangangatuwiran, causal o panahilang pangangatuwiran at paggamit ng estadistika. Nagsisimula sa pangunahing ideya papunta sa mga partikular ang deduktibong pangangatuwiran samantalang sinusuri naman sa panahilang pangangatuwiran ang katumpakan o katotohanan ng mga bagay na sinasabi at ang kalinawan ng pag-iisip ng mananalumpati. Ang ikalawang pangangatuwirang nabanggit ay kadalasang mababanaag sa pagpapahayag ng sanhi at bunga, paghihinuha, pagpapakahulugan at panghuhusga. Nagiging mabisa ang isang katawan ng talumpati kung ang estadistikang magpapatunay sa mga bagay na itinatalumpati ay maipaliliwanag nang maayos sa balana.

Ang ikatlo na siyang pinakahuli at nagsisilbing pangwakas na bahagi ng isang talumpati ay ang kongklusyon. Ayon kina Tanawan, sa bahaging ito inilalahad ng nagtatalumpati ang kapasiyahan sa mga katuwirang binanggit upang maikintal sa isipan ng mga tagapakinig ang kabuuang diwa ng talumpati. Dito rin huling nagbibitiw ang mananalumpati ng panawagan, hiling o hamon sa mga nakikinig.

Sa kabilang banda, sina Baisa at Lontoc (2005) at sina Sauco ay nagkaroon ng ibang paghahati sa mga bahagi ng talumpati. Ayon sa kanila, ang isang talumpati ay kinapapalooban ng apat na bahagi; ito ay ang panimula, paglalahad, paninindigan at pamimitawan. Wika nila, ang panimula ay ang bahaging naghahanda sa kaisipan ng mga nakikinig upang maakit ang kanilang kawilihan. Dito rin nakasaad ang mga pangganyak na pananalitang pupukaw sa isipan ng mga tagapakinig. Maaaring magsalaysay ang isang mananalumpati ng mga kuwentong sadyang nakatatawa na may kaugnayan sa paksang tatalakayin.

Ang paglalahad ay ang bahagi ng pagpapaliwanag at siyang nagsisilbing pinakakatawan ng talumpati. Ginagamitan ito ng mga pananalitang kaakit-akit at kinapapalooban ng tatlong pangunahing gawain: una, ay ang pag-uulat ng mahahalagang kaisipan hinggil sa paksang tinatalakay; ikalawa, ay ang pagbibigay-liwanag o linaw sa mga kaisipang binanggit; at ikatlo, ay ang pagbibigay-katuwiran sa mga bagay-bagay ng mga ideyang ipinahayag.

Nagsisilbing pinakakaluluwa ng talumpati ang paninindigan sapagkat sa bahaging ito pinatutunayan ng nagtatalumpati ang mga kaisipang nauna na niyang sinabi sa panimula at paglalahad.

Ipinahahayag dito ang kanyang mga ebidensya sa mga katuwirang binanggit.

Ang pamimitawan ang siyang pangwakas na bahagi ng talumpati. Dito matutunghayan ang kongklusyon ng mananalumpati sa mga katuwirang kanyang inilahad. Dito rin maririnig ang maiindayog o maririkit na pananalita.

May apat na anyo o kaparaanan ng pagbigkas ng talumpati. Ayon kina Padilla, et al. (2003), ito ay ang biglaan o impromptu, maluwag o ekstemporanyo, manuskrito at isinaulong talumpati.

Isinasagawa ang impromptu o biglaang pagtatalumpati nang walang paghahanda. Ito‘y nangyayari sa panahon ng kagipitan o emergency. Halimbawa, kung ang inaasahang mananalumpati ay hindi nakarating sa isang partikular na pagpupulong at ang isang naroroon ang siyang hinilingang pumalit at magtalumpati. Ayon kay Arrogante, ang ganitong anyo ng talumpati ay angkop lamang sa mga bihasa, sanay at mabilis mag-isip sa paksang sasabihin.

Kabaligtaran ng impromptu ang maluwag o ekstemporanyong pagtatalumpati na bagama‘t hindi rin isinaulo ay lubusan namang pinaghandaan ng isang magtatalumpati. Ipinahahayag nang tuwiran ang paraang ito at mabisa kung isasagawa sa mga silid-aralan. Wika nina

Carpio at Encarnacion, ang gumagamit ng ganitong anyo ng talumpati ay walang manuksritong binabasa kaya‘t mapagmamasdang mabuti ang mga nakikinig, mapagmumuni-muni ang kanilang presensya o pagdalo at maiaangkop nang mahusay ang kanyang talumpati sa kanila.

Binabasa ng isang nagsasalita ang manuskritong pagtatalumpati mula sa isang kodigo o inihandang papel na kinasusulatan ng tekstong ipinahahayag. Angkop na angkop ilathala, pag-aralan at suriin ang ganitong paraan ng pagtatalumpati. Ito rin ang siyang kadalasang ginagamit ng sinumang nagtatalumpati sa harap ng telebisyon at radyo na kalimita‘y mga prominente o kilalang tao sa lipunan tulad ng mga negosyante, pinunong pansimbahan at mga politiko. Dagdag pa nina Baisa at Lontoc, ang manuskritong pagtatalumpati ay ginagamit sa mga kumbensyon, seminar at programa sa pananaliksik.

Pinakamahirap sa lahat ng anyong nabanggit ang isinaulong talumpati. Isinasagawa ang ganitong anyo ng pagtatalumpati sa mga paligsahang pang-oratoryo na sinasalihan ng mga mag-aaral at sa ilang pormal na okasyon gaya ng eulohiya o papuri sa isang taong kamamatay pa lamang, mga ritwal pansimbahan at ilang pampolitikang pagdiriwang.