• Tidak ada hasil yang ditemukan

Inilalahad sa kabanatang ito ang talambuhay ng ilan sa mga naging pangulo at ng kasalukuyang pangulo ng bansa na bumigkas ng mga piling SONA na sinuri ng mga mananaliksik bilang paksa ng pag-aaral.

Corazon C. Aquino

Si Corazon ―Cory‖ C. Aquino ang ika-11 pangulo ng bansa, ang kauna-unahang babaeng nanungkulan sa ganoong tungkulin at gayundin ang kauna-unahang babaeng pangulo sa Asya. Itinuturing bilang ―Ina ng Demokrasya,‖ siya ang namuno sa 1986 People Power Revolution o Himagsikang EDSA na nagpabagsak sa dalawampung taong diktaturya ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Kilala siya bilang isang napakarelihiyosa at konserbatibong Katoliko.

Isinilang noong ika-25 ng Enero, 1993 sa bayan ng Paniqui, Tarlac sa pangalang Maria Corazon S. Cojuangco, si Cory ang bunso sa anim na anak nina Jose Cojuangco, Sr. at Demetria Sumulong. Kapwa nagmula sa prominente o kilalang angkan ang kanyang mga magulang. Isang mangangalakal at politiko sa kanilang lalawigan ang kanyang ama samantalang buhat naman sa isang makapangyarihang angkan sa Rizal ang kanyang ina. Tangi riyan, isang kasapi sa makasaysayang Kongreso

ng Malolos ng 1899 ang lolo niyang si Melecio Cojuangco. Tumakbo naman sa pagkapresidente laban kay dating Pangulong Manuel Luis M. Quezon noong Pampanguluhang Halalan ng 1941 ang isa niyang kamag-anak na si Juan Sumulong.

Nag-aral siya ng elementarya sa Kolehiyo ng Santa Scholastica sa Maynila kung saan siya‘y itinanghal bilang valedictorian ng batch nila. Pumasok siya ng unang taon ng sekundarya sa Kumbento ng Asunsiyon bago nagtungo sa Estados Unidos upang doon ipagtuloy ang kanyang pag-aaral hanggang tersyarya. Nagpadalubhasa siya sa matematika at sa wikang Pranses sa Kolehiyo ng Bundok Santo Vicente sa New York. Bumalik siya sa Pilipinas upang mag-aral ng batas sa Pamantasan ng Malayong Silangan.

Napangasawa niya si Benigno Simeon ―Ninoy‖ Aquino, Jr. noong 1954 at silang dalawa‘y biniyayaan ng limang anak. Sila‘y sina Maria Elena, Aurora Corazon, Benigno Simeon III, Victoria Elisa at Kristina Bernadette. Samantalang nanunungkulan bilang gobernador at nang lumaon ay isang senador sa pamahalaan ang kanyang asawang si Ninoy, nanatili sa pagiging maybahay si Cory upang alagaan at palakihin ang kanilang mga anak.

Hindi nagtagal ay naging isa sa nangungunang kritiko ni dating Pangulong Marcos ang kanyang asawa. Nang idineklara ang Batas Militar noong 1972, isa si Ninoy sa mga politikong ipinaaresto‘t ikinulong. Naging dahilan ito upang sumama nang lubusan ang kalagayan ng kalusugan ng kanyang asawa. Pagsapit ng 1980 ay pinayagan ni Marcos si Ninoy, kasama si Cory at ng kanilang mga anak, na magpagamot sa Estados Unidos. Makalipas ang tatlong taon ay bumalik nang mag-isa ang kanyang asawa sa Pilipinas na kagyat namang pinaslang sa Pandaigdigang Paliparan ng Maynila noong ika-21 ng Agosto.

Matapos nito‘y ipinagpatuloy ni Cory ang pakikipaglaban ng kanyang asawa sa Rehimeng Marcos. Kasama ng kanyang bise presidente na si Salvador Roman H. Laurel, tumakbo siya sa pagkapangulo laban kay Marcos sa isang dagliang halalan noong 1986. Nang ipinahayag ng Batasang Pambansa na si Marcos ang nagwagi sa naturang halalan, naglunsad si Cory ng civil disobedience sa buong bansa. Bumaligtad naman kay Marcos ang noo‘y ministro ng depensa na si Juan Ponce Enrile at Heneral Fidel V. Ramos. Ang dalawa‘y humimpil sa Kampo Aguinaldo at Kampo Crame. Sila‘y binarikadahan doon ng milyong-milyong Pilipino sa tagubilin na rin ng noo‘y arsobispo ng Maynila, si Jaime Kardinal Sin. Personal namang pinangunahan ni Cory ang ―walang dugong himagsikan.‖

Noong ika-25 ng Pebrero nang taon ding iyon ay nilisan ni Marcos ang Malacañang patungong Hawaii at nanumpa sa pagkapangulo si Cory. Dahil dito‘y kinilala siya ng Time Magazine bilang ―Babae ng Taon ng 1987.‖ Tangi riyan ay tumanggap din siya ng mga parangal mula sa iba‘t ibang pandaigdigang samahan gaya ng United Nations Silver Medal atbp.

Kaagad na ipinawalang bisa ng dating Pangulong Cory ang Konstitusyon ng 1973 na nilikha sa pangunguna ni Marcos noong panahon ng Batas Militar. Kanyang ipinatupad ang pansamantalang Malayang Konstitusyon ng 1986. Nang sumunod na taon ay ipinahayag sa ilalim ng kanyang pamumuno ang kasalukuyang saligang batas, ang Konstitusyon ng 1987. Sa ilalim din ng kanyang pamamahala‘y ipinatupad ang binagong mga batas pansibil gaya ng mga Kodigong Pampamamahala, Pampamilya at Panlokal na Pamahalaan. Bilang tugon sa lumalalang krisis sa agrikultura, sa pagtataguyod niya‘y ipinasa ng Kongreso ang

Comprehensive Agrarian Reform Law o CARP. Sinimulan ding bayaran ng

kanyang administrasyon ang panlabas na mga utang na iniwan ng diktaturya. Pinangunahan din niya ang pagpapaalis sa base militar ng Estados Unidos sa Subic, Zambales.

Sa panahon ng kanyang panunungkulan ay maraming kudeta na nagtangkang ibagsak ang kanyang pamahalaan ang napipilan. Marami

ring natural disaster na kumitil ng libo-libong buhay ang nangyari sa kanyang termino gaya ng pagputok ng Bulkang Pinatubo, ang 1991 Luzon

earthquake, ang Ormoc flood at ang paglubog ng barkong MV Doña Paz.

Natapos ang kanyang panunungkulan pagsapit ng ika-30 ng Hunyo, 1992 at muli siyang nagbalik sa pribadong pamumuhay. Paminsan-minsan ay nagpapakita siya sa taumbayan para magpahayag ng mga pansariling saloobin sa estado ng demokrasya sa bansa at sa pamumuno ng mga pangulong sumunod sa kanya. Makailang beses niyang tinutulan sina dating Pangulong Ramos, Estrada at Arroyo sa balak nilang susugan ang kasalukuyang saligang batas. Noong 2007 ay kanyang sinuportahan ang pagtakbo ng anak niyang si Benigno Simeon III sa senado.

Na-diagnose siyang may kanser nang sumunod na taon. Lumala ito nang lumala hanggang sa binawian siya ng buhay noong ika-1 ng Agosto, 2009 sa Sentrong Medikal ng Makati. Libo-libong Pilipino ang nakiramay sa burol niya at sumama sa kanyang libing noong ika-5 ng Agosto. Nagpahayag din ang iba‘t ibang lider ng pandaigdigang pamayanan ng pakikiramay sa kanyang kamatayan. Inilagak ang kanyang labi sa tabi ng kanyang asawang si Ninoy sa Liwasang Memoryal ng Maynila sa Lungsod ng Parañaque.

Fidel V. Ramos

Ipinanganak si Fidel ―Eddie‖ V. Ramos, noong ika-18 ng Marso, 1928 sa Lingayen, Pangasinan. Isang abogado, mamamahayag at mambabatas ang ama niyang si Narciso Ramos samantalang isang namang guro at suprahista ang ina niyang si Angela Valdez. Isang siyang beteranong sundalo na nakipaglaban sa Hukbalahap, sa mga rebeldeng Muslim, at maging sa mga digmaang sumiklab sa Korea at Biyetnam. Sa kasalukuyan ay siya pa lamang ang nag-iisang Protestanteng naging pangulo ng bansa at ang pinakamatandang nanungkulan sa ganoong posisyon. Sa kasaysayan naman ng hukbong sandatahan ng Pilipinas ay siya pa rin lamang ang kaisa-isang militar na nagsilbi sa lahat ng ranggong pang-opisyal mula sa pagiging pangalawang tenyente hanggang sa pagkakahirang sa kanya bilang commander-in-chief.

Nagtapos siya ng sekundarya sa Pamantasang Centro Escolar sa Maynila. Matapos nito‘y nagtungo siya Amerika at nag-aral sa Akademiyang Militar ng Estados Unidos. Doo‘y nagtapos din siya ng

master‘s degree sa inhinyeriyang sibil sa Pamantasan ng Illinois. Nang

bumalik sa bansa‘y pumasok naman siya sa Kolehiyo ng Pambansang Tanggulan ng Pilipinas. Nang lumaon ay kumuha siya ng master‘s degree in business administration sa Ateneo de Manila.

Napangasawa niya si Amelita Martinez noong 1954 at silang dalawa‘y nagkaroon ng limang babaeng anak. Sila‘y sina Angelita, Josephine, Carolina, Cristina at Gloria.

Nauna rito, nang makapagtapos sa Akademiyang Militar ng Estados Unidos noong 1950 ay nakipaglaban siya sa Digmaang Koreano. Itinanghal siya bilang isa sa mga bayani ng Labanan ng Burol ng Eerie. Makalipas ang isang dekada‘y nagtungo naman siya sa Biyetnam at nagsilbing pinuno roon ng Philippine Civil Action Group. Itinatag niya ang

Philippine Army Special Forces at naging pinuno ng dating konstabularya

(pulisya sa kasalukuyan). Tumanggap siya ng napakaraming medalya at iba pang pangmilitar na mga parangal buhat sa ating hukbong sandatahan at maging sa ibang bansa.

Isang malayong pinsan ng dating Pangulong Marcos si Ramos. Nang ipinahayag ang batas militar noong 1972, bilang pinuno ng konstabularya ay pinangunahan niya ang pagpapaaresto sa mga kalaban ni Marcos. Makalipas ang sampung taon ay hinirang siya ni Marcos bilang

vice chief of staff ng hukbong sandatahan. Sa loob ng maikling panahon

ay pansamantala siyang naging chief of staff noong 1985.

Kasama ng noo‘y ministro ng depensa na si Juan Ponce Enrile, si Ramos na noo‘y isa ng heneral ay tumiwalag sa Rehimeng Marcos.

Kanilang ipinayahag na si Corazon Aquino ang tunay na nagwagi sa isinagawang dagliang halalan noong ika-7 ng Pebrero, 1986. Humimpil si Ramos sa Kampo Crame samantalang si Enrile naman ay nanatili sa Kampo Aguinaldo na kapwa matatagpuan sa kahabaan ng EDSA, isang malaki at mahabang lansangan sa Lungsod ng Quezon. Iniutos ni Marcos sa hukbong sandatahan na dakpin silang dalawa ni Enrile subalit hindi ito naisakatuparan dahil nagbarikada at hinarangan ng milyong-milyong katao ang dalawang kampo. Pagsapit nang ika-25 ng Pebrero ay tuluyan nang napababa sa puwesto si Marcos at idineklarang pangulo si Aquino.

Sa ilalim ng Administrasyong Aquino, si Ramos ay naging ganap na

chief of staff ng hukbong sandatahan at nang lumaon ay sekretaryo ng

depensa. Personal niyang pinangunahan ang pakikihamok sa siyam na kudetang nagtangkang magpabagsak sa administrasyon ng dating Pangulong Aquino.

Noong 1992 ay tumakbo siya sa pagkapangulo at nagwagi laban sa kasalukuyang Senadora Miriam D. Santiago. Sa ilalim ng kanyang pamumuno‘y lumago ang ekonomiya, umunlad ang teknolohiya at tumibay ang kalagayang pampolitika sa bansa. Dahil dito‘y itinanghal ang Pilipinas bilang isang newly industrialized country at tinagurian noong ―Asia‘s Next

Sa ilalim ng kanyang administrasyon ay sinolusyunan ng gobyerno ang malawakang brownout na noo‘y nagaganap sa bansa at ibinalik ang parusang kamatayan na nauna nang ipinawalang bisa noong 1987. Pinangunahan niya sa panig ng pamahalaan ang paglagda ng isang kasunduang pangkapayapaan sa Moro National Liberation Front o MNLF na pinamumunuan ni Nur Misuari. Sa pagtataguyod niya‘y ipinasa ng Kongreso ang Migrant Workers Act upang pangalagaan ang mga karapatan ng mga Overseas Filipino Worker o OFW.

Ang masiglang ekonomiya sa ilalim ng dating Pangulong Ramos ay lubos na naapektuhan at napinsala ng Krisis Pampinansyal sa Asya noong 1997. Ito‘y naging dahilan para malugi ang ilang negosyo sa bansa, dumami ang mga walang trabaho at bumaba ang bilang ng mga produktong iniluluwas.

Bago bumaba sa tungkulin ay pinangasiwaan niya ang pagdiriwang ng ika-100 taong kalayaan ng ating bansa noong ika-12 ng Hunyo, 1998.

Sa ngayon ay pinuno o kasapi siya ng iba‘t ibang lokal at pandaigdigang samahan tulad ng Ramos Peace and Development

Foundation, ASEAN Eminent Persons Group, Boao Forum for Asia, Emerging Markets Forum, Club de Madrid, International Crisis Group, UN University for Peace at chairman emeritus ng Partidong Lakas-CMD.

Joseph E. Estrada

Si Jose Marcelo Ejercito na mas kilala sa pangalang Joseph Ejercito Estrada o ―Erap‖ ang ika-13 pangulo ng bansa. Isinilang siya noong ika-19 ng Abril, 1937 sa Tondo, Maynila. Ang kanyang mga magulang ay sina Emilio Ejercito, Sr., isang inhinyero, at Maria Marcelo, isang maybahay. Siya ang bunso sa walong magkakapatid na sina Antonio, Emilio, Jr., Pilarica, Paulino, Petrocinia, Marita at Jesse. Napangasawa niya si Luisa Pimentel, isang dating doktora at senadora ng bansa. Silang dalawa‘y nagkaroon ng tatlong anak. Ito‘y sina Senador Jose ―Jinggoy" (na dating alkalde ng Lungsod ng San Juan), Jackie at Jude. Siya rin ay may limang anak sa labas ng matrimonyo ng kasal. Sila‘y sina JV (ang kasalukuyang alkalde ng Lungsod ng San Juan), Jojo, Jerika, Jake at Jacob.

Nagtapos siya ng edukasyong primarya at sekundarya sa Ateneo de Manila. Nag-aral naman siya ng inhinyeriya sa Suriang Mapúa ng Teknolohiya ngunit ‗di niya ito tinapos nang siya‘y maging aktor at direktor ng mga pelikulang aksyon-komedya sa edad na 21, bagay na tinutulan ng kanyang mga magulang. Gayumpaman ay naging mahusay siyang artista at humigit kumulang 120 pelikula ang kanyang ginanapan at pinagbidahan. Nakapagtamo siya ng ilan sa pinakamatataas na gantimpala sa pag-arte at pagiging direktor ng pelikula.

Pagsapit ng 1967 ay pinasok naman niya ang larangan ng politika. Nabawi niya ang simpatya at kalooban ng kanyang mga magulang nang mahalal siyang alkalde ng San Juan, Rizal. Taong 1971 nang pinarangalan siya bilang ―Katangi-tanging Alkalde at Pangunahing Makabansa‖ ng Inter-Provincial Information Service at "Pinakakatangi-tanging Alkalde ng Kamaynilaan" ng Philippines Princetone Poll ng sumunod na taon. Subalit matapos ang Himagsikang EDSA ng 1986 ay napabilang siya sa mga alkaldeng sapilitang pinaalis sa katungkulan sa kadahilanang kaalyado niya ang dating Pangulong Marcos. Magkagayon pa man ay nanatili sa politika si Erap nang tumakbo siya sa ilalim ng partidong Grand Alliance for Democracy at matagumpay na nahalal bilang senador ng ating bansa. Nahirang siyang chairman ng Mga Lupon sa Pangkultura, Kaunlarang Panrural at Pagawaing Bayan. Itinalaga din siya bilang vice chairman ng Mga Lupon sa Kalusugan, Likas na Yaman at Pagpaplanong Pang-urban. Ilan sa mga panukalang batas na isinulong niya ay yaong ukol sa agrikultura, mga proyektong pang-irigasyon sa pagsasaka, at pangangalaga sa mga kalabaw. Noong 1989, ay itinanghal siya ng Philippine Free Press bilang isa sa ―Tatlong Katangi-tanging Senador ng Taon.‖

Nahalal siyang bise presidente ng bansa noong Pampanguluhang Halalan ng 1992. Sa buong panahon ng kanyang panunungkulan bilang pangalawang pangulo‘y pinamahalaan niya Komisyon Laban sa Krimen.

Makalipas ang walong taon ay nahalal siyang pangulo ng bansa sa isang eleksyong napanalunan niya ng may napakaraming bilang ng boto. Kinilala siya bilang ―The Centennial President‖ nang manumpa siya sa pagkapresidente, tulad ni dating Pangulong Emilio F. Aguinaldo, sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan noong ika-30 ng Hunyo.

Samantalang nasa posisyon ay inilunsad niya ang programang ―Angat Pinoy 2004‖ na naglayong tumugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino gaya ng edukasyon, kalusugan at seguridad. Ipinag-utos niya ang Asset Privatization Trust o pagsasapribado ng mga kompanyang pag-aari ng pamahalaan upang makalikom ng salaping gagamitin para sa pangangailangan ng bansa. Inilunsad din niya ang programang Enhanced Retail Access for the Poor o ERAP. Sa ilalim ng programang nabanggit ay nagpatayo ang pamahalaan ng mga rolling stores na nagbebenta ng murang bigas, asukal at iba pang basikong pangangailangan ng taumbayan. Sa pagpasok ng ika-21 siglo ay idineklara niya ang all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front o MILF na noo‘y pinamumunuan ni Hashim Salamat.

Sa kasamaang palad ay nasangkot si Erap sa mga anomalya sa

jueteng, pandarambong o plunder at sa tatlong bilyong pisong back

account na nasa ilalim daw ng alyas niyang ―Jose Velarde.‖ Sa pagtatapos

ng taong 2000 ay sumailalim siya sa isang impeachment trial. Nang tumutol ang labing-isang senador na pawang mga kapanalig ni Erap na buksan sa paglilitis ang ikalawang sobre na naglalaman daw ng mga ebidensya laban sa kanya, nag-walkout ang mga tagapag-usig. Nang sumunod na mga araw ay muling napuno ng tao ang kahabaan ng EDSA na nanawagan sa pagbibitiw ni Erap. Noong ika-20 ng Enero, 2001 ay napilitang siyang bumaba sa tungkulin matapos mawalan ng suporta mula sa hukbong sandatahan, kapulisan at ilang miyembro ng kanyang gabinete. Siya‘y ipinaaresto‘t ikinulong ng sumunod na administrasyon at pagsapit ng 2007 ay hinatulan ng Sandiganbayan na nagkasala o guilty. Subalit kaagad din siyang nakalaya nang bigyan ng executive pardon ng dating Pangulong Arroyo. Bilang pasasalamat ay naglakbay siya sa iba‘t ibang panig ng bansa habang namamahagi ng tulong sa mga mahihirap.

Muli siyang tumakbo sa pagkapresidente noong Pampanguluhang Halalan ng 2010 subalit natalo. Sa kasalukuyan ay kumakandidato siyang alkalde ng Lungsod ng Maynila sa ilalim ng Partidong United Nationalist

Gloria M. Arroyo

Si Gloria M. Arroyo ang ika-14 na pangulo ng bansa. Siya ang ikalawang babaeng nagsilbi sa ganoong posisyon. Siya pa rin lamang ang kauna-unahan at tanging babaeng naging pangalawang pangulo ng bansa mula 1998 hanggang sa araw na maluklok siya sa pagkapresidente. Siya ang bunso sa tatlong anak ng dating Pangulong Diosdado Macapagal at ng asawa nitong si Evangelina Macaraeg. Isang bayan sa Lalawigan ng Oriental Mindoro ang ipinangalan sa kanya noong nanunungkulan pa sa pagkapangulo ang kanyang ama. Bukod sa Filipino at Ingles, matatas din siyang magsalita ng mga wikang Cebuano, Ilocano, Kapampangan at Espanyol.

Isinilang siya sa pangalang Maria Gloria Macaraeg Macapagal noong ika-5 ng Abril, 1947 sa San Juan, Rizal. Sina Diosdado, Jr. at Cielo ang dalawa niyang nakatatandang kapatid. Nagtapos siya ng primarya‘t sekundarya sa Kumbento ng Asunsiyon bilang valedictorian. Matapos nito‘y nagtungo siya sa kabesera ng Estados Unidos at nanatili roon ng dalawang taon para mag-aral sa Pamantasan ng Georgetown kung saan niya naging kaklase si Bill Clinton na kalauna‘y naging pangulo ng Amerika. Bumalik siya ng Pilipinas at nagtapos bilang magna cum laude sa kursong Batsilyer ng mga Sining sa Ekonomiks sa Kolehiyo ng

Asunsiyon noong 1968. Noong taon ding iyon ay ikinasal siya kay Jose Miguel Arroyo. Silang dalawa‘y biniyayaan ng tatlong anak. Ito‘y sina Juan Miguel, Evangelina Lourdes at Diosdado Ignacio Jose Maria.

Muli niyang ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral nang kumuha siya

ng master‘s degree sa ekonomiks sa Pamantasan ng Ateneo de Manila

noong 1978 at doctorate degree sa ganoon ding larangan sa Pamantasan ng Pilipinas – Diliman noong 1985. Noong mga panahong iyon ay nagtuturo na siya ng ekonomiks sa dalawang paaralang nabanggit at isa sa mga mag-aaral na kanyang tinuruan ay ang kasalukuyang pangulo ng bansa. Nahirang din siyang chairperson ng Departamento ng Ekonomiks ng kolehiyong pinagtapusan niya ng tersyarya.

Nagsimula siyang pumasok sa larangan ng politika nang hirangin siya ng dating Pangulong C. Aquino bilang assistant secretary at kalauna‘y

undersecretary ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya. Taong 1992

nang kumandidato‘t nahalal siyang senadora. Muli siyang nahalal sa ikalawang pagkakataon makalipas ang tatlong taon. Sa buong panahon ng panunungkulan niya sa Senado‘y umakda siya ng mahigit 400 panukalang batas at nakapagpasa ng 55 rito. Ilan sa mga ito‘y ang Anti-Sexual

Harrassment Law, Indigenous People‘s Rights Law at Export Development Act.

Nahalal siyang bise presidente ng bansa matapos ang Pampanguluhang Halalan ng 1998. Hinirang siya ng dating Pangulong Estrada bilang kalihim ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad. Nagbitiw siya sa ganoong katungkulan nang masangkot sa iba‘t ibang anomalya ang dating Pangulong Erap. Sa pagtatapos ng Ikalawang Himagsikang EDSA noong ika-20 ng Enero, 2001 ay nanumpa siya bilang pangulo ng bansa. Muli siyang nahalal sa katungkulan matapos ang isang kontrobersyal na pampanguluhang halalan noong 2004.

Sa ilalim ng kanyang pamamahala‘y lumago ang ekonomiya nang mas mataas sa naunang mga pangulo sa kanya. Dahil dito‘y hindi gaanong naapektuhan ang ekonomiya ng bansa nang mangyari ang isang pandaigdigang krisis pampinansyal noong 2008. Sa panahon din ng kanyang pamumuno‘y isinabatas ang Expanded Value Added Tax na bagama‘t umani ng napakaraming batikos ay ‗di naman maikakailang nakapagpalakas sa halaga ng piso. Ang parusang kamatayan na muling ipinagtibay sa administrasyon ng dating Pangulong Ramos ay muli rin niyang ipinawalang bisa. Sa buong panahon din ng kanyang panunungkula‘y ipinatupad ng pamahalaan ang paglilipat ng mga pambansang pagdiriwang o holiday upang makalikha ng mas mahabang

mahabang pagkakataon ang bawat pamilyang Pilipino na magsama-sama.