• Tidak ada hasil yang ditemukan

Tesis sa Filipino (Thesis in Filipino) - Pagsusuri ng mga Talumpati (Analysis of Speeches)

N/A
N/A
Protected

Academic year: 2021

Membagikan "Tesis sa Filipino (Thesis in Filipino) - Pagsusuri ng mga Talumpati (Analysis of Speeches)"

Copied!
267
0
0

Teks penuh

(1)

MGA PILING TALUMPATI NG IBA’T IBANG PANGULO NG PILIPINAS: ISANG PAGSUSURI

Tesis Na Iniharap sa

Kaguruan ng Kolehiyo ng Edukasyong Pangguro PAMBANSANG PAMANTASAN NG BATANGAS

Lungsod ng Batangas

Inihanda Bilang Bahagi ng

Gawaing Kailangan sa Pagtatamo ng

Titulong Batsilyer sa Edukasyong Pansekundarya

Nina:

Almendral, Rechelle B. Evora, Maria Kristina Cassanda R.

Hermoso, Abner S.

▸ Baca selengkapnya: paano nakakatulong ang mga salitang nagpapahayag ng damdamin at pangyayari sa pagsulat ng sariling dagli

(2)

DAHON NG PAGPAPATIBAY

Ang tesis na ito na pinamagatang ―MGA PILING TALUMPATI NG IBA’T IBANG PANGULO NG PILIPINAS: ISANG PAGSUSURI‖ na inihanda at iniharap nina Rechelle B. Almendral, Maria Kristina Cassanda R. Evora at Abner S. Hermoso, sinuri at iminungkahi para sa pasalitang pagsusulit.

______________________________ AMELITA M. MADRID, Ph. D.

Tagapayo

LUPON NG TAGASULIT

Tinanggap at sinang-ayunan ng lupon na may markang _________.

_______________________________ GLORIA G. MENDOZA, Ph. D.

Tagapangulo

_____________________________________ ______________________________ ROBELYN PENID-CUNANAN, M.A.T. MARIETTA A. BONOT, Ed. D. Kasapi Kasapi

Tinanggap at pinagtibay bilang bahagi ng gawaing kailangan sa pagtatamo ng titulong Batsilyer sa Edukasyong Pansekundarya.

______________________________ GLORIA G. MENDOZA, Ph. D. Dekana

____________________ Petsa

(3)

PASASALAMAT

Taos-pusong pasasalamat ang ipinaaabot ng mga mananaliksik sa lahat ng tumulong at naging bahagi sa pagsasakatuparan ng pag-aaral na ito.

Sa dekana ng Kolehiyo ng Edukasyong Pangguro ng Pambansang Pamantasan ng Batangas, Dr. Gloria G. Mendoza, sa kanyang pagbibigay-puna at mungkahi para sa ikabubuti ng pag-aaral;

Sa aming gurong tagapayo, Dr. Amelita M. Madrid, sa walang sawa niyang pagtulong at pagbabahagi ng mga kaalaman tungo sa ganap na ikagaganda‘t ikatatagumpay ng manuskritong ito;

Sa mga tagapangasiwa at kawani ng mga silid-aklatang pinagsaliksikan ng mga mananaliksik, sa kanilang malugod na pagpapahiram ng materyales at mga babasahing kailangan;

Sa aming mga guro, mga magulang, mga kapatid, mga kaibigan at kapwa namin mananaliksik na nagbigay ng suporta, kalinga at naging inspirasyon sa panahon ng pagsusulat;

At higit sa lahat, sa Poong Maykapal, sa pagkakaloob Niya sa amin ng kalakasan ng katawan, tiyaga, talino at karunungan upang maisagawa nang buong husay ang pag-aaral na ito.

(4)

PAGHAHANDOG

Buong pusong iniaalay ng mga mananaliksik ang pag-aaral na ito sa kanilang mga magulang, mga kapatid, mga guro, mga kamag-

aaral, mga kaibigan, sa susunod pang mga mananaliksik at higit sa lahat...

Sa DAKILANG LUMIKHA.

Chelle KC Abner

(5)

TALAAN NG MGA NILALAMAN

PAMAGAT... i

DAHON NG PAGPAPATIBAY... ii

PASASALAMAT... iii

PAGHAHANDOG... iv

TALAAN NG MGA NILALAMAN... v

TALAAN NG MGA TALAHANAYAN... viii

TESIS ABSTRAK... ix

KABANATA I. ANG SULIRANIN Panimula... 1

Paglalahad ng Suliranin... 5

Saklaw, Limitasyon at Delimitasyon ng Pag-aaral... 6

Kahalagahan ng Pag-aaral... 7

II. MGA KAUGNAY NA LITERATURA AT PAG-AARAL Literaturang Konseptwal... 10

Literaturang Pananaliksik... 38

Sintesis... 44

Balangkas Konseptwal... 49

(6)

Katuturan ng mga Katawagang Ginamit... 55

III. PAMAMARAAN NG PANANALIKSIK Disenyo ng Pananaliksik... 60

Paksa ng Pag-aaral... 60

Paraan ng Pangangalap ng Datos... 61

Pamamaraan ng Pagsusuri... 62

IV. TALAMBUHAY NG ILANG PANGULO NG PILIPINAS Corazon C. Aquino... 64

Fidel V. Ramos... 69

Joseph E. Estrada... 73

Gloria M. Arroyo... 77

Benigno Simeon C. Aquino III... 81

V. PAGLALAHAD NG PAGSUSURI NG MGA PILING TALUMPATI Mga Nilalaman... 85

Mga Pamamaraang Ginamit sa Pagtatalumpati...120

Mga Paksang Karaniwang Binigyang Diin... 131

Kaugnayan ng Buhay ng mga Pangulo sa Mga Talumpati... 154

Mga Iminumungkahing Gawain... 163

VI. PAGLALAGOM, KONGKLUSYON AT REKOMENDASYON Paglalagom... 167

(7)

Kinalabasan ng Pag-aaral... 168 Mga Kongklusyon... 175 Mga Rekomendasyon... 176 TALASANGGUNIAN APENDISE CURRICULUM VITAE

(8)

TALAAN NG MGA TALAHANAYAN

1 Mga Nilalaman... 114

2 Mga Pamamaraang Ginamit... 128

3 Mga Paksang Karaniwang Binigyang Diin... 151

4 Kaugnayan ng Buhay ng mga Pangulo sa Mga Talumpati... 161

(9)

TESIS ABSTRAK

Pamagat : MGA PILING TALUMPATI NG IBA’T

IBANG PANGULO NG PILIPINAS: ISANG PAGSUSURI

Mga Mananaliksik : Rechelle B. Almendral

Maria Kristina Cassanda R. Evora Abner S. Hermoso

Kurso : Batsilyer sa Edukasyong Pansekundarya

Dalubhasaan : Filipino

Taon : 2013

Tagapayo : Amelita M. Madrid, Ph. D.

PAGLALAGOM

Nilalayon ng pag-aaral na mabatid ang mga nilalaman ng mga piling Talumpati sa Kalagayan ng Bansa o State of the Nation Address (pinaikling SONA) nina dating Pangulong Corazon C. Aquino, Fidel V. Ramos, Joseph E. Estrada, Gloria M. Arroyo at kasalukuyang Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III; ito ay ang kani-kanilang saloobin, pagpapahalaga sa ating pagka-Pilipino, pakikipag-ugnayang pangmasa, pagkamakabansa at pamamahala sa ating bansa.

Gayundin, nilalayon ng pag-aaral na malaman ang mga pamamaraang ginamit ng mga pangulong nabanggit tungo sa iba‘t ibang layunin ng paghahatid ng mensahe, mabatid ang mga paksang

(10)

karaniwang binigyang diin, matuklasan ang kaugnayan ng buhay ng mga pangulo sa mga talumpating kanilang ipinahayag at makapagmungkahi ng mga gawaing makapupukaw sa kamalayang panlipunan ng mga mag-aaral tungo sa pagbabago ng bansa.

Gumamit ang mga mananaliksik ng kuwalitatibo o qualitative na palarawan (descriptive) at pasuring (analytical) pananaliksik sa isinagawang pag-aaral. Sinuri ang mga talumpati batay sa pagsusuring pangnilalaman o content analysis.

Kinalabasan ng Pag-aaral

1. Mga Nilalaman ng mga Piling Talumpati

1.1 Saloobin. Corazon C. Aquino: Nagpahayag ng pag-asa‘t paniniwala na balang araw ay mapagtatagumpayan ng bansa ang mga suliranin nararanasan nito. Fidel V. Ramos: Ibinahagi sa taumbayan ang mga proyektong balak niyang ilunsad at ang kanyang mga pananaw sa mahahalagang pangyayaring naganap sa labas ng bansa. Joseph E. Estrada: Nagpahayag ng determinasyong makapaglingkod nang tapat sa taumbayan. Gloria M. Arroyo: Pinasaringan ang kanyang mga kalaban sa politika. Benigno Simeon C. Aquino III: Nagpahayag ng pagkainis sa mga taong walang napapansin sa mga proyektong isinasagawa ng kanyang administrasyon.

(11)

1.2 Kahalagahan ng Pagka-Pilipino. Corazon C. Aquino: Pinuri ang mga positibong pag-uugaling taglay ng mga Pilipino. Fidel V. Ramos: Hinikayat ang Kongreso na pagtibayin ang isang panukalang batas na mangangalaga sa kultura ng mga kababayan nating Igorot na naninirahan sa Cordillera. Joseph E. Estrada: Pinuri ang mga positibong pag-uugaling taglay ng mga Pilipino. Gloria M. Arroyo: Inihalintulad ang pagkatao ng mga Pilipino sa kabayanihang ipinamalas nina dating Pangulong Cory Aquino at Gat Andres Bonifacio. Benigno Simeon C. Aquino III: Sinabing kung magtutulungan ang bawat Pilipino ay hindi malayong makamtan ng bansa ang minimithing kaunlaran.

1.3 Pakikipag-ugnayang Pangmasa. Corazon C. Aquino: Sinabing higit niyang ipinananalangin ang kapakanan ng taumbayan kaysa sa kanyang sarili. Fidel V. Ramos: Nagsalita gamit ang katutubong wika ng mga taga-Cordillera upang madama ng mga kababayan natin doon na sila‘y ‗di pinababayaan ng pamahalaan. Joseph E. Estrada: Ipinabatid sa mga kababayan nating Muslim na naninirahan sa Mindanao ang tulong na kanyang ipinaabot doon. Gloria M. Arroyo: Inanyayahan ang ilang mamamayang natulungan ng kanyang administrasyon na magpunta sa Kongreso‘t makinig sa kanyang SONA. Benigno Simeon C. Aquino III:

(12)

Nagpalabas ng video na nagpapakita sa kalagayan ng ilang mamamayang natulungan ng kanyang pamunuan.

1.4 Pagkamakabansa. Corazon C. Aquino: Nagpahayag ng masidhing mithiing makapaglingkod nang tapat sa taumbayan. Fidel V. Ramos: Binigyang diin ang pagpapanatili‘t pagpapayaman ng demokrasyang ating tinatamasa. Joseph E. Estrada: Hinikayat ang taumbayan na kumilos kasabay ng pamahalaan upang solusyunan ang mga suliraning panlipunan. Gloria M. Arroyo: Nagpahayag ng masidhing mithiing makapaglingkod nang tapat sa taumbayan. Benigno Simeon C. Aquino III: Sinabing patuloy niyang mamahalin at paglilingkuran ang bansa sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga programa at proyektong makatutulong sa bawat Pilipino.

1.5 Pamamahala. Corazon C. Aquino: Tiniyak na paglilingkuran niya nang tapat ang sambayanang Pilipino hanggang sa siya‘y bumaba sa tungkulin. Fidel V. Ramos: Tiniyak na paglilingkuran niya nang tapat ang sambayanang Pilipino hanggang sa siya‘y bumaba sa tungkulin. Joseph E. Estrada: Hinimok ang Kongreso na ipasa ang ilang panukulang batas na sa palagay niya‘y lubhang kailangan nang ipatupad. Gloria M. Arroyo: Tiniyak na paglilingkuran niya nang tapat ang sambayanang Pilipino hanggang sa siya‘y bumaba sa tungkulin. Benigno Simeon C. Aquino III:

(13)

Sinabing ginagawa lamang niya yaong mga pagbabagong ibig mangyari ng mga Pilipino sa bansa.

2. Mga Pamamaraang Ginamit sa mga Talumpati. Corazon C. Aquino: Nagsimula sa pagbati at binigkas ang isang tulang isinulat ng kanyang asawang si Benigno Simeon ―Ninoy‖ Aquino, Jr. Fidel V. Ramos: Nagsimula sa pagbati at bumanggit ng mga sanggunian upang patotohanan ang ilang paksang kanyang ipinahayag. Joseph E. Estrada: Nagsimula sa pagbati, bumanggit ng mga sanggunian upang patotohanan ang ilang paksang kanyang ipinahayag at binigkas ang kanyang SONA sa wikang Filipino. Gloria M. Arroyo: Nagsimula sa panalangin at nagpalabas ng napakaraming video. Benigno Simeon C. Aquino III: Nagsimula sa pagbati, bumigkas ng isang kasabihan o quotation, nagpalabas ng video at ipinahayag ang kanyang SONA sa wikang Filipino.

3. Mga Paksang Karaniwang Binigyang Diin. Ang mga nagawang pagbabago tungo sa ikauunlad ng ating ekonomiya ang pinakakaraniwang paksang ipinahayag ng mga pangulo sa kani-kanilang SONA. Marami ring mga usaping pang-edukasyon, pang-ekonomiya, pangkalikasan, pangkalusugan, pampolitika at panseguridad ang inilahad ng mga pangulo. Ipinahayag nila sa mga paksang nabanggit ang mga suliraning

(14)

nakapaloob dito at ang mga hakbang na kanilang isinagawa‘t isinasagawa upang ito‘y masolusyunan.

4. Kaugnayan ng mga Talumpating Ipinahayag sa Buhay ng mga Pangulo. Corazon C. Aquino: Paulit-ulit na binanggit ang kahalagahan ng demokrasyang ating tinatamasa sapagkat siya ang nanguna sa pagpapanumbalik ng demokrasyang ipinagkait noon sa mga Pilipino ng Administrasyong Marcos. Fidel V. Ramos: Nagpahayag ng maraming patakarang panseguridad at pangkapayapaan sapagkat siya‘y isang beteranong sundalo at pulis. Joseph E. Estrada: Binanggit yaong mga programang inilunsad ng kanyang administrasyon upang labanan ang kahirapan sapagkat ipinanganak siya sa Tondo, Maynila na tinitirhan ng mahihirap nating kababayan. Gloria M. Arroyo: Inilahad ang mga programang magpapaunlad sa edukasyon at ekonomiya ng bansa sapagkat siya‘y isang guro‘t ekonomista. Benigno Simeon C. Aquino III: Sinabing ipagtatanggol niya ang mga naaapi, itatama ang bawat kamaliang kanyang nakikita sa pamahalaan at paglilingkuran nang tapat ang sambayanang Pilipino sapagkat nasaksihan niya yaong mga pagmamalabis na ginawa ng Rehimeng Marcos sa taumbayan.

5. Mga Gawaing Makapupukaw sa Kamalayang Panlipunan ng mga Mag-aaral. Una, ito ay ang pagpapanood sa mga mag-aaral ng mga

(15)

documentary film; ikalawa, pagpapanood sa mga mag-aaral ng mga indie film; ikatlo, maging gawain ang pagsusuri ng iba pang talumpati ng mga

pangulo ng bansa bilang isa sa mga paksang tatalakayin sa Filipino at Panitikan; ikaapat, paglulunsad ng mga paligsahan sa pagsulat ng editoryal bilang isang gawaing kailangan sa pag-aaral ng mga asignaturang Filipino at Panitikan; ikalima, pagsasagawa ng panayam o

interview bilang isang proyekto sa mga asignaturang may kaugnayan sa

pakikipanayam; ikaanim, pagpapatugtog sa klase ng mga makabayang awitin bilang isang lunsaran ng pagtuturo ng anumang Araling Pampanitikan at pang-Agham Panlipunan; at ikapito, panghihikayat sa mga mag-aaral na may kakayahan o interes sa mga paksang may kinalaman sa kamalayang panlipunan na lumikha at magsulat ng blog sa

Internet.

Lumabas sa isinagawang pag-aaral na nagtataglay ng iba‘t ibang saloobin, pagpapahalaga sa ating pagka-Pilipino, pakikipag-ugnayang pangmasa, pagkamakabansa at pamamahala ang mga piling SONA ng mga naging pangulo at ng kasalukuyang pangulo ng bansa.

Napag-alaman ding gumamit ng iba‘t ibang pamamaraan sa paghahatid ng mensahe ang mga pangulo sa kanilang pagtatalumpati.

(16)

Mangyari pa, ang mga paksang kadalasang binigyang diin sa SONA ng mga pangulo ay yaong mga usaping may kinalaman sa ekonomiya, edukasyon, kalikasan, kalusugan, politika at seguridad.

Tangi rito, ang ilan sa mga paksang ipinahayag ng mga pangulo sa kani-kanilang SONA ay pawang may kaugnayan sa mga pansarili nilang karanasan na nagsilbing dahilan o inspirasyon upang mahalin nila ang bansa at gampanan nang may buong katapatan ang kanilang tungkulin.

At bilang output ng pag-aaral, ang mga mananaliksik ay nakapagmungkahi ng pitong gawaing makapupukaw sa kamalayang panlipunan ng mga mag-aaral tungo sa pagbabago ng bansa.

Batay sa kinalabasan ng isinagawang pag-aaral, inirerekomenda ng mga mananaliksik na patuloy na magsagawa ng pagsusuri o analysis ang susunod pang mga mananaliksik; maglaan ng disiplina, tiyaga at buong pag-iingat ang sinumang nagbabalak magsuri ng anumang akdang pampanitikan; magsagawa ang susunod na mga mananaliksik ng mga kaugnay o karagdagang pagsusuri ng iba pang uri ng talumpati bukod sa SONA; magsagawa ng pag-aaral na magsusuri at maghahalintulad sa mga nilalaman ng SONA sa mga kauri nitong talumpati sa ibang bansa; isagawa o gamitin ng mga guro yaong pitong iminumungkahing gawaing makapupukaw sa kamalayang panlipunan ng mga mag-aaral; isama ang

(17)

pagsusuri ng iba‘t ibang akdang pampanitikan sa pansekundaryang kurikulum ng Agham Panlipunan; at magsagawa ang susunod na mga mananaliksik ng pag-aaral sa mga akdang pampanitikang hindi pa lubusang napag-aaralan.

(18)

Kabanata I ANG SULIRANIN Panimula

Isa sa dalawang pangkalahatang anyo ng panitikan ang tuluyan. Hindi tulad ng anyong patula na isinasatitik sa taludturan at saknungan, ang anyong tuluyan ay nasusulat sa karaniwang takbo ng pangungusap na isinasaayos sa patalatang paraan. Mayroon itong sapat na kalayaan sa ugnayan ng mga salita, parirala at sugnay upang makabuo ng talata at akda. Gayundin, hindi limitado o pigil ang paggamit ng mga pangungusap sa ganitong anyo ng panitikan.

Nagmula ang salitang tuluyan buhat sa Latin na prosa, na nangangahulugang "tuwiran" o "hindi paligoy-ligoy.‖ Ito ang pinakatipikal na anyo ng panitikang pasulat na ginagamitan ng karaniwang estrukturang gramatikal at kinakikitaan ng ordinaryong daloy ng pagpapahayag (Reyes, et al., 2012).

Ang panitikang tuluyan ay gumagamit ng payak at tuwirang paglalahad ng kaisipan sapagkat ang sinumang sumusulat ng akdang nasa anyong tuluyan ay parang nakikipag-usap lamang sa mga mambabasa (Aguilar, et al., 2006). Nagpapakita rin ito ng mga karaniwang tagpo o pangyayari sa buhay ng bawat indibidwal, ng mag-anak, ng mga

(19)

nananahan sa isang pamayanan at sa lahat ng mamamayan mismo (Pineda at Villavicencio, 2010).

Gaya ng anyong patula, ang anyong tuluyan ay nahahati rin sa iba‘t ibang uri. Isa sa mga uring ito ng panitikang tuluyan ang talumpati. Ito‘y isang maanyong pagpapahayag sa paraang pasalita na kung mabibigkas ng isang nagtatalumpati sa paraang kawili-wili ay tiyak na kagigiliwan ng mga nakikinig. Nilalayon nitong mapapanig ang madlang tagapakinig sa mga kaisipang inilalahad, pinaniniwalaan o ipinaglalaban ng mananalumpati. Kung ang mga kakintalang ibig ipaunawa sa isang talumpati ay mahusay na mailalahad, ito‘y maaaring makatalos o makaantig sa damdamin ng isang nakikinig.

Isang sangay ng panitikang inihanda ang talumpati na nakatakdang basahin o bigkasin sa harap ng mga taong handang makinig. Ito'y isang sanaysay sapagkat may layong maglahad ng kaisipan at ng pangunahing ideya ng mensahe (Belvez, et al., 2007). Samakatuwid, kung ang isang sanaysay ay ipahahayag nang pasalita sa harap ng mga taong nagnanais makinig, ito‘y nagiging talumpati.

Bahagi rin ng panitikang ‗di kathang isip (o non fiction sa Ingles) ang talumpati sapagkat naglalarawan at nagpapakahulugan ito ng mga katotohanan, desisyon at opinyon. Tulad ng artikulo, balita, editoryal,

(20)

kasaysayan, liham, talambuhay atbp., ang talumpati ay isang panitikang tuluyang ‗di kathang isip (non fiction prose) na naglalayong mag-ulat ng katotohanan at gumamit ng lohikang pangangatuwiran (Patron, 2002).

Wika pa nina Kahayon at Zulueta (2000), ang talumpati ay isang pormal na pagtalakay sa isang paksa na sadyang inihahayag sa harap ng maraming tao. Anila, ito ay nakaaakit sa pag-iisip, kagustuhan at damdamin ng mga tagapakinig.

Nauuri rin ang talumpati batay sa iba't ibang layunin na naglalayong manghikayat, magbigay-impormasyon, magpaliwanag, mangatuwiran, maglahad ng opinyon o paniniwala at manlibang (Palazo at Panas, 2001). Katulad din ito ng paliwanag nina Belvez na nagsabing ang tiyak na mga layunin ng alinmang talumpati ay humikayat, pumukaw ng damdamin, tumugon, mangatuwiran at maglahad ng opinyon o kuro-kuro.

Dagdag pa nina Belvez, sa pagbabasa o pakikinig ay maaangkin ang bisang pangkaisipan at bisang pandamdamin sapagkat nagkakaroon ng kabatiran ang sinumang nagbabasa o nakikinig sa ilang katotohanang mababanaag sa isang talumpati.

Ang pagtataglay ng wastong kaalaman sa pagtatalumpati ay mahalaga sa pagkilala o pagtuklas sa angking kakayahan, pagpapabuti ng pansariling pakikitungo sa kapwa, pagpapayaman ng kakayahang

(21)

pampropesyon at kakayahan o pagkakataong makatulong sa pagpapayabong at pagpapaunlad ng mga mamamayan sa isang pamayanan at lipunang ginagalawan.

Kaugnay ng mga kaalamang inilahad, isang matiyaga at masigasig na pagsusuri ang kailangang isakatuparan hindi lamang para mabatid ang mga nilalaman ng isang talumpati kundi upang maunawaan din ang kakintalang nais nitong ipabatid sa mga tagapakinig.

Ang pangangailangang ito ay ang panunuring pampanitikan. Ito ay isang uri ng pagtalakay na nagbibigay-buhay at diwa sa isang likhang sining (Villafuerte, 2000). Sa ganitong pagsusuri ay inaalam ang kabuuan ng tao, ang kanyang anyo, ugali, kilos, paraan ng pagsasalita, ang kanyang pakikipag-ugnayan sa kapwa at ang lipunang kinabibilangan niya. Kabilang ang talumpati sa mga likhang sining na maaaring suriin. Sa pamamagitan ng gawaing ito, magkakaroon ng mabisang kabatiran at makabuluhang paghatol ang mga mambabasa o tagapakinig sa mga kaisipang matatagpuan sa piyesa ng isang talumpati. Sa puntong ito‘y hindi lamang yaong kahulugan ng isang partikular na salita ang bibigyang linaw ng mga magsusuri kundi maging ang mga pahiwatig, lunggati at mahahalagang kaisipang nais ipabatid.

(22)

Dahil dito, sa kabila ng munting kakayahang taglay ng mga mananaliksik na kahit wala pang karanasan sa gawaing tulad nito, at sa udyok na rin ng pagmamahal at pagpapahalaga sa mga usaping pambansa, naglakas loob ang mga mananaliksik na suriin ang ilang piling talumpati ng ilang lubhang kilalang tao sa ating lipunan upang lubusang mapahalagahan ang mga mensahe at kakintalang nais nitong ipabatid at ipaunawa sa lahat ng mamamayang Pilipino.

Paglalahad ng Suliranin

Binigyang diin sa pag-aaral ang pagsusuri sa ilang piling talumpati ng mga naging pangulo at ng kasalukuyang pangulo ng ating bansa.

Nilalayon nitong tugunan ang sumusunod na mga katanungan:

1. Ano ang nilalaman ng mga piling talumpati ng iba‘t ibang naging pangulo ng bansa at ng kasalukuyang pangulo na may kinalaman sa kanilang:

1.1 saloobin;

1.2 pagpapahalaga sa ating pagka-Pilipino; 1.3 pakikipag-ugnayang pangmasa;

1.4 pagkamakabansa; at 1.5 pamamahala?

(23)

2. Ano‘ng mga pamamaraan ang ginamit sa mga talumpati tungo sa iba‘t ibang layunin ng paghahatid ng mensahe?

3. Ano‘ng paksa ang karaniwang binigyang diin sa bawat talumpati? 4. Ano‘ng kaugnayan ng buhay ng mga naging pangulo at ng kasalukuyang pangulo sa mga talumpating kanilang ipinahayag?

5. Batay sa kinalabasan ng pagsusuri, ano‘ng mga gawaing maaaring imungkahi ng mga mananaliksik upang mapukaw ang kamalayang panlipunan ng mga mag-aaral tungo sa pagbabago ng bansa.

Saklaw, Limitasyon at Delimitasyon ng Pag-aaral

Nakatuon ang pag-aaral sa pagsusuri ng mga talumpati nina dating Pangulong Corazon C. Aquino, Fidel V. Ramos, Joseph E. Estrada, Gloria M. Arroyo at ng kasalukuyang Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III. Ito ay ang Talumpati sa Kalagayan ng Bansa o State of the Nation

Address (SONA) na kanilang ipinahayag sa Batasang Pambansa,

Lungsod ng Quezon.

Ang sinuring talumpati ng dating Pangulong Corazon C. Aquino ay iyong kahuli-hulihan niyang SONA na binigkas noong ika-22 ng Hulyo, 1991. Sinuri rin yaong kahuli-hulihang SONA nina dating Pangulong Fidel V. Ramos na ipinahayag noong ika-28 ng Hulyo, 1997 at dating Pangulong Gloria M. Arroyo na ipinahayag noong ika-27 ng Hulyo, 2009. Samantala,

(24)

sinuri naman yaong kauna-unahang SONA ng dating Pangulong Joseph E. Estrada na binigkas noong ika-27 ng Hulyo, 1998 at ang pinakahuling SONA ng Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na ipinahayag noong ika-23 ng Hulyo, 2012.

Saklaw ng pagsusuring ito ang nilalaman ng mga talumpati ng mga pangulong nabanggit; ito ay ang kani-kanilang saloobin, pagpapahalaga sa ating pagka-Pilipino, pakikipag-ugnayang pangmasa, pagmamahal sa Inang Bayan at ang kanilang pamamahala sa bansa. Nakapaloob din sa pagsusuri ang mga pamamaraang ginamit nila sa pagtatalumpati upang mabisa nilang maihatid ang mensaheng nais nilang iparating sa mamamayang Pilipino. Sinuri rin dito ang mga paksang kanilang binigyang diin maging ang kaugnayan ng nilalaman ng mga talumpating ito sa kani-kanilang buhay.

Hindi kasama sa isinagawang pag-aaral ang iba pang talumpati ng mga pangulong nabanggit na kanilang ipinahayag o binigkas sa iba‘t ibang pampamahalaang okasyon.

Kahalagahan ng Pag-aaral

Naniniwala ang mga mananaliksik na makatutulong nang malaki ang pag-aaral na ito hindi lamang para sa kanila, manapa‘y para sa iba pang mga mananaliksik, sa mga mag-aaral, sa mga guro, sa mga

(25)

nanunungkulan sa pamahalaan at maging sa lahat ng mamamayang may malasakit at matagal nang sumusubaybay sa mga usaping pambansa.

Para sa kapwa nila mga mananaliksik, lalo‘t higit iyong kasalukuyang mga nagpapakadalubhasa sa Agham Panlipunan, kanilang malalaman ang katuparan ng mga pangakong binitiwan ng mga pangulong nabanggit noong mga nagdaang halalan na pawang mahalagang lahat sa kanilang pag-aaral; ito‘y walang iba kundi ang mga proyektong kanilang naisakatuparan tungo sa pagpapaunlad ng ating ekonomiya at mga kalutasang kanilang ipinairal upang matuldukan ang iba‘t ibang suliraning pambansa.

Para sa mga mag-aaral, partikular na yaong mga nasa antas sekundarya, kanilang matutunghayan ang mga nagawa at ginagawang hakbang o pagbabago sa ating lipunan ng mga naging pangulo at ng kasalukuyang pangulo upang maibsan ang lumalalang krisis na nararanasan ng ating bansa.

Gayundin, para sa mga gurong nagtuturo ng Agham Panlipunan, makapagtatamo sila ng mas malalim na kabatiran hinggil sa mga nilalaman ng mga talumpating sinuri na tiyak na makadaragdag sa kanilang mabisa at makabuluhang pagtuturo ng kasaysayan, lipunan at pamahalaan ng ating bansa.

(26)

Makatutulong din ang pag-aaral na ito sa mga gurong nagtuturo ng Filipino at Ingles sapagkat maaari nilang gamitin ang mga piyesang sinuri bilang lunsaran ng kanilang pagtuturo ng talumpati sa panitikan. Samantala, ang bawat pagpapahalagang matatagpuan sa mga talumpating ito ay maaari ring magamit ng mga guro sa Edukasyong Pagpapahalaga sa kanilang pagtuturo.

Para naman sa mga kawani ng pamahalaan na naglilingkod sa mga mamamayan at sa bansa, hindi lamang kabatiran ang kanilang matatamo sa mga nilalaman ng bawat talumpating sinuri manapa‘y mabisa rin nilang maisasakatuparan ang mga simulaing isinasaad nito bilang pagtupad sa sinumpaan nilang tungkulin na maging tapat ang kanilang paglilingkod sa sambayanang Pilipino.

At sa lahat ng mga mamamayan, mahirap man o mayaman, na bumubuo sa ating lipunan at may pakialam sa mga usaping pambansa tulad ng mga isyung pang-edukasyon, pang-ekonomiya, pangkalikasan, pangkalusugan, pampolitika at panseguridad, kanilang mapag-iisipan ang kaganapan at kabisaan ng mga paksang inilahad sa mga talumpating sinuri.

(27)

Kabanata II

MGA KAUGNAY NA LITERATURA AT PAG-AARAL

Inilalahad sa kabanatang ito ang literaturang konseptwal, literaturang pananaliksik, sintesis, balangkas konseptwal, konseptwal paradaym at katuturan ng mga katawagang ginamit.

Literaturang Konseptwal

Ang panitikang tuluyan o prosa ay ang ―wika ng katuwiran‖ sapagkat ito‘y binubuo ng mga pangungusap na walang sukat (Baritugo, et al., 2008). Nag-uugnay ito ng mga pangyayari, nagpapahayag ng mga kaisipan at naglalahad ng mga opinyon. Ito rin ay tumutugon sa pang-araw-araw na mga huwaran ng pagsasalita at ginagamit upang maglaan ng detalyadong paglalarawan sa mga ideya, bagay at sitwasyon (Sialongo, et al., 2007).

Ilan sa mga halimbawa ng anyong tuluyan ang nobela o kathambuhay, maikling katha o maikling kuwento, dula, alamat, pabula, parabula, anekdota, sanaysay, talambuhay, balita at talumpati (Villafuerte, et al., 2000). Lahat ng nabanggit ay maaaring ipahayag nang pasalita at ilathala sa mga aklat, magasin at iba pang uri ng babasahin. Ngunit kaiba sa lahat ng mga ito ang talumpati na maaaring nakalimbag nga, subalit

(28)

hindi ganap na matatawag na talumpati kung hindi bibigkasin sa harap ng balana.

Dagdag pa, hindi tulad ng alamat, maikling kuwento, nobela at iba pa na nasusulat ayon sa mga pangyayaring hango sa haraya o imahinasyon ng mga manunulat, ang talumpati gayon din ang balita, talambuhay, at iba pang mga kauri ay ipinahahayag batay sa mga totoong pangyayaring naganap o nagaganap sa paligid ng kapwa awtor at mambabasa. Samakatuwid, ang talumpati ay hindi lamang isang akdang tuluyan manapa‘y isa ring piyesang ‗di kathang isip na may kaugnayan sa tunay na mga pangyayari at umaalinsunod sa mga makatotohanang katangian, tagpuan at aksyon (Vian, 2006).

Isa sa makukulay na pasalitang pakikipagtalastasan ang talumpati. Wika ni Arrogante (2000), kung sa pag-ibig ang isang binata ay maakit manligaw o sa pangangalakal ang isang representante ay makapanghikayat ng kliyente, maitatangi sa kanila ang ekspresyong ―matamis ang dila.‖ Sa pagtatalumpati, kapag ang isang tagapagsalita ay nagbukas ng bibig at hinangaan ng mga tagapakinig, angkop sa kanyang sabihin na siya‘y ―nagdilang anghel.‖

Kilala sa mga katawagang address, oration, public speaking at

(29)

pagpapahayag na binibigkas sa harap ng mga taong handang makinig. Nilalayon nitong maghatid ng mahalagang ideya tungkol sa isang paksa upang makaakit (Sauco, et al., 2004). Tuwiran ang paggamit nito ng wika, tinig, kilos o galaw, komposisyon, paraan sa pagpapaunlad ng kaisipan at pag-aangkop ng materyales sa partikular na manonood at sitwasyon (Dayag at Baisa, 2005). Ito rin ay isang komposisyong may tiyak na tema na karaniwang nasa prosa, analitiko at nagpapahayag ng interpretasyon (Almario, 2010). Dagdag pa ni Arrogante (2003), ito‘y isang uri ng komunikasyong pampubliko sapagkat nagpapaliwanag ng isang mahalagang paksa.

May tatlong pangunahing layunin ang pagtatalumpati: ang magbigay-impormasyon, manlibang at manghikayat (Carpio at Encarnacion, 2004). Kung nilalayon ng isang talumpati na magbigay ng impormasyon, ito‘y maaaring ipahayag sa anyo ng paglalahad, paglalarawan, paglilinaw, pagpapakahulugan, pagpapaliwanag at pag-uulat. Kung layunin naman ng isang mananalumpati ay mang-aliw, ang paksang kanyang isasalaysay ay karaniwa‘y isang nakatatawang sitwasyon o nakalilibang na kuwentong kapupulutan ng aral na bibigkasin niya sa paraang kawili-wili sa mga tagapakinig. Kung ibig naman ng isang nagtatalumpati na manghikayat, layon niyang magpahayag ng kanyang

(30)

saloobin, pananaw o paniniwala sa isang mahalagang isyu o usapin, mangatuwiran, mang-akit, makaimpluwensya sa paninindigan at damdamin ng madlang nakikinig at mag-udyok para kumilos.

Isinasagawa o ginaganap ang isang talumpati saanman at sa alinmang uri ng okasyon, pormal man o hindi, pribado man o pampubliko. Maaaring sa isang pulutong ng nagkakatuwaang magkakaibigan ay may magtalumpati nang sa gayo‘y lalo pang mabigyang kasiyahan ang nangaroroong nagsasaya.

Ang pag-uulat ng isang empleyado sa mga gastusin, proyekto at kita ng kompanyang kanyang pinagtatrabahunan sa isang pribadong pagpupulong ay maituturing na pagtatalumpati. Isa ring anyo ng pagtatalumpati ang pagsesermon o pagmimisa ng mga pinunong pansimbahan gaya ng pari, pastor, ministro at imam sa madlang nakikinig. Sinumang panauhing pandangal ng isang partikular na pagdiriwang na nagpapaabot ng kanyang pagbati, pasasalamat o papuri sa balanang dinatnan ay nagtatalumpati. Ang sinumpaang testimonya o pahayag ng isang nasasakdal, saksi o nang-aakusa at ang kaukulang hatol ng huwes sa isang asunto sa hukuman ay mauuri bilang pagtatalumpati. Mangyari pa, pagtatalumpati rin ang tawag sa isinasagawang pagsasalita ng mga politiko sa harap ng taumbayan tuwing may pagpupulong o halalan.

(31)

Sa mga paaralan, karaniwan nang pinagtatalumpati ang mga mag-aaral bilang isa sa mga paksang tinatalakay sa Ingles at Filipino, at kasunod nito‘y ang gawaing bumigkas ng talumpati, sinaulo man ito o isinulat ng isang mag-aaral. Ito‘y isinasagawa hindi lamang para papagsalitain ang bawat mag-aaral sa harap ng klase kundi upang matutuhan din nilang magpahayag nang malakas at malinaw, mangatuwiran at mahubog ang sariling kakayahan sa pamumuno. Paraan din ito upang makilala nila ang sariling kakayahan sa pagsasalita at upang matuto silang humarap sa madla na kadalasang ikinahihiya‘t ikinakatakot ng marami. Isa pa‘y nakapagpapayaman at napakapagpapaunlad din ito ng pakikipag-ugnayang panlipunan ng mga mag-aaral. Sa pagtatalumpati‘y binibigyang halaga ang maayos at angkop na pagtindig at paglakad sa entablado. Dito rin itinuturo ang iba‘t ibang galaw ng katawan at kumpas ng kamay batay sa mga pahayag na sinasabi.

Para sa marami, ang pagtatalumpati ay isang nakatutuwang karanasan. Ayon naman sa ilan, ito ay isang nakatatakot na gawain (Ulit, 2003). Hindi madaling magtalumpati sa harap ng maraming tao lalong-lalo na para sa mga nininerbiyos, kapos sa kasanayan, kulang sa kahandaan at baguhan pa lamang. Tinatawag na stage fright sa Ingles ang takot sa pagharap sa balana (Mish, 2011). Karaniwan itong nararamdaman ng mga

(32)

taong may mababang tiwala sa sarili, ng mga wala pang gaanong karanasan at maging ng ilang nakaranas nang magtalumpati. Subalit ang ganitong takot at pangambang mapahiya ay maaaring labanan at iwasan ng isang mananalumpati kung maninindigan at magtitiwala siya sa sarili na kaya niyang magsalita nang maayos, malinaw at mahusay upang matagumpay niyang maipabatid ang mensaheng ibig niyang ipaunawa sa mga nakikinig.

Ayon kina Bernales, et al. (2011), marami na‘ng natanyag at nagtagumpay na mga guro, tagapamayapa, rebelde at pinunong bayan dahil sa kanilang katangi-tanging kakayahan sa pagtatalumpati na kinalugdan ng mga tagapakinig. Ilan sa kanila‘y si Demosthenes, isang kilalang orador o mananalumpati ng Sinaunang Atenas, at sina dating Pangulong Abraham Lincoln, Franklin D. Roosevelt at John F. Kennedy ng Estados Unidos. Karamihan sa kanila‘y hindi noon magaling magsalita, ngunit dahil sa paulit-ulit nilang pagsasanay ay natuto silang bumigkas nang mahusay at kalauna‘y natanyag sa daigdig.

Sinasabi rin na upang makapagsalita nang mahusay sa harap ng madla, kinakailangang may sapat na kaalaman, kahandaan at kasanayan. Kung ang kaalaman ang pag-uusapan, ang paksa ng isang talumpati ay dapat na maging makabuluhan at kapaki-pakinabang. Kung ang

(33)

kahandaan ang bibigyang diin, ang isang mananalumpati ay kinakailangang handa sa kanyang sasabihin nang sa gayo‘y maging relax siya sa pagbigkas. Dapat ding mabakas sa nagtatalumpati ang pagtitiwala sa sarili upang maging mabisa at kapani-paniwala ang kanyang mga sasabihin o sinasabi. Kung ang kasanayan ang pagtutuunan ng pansin, maisasagawa ito sa pamamagitan ng matiyaga at puspusang pagsasanay. Sa pagsasanay ay dapat bigyang halaga ang ekspresyon ng mukha, galaw ng kamay, lakas at linaw ng tinig upang higit na maging kapani-paniwala at kagalang-galang sa harap ng mga tagapakinig (Dayag, et al., 2005).

Bukod sa kaalaman, kasanayan at kahandaan, dapat ding taglayin ng isang mananalumpati ang sumusunod na mga katangian: interes sa kapaligiran, mapakiramdam at may pandamang palatawa, kumbersasyonal sa pagsasalita, mapamaraan at malinis sa pananamit. Ayon kay Arrogante, natural lamang na kalugdan ng isang nagtatalumpati ang lahat sa kanyang kapaligiran sapagkat nakapagbibigay ito ng likas na sigla sa anumang paksang tatalakayin. Kinakailangan ding maging mapagmasid sa magiging reaksyon ng madla sa kanyang mga sinasabi sapagkat mahalaga ang kabatiran sa mapamukaw-isip na mga pamamaraan sa pagsasalita lalo na kung ang paksang itinatalumpati ay

(34)

lubhang napakaseryoso na maaaring kabagutan o kaantukan ng mga tagapakinig. Hindi rin dapat matulad ang pagtatalumpati sa pagsesermon ng pari o pagtula ng isang makata na nagsaulo ng iskrip manapa‘y kailangan makipag-usap nang tuwiran upang mapalagay ang loob ng mga nakikinig. Samantala, ang pagsusuot ng malinis, maayos at angkop na pananamit ay lumilikha ng unang impresyon sa mga tagapakinig kung kawiwilihan nila o hindi ang mananalumpati.

Kaugnay ng mga pahayag na nabanggit, sina Tanawan, et al. (2004) ay nagtala ng labing-isang bagay na dapat taglayin ng isang magtatalumpati. Una, may matinding interes o kagustuhang magsalita at magbahagi ng opinyon sa mga nakikinig; ikalawa, may sapat na kahandaan at kaalaman sa paksa; ikatlo, gumagamit ng kawili-wiling mga salita; ikaapat, mayroong malinaw at madaling maunawaang estilo; ikalima, mayaman ang talasalitaan o bokabularyo; ikaanim, nakahahalina ang tinig; ikapito, gumagamit ng voice variation o pag-iiba ng tono o lakas ng boses ayon sa nilalaman ng talumpati; ikawalo, tumitingin sa nakikinig upang ipadamang sila ay mahalaga at bahagi ng talumpati; ikasiyam, umiiwas mapako ang tingin sa itaas o sa isang bahagi lamang; ikasampu, maingat sa pagsasalita at wasto ang balarila o gramatika ng mga pangungusap na ipinahahayag nang sa gayo‘y mabisang maipauunawa

(35)

ang mensahe ng talumpati; at ikalabing-isa, minamasdang sandali ang mga tagapakinig pagkatapos ng pangwakas na pananalita bago bumalik sa upuan.

Kaugnay ng mga bagay na inilahad, nararapat ding isaalang-alang ng isang nagtatalumpati ang wastong tinig, tindig, paraan ng pagbigkas at ang pagtutuunan ng pansin at kumpas (Dayag at Marasigan, 2005). Napakalahaga ng tinig sa isang matagumpay na pagtatalumpati. Kailangang batid ng mananalumpati kung kailan dapat lakasan o hinaan ang kanyang boses ayon sa pangangailangan. Ang tinatawag na voice

variation o pag-iiba-iba ng boses ayon sa hinihingi ng sitwasyon ay lalong

nagbibigay-buhay sa talumpati at nakaaakit sa mga tagapakinig upang lalong bigyang pansin ang kaisipang inihahatid.

Dagdag pa nina Dayag at Marasigan, mahalaga rin sa isang nagtatalumpati ang pagkakaroon ng tinatawag na ―tindig panalo.‖ Ito ang pagtindig sa entablado na kakikitaan ng tikas at tiwala sa sarili. Ang posisyon ng mga paa ay mahalaga rin sa isang mananalumpati.

Sa pagkuha ng atensyon ng mga tagapakinig, nararapat na mabigkas nang malinaw at matatas ang isang talumpati. Ang bitaw ng bawat salita ay dapat may wastong diin at may wastong pagkakapantig-pantig. Ang pagbuka ng bibig ay lubhang kailangan sa pagbigkas ng bawat

(36)

pantig. Kung ang bibig ay nakabuka nang ayon sa salita, magiging maliwanag ang mensahe ng bawat linya at maihahatid ito nang malinaw at maayos.

Kaugnay pa rin ng mga bagay na inilahad, bago pa man magsimula ang talumpati, ang magtatalumpati ay dapat magkaroon ng ugnayan sa kanyang tagapakinig sa pamamagitan ng panuunan ng paningin o eye

contact. Karaniwang nakatuon ito sa gawing likuran, gitna, subalit maaari

ring baguhin papuntang kanan o kaliwa na daraan din sa gitna. Mahalagang mapanatili ang pagtutuon ng paningin sa mga tagapakinig upang madama ng mga ito ang sinseridad ng mananalumpati.

Ang kumpas ay lubhang kailangan upang mabigyang diin ng nagtatalumpati ang mga bahaging dapat pagtuunan ng pansin. Dito ay higit na nagiging mabisa ang paglalahad sapagkat ang galaw ng mga kamay ay nakatutulong upang lalo pang maihatid ang damdamin ng talumpati sa mga tagapakinig. Mahalaga kung gayon na angkop ang kumpas, hindi biglaang itinataas o ibinababa ang mga kamay, at hindi rin parang nanlalambot sapagkat hindi ito makatutulong sa paghahatid ng diwang nais bigyang halaga.

Sina Mendoza at Romero (2007) ay nakapagtala ng mga halimbawa o uri ng kumpas at galaw sa pagtatalumpati na nagpapahayag ng iba‘t

(37)

ibang kahulugan. Ito ay ang kumpas na pasuntok na nagpapahayag ng pagkapoot, galit o pakikilaban; kumpas na pahawi na nagsasaad ng pagsaklaw ng isang diwa, tao o pook; marahang pagbaba ng dalawang kamay na nagpapahiwatig ng kabiguan o kawalan ng lakas; paturong pagkumpas na nagpapakilala ng panduduro, pagkagalit at panghahamak; nakabukas ang palad at biglang ibababa na nagpapahayag ng galit o marahas na damdamin; nakabukas na palad na magkalayo ang mga daliri at unti-unting ititikom na nagpapahiwatig ng matimping damdamin; palad na itinataas habang nakalahad na nagpapahiwatig ng dakilang damdamin; palad na bukas at marahang ibinababa na nagpapahiwatig ng mababang uri ng kaisipan at damdamin; kumpas na halos pantay-balikat ang dalawang bukas na bisig na sumisimbolo ng kalawakan; at kumpas na pakutya na nilalakipan ng pag-ismid na nagpapahiwatig ng pag-uyam.

Dagdag pa nina Sauco, ang kumpas na nakalahad ang palad ay nagpapahayag ng pagtanggap o pagsang-ayon. Nagsasaad naman ng pagtanggi o pagsalungat ang kumpas na nakataob ang palad samantalang ang kumpas na naglalarawan ay nagpapakita o gumagagad ng hugis, laki o kinalalagyan ng isang bagay.

Tulad ng liham, sanaysay at iba pa, ang talumpati ay nahahati rin sa tatlong bahagi: ang panimula, katawan at kongklusyon. Ayon kina Igoy at

(38)

Saymo (2004), ang panimula ng isang talumpati ay nagbibigay-impresyon sa nagtatalumpati batay sa pananaw ng mga tagapakinig. Dito natitiyak ng mananalumpati kung mayroon siyang tiwala sa sarili at kung talagang batid niya ang paksang kanyang ipinahahayag. Ipinahihiwatig ng panimula kung tungkol saan ang talumpati na makatutulong sa madla upang mabigyang diin at masundan nila ito nang madali. Nakapupukaw rin ito ng kuryusidad at interes ng mga nakikinig na nagtutulak sa kanila na makinig nang mabuti.

Ayon pa kina Igoy at Saymo, may tatlong pangunahing layunin ang panimula ng anumang talumpati para sa mga tagapakinig: una, panatilihin ang kanilang interes sa paksang ipinahahayag; ikalawa, hayaang makinig sila nang may katalinuhan; at ikatlo, tanggapin nila nang maayos at patas ang mga sinasabi ng talumpati.

Ayon naman kina Tanawan, ang panimula ay maaaring simulan ng mananalumpati sa isang quotation o kasabihang natatampok, sa isang salaysay, isang malinis na biro, tanong na panretorika, kawikaan, salawikain, mahalagang balita, saknong ng tula, anekdota o anumang kataga o pahayag na makatatawag-pansin. Maidaragdag pa rito ang pagbabahagi ng pansariling karanasan, pagsasalaysay ng isang nakaaliw

(39)

na kuwento, pagbanggit sa mga tagapakinig bilang pagkilala at pagbibigay-halaga sa paksang tatalakayin.

Ang ikalawa at ang pinakamahalagang bahagi ng talumpati ay ang katawan. Wika nina Tanawan, ito ang pinakakaluluwa ng isang talumpati. Dito inilalahad ang paksang tatalakayin, ang proposisyon ng nagtatalumpati at mga ebidensya o patunay sa mga katuwirang nabanggit upang mapaniwala at mahikayat ng mananalumpati ang mga nakikinig. Ang paksa sa konteksto ng kasalukuyang kalagayan, ang pangunahing suliraning kinakaharap at ang argumentong magpapatibay sa proposisyon ng nagtatalumpati ay tinatalakay sa bahaging ito.

Nagtala sina Igoy at Saymo ng limang anyo ng kagamitang pansuporta na lubhang makatutulong upang mabisang maipaliwanag at mapagtibay ng isang mananalumpati ang mga kaisipang kanyang ipinahahayag sa katawan ng talumpati; ito ay ang ilustrasyon o larawan bilang halimbawa, paliwanag, muling pagpapahayag o pag-uulit, testimonya o patotoo at tulong biswal o visual aid. Ang limang ito ay makapagpapahimok sa mga tagapakinig upang paniwalaan nila ang mga argumento. Anumang bagay na ibig ipaliwanag sa katawan ng isang talumpati ay maaaring makuha ng isang magtatalumpati sa mga panayam,

(40)

imbestigasyon o pagsisiyasat, nalathalang datos at pansilid-aklatang pananaliksik o library research.

Mayroon ding mga metodo o pamamaraang makatutulong sa pagpapaunlad ng katawan ng talumpati. Ilan sa mga ito ay ang deduktibong pangangatuwiran, causal o panahilang pangangatuwiran at paggamit ng estadistika. Nagsisimula sa pangunahing ideya papunta sa mga partikular ang deduktibong pangangatuwiran samantalang sinusuri naman sa panahilang pangangatuwiran ang katumpakan o katotohanan ng mga bagay na sinasabi at ang kalinawan ng pag-iisip ng mananalumpati. Ang ikalawang pangangatuwirang nabanggit ay kadalasang mababanaag sa pagpapahayag ng sanhi at bunga, paghihinuha, pagpapakahulugan at panghuhusga. Nagiging mabisa ang isang katawan ng talumpati kung ang estadistikang magpapatunay sa mga bagay na itinatalumpati ay maipaliliwanag nang maayos sa balana.

Ang ikatlo na siyang pinakahuli at nagsisilbing pangwakas na bahagi ng isang talumpati ay ang kongklusyon. Ayon kina Tanawan, sa bahaging ito inilalahad ng nagtatalumpati ang kapasiyahan sa mga katuwirang binanggit upang maikintal sa isipan ng mga tagapakinig ang kabuuang diwa ng talumpati. Dito rin huling nagbibitiw ang mananalumpati ng panawagan, hiling o hamon sa mga nakikinig.

(41)

Sa kabilang banda, sina Baisa at Lontoc (2005) at sina Sauco ay nagkaroon ng ibang paghahati sa mga bahagi ng talumpati. Ayon sa kanila, ang isang talumpati ay kinapapalooban ng apat na bahagi; ito ay ang panimula, paglalahad, paninindigan at pamimitawan. Wika nila, ang panimula ay ang bahaging naghahanda sa kaisipan ng mga nakikinig upang maakit ang kanilang kawilihan. Dito rin nakasaad ang mga pangganyak na pananalitang pupukaw sa isipan ng mga tagapakinig. Maaaring magsalaysay ang isang mananalumpati ng mga kuwentong sadyang nakatatawa na may kaugnayan sa paksang tatalakayin.

Ang paglalahad ay ang bahagi ng pagpapaliwanag at siyang nagsisilbing pinakakatawan ng talumpati. Ginagamitan ito ng mga pananalitang kaakit-akit at kinapapalooban ng tatlong pangunahing gawain: una, ay ang pag-uulat ng mahahalagang kaisipan hinggil sa paksang tinatalakay; ikalawa, ay ang pagbibigay-liwanag o linaw sa mga kaisipang binanggit; at ikatlo, ay ang pagbibigay-katuwiran sa mga bagay-bagay ng mga ideyang ipinahayag.

Nagsisilbing pinakakaluluwa ng talumpati ang paninindigan sapagkat sa bahaging ito pinatutunayan ng nagtatalumpati ang mga kaisipang nauna na niyang sinabi sa panimula at paglalahad.

(42)

Ipinahahayag dito ang kanyang mga ebidensya sa mga katuwirang binanggit.

Ang pamimitawan ang siyang pangwakas na bahagi ng talumpati. Dito matutunghayan ang kongklusyon ng mananalumpati sa mga katuwirang kanyang inilahad. Dito rin maririnig ang maiindayog o maririkit na pananalita.

May apat na anyo o kaparaanan ng pagbigkas ng talumpati. Ayon kina Padilla, et al. (2003), ito ay ang biglaan o impromptu, maluwag o ekstemporanyo, manuskrito at isinaulong talumpati.

Isinasagawa ang impromptu o biglaang pagtatalumpati nang walang paghahanda. Ito‘y nangyayari sa panahon ng kagipitan o emergency. Halimbawa, kung ang inaasahang mananalumpati ay hindi nakarating sa isang partikular na pagpupulong at ang isang naroroon ang siyang hinilingang pumalit at magtalumpati. Ayon kay Arrogante, ang ganitong anyo ng talumpati ay angkop lamang sa mga bihasa, sanay at mabilis mag-isip sa paksang sasabihin.

Kabaligtaran ng impromptu ang maluwag o ekstemporanyong pagtatalumpati na bagama‘t hindi rin isinaulo ay lubusan namang pinaghandaan ng isang magtatalumpati. Ipinahahayag nang tuwiran ang paraang ito at mabisa kung isasagawa sa mga silid-aralan. Wika nina

(43)

Carpio at Encarnacion, ang gumagamit ng ganitong anyo ng talumpati ay walang manuksritong binabasa kaya‘t mapagmamasdang mabuti ang mga nakikinig, mapagmumuni-muni ang kanilang presensya o pagdalo at maiaangkop nang mahusay ang kanyang talumpati sa kanila.

Binabasa ng isang nagsasalita ang manuskritong pagtatalumpati mula sa isang kodigo o inihandang papel na kinasusulatan ng tekstong ipinahahayag. Angkop na angkop ilathala, pag-aralan at suriin ang ganitong paraan ng pagtatalumpati. Ito rin ang siyang kadalasang ginagamit ng sinumang nagtatalumpati sa harap ng telebisyon at radyo na kalimita‘y mga prominente o kilalang tao sa lipunan tulad ng mga negosyante, pinunong pansimbahan at mga politiko. Dagdag pa nina Baisa at Lontoc, ang manuskritong pagtatalumpati ay ginagamit sa mga kumbensyon, seminar at programa sa pananaliksik.

Pinakamahirap sa lahat ng anyong nabanggit ang isinaulong talumpati. Isinasagawa ang ganitong anyo ng pagtatalumpati sa mga paligsahang pang-oratoryo na sinasalihan ng mga mag-aaral at sa ilang pormal na okasyon gaya ng eulohiya o papuri sa isang taong kamamatay pa lamang, mga ritwal pansimbahan at ilang pampolitikang pagdiriwang. Ito ay ―natututuhan sa pamamagitan ng puso.‖ Tangi rito, ang pagsasanay o practice ang siyang kaisa-isang patnubay para sa isinaulong talumpati.

(44)

Ayon kina Baisa at Lontoc, ang pangunahing kahinaan ng ganitong pagtatalumpati ay ang pagkalimot sa bagay na sasabihin.

Kung may mga anyo o paraan ng pagpapahayag, mayroon ding uri ang talumpati batay sa nilalaman. May kanya-kanyang estilo sa pagpapangkat-pangkat ng mga uri ng talumpati ang iba‘t ibang manunulat. Sina Casanova at Rubin (2001) ay naglathala ng siyam na pangunahing uri ng talumpati. Ilan sa mga ito ay ang talumpating analitikal, talumpating nagpapalaganap ng ugnayang panlipunan, talumpating pumupukaw ng damdamin at talumpating nagbibigay-galang.

Ang talumpating analitikal ay yaong mga isinusulat at ipinahahayag ng kapwa guro at mag-aaral. Sa mga guro, ito ay maaaring paghahanda ng anumang talumpating nagsusuri para sa isang seminar palihan, kumperensya, colloquium at lecture sa harap ng publiko. Sa mga mag-aaral, ito ay maaaring pagsulat at pagbigkas ng talumpati bilang paglalarawan at pagsusuri ng isang paksang mula sa isang larangan ng pinag-aaralan. Bukod diyan, ang isang talumpating analitikal ay maaari ring sumuri ng isang kalagayan o umiiral na sistema. Isa itong kritikal na analisis o pagsusuring kadalasa‘y naglalaan ng mga resulta at mga mungkahing magpapaunlad sa isang kalagayan o sistema.

(45)

Samantala, yaong mga talumpating natutunghayan sa iba‘t ibang pagtitipon gaya ng kasalan, debut, pagtatapos sa paaralan, pagtanggap ng gawad o parangal, reunion, kumbensyon, pasinaya sa isang opisina o gusali, panimula o pangwakas na seremonya at iba pang tanging pagdiriwang ay nabibilang sa mga talumpating nagpapalaganap ng ugnayang panlipunan. Kadalasan, ang mga ito‘y pamukaw-sigla o pang-inspirasyon na nag-uudyok ng pagkakaisa ng bawat kasapi ng pangkat, organisasyon, institusyon o lipunan. Maaaring ang paksa ng ganitong uri ng talumpati ay tungkol lamang sa mga indibidwal o institusyong pinararangalan. Ito ay bahagi ng seremonya na nag-uudyok ng mabuting pagsasamahan ng mga kasapi ng pamayanan tulad ng paaralan, organisasyon, konseho, munisipalidad, lungsod o ng bansa. Ang inaasahang bunga ng ganitong uri ng talumpati ay bigyang buhay ang pakikiisa ng mga miyembro o kasapi ng pamayanan at ito‘y nakatutulong sa pagpapanatili ng pinaniniwalaang pagpapahalaga.

Nahahati sa apat na sub-uri ang mga talumpating nagpapalaganap ng ugnayang panlipunan. Una rito ay ang talumpating naghuhudyat ng pagpapanimula o pagwawakas na isinasagawa sa mga pagtatapos o

graduation sa paaralan, pagbubukas o pagwawakas ng mga

(46)

kumperensya o seminar palihan. Ang ganitong mga halimbawa ng talumpati ay kinakailangang nakatuon sa mga karanasang tumutukoy sa bawat kasapi ng samahan o lipunan at higit na nagiging mabisa kung ang mananalumpati ay magsasalaysay ng mga kuwentong naranasan ng bawat isang naroroon sa pagtitipon.

Ang ikalawang sub-uri ng mga talumpating nagpapalaganap ng ugnayang panlipunan ay ang eulohiya na nagpupuri sa isang tao. Bagama‘t ang mga eulohiya ay kadalasang binibigkas sa mga lamay o serbisyong pang-alaala sa namatay, ang mga ito ay ipinahahayag din sa seremonya ng palatuntunang may kinalaman sa pagreretiro ng isang tao sa isang trabaho, katungkulan sa opisina o bilang parangal sa hindi matatawarang mga kontribusyon at tulong sa isang organisasyon. Nakatuon ang nilalaman ng isang eulohiya sa mga kahanga-hangang katangian ng isang tao gaya ng kasipagan, katapatan, kagitingan at pagkamalikhain.

Ang paghaharap ng isang gawad o parangal ang siyang ikatlong sub-uri ng mga talumpating nagpapalaganap ng ugnayang panlipunan. Ito‘y hawig din sa eulohiya sapagkat naglalaman ng pagkilala‘t papuri. Ang ikinaiiba nito ay ang pagbibigay ng sertipiko, plaque o tropeong kinatititikan

(47)

ng mga naging ambag ng taong pinararangalan o ng institusyong nakatulong nang malaki sa pamayanan.

Ang ikaapat na sub-uri ng mga talumpating nagpapalaganap ng ugnayang panlipunan ay isang tugon sa ikatlong sub-uri. Ito ay ang talumpati sa pagtanggap ng gawad o parangal na binibigkas ng taong pinarangalan bilang pasasalamat, pagtanaw ng utang na loob at papuri.

Isa pa sa siyam na uri ng talumpating itinala nina Casanova at Rubin ay ang talumpating pumupukaw ng damdamin na ayon sa kanila‘y mahirap sulatin at bigkasin. Ilan sa mga okasyong nangangailangan ng ganitong uri ng talumpati ay ang sumusunod: kapag may lamay at libing, okasyong kailangang magsagawa ng dedikasyon, mga pampolitikang kumbensyon, mga pangangampanya sa panahon ng eleksyon, mga welga o kilos-protesta at iba pa. Ang mga talumpati sa ganitong okasyon ay may layuning gisingin at antigin ang damdamin ng mga tagapakinig kaya‘t mahihinuhang nanghihikayat. Nangangailangan din ito ng katapatan, integridad at reputasyon ng mananalumpati upang siya‘y paniwalaan ng mga nakikinig.

Kabilang din sa siyam na uri ng talumpating nabanggit ang talumpating nagbibigay-galang. Ito‘y ipinahahayag ng sinumang nagnanais magpaabot ng paggalang bilang pasasalamat sa tiwala, pagkakataon at

(48)

kagandahang loob na inilaan sa kanya. May tatlo itong sub-uri: ang talumpati dahil sa mainit na pagtanggap, talumpati sa pagtanggap ng bagong katungkulan o promosyon at talumpati sa pagtatapos ng katungkulan.

Ang ibang pang uri ng talumpati ayon kina Casanova at Rubin ay ang talumpating nagpapasinaya ng isang gusali, talumpating nagbibigay-inspirasyon, talumpating nagpapahalaga sa isang mabuting proyekto, talumpating nagpapakilala ng isang panauhing tagapagsalita at talumpating nagbibigay-impormasyon.

Sa kabilang banda, hindi tulad ng isinagawang paggugrupo nina Casanova at Rubin na ang isang uri ng talumpati ay kinapapalooban pa ng iba‘t ibang sub-uri, payak lamang na pinangkat nina Tendero, et al. (2009) ang mga talumpati sa labinlimang uri batay sa okasyong ipinagdiriwang. Ito ay ang talumpati ng pagpapakilala, pampanimulang talumpati, talumpati ng pagtugon sa panimula, talumpati ng paggagawad, talumpati ng pagtanggap, talumpati ng pamamaalam, talumpati ng pagreretiro, talumpati ng pag-alaala, talumpati ng pag-aalay, talumpati ng pagpapasinaya, talumpati ng paghirang, talumpati ng pagtanggap sa pagkakahirang, talumpati ng pagtatapos, talumpating pagkahapunan o

(49)

Layunin ng pinakaunang uri na ipakilala ang magiging panauhing pandangal ng isang partikular na pagdiriwang. Isinasalaysay rito ng nagpapakilala ang katauhan, mabubuting katangian at paksang tatalumpatiin ng panauhin. Sa uring ito‘y inihahalintulad din ng nagsasalita ang panauhin sa mga tagapakinig.

Ginaganap ang pampanimulang talumpati sa alinmang pagdiriwang. Dito‘y iniuugnay ng mananalumpati ang kanyang sarili sa mga tagapakinig, lumilikha ng kasiglahan para sa okasyong kanyang dinadaluhan at sa organisasyong nangangasiwa sa pagdiriwang at binibigyang inspirasyon ang mga tagapakinig upang sila‘y makilahok sa mga gawaing inihanda.

Bilang tugon sa naunang uri, ang talumpati ng pagtugon sa panimula ay naglalayong magpahayag ng pagpapahalaga o appreciation. Ngunit ang pagpapahalaga ay hindi lamang nangangahulugan ng pagpapasalamat manapa‘y pag-unawa rin sa mga bagay na inilahad sa pampanimulang talumpati.

Pagkilala, pagpapasalamat at pagpupuri sa mga nagawa ng isang sinuman ang mga nilalayon ng talumpati ng paggagawad. Tulad ng binanggit nina Casanova at Rubin sa mga naunang pahayag, dito ginagawaran ng sertipiko o iba pang uri ng token ang isang pinararangalan.

(50)

Binibigkas ang talumpati ng pagtanggap bilang pasasalamat ng pinarangalan sa mga naggawad ng gantimpala, pagkilala sa mga tumulong na makamit ang tagumpay, pagtalakay sa kahalagahan ng gantimpalang tinanggap at pagbabahagi sa iba ng karangalang tinamo.

Sinasariwa naman ng isang bumibigkas ng talumpati ng pamamaalam ang mga nagdaang karanasan, ipinaliliwanag ang dahilan ng paglisan at inilalarawan ang nararamdaman para sa mga iiwang kasamahan, posisyon, kompanya, lugar at iba pa. Naglalaan din ang nagsasalita ng pagkilala at papuri bilang pagpapahalaga sa mga kasamang maiiwan.

Isinasagawa ng sinumang nagnanais nang magbitiw sa kompanyang kanyang pinapasukan ang talumpati ng pagreretiro. Ito‘y hawig sa talumpati ng pamamaalam sapagkat may himig pamamaalam din ngunit nakatuon lamang sa pagbibitiw ng isang empleyado o manggagawang ibig nang lumipat ng trabaho o tumigil na sa paghahanapbuhay dala ng katandaan.

Nangangahulugan naman ng pag-alaala sa isang dinadakilang bayani, samahan ng tao o mahalagang pangyayari sa kasaysayan ang pagpapahayag ng talumpati ng pag-alaala. Karaniwang itong binibigkas sa isang partikular na seremonya hindi para magbigay-impormasyon kundi

(51)

upang magbigay-inspirasyon, pag-asa at makaantig sa damdamin ng mga tagapakinig.

Karaniwang nang binibigkas ang talumpati ng pag-aalay sa pagbubukas ng isang gusali, establesimiyento, simbahan, pasyalan, tulay o bantayog. Iniaalay ang ganitong uri ng talumpati sa paglilingkod sa Dakilang Lumikha at sa kapakanan ng taumbayan.

Isang seremonya ng pormal na pagsisimula ng pagganap sa isang katungkulang lubhang makapangyarihan ang talumpati ng pagpapasinaya. Isa ng halimbawa nito ang pagtatalumpati ng isang kandidatong nahalal na pangulo ng bansa.

Isinasagawa ang talumpati ng paghirang bilang pagpapakilala sa balana ng isang nagsasalita sa mga taong nominado o napili para sa isang katungkulang pampolitika, panrelihiyon, pansibiko o pangnegosyo.

May malaking pagkakatulad sa isa‘t isa ang talumpati ng pagtanggap at talumpati ng pagtanggap sa pagkakahirang. Naiiba lamang ang una sapagkat isang taong ginagawaran ng sertipiko ang tumatanggap samantalang ang huli‘y para sa tao o samahang hinirang sa isang partikular na katungkulan. Hindi ito sadyang kinakailangan subalit maaaring isagawa ng isang hinirang kung gugustuhin niya.

(52)

Binibigkas naman sa isang pamantasan o mga paaralan ang talumpati ng pagtatapos. Kadalasa‘y mga kilalang tao sa lipunan gaya ng mga politiko at yaon na ring matagumpay na nangagsipagtapos o alumni ng paaralang iyon ang iniimbitahang magpahayag ng ganitong uri ng talumpati. Dito‘y binabati ng nagtatalumpati ang mga mag-aaral, hinihikayat silang kumilos para sa kinabukasan at itinatanong kung ano ang magagawa‘t maitutulong nila para sa bayan.

Ang talumpating pagkahapunan o after dinner, bukod sa pagbibigay-impormasyon at panghihikayat, ay naglalayong manlibang o mang-aliw sa mga tagapakinig. Palaging isinasaalang-alang sa uring ito ng talumpati ang pagpapatawa.

Ipinahahayag ang talumpating pang-wedding toast ng sinumang malapit sa babae‘t lalakeng ikinasal bilang pagpapakita ng kanyang kagalakan sa dalawang pinag-isang dibdib ng pag-ibig. Isang kawili-wiling tagpo ang pagbigkas ng ganitong uri ng talumpati sa araw na itinuturing na isa sa pinakamahalagang sandali sa buhay ng dalawang ikinasal.

Bagama‘t masasabing napakarami na ng mga uri ng talumpating itinala nina Casanova at Rubin at nina Tendero, hindi rin maikakailang marami pang uri ang kinakailangang ilathala ng iba pang manunulat. Isa na rito ang Talumpati sa Kalagayan ng Bansa na mas kilala sa saling

(53)

Ingles nitong State of the Nation Address o pinaikling SONA na hinango sa Talumpati sa Kalagayan ng Unyon (State of the Union Address) ng Estados Unidos. Kahalintulad ito ng Talumpati mula sa Trono (Speech

from the Throne) na binibigkas naman sa mga bansang pinamamahalaan

ng monarka at parlamento.

Kaiba ang SONA sa lahat ng mga naunang uri ng talumpating nabanggit dahil sa masaklaw nitong kalikasan na naglalaman ng lubhang napakaraming paksa. Kung pagbabatayan ang isinagawang pagpapangkat nina Casanova at Rubin, ang SONA ay maituturing na isang sub-uri ng mga talumpating nagpapalaganap ng ugnayang panlipunan sapagkat ito‘y nakatalaga hindi lamang para sa isa o iilang tao manapa‘y sadyang nakalaan sa lipunang kinabibilangan ng lahat ng mamamayan ng bansa.

Ipinahahayag nang isang beses kada isang taon ng sinumang nanunungkulang pangulo ang Talumpati sa Kalagayan ng Bansa. Ito ay nakatadhana sa dating Konstitusyon ng 1935 hanggang ng kasalukuyang Konstitusyon ng 1987. Nakasaad sa Artikulo VII, Seksyon 23 ng pinakabagong saligang batas ang ganito:

―Dapat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa

pagbubukas ng regular na sesyon nito. Maaaring humarap din siya rito kahit sa iba pang pagkakataon.‖

(54)

―Ang Kongreso ay dapat magsimula ng pulong minsan sa

isang taon sa ikaapat na Lunes ng Hulyo ukol sa regular na sesyon nito, matangi kung may ibang petsang itinakda ang batas, at dapat magpatuloy na nagsesesyon sa loob ng tiyak na bilang ng mga araw na maaari nitong itakda hanggang sa tatlumpung araw bago magbukas ang susunod na regular na sesyon nito, hindi kasama ang Sabado, mga Linggo, at mga pista opisyal. Ang Pangulo ay maaaring tumawag ng tanging sesyon sa ano mang oras.‖

Ayon kina H. De Leon at H. De Leon, Jr. (2011), isang oportunidad at pribilehiyo ng pangulo na makapagtalumpati sa harap ng Kongreso upang makapagpahayag ng maraming bagay o usapin hinggil sa kalagayan ng bansa; magtagubilin sa mga mambabatas ng mga bagay na sa palagay niya‘y dapat pag-ukulan ng pansin at aksyunan kaagad; at magpahayag ng mga patnubay sa pambansang patakaran o national

policy. Ang SONA ay isang patunay sa sinabi ni Arrogante na ang

pagtatalumpati ay hindi isang karapatan manapa‘y isang pribilehiyong may kaugnayan sa mga pananagutan kaya‘t dapat gamiting kasangkapan para sa kapakinabangan ng nakararami.

Sa bagay na ito, kung layunin ang pag-uusapan, bagama‘t makasusubaybay rin ang mga nakikinig ng mangilan-ngilang panlilibang at panghihikayat, hindi maitatangging binibigkas ang SONA upang magbigay o magbahagi ng impormasyon sa masang tagapakinig. Iniuulat dito ng pangulo ang mga hakbang na isinagawa at isinasagawa ng kanyang administrasyon alang-alang sa ikabubuti‘t ikauunlad ng bansa. Sa ganito

(55)

ring uri ng talumpati isinasalaysay ng pangulo ang iba‘t ibang suliraning nararanasan ng bansa at ang kaukulang solusyong nakalaan para sa mga ito.

Kung anyo ang titingnan, isa itong talumpating manuskrito o isinulat hindi para sauluhin kundi upang basahin sa balana. Ang alinmang SONA na ipinahayag o ipinahahayag ay totoong napakahaba kaya‘t imposibleng masaulo o maisaisip lahat ng isang pangulo ang mga bagay na gusto niyang sabihin. Isa pa, ito‘y binibigkas humigit-kumulang sa isang oras. At dahil nga sa kahabaang taglay ng ganitong uri ng talumpati, ito‘y angkop ilathala, pag-aralan at suriin ng mga kritiko, manunulat, guro, mag-aaral at mananaliksik.

Literaturang Pananaliksik

Bagama‘t marami na‘ng mga inilathalang pag-aaral tungkol sa pagsusuri ng dula, kuwentong pambata, maikling kuwento, mito, nobela, sanaysay, tula at maging ng mga programang pantelebisyon ay wala pang isinagawang pagsusuri sa alinmang uri ng talumpati na nasusulat sa wikang Filipino. Sa kabutihang palad, ang mga mananaliksik ay nakakita ng isang pag-aaral tungkol sa pagsusuri ng mga talumpati ng mga naging pangulo at ng kasalukuyang pangulo ng bansa bagama‘t ito‘y nasusulat sa wikang Ingles.

(56)

Nagsagawa ng pag-aaral si Arroyo (2006) tungkol sa pagsusuri ng mga dulang ―Pitik Bulag sa Buwan ng Pebrero‖ ni Ricardo A. Lee, ―Anatomiya ng Korapsyon‖ ni Malou Jacob, ―Marissa‖ ni Isagani R. Cruz at ―Las Viajeras‖ ni Joi Barrios sa layong maihambing ang pananaw ng babae at lalakeng dramatista, mailahad ang tema, masuri ang variety ng wikang ginamit at makapagbigay ng implikasyon ng mga dulang nabanggit sa pagtuturo ng asignaturang Filipino. Lumitaw sa kanyang pag-aaral na

marginalized ang pagtingin ng lipunan sa kababaihan at ang feminismong

namamayani sa mga dulang sinuri ay sumasalamin sa patriyarkal na lipunan at kulturang Pilipino.

Pinagsikapang aralan nina Delen at Fuentes (2003) ang pag-uugali‘t kagandahang asal ng mga tauhan; inalam ang mga aral; tinuklas ang mga pagpapahalagang Pilipino gaya ng pagkamaka-Diyos, pagkamakatao at pagkamakakalikasan; at pinag-aralan ang implikasyon sa pagtuturo ng panitikan ng mga kuwentong pambata. Lumabas sa kanilang pag-aaral na ang bawat kuwentong pambatang sinuri ay naglalarawan ng iba't ibang ugali at kagandahang asal; nababatay sa pagiging maka-Diyos, makatao at makakalikasan nating mga Pilipino; at may malaking naitutulong sa pagtuturo ng panitikan sapagkat napananatili nitong buhay ang ating mga katutubong pag-uugali at kultura. Iminungkahi

(57)

nilang isama sa mga babasahin hindi lamang yaong mga sinuri kundi lahat ng napapanahong kuwentong pambatang dapat pag-aralan sa panitikan.

Nagsagawa naman ng pagsusuri sina Aspecto, et al. (2007) sa dalawang maikling kuwentong isinulat ni Jose Garcia Villa: ang ―Footnote

to Youth‖ at ―The Fence.‖ Natuklasan sa naunang kuwento ang mga

suliraning nararanasan ng maagang pag-aasawa at ang kahalagahan ng pagpapasiya o pagdedesisyon sa kinabukasan sapagkat anumang bagay na nagawa na ay hinding-hindi na maibabalik pa ng panahon. Samantala, ipinababatid naman ng ikalawang kuwento kung paano sinisira ng pagkamuhi ang buhay ng isang tao at tanging ang pagpapatawad lamang ang makapagwawakas ng ganitong alimpuyo ng damdamin.

Yaon namang mga katutubong mito ng ating bansa na nasusulat sa wikang Ingles ang sinuri nina Andal, et al. (2002). Ito ay ang ―Bisayan

Beginnings,‖ ―Malakas and Maganda,‖ ―The Creation of the Earth and the

First People,‖ at ―Tungkung Langit and Alunsina.‖ Nabatid nila sa

isinagawang pag-aaral na ang mga mitong nabanggit ay kadalasang nagsasalaysay sa paglalang ng sansinukob; paglikha sa unang babae‘t lalake; at ang nakapangingilabot na ibinubunga ng kasalanan sa buhay ng tao. Nalaman din nila yaong mga positibo at negatibong ugaling tinataglay ng mga Pilipino magmula pa noong unang panahon gaya ng kabutihan,

(58)

pag-ibig, pagkamasunurin, galit, kasuwailan at kawalang kasiyahan. Inirekomenda nila ang pagbabasa ng iba pang uri ng panitikang pambayan at pagsasama ng mga ito sa pansekundaryang kurikulum.

Isa namang pag-aaral ang isinagawa nina Corpus, et al. (2004) na may kinalaman sa feminismo. Ito ay ang pagsusuri ng mga nobelang ―Gapo‖ ni Lualhati T. Bautista at ―Canal de la Reina‖ ni Liwayway A. Arceo. Napatunayan nilang ang kababaihan sa dalawang kathambuhay ay may iba't ibang larawan. Lumabas din sa kanilang pag-aaral na tinatanggap ng kababaihan ang kanilang katayuan sa lipunan sa tulong ng mga mahal nila sa buhay; hindi lamang sarili nila ang iniisip manapa‘y ang mga tao ring mahalaga sa kanila; marami ang bumangong muli sa sitwasyong kanilang kinasapitan; nais nilang magbagong buhay kasama ang kanilang pamilya; mababanaag pa rin sa kanila ang magagandang gawi at asal; at may mataas na pagpapahalaga sa sarili ang mga Pilipina upang umunlad. Iminungkahi nila ang karagdagan pang pag-aaral sa mga akdang pangkababaihan.

Sa isinagawa namang pag-aaral nina Andal, et al. (2000) ay nagsuri sila ng anim na sanaysay. Kanilang pinaghambing ang tatlong sanaysay ni Ralph Waldo Emerson, isang Amerikanong mananaysay, sa tatlong katutubong sanaysay na nasusulat din sa Ingles. Ito ay ang

Referensi

Dokumen terkait

Aalamin ng pag-aaral na ito ang lawak ng kaalaman ng mga guro sa Ortograpiyang Filipino.Sasagutin sa pag-aaral na ito kung ano ang profile ng mga guro sa Mataas na Paaralan ng

Ipinaaalam din dito ang mismong paksa ng pag-aaral gayundin ang katatagpuan ng mga datos na kakailanganin sampu ng populasyon o bilang ng mga respondente na sasagot sa inihandang

Sa pag-aaral na ito a mag-kakaroon ng ideya ang mga guro kung anong pamamaraan ng kanilang pagtuturo ang pinaka epektibo para sa mga mag-aaral.. makapaghahatid ito na kaalaman para

LAYUNIN NG PAG-AARAL Layunin ng pananaliksik na ito na malaman ang pananaw ng mga tagasagot sa social-distancing na mga selebrasyon at pagdiriwang batay sa kaarawan, kapistahan,

Narito ang iilan sa mga nabanggit ng mga kalahok ng pag-aaral tungkol sa pagkakaroon ng hardware tools sa pagtuturo: “Maayos kong naituturo ang mga paksa sa Filipino dahil may

Sa mga pinagbatayang teorya ng pag-aaral na ito, tiningnan ang antas ng kaalaman ng mga magulang sa pagbabasa ng mga anak sa tahanan at antas ng pakikisangkot ng magulang sa pagbabasa

Ang pag-aaral na ito ay naglalayong alamin ang sosyo-demograpikong katangian ng mga manggagawa ng GAICO, ang positibong naidulot ng GAICO sa kanilang a pamumuhay b sariling kasanayan, c

Kung kaya, sabay na ipinakikita ng mga artikulo dito ang parehong galaw ng ekokritisismo na pagbubuwag ng mga nakagawian nang hangganan, at ang pag-usisa sa suliranin ng katarungang