• Tidak ada hasil yang ditemukan

Inuuod Na Bisig Sa Tiyan Ng Buwaya

N/A
N/A
Protected

Academic year: 2021

Membagikan "Inuuod Na Bisig Sa Tiyan Ng Buwaya"

Copied!
22
0
0

Teks penuh

(1)

INUUOD NA BISIG SA TIYAN NG BUWAYA

(Maikling Kuwento — sinulat noong dekada ‘60 ngunit malaganap na nangyayari ngayon)

1. LUPA

MAAGANG TUMAKAS ang ulan sa mga ulap at ang nakangangang mga bitak ng bukiring iyon na nasa makalabas lamang ng lungsod at malapit sa daangbakal ay unti-unting nagsitikom. Tumingala sa langit ang nanginginaing mga kalabaw at ang mga kuhol na nagbaon sa buong panahon ng tag-araw sa gilid ng nangagdipang mga pilapil ay nagsimulang umahon at gumapang patungo sa mga pinitak. Nagkagulo ang mga ibon, nagliparan patungong kanluran, sapagkat sa bukiring iyon, wala ni isa mang punongkahoy. Nag-utlawan ang mga damo sa dibdib ng lupa at sa loob lamang ng ilang araw, ang dating naninilaw na bukirin ay naging luntian.

Sa mga dampa na halos nakikipagtanawan lamang sa nagsisiksikang mga barungbarong na nasa magkabilang gilid ng daangbakal, ang nalalabing mangilan-ngilang magsasaka’y nagsipaglinis na agad ng mga yugo at araro at suyod, lumubid ng mga pamitik, at ng mumunting mga pangarap. Inihanda na rin ng mga babae ang mga basket na sisidlan ng pagkain, nagsipamintana sila, nangalumbaba, at pinagmasdan nila ang masinsing mga patak ng ulan at ang luntian nang kabukiran. Natuwa at naghubad ang mga bata, naghabulan at naligo sa ulan, nagpagulung-gulong at nagtampisaw sa may tubig nang mga pinitak. Naginaw ang mga dampa, umiyak ang mga bubong na pawid, at nabasa ang mga sahig na kawayan.

Umulan, umulan nang umulan, hanggang ang kabukirang iyon ay nagmistulang isang munting karagatang hindi umaalon. Inayos na ng mga magsasaka ang kanilang mga salaan at punlaan, inihanda ang mga binhi, pinasan ang mga araro, isiningkaw ang mga kalabaw at sinimulan na nilang sugatan ang malambot at hindi na tumututol na dibdib ng lupa hanggang isang araw, bigla na lamang sumulpot sa kabukirang iyon ang katiwala ng may-ari ng mayamang lupang iyon.

“H’wag na kayong mag-araro pa,” sabi nito. “H’wag na kayong magtanim ngayon.”

“Ba’t po, Kabesa? Nakapagpunla na kami.”

“Wala tayong magagawa. Pinalalayas na kayo rito ng me-ari.” “Ba’t po, Kabesa? Ba’t po?”

“Namahal na raw ang lupa dito at gusto na niyang ipagbili.”

“Pero, Kabesa, nakapagpunla na kami. Naararo na namin ang ilang sangkal. Saka matagal na naming sinasaka ‘to.”

“Ano’ng magagawa natin? Di naman inyo ang lupang ito, di rin naman akin.” “Maawa kayo sa amin, Kabesa. Ipakiusap n’yong huwag muna kaming paalisin dito. ‘Ala po kaming malilipatan agad. Saka ang aanihin namin sa taong ‘to ang s’ya po lang naming inaasahan. Ma’wa po kayo sa amin, Kabesa.”

“Naaawa nga ako sa inyo, pero talagang wala akong magagawa. Me katrato na raw siyang bibili nito. Maliit daw naman ang inaani ng bukid na ito.”

“Pero h’wag po muna ngayon, Kabesa. Sabihin po n’yo sa me-ari na pagkatapos na ng anihang ito. Pakiusapan po ninyo siya, Kabesa. Parang awa n’yo na po sa amin!”

“Talagang wala na tayoing magagawa. Sa Agosto na sila magbabayaran dahil gusto noong nakabili na makapagtayo na agad dito ng pabrika. ‘Yong parteng silangan ay gagawin namang subdibisyon.”

“Di na po kami kakain sa taong ito, Kabesa. Parang awa n’yo na po. Gawin po ninyo ang inyong magagawa. Tulungan n’yo po kami, Kabesa!”

NANG gabing iyon, matagal na pinagmasdan ng mga magsasaka ang madilim na kalawakan ng bukid. Matagal silang namalagi sa bintana ng kanilang mga

(2)

dampa, halos hindi sila kumukurap, nakatikom ang kanilang mga labi at, sa palababahan, malimit humigpit ang pagkakakapit ng lipakin nilang mga palad. Iniwasang lapitan ni kausapin ng mga babae ang kani-kanilang asawa, nakaupo lamang sila sa pinakamadilim na sulok ng kanilang dampa, nakatungo, at manakanakang sumusulyap sa nag-indak-indak at waring namamaalam nang ningas ng mga gasera. Tahimik maging ang mga bata, nakatunganga sa kanilang ama’t ina, at maagang nagsitulog nang mapansing ang katahimikan ay nakakumot sa kapaligiran.

Ngunit kinabukasan, maagang nagsibangon ang mga lalaki, inihasa ang kanilang mga itak, isinaksak sa takyaran, muling pinasan ang kanilang mga araro, muling isiningkaw ang mga kalabaw, at muling sinugatan ang dibdib ng lupa. Lumabas din sa bukid ang mga babae, tinalunton ang madulas na mga pilapil, hinatiran ng pagkain ang mga lalaki, at tahimik na nagsibalik sa kani-kanilang dampa. Malabong latay na lamang ang liwanag sa kanluran nang umuwi ang mga lalaki, akay-akay ang kanilang mga kalabaw.

Hindi iilang ulit na nagbalik ang Kabesa sa kabukirang iyon, hindi iilang ulit na sinabi sa mga magsasaka na ipagbibili na ng may-ari ang lupang iyon, at paulit-ulit, paulit-uilit din namang nagmakaawa ang mga magsasaka, hanggang sa sumawa na sila sa pagmamakaawa at, sa bawat araw, lalo na nang maitanim na nila ang mga palay at magsimula na iyong tumaas nang tumaas at lumunti nang lumunti, tumalim nang tumalim ang dati’y maaamo nilang mga mata at tumigas nang tumigas ang dati’y malalambot nilang mukha.

“Subukan nilang ngayon tayo palayasin! Di nila tayo mapalalayas dito hanggang di tayo nakakagapas,” sabi minsan ni Lino, isa sa ilang kasibulang magsasaka sa bukiring iyon. “Alam kong me karapatan tayo sa lupang ito, sa mga palay na iyan, dahil matagal na tayo rito, dahil matagal na nating sinasaka ito. Pero di ko nga lang alam kung ano ang karapatan nating iyon.”

“Kapag nagkamaling magpunta rito ang anak ng putang me-ari ng lupang ‘to o ang sinumang demonyong nakabili nito,” sabi naman ng isang matandang mga animnapung taong gulang na, “di ako mangingiming ibaon siya sa pinitak. Araw-araw kong inihahasa ang aking itak!”

“Ang dugo naman niya ang ipatataba ko sa palay!”

“Subukan lang nilang palayasin tayo rito. Subukan lang nila! Pagpuputulan ko sila ng bayag!”

“Basta’t huwag tayong umalis ke matapos man ang anihang ito!” 2. MAKINA

GININTUAN na ang bukirin at amoy hinog na palay na ang hangin. Kumakaway na ang mga hutok na uhay nito para anihin, at ang mga mayang umalis noong panahon ng tag-ulan at naglakbay kung saan ay langkay-langkay na nagbalik sa kabukirang iyon at umali-aligid sa papawirin. Matagal nang nagsipagbaon sa gilid ng mga pilapil ang mga kuhol, at ang mga palaka ay hindi na nagsayaw at hindi na umawit. Higit ngayong pinagmasdan ng mga magsasaka ang kabukiran at inihanda na nila ang kanilang mga lingkaw at karit.

Nasa hinog na mga butil ng palay ang mumunting mga pangarap, ngunit naroroon din ang aali-aligid na mga pangamba, hanggang isang umaga, nang malapit na nilang anihin ang mga palay, biglang-bigla, parang umaatungal na mga dambuhalang balang na sumalakay sa bukid na iyon ang ilang buldoser, kasama ang ilang armadong sundalo ng gobyerno. Kinagat nang kinagat ng matalim na ngipin ng mga buldoser ang mga puno ng palay, nilamon nang nilamon ang mga uhay, at sa harap ng kanilang mga dampa, ang mga

magsasaka’y parang itinayong mga bangkay, mahigpit lamang nilang hawak ang nagkikislapang mga itak, nakatiim ang kanilang mga bagang, ang mga mata’y nakapako sa kawalan habang sa tabi nila, ang mga babae ay nagpapanangisan samantalang ang mga bata ay nakatingin lamang sa dambuhalang mga makinang iyon na patuloy sa pag-usad at pag-atungal.

Tinungkab nang tinungkab ng mga buldoser ang nangakadipang mga pilapil, kinayod nang kinayod ang bitak-bitak na dibdib ng lupa, hanggang sa maglaho ang mga damo at sariwa pang mga puno ng palay na dating sumususo sa dibdib na iyon, hanggang sa pumikit ang mga bitak at umalimbukay ang alikabok at nagmistulang isang maliit na disyerto ang dating ginintuang kabukiran.

(3)

Lumisan ang mga buldoser pagkaraan ng ilang araw, at lumisan na rin ang mga magsasaka; ang iba’y sumiksik sa nagsisiksikan nang mga barungbarong sa magkabilang gilid ng daangbakal, at ang iba nama’y tumakas patungong lalawigan at napadpad kung saan. Tanging naiwan sa dating bukiring iyon ang nagbalatay at salasalabat na bakas ng mga gulong ng buldoser, hanggang isang katanghalian, sumunod na dumating doon ang rumaragasang mga trak na may kargang eskombro at graba at buhangin, at natakpan ang mga bakas ng buldoser, at nakumutan ng bato ang buong disyertong bukid na iyon.

At isang umaga, bigla na lamang iyong sinalakay ng maraming trabahador na buhat kung saan, at nagtayo ang mga ito ng bodega doon. Sumunod na dumating ang tala-talaksang tabla at yero at bakal at semento, at nagsimula ang kalantugan at pukpukan, at halos sa araw at gabi, umaangil ang makinang lumalamon ng graba’t buhangi’t semento na isnusuka nito pagkatapos sa uhaw na mga timba’t baldeng isinasahod ng mga trabahador sa malaking bunganga nito. At makaraan lamang ang ilang buwan, nagkahugis ang isang malapad at mababa ngunit mahabang gusali na parang isang nakadapang dambuhalang nag-aabang ng anumang masisila.

Mula sa bintana ng nagsisiksikang mga barungbarong kapag parang dugo nang kumukupas ang mapupulang latay ng liwanag sa kanluran at nagsisimula nang umindak-indak ang malamlam at malungkot na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong, malimit mangalumbaba ang mga babae, matagal na tititig sa gusaling iyon na parang malaking kabaong na batbat ng ilaw kung gabi, saka nila manakanakang sinusulyapan ang mga lalaki. Malimit ding manaog, pagkahapunan, ang mga lalaki, umpuk-umpok na magsisiupo sa gilid ng daangbakal, tititig sa gusaling iyon at sa kadiliman ng daangbakal na

tinatanglawan lamang ng naggalaw-galaw, tumaas-bumaba, pumikit-dumilat na baga ng kanilang mga sigarilyo, halos paanas silang mag-uusap.

“Pabrika daw ng tela ‘yan at Kano ang me-ari.” “Senga?”

“Oo, Pare Malapit na raw buksan.”

“Totoo?”

“Oo! Tiyak na maraming trabahador ang tatanggapin.”

“Matanggap sana tayo kahit kargador, kahit d’yanitor, basta’t trabaho.” “Sana nga. Putrang ‘na, sawa na ako sa pagbubungkal ng basurahan. Nag-aamoy basura na ako!”

“Ipapasok ko naman sa eskuwela ang panganay ko para di lumaking gago.” “Saka, Pare, mataas daw magpas’weldo ang mga Kano.”

“Senga?”

“Oo. ‘Yon ngang isang pinsan ng asawa ko, nasa Amerika daw ngayon. Doon nagtatrabaho. Me kotse’t bahay na raw agad. Saka mabait daw ang mga Kano.” “E kelan kaya magtatanggapan?”

“Ewan. Basta’t malapit na raw.”

“Di kelangan pala, magprisinta na tayo agad para di tayo maunahan ng iba?” “Aba, oo! Kaya nga, kelangan na huwag muna nating ipamalita ito sa iba. Sa inyo ko lang sinabi ito dahil gusto kong sama-sama tayong magtrabaho doon.” “Pag natanggap ako, makabibili rin seguro ako ng bagong sapatos. Butas-butas na ang s’welas ng anak ng putang sapatos ko!”

3. UOD

ISA si Lino Fajardo sa ilang magsasakang hindi tumakas sa kapaligirang iyon at mula sa kanilang barungbarong ng asawang si Marta at ng kanilang dalawang anak na lalaki, ilang hapon na ring malimit niyang tititigan ang kabuuan ng gusaling iyon. Waring nagkabuhay ang mumunting mga pangarap na matagal

(4)

na matagal na nilang inilibing sa bukid at sa kalawanging riles ng daangbakal. Talos ni Lino, gaya rin ng iba pang mga taga-daangbakal, na madilim ang gabi sa daangbakal, di gaya sa pusod ng lungsod; madilim na madilim nga, naisip noon ni Lino, sapagkat anag-ag na lamang ang sinag ng pag-asa. Talos din nilang lagi ngang may umaga, ngunit lagi ring may gabi at, sa kanila, ang gabi at ang umaga ay iisa, sapagkat iisa ang uri ng biyayang hatid sa kanila ng bawat pagsikat at paglubog ng araw — ang gulanit na karalitaang sa kanila ay nakabalabal. At alam din nila, kalimitan, higit nilang ibig ang gabi kaysa araw, sapagkat mabait at mapagmahal ang gabi, di gaya ng araw, dahil

pinahihintulutan silang matulog at makalimot.

At nang buksan ang pinto ng pabrikang iyon para tumanggap ng mga

trabahador, isa si Lino sa hukbo ng mga taga-barungbarong na sumalakay doon. Nang magsimula siyang magpasan ng mga balumbon ng tela, waring namalas niya sa kabuuan ng pabrika ang katuparan ng kanilang mumunting pangarap ni Marta para sa dalawa nilang anak na lalaki. Sa wakas, nasabi niya sa sarili, makalalayo din sila ni Marta sa marusing at pangit na mukha ng daangbakal, matatakasan din nila ang nakabibinging dagundong ng tren at ang madilim na gabi sa kapaligirang iyon. Ngunit lumaki nang lumaki ang pabrikang iyon, yumaman nang yumaman ang may-ari, tumaba at lumaki ang tiyan ng tagapamahalang si Mr. White at, sa bawat taon naman, numipis nang numipis ang kanyang dibdib at unti-unting tumakas ang laman ng kanyang mga bisig. “Putang ‘nang White ‘yan,” sabi minsan ng isa nila kapwa trtabahador isang dapithapong magkakasabay silang lumalabas sa dambuhalang pabrikang iyon. “Wala yatang kaluluwa! Matagal na tayo rito, di man lang tayo inuumentuhan. Alam niya namang pambili lang ng pandesal ang suweldo natin. Malaki naman ang kinikita ng pabrika.”

“Tagahimod kasi ng pundilyo ng me-ari ang putang ‘nang White na ‘yon!” “At ‘ala ring konsensiya ang me-ari. At ubod pa ng s’wapang.”

“Pero pinakikinabangan naman nila tayo. Dahil sa ‘tin kaya sila nabubundat, kaya sila yumayaman.”

“Talagang gano’n. Sila’ng me-ari. ‘Ala tayong magagawa.” “Putang ‘na! Ba’t ‘ala? Magtayo tayo ng unyon!”

“Di pinatalsik agad tayo ng mga anak ng puta? Aba!” “E kung patayin na lang natin si White?”

“Senga. Ipalamon natin sa makina!”

“Mahirap ‘yan, mga Pare. Tayo rin ang mawawalan ng trabaho at impiyerno ang buhay sa kalaboso. Galing na ‘ko sa putang ‘nang impiyernong ‘yon!”

“Pero paloloko na lang ba tayo sa kanila?” “‘Ala tayong magagawa kundi magtiis.” “Magtiis?”

“Oo. Magtiis.”

“Lintik! Magtiis? Habang panahon tayong lolokohin ng mga dermonyong ‘yon! P’we! At pag namatay tayo, baka di pa tayo makabili ng kahit palotsinang kabaong sa s’weldo natin.”

“Pero sa ngayon, talagang ‘ala tayong magagawa kundi magtiis.” “Magtiis pa rin? P’we!”

‘DITO, hindi p’wede ang tamad! Konting bilis! Konting bilis!”

Bigla, parang matalim na itak na tumaga sa utak ni Lino ang kabuuan ng maitim at pandak at mataba nilang kapatas na kung tawagin nilang mga trabahador ay Mr. Cruz. Marahas na sumugat sa kanyang pandama ang alingawngaw ng tinig na iyon, waring saglit na ngumatngat sa kanyang laman at tumupok sa kanyang kaluluwa. Kahit nakatalikod siya sa bunganga ng bodegang pinagmulan ng tinig

(5)

na iyon, natitiyak niya, nakita na naman siyang nagpapahinga ni Mr. Cruz sa pagbuhat ng mga balumbon ng telang ikakarga sa naghihintay na trak ng pabrika.

Si Mr. Cruz ang mga tainga at mata ni Mr. White at ayaw na ayaw nitong makitang wala silang ginagawa kahit isang saglit. Marahil, kung maaari, huwag na silang hihinga sa paggawa, sapagkat sa loob ng limang taong ipinaglingkod niya sa pabrikang iyon, sa nakikita niya, parang mga kalabaw na pang-araro ang tingin sa kanilang mga trabahador nina Mr. White at Mr. Cruz, at hindi miminsang nasabi niya sa sarili na mabuti pa marahil kaysa kanila ang mga kalabaw, sapagkat nakapagpapahinga, gayundin ang mga makinang panghabi ng tela, sapagkat hindi panayan ang pag-andar, pinagpapahinga rin at nilinis at nilalangisan.

“Putang ‘na, dali ka, Fajardo! Masyado kang mabagal! Masyado kang tamad!” Nasa likod na ni Lino ang tinig na iyon at, sa iglap na sandaling iyon, waring natadtad ng mga sugat ang buo niyang katawan, at nadama niyang nangapos ang kanyang paghinga at humigpit ang kanyang pagkakayapos sa balumbon ng telang akma niyang papasanin. Alam niyang nangangaloig ang kanyang tuhod — matagal-tagal na rin niyang napapansin na numinipis ang kanyang dibdib at parang may lumalamon sa laman ng kanyang mga bisig — at waring hindi na nga nya kayang magbuhat pa ng gayong kabibigat na mga bagay, ngunit laging nakatambad sa kanyang harapan ang hapis na larawan ng kanyang asawang si Marta at ng dalawa nilang anak na lalaki na magpipitong taong gulang na ang panganay.

Naramdaman niya ang paglalaban ng kanyang mga tuhod at ng bigat ng

balumbon ng telang kanyang pasan nang tunguhin niya ang naghihintay na trak ng pabrika sa bunganga ng bodega at, kahit hindi siya lumilingon, alam niyang kasunod niya si Mr. Cruz , naglulumiyad ang malaking tiyan sa pahilahod na paglakad at nakapako sa kanya ang medyo singkit na mga mata.

Waring may init na humalukay sa kanyang dibdib at hindi niya napigilan ang abut-abot na paghingal matapos niyang maibaba sa maruming suwelo ng trak ang pasan niyang balumbon ng tela. Saglit na nag-apuhap ng hangin ang

kanyang bibig at ilong at bahagyang nabawasan ang init na humahalukay sa kanyang dibdib. Alam niya, pagharap niya sa bunganga ng bodega, makikita niya ang pangit na kabuuan ni Mr. Cruz, at parang hindi niya magawang takasan ngayon ang nakatatakot na alalahaning gumigiyagis sa kanyang katatagan; ang kapeng walang gatas at matigas na pandesal kung umaga, ang lugaw na inuulaman ng tuyo o asin kung gabi, ang malamlam at malungkot na mga mata ni Marta na waring humihingi ng awa sa nag-indak-indak na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong na nangakalibing sa magkabilang gilid ng kalawangin at mahabang-mahabang daangbakal na iyon.

Pinilit niyang lupigin ang mga alalahaning iyon at, bigla, humarap siya ngunit napauntol siya sa paghakbang nang lumagom sa kanyang paningin ang naglulumiyad na tiyan ni Mr. Cruz, ang medyo singkit nitong mga matang may ibig ipahiwatig at ang pagkakangkisi nitong nagpalabas sa malalaki at naninilaw na mga ngipin. At sa saglit na iyon hinamig ng kabuuan nito ang nakataatakot na mga alalahaning iyon.

“Parang mahina ka na, Fajardo. Payat na payat ka na. Parang di mo na kayang magtrabaho.”

“Malakas pa ho ako, Mister Cruz. Malakas pa ho ako!” Alam niyang hindi iyon ang ibig niyang sabihin, ngunit iyon ang iglap na lumabas sa kanyang bibig. “Pero bakit masyado ka nang mabagal? Isang balumbon ng tela, parang di mo na kayang buhatin.”

“Kaya ko pa ho, Mister Cruz. Malakas pa ho ako. Kaya ko pang magtrabaho. Saka… saka…” Ngunit nabilanggo lamang sa kanyang lalamunan ang iba pang mga salita nang nakangising tumalikod si Mr. Cruz at wala siyang nagawa kundi sundan ng tingin ang pahilahod nitong paglakad patungo sa plantang habihan ng tela at, ngayon, lalong naging marahas ang pagdaluhong ng mga pangamba. Sa kanyang utak, naggigitgitan ang maraming salitang hindi magkapuwang sa kanyang lalamunan. Parang ibig niyang pasukin ang opisinang air-conditioned ni Mr. White at kahit sa papilipit na Ingles na nalalaman niya, buong tapang na sabihin sa harap nito: “Go to hell! You dog! You salumbebet!”

(6)

MULING nadama ni Lino ang pangangalog ng kanyang mga tuhod nang

magbalik siya sa bodega ng tela at sumisigid at humahalukay na naman sa loob ng kanyang dibdib ang hindi mawaring init na iyon na nagpapasikip sa kanyang paghinga. Warfing may matitigas na daliring unti-unting sumakal sa kanya, at nagsimulang maglandas mula sa kanyang noo at sentido ang malalamig na mga butil ng pawis, at lalo niyang nadama na higit na kailangang apuhapin ng bibig niya at ilong ang amoy-telang hangin sa loob ng bodegang iyon.

Kailangan nilang apurahin ngayon ng tatlong trabahador na kasama niya sa bodegang iyon ang pagbabalumbon at pagkakamada upang kung dumating ang trak — na natitiyak niyang darating sapagkat sinabi ni Mr. Cruz na maraming pumedido sa araw na iyon — handa na ang mga iyon para ikarga nila sa trak. Napansin niyang pinagmamasdan siya ng kanyang mga kasamahan nang damputin niya ang kahoy na pag-iikiran ng tela, at nabakas niya sa mata ng mga iyon ang isang uri ng pangamba.

“Namumutla ka, Lino.”

“Saka humihingal ka. Magpahinga ka muna. Kami na ang bahala dito. Di pa naman seguro darating ang trak.”

“Senga. Baka kung mapaanio ka pa. Aba, mahirap na ang magkasakit. Baka tanggalin ka pa ni Mr. Cruz.”

Bigla, parang may nabuhay na lakas na nagbigay-init sa kanyang dugo; pinilit niyang lumapit sa kamadahan ng tela, ngunit hindi pa siya nakatatatlong hakbang, iginupo siya ng nangangalog niyang mga tuhod at napalugmok siya sa sementadong lapag ng bodega. Naramdaman niyang parang idinuruyan siya sa hangin, waring nilalagom ang kanyang kamalayan ng manipis na karimlang lumukob sa kanyang mga mata. Ilang saglit din siyang nag-apuhap sa kawalan, sumisid sa isang kalalimang hindi niya maarok. At nang dumilat siya,

nakasandal siya sa isang panig ng kamada ng mga tela at pinapaypayan siya ng kanyang mga kasamahan.

“Sabi na sa iyong magpahinga ka na muna. Putlang-putla ka, e!”

Tinig iyon ni Kardo, alam niya, kahit hindi pa niya gaanong mabanaagan ang mukha nito. Hiigit na malinaw na nakikita niya ngayon ang hapis na mukha ni Marta at ng kanilang dalawang anak na lalaki, at ang nakatatakot na larawan ng mga alalahaning gumigiyagis sa kanyang katatagan.

“Kung kaya mo na ang katawan mo, umuwi ka na muna. Bukas ka na bumalik. Kami na ang bahalang magpaliwanag kay Mister Cruz.”

“H’wag, h’wag n’yong sasabihin sa kanya ito. Walang anuman ito. Nahilo lang ako.” Hindi siya nahilo lamang; alam niyang may kung anong

makapangyarihang lakas na sumasaklot sa kanyang dibdib tuwing siya’y mahahapo, at naisip niyang kapag dumating ang trak, hindi na niya kayang tagalan pa sa araw na iyon ang paghahakot sa mga balumbon ng tela. At kung makita siya ni Mr. Cruz? Maririnig na naman niya ang tinig na iyon: “Dito, hindi p’wede ang tamad! Konting bilis! Konting bilis!”

Ginagap niya ang impis na niyang dibdib, hinimas-himas niya iyon na parang ibig niyang maibalik ang tumakas na laman doon, at naidalangin niyang huwag sana munang dumating ang trak, huwag sana munang pumasoik sa bodegang iyon si Mr. Cruz, Minasdan niya ang kanyang mga bisig na parang itinatanong kung kaya pang pumigil at magbaba ng balumbon ng tela sa trak, at pilit na umiwas ang kanyang utak sa pagyakap sa katotohanang ipinaghuhumindig ng impis na niyang dibdib at ng nangangalog niyang mga tuhod.

Hindi niya malaman kung gaano katagal siyang namalagi sa pagkakasandal sa kamada ng tela hanggang sa madama niyang parang ganap nang tumakas ang matitigas na daliring sumakal sa kanyang kangina; waring tumakas na rin ang humihiwang init sa kanyang dibdib, ngunit sa kanyang utak, nakabilanggo pa rin ang kapeng walang gatas at matigas na pandesal kung umaga, ang lugaw, ang malamlam at malungkot na mga mata ni Marta, ang madilim na gabi sa pangit na mukha ng daangbakal.

Humagupit sa kanyang pandinig ang atungal ng dumarating na trak, lumakas ang atungal na iyon, sumiksik sa kanyang kamalayan, hanggang ligisin niyon at dikdikin ang kanyang utak, hanggang muling marahas na dumaluhong ang mga pangamba. Bigla, napatayo siya; tiningnan niya ang kanyang mga kasamahan

(7)

na patuloy sa pag-aayos ng mga balumbon ng telang dadagan sa tumututol nilang mga balikat.

“Karga bola! Karga bola!”

Nakatayo na sa bunganga ng bodega ang tsuper ng trak na iyon, at natambad sa kanya ang nakaabang na puwit ng trak sa di kalayuan sa bungangang iyon. “Maghintay ka! H’wag kang apurado!” Si Kardo ang sumigaw at nakita niyang nasa balikat na nito ang isang balumbon ng tela. Saglit itong tumigil sa tabi niya. “D’yan ka na lang muna hangga’t ‘ala ang demonyong si Mister Cruz.” Tiyak, naisip niya, darating si Mr. Cruz, sapagkat ugali na niyon na gumala-gala sa buong pabrika na parang hayiop na nag-aabang ng sinumang masisila. Lagi nang mahaba ang dila niyon, lagi nang nanlilisik ang medyo singkit na mga mata kapag nakakikita ng mga trabahador na walang ginagawa. Ilan na sa kanila ang isinumbong nito kay Mr. White na agad na itinaboy at pinalayas sa pabrikang iyon.

“Karga bola! Karga bola!”

Naisip niya, siya marahil ang sinisigawan ng tsuper na iyon. Baka akalain niyon na nagtatamad-tamaran lamang siya at isumbong siya kay Mr. Cruz. Nilapitan niya ang isang balumbon ng tela sa kamada; saglit niyang minasdan iyon at hindi nya naiwasan ang mangamba. Pilit niya iyong pinasan at muli niyang nadama ang pangangalog ng kanyang mga tuhod at waring pagsuko ng kanyang mga balikat.

Dinalangan niya ang kanyang paghakbang; parang ibubuwal siya ng bigat ng kanyang pasan at biglang humiwa na naman sa loob ng kanyang dibdib ang hindi mawaring init na iyon jna nagpapasikip sa kanyang paghinga at

bahagyang nagpapalabo sa kanyang paningin. Unti-unti, parang may matitigas na daliring sumasakal na naman sa kanya, at hinabol niya ang kanyang paghinga.

Tumindi ang pangangalog ng kanyang mga tuhod at, nang malapit na siya sa puwitan ng trak, bigla siyang nasungaba. Ngumudngod ang kanyang bibig sa lupa at nabitiwan niya ang balumbon ng telang kanyang pasan. Sa kanyang dibdib, nag-aalimpuyo ang init na iyon at napakagat siya sa maputik-putik na lupa. Naramdaman niyang may gumagapang na kung ano sa naputikan niyang labi. Dinilaan niya iyon at nang kanyang ibuga, nakita niya ang isang malaking uod na pakiwal-kiwal na gumagapang palayo sa kanya. Nang iangat niya ang kanyang tingin, tumambad sa kanya ang naglulumiyad na tiyan ni Mr. Cruz. Pinilit niyang tumayo, ngunit muli siyang nasungaba.

“Talagang mahina ka na, Fajardo. Talagang di mo na kayang magtrabaho.” Malinaw na malinaw sa kanyang pandinig ang sinabing iyon ni Mr. Cruz at parang matalim na itak iyong sumugat sa buo niyang katawan at kaluluwa. Nabanaagan niyang papalayoi ang mga paa ni Mr. Cruz at gumagapang, gumagapang na pilit niyang sinundan ang mga paang iyon.

“Hintay, Mister Cruz! Malakas pa ho ako! Malakas pa ho ako! Sabihin n’yo kay Mr. White, malakas pa ho ako!”

Iyon ang pilit na isinisigaw ng kanyang utak, at pilit siyang nagpatuloy sa paggapang.

(8)

Kapayapaan Sa Madaling-Araw

(Maikling Kuwento — sinulat noong 1961 at ayaw ilathala ng mga komersiyal na magasin dahil brutal daw at hindi makatao ngunit malimit nang nangyayari ngayon.)

KANGINA, nang nakaupo pa si Andong sa harap ng simbahan ng Quiapo at nakalahad ang kanyang mga kamay sa naglisaw na mga taong waring

nangalilito at hindi malaman ang patutunguhan, hindi niya naisip, kahit saglit, na lubhang nakahahabag ang kanyang kalagayan. Hindi dumalaw sa kanyang pang-unawa na sisimulan niya ang kinabukasan at marahil ang maraming-marami pang kinabukasang darating sa pagpapalimos sa pook ding iyon mulang umaga hanggang hapon.

Ngunit ngayong sibsib na at nagsisimula nang pumikit-dumilat ang neon lights sa mga gusali, at ang mga taong dati-rati’y huminto-lumakad sa mga bangketa, pumasok-lumabas sa mga restawran, sa mga tindahan, sa mga sinehan, ay nagmamadali nang umaagos patungo sa abangan ng mga sasakyan, saka iglap na lumatay sa diwa ni Andong ang katotohanang iyon; at bigla ang nadama niyang pagnanasa na ang gabi ay manatiling gabi magpakailanman at, kung maaari, ang kinabukasan ay huwag nang isilang.

Iniahon ni Andong sa kanang bulsa ng kanyang halos gula-gulanit nang pantalong maong ang mga baryang matagal din bago naipon doon; at wala siyang nadamang kasiyahan nang bilangin niya iyon, di tulad noon, di gaya kahapon, na kapag sumapit na ang gayong oras, ang kalansing ng mga baryang iyon ay nagdudulot sa kanya ng lakas at ng pananabik na makita agad ang magpipitong taong gulang na si Totong sa barungbarong na nakikipagsiksikan sa kapwa mga barungbarong na nangakalibing sa makalabas ng lungsod sa gilid ng kalawangin at malamig at mahabang-mahabang daangbakal na iyon.

Hindi niya malaman ngayon kung ano ang gagawin sa kanyang napagpalimusan. Dati-rati, inilalaan niya ang apat na piso sa kanilang hapunan at almusalan ni Totong kung hindi siya makahingi ng tira-tirahang pagkain ng mga

nagpapakabundat sa mga restawran. Ibinibili niya ng pansit ang dalawang piso sa maliit na restawran ng Intsik na malapit sa palengke ng Quiapo at pandesal naman ang piso sa panaderyang nasa gilid ng tulay. Naitatago pa niya ang natitirang piso kung nahahabag ang konduktor ng bus na sinasasakyan niya na

(9)

siya’y singilin pa. At ang labis sa kanyang napagpalimusan ay isasama niya sa mataas-taas na ring salansan ng mga barya sa loob ng munting baul na nasa pinakasulok ng kanyang barungbarong. Kung malaki-laki na ang halaga ng laman ng baul na iyon, nagtutungo siya sa Central Market at bumibili ng pinakamurang damit na itinitinda roon — para kay Totong, para kay Aling Petra na kalapit-barungbarong niya na tagapag-alaga ni Totong kung siya’y wala. Tinungo niya ang kaliwang sulok ng simbahan; at umupo roon, at isinandal ang butuhan na niyang katawan sa makapal, marusing at malamig na pader nito. Naisip niya, laging madilim ang gabi sa daangbakal; halos anag-ag na lamang ang sinag ng pag-asa. Tinatanglawan lamang iyon ng nag-indak-indak na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong. Parang nais niyang sa bakuran na ng simbahan magpahatinggabi, panoorin ang unti-unting paglugmok ng gabi — ang pagkikindatan ng mga neon lights sa mukha ng mga gusali, ang pagnipis ng magulong prusisyon ng mga sasakyan sa kahabaan ng Quezon Boulevard, at ang pagdalang ng mga nilikhang lamunin-iluwa ng mga bunganga ng

underpass. Mabuti pang doon na siya hamigin ng gabi, doon na siya bayaang matulog at makalimot at, kung maaari nga lamang, ang iluluwal na umaga ay huwag na niyang makita magpakailanman.

Lumalamig ang gabi, at sa kalangitan ang maiitim na ulap ay naghahabulan. Alam niyang maaaring biglang umulan, at alam din niyang masama siyang maulanan at malamigan. Mula noong sumuka siya ng dugo nang pasan-pasan niya sa palengke ng Paco ang isang malaking tablang kahon na puno ng

patatas, malimit na siyang dalahitin ng ubo na naging dahilan ng pagkumpis ng dati’y bilugan at malaman niyang dibdib, ng paghumpak ng kanyang pisngi, at pagiging buto’t balat ng kanyang mga braso, at siya’y hindi na

nakapagkargador. At marahil, dahil napaggugutom na si Tasya at hirap na hirap na sa paglalabada, at malimit pa silang mag-away, nilayasan siya nito isang gabi, iniwan ang noon ay mag-aanim na taong gulang lamang na si Totong. At magdadalawang buwan na, nabalitaan niya, mula sa isang kakilala, na ang kinakasama ngayon ni Tasya ay isang tsuper ng bus na nagyayao’t dito sa Maynila at Laguna.

MATAGAL na namalagi si Andong sa sulok na iyon ng simbahan, hanggang sa mapansin niyang ang sementadong bakuran nito ay inulila na ng mga paang kangina ay langkay-langkay na nagsalasalabat at nangagmamadali. Sinalat-salat niya ang mga baryang nasa bulsa ng kanyang pantalon. Malamig na malamig ang mga baryang iyon. Kasinglamig ng malapit nang pumanaw na gabi, kasinglamig ng pangungulila niya kay Tasya, at kasinglamig din ng pagdaralitang matagal nang nakayakap sa kanya. At naramdaman niyang nagiginaw ang kanyang kaluluwa, naghahanap ng timbulan, ng saglit na kaligayahan, at saglit na kapayapaan.

Humihiwa sa kanyang kamalayan ang katotohanan na mga ilang oras pa at madaling-araw na at, hindi niya maunawaan, tumitindi ang kanyang pagnanasang huwag nang makita ang umaga, at ang mga baryang nasa kanyang bulsa ay huwag nang sikatan ng araw na nasa bulsa pa rin niya. Ibig niya ngayong galugarin ang lungsod, lumakad nang lumakad, at mapadpad siya kahit saan. Ibig niyang matagpuan ang kapayapaan, kahit sa dilim ng

naghihingalong gabi, kahit sa tabi ng umaalingasaw na mga basurahan, kahit sa madidilim at makikipot at mababahong mga eskinita, o kahit sa nagbabanta nang mga patak ng ulan.

Madilim na madilim na sa kalangitan, at walang maaninaw si Andong ni isa mang bituin. Lumabas siya sa bakuran ng simbahan. Parang wala sa sariling tinumbok niya ang kalye Evangelista. Saglit siyang huminto sa panulukan, at inaninaw niya ang mga mukha ng dalawang batang lalaking magkasiping sa loob ng munting kariton. At naalaala niya si Totong. Kangina pa naghihintay si Totong… natutulog na marahil si Totong.

Ginaygay niya ang bangketa, at sa suluk-sulok, hindi iilang pagal na katawan ng mga bata at matanda ang inilugmok ng gabi sa pira-pirasong karton at

pinagtagni-tagning diyaryo. Lalong humihiwa sa kanyang kamalayan ang kahabag-habag niyang kalagayan. At, naisip niya, hindi na marahil magtatagal, igugupo siya ng kanyang karamdaman.

Bakit kinakailangan pa niyang mangarap nang mangarap? Masarap mangarap, ngunit mapait kung alam mong hindi na matutupad. Paano si Totong kung wala na siya?

(10)

At nang lumiko siya sa isang panulukan, isang binatilyo ang sumulpot sa dilim, lumapit sa kanya, at may inianas. At bigla ang pagbabangon ng damdaming sumuno sa kumpis nang dibdib ni Andong.

Bakit wala si Tasya?

At hindi niya maunawaan kung bakit sa kalagayan niyang iyon, nakuha pang sumuno ang damdaming iyon. Marahil, sapagkat siya’y may puso, may utak, may laman at buto at dugo. Huminto siya at inaninaw niya sa manipis na karimlan ang mukha ng binatilyo. Sinalat-salat niya ang mga baryang nasa kanyang bulsa at nang maisip niyang pinagpalimusan niya iyon, iglap na lumusob sa kanya ang di mawaring paghihimagsik.

“Magkano?”

Ngumisi ang binatilyo at itinaas ang kanang palad na nakatikom ang hinlalaki at nakaunat ang apat na daliri.

Iniahong lahat ni Andong sa bulsa ng kanyang pantalon ang mga baryang naroroon, dalawang ulit niyang dinaklot at iniabot sa binatilyo. Nagkislap-kislap ang mga baryang iyon nang bilangin ng binatilyo sa tama ng liwanag ng bombilya ng posteng malapit sa panulukan.

“Sobra ho ito,” sabi ng binatilyo. “Iyo na.” Paos ang tinig ni Andong.

Magkasunod na nilamon ng madilim at makipot na eskinita na nasa pagitan ng dalawang lumang aksesorya ang yayat na kabuuan ni Andong at ng binatilyo. Tinalunton nila ang nagpuputik na eskinitang iyon hanggang sa sumapit sila sa kalagitnaan. Huminto ang binatilyo, at huminto rin si Andong.

Sa manipis na karimlan, nabanaagan niya ang ilang babaing magkakatabing nakaupo sa bungad ng isang pinto ng aksesorya. Pumako ang tingin ng mga iyon sa kanya at naghagikhikan.

Bakit wala si Tasya? Ibig niyang makita, himasin ang mukha ni Tasya. Ibig niyang madama ang init ng katawan ni Tasya.

Itinuro niya ang babaing nasa gilid ng pinto. Tumayo ang babaing iyon. Payat iyon, mataas, manipis ang labi, singkit, pango. Sumunod siya nang pumasok ang babae sa aksesorya at, sa ulunan ng radyo-ponograpong hindi tumutugtog, nakapako sa dinding ang karatulang tisa na may pulang mga titik na GOD BLESS OUR HOME.

At dinalahit ng ubo si Andong nang lumabas siya sa silid na iyong marusing at marumi at may kakaibang alingasaw at nakakalatan ng lukut-lukot na tissue paper ang mahina nang suwelong tabla. At sumanib sa sunud-sunod na pag-ubo ni Andong ang matinis na halakhak ng mga babaing nasa bungad ng pinto ng aksesorya.

MALAMIG at madilim at malungkot ang daangbakal at, sa langit, ang bunton ng makakapal at maiitim na ulap ay bibitin-bitin na lamang sa kalawakan. Ang madaling-araw ay nailuwal na ng gabing nagdaan, ngunit madilim na madilim pa at waring hindi na daratal pa ang umaga.

Kumislot si Totong nang pumasok si Andong sa barungbarong. Ibig pa niyang lumakad nang lumakad hanggang sumisigid sa kanyang kaluluwa ang lamig ng pagdaralitang hindi niya matakasan, at isasama niya si Totong upang hanapin nila ang kapayapaan, kahit sa malalaki at masinsing patak ng ulan na ngayon ay naglagi-lagitik sa kalawanging bubong ng mga barungbarong.

“Totong,” paos ang tinig ni Andong.

Dumilat si Totong, kinusut-kusot ang mga mata, tumingin sa malamlam at waring namamaalam na ningas ng gasera.

“Totong,” lumuhod si Andong sa tabi ng anak at hinimas ang payat na kabuuan ni Totong.

(11)

“Me uwi kang pansit, ‘Tay?” Iginala ni Totong ang tingin sa kabuuan ng nagiginaw na barungbarong, lumungkot ang mukha nito nang mapansing walang nakapatong na supot sa mesitang yari sa pinagputul-putol na tabla. Nangilid ang luha ni Andong.

“Ba’t ‘ala kang uwing pansit ngayon, ‘Tay? Kahapon, saka noon pa, lagi kang me uwi. Ba’t ‘ala kang uwi ngayon, ha, ‘Tay?

“Bibili tayo.”

“Senga, ha, ‘Tay?” Namilog ang mga mata ni Totong. Tumango si Andong.

“Kelan?” Nangulimlim ang mukha ni Totong. “Ngayon.”

Napalundag si Totong.

“Saka pandesal, ha, ‘Tay! Saka ‘yong tulad nang uwi mo noong ‘sang gabi, ‘yon bang masarap, ‘yong me lamang keso!”

Hinawakan ni Andong ang kamay ni Totong. Inakay niya ito palabas ng

barungbarong. Sa labas, ang ulan ay patuloy sa malakas na pagbuhos. Ang mga barungbarong ay nagiginaw, nagsisiksikan, at waring hindi kayang bigyang-init ng nag-indak-indak na ningas ng mga gasera. Sa diwa ni Andong,

nagtutumining ang isang kapasiyahan.

Masarap mangarap, ngunit mapait kung alam mong hindi na matutupad. “Umuulan, ‘Tay. Maliligo tayo sa ulan, ‘Tay? Tuwang-tuwa si Totong. Dinalahit ng ubo si Andong paglabas nila ng barungbarong, sunud-sunod, mahahaba. Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ni Totong.

Nagsayaw-sayaw sa kanyang katawan ang malamig na malamig na patak ng ulan. Waring nananangis ang mga bubungang yero ng mga barungbarong, tumututol sa sunud-sunod, nagmamadaling mga patak ng hindi masawatang ulan. Uubu-ubo, pahapay-hapay na inakay ni Andong si Totong. Sumampa sila sa daangbakal. Lumuksu-lukso pa si Totong, nalalaru-laro ang masinsing mga patak ng ulan,. Tinalunton nila ang riles na iyong hindi alam ni Andong ang puno at dulo.

“Malayo pa, ‘Tay? Sa’n me tindang pansit, ha?” mayamaya’y tanong ni Totong. “Ma…malapit na, Totong.” Pamuling dinalahit ng ubo si Andong, at lalong humihiwa sa kanyang kamalayan ang kahabag-habag niyang kalagayan. Nagpatuloy sila sa paglakad. Lalong lumalakas ang ulan. Lalong tumitindi ang pagnanasa ni Andong na huwag nang makita ang umaga, at ang maraming-marami pang umagang darating.

Darating na ang kapaypaan… darating na iyon.

“Malayo pa ba, ha, ‘Tay?” pamuling tanong ni Totong. “Gutom na ‘ko, ‘Tay. Pansit, ha, saka ‘yong me palamang keso.”

Hindi sumagot si Andong. Naramdaman niya na waring hinahalukay ang kanyang dibdib, nagsisikip. Nangangati ang kanyang lalamunan. Muli siyang inubo, tuyot, sunud-sunod, mahahaba, at waring hindi na niya kayang magpatuloy sa paglakad. Napaupo siya sa riles, hawak-hawak pa rin niya ang kamay ni Totong at, kahit nanlalabo ang kanyang paningin, nababanaagan niya ang malungkot nang mukha ni Totong; nagtatanong ang mga mata nito, kukurap-kurap.

Yumayanig na ang riles, naramdaman ni Andong, at humigpit ang

pagkakahawak niya sa kamay ni Totong. Tumingin siya sa pinagmumulan ng dagundong ngunit madilim pa, kahit mag-uumaga na. Ang kalawakan ay lalong pinadidilim ng masinsin at malalaking patak ng ulan na waring galak na galak sa pagbuhos.

(12)

Sa malayo, ang dagundong ng tren ay papalapit, papalakas. Yumupyop na si Totong sa tabi ni Andong.

‘Tay, uwi na tayo! ‘Yoko na sa ulan. ‘Yoko na ng pansit,” parang maiiyak si Totong.

Rikitik…rikitik…rikitik…wooo… wooo! Papalapit iyon, papalakas, papabilis.

Dumapa si Andong sa riles ng tren. Patuloy siyang dinadalahit ng ubo. Naramdaman niyang nagwawala si Totong sa kanyang pagkakahawak. Rikitik…rikitik…rikitik…rikitik…woooo…woooo!

“‘Tay!”

Nilamon lamang ng malakas na malakas nang dagundong ng tren ang sigaw ni Totong. Nagdudumilat sa harapan ang dalawang ilaw ng rumaragasang tren.

(Isinalin sa wikang Ingles at inilathala sa TENGGARA-MALAYSIA at iniantolohiya nang malaon sa “Stories From Southeast Asia” bilang isa sa pinakamahuhusay na kuwento sa loob ng 30 taon sa naturang rehiyon, ayon kay Muhammad Haji Salleh, editor ng nasabing antolohiya.)

SI ANTO

(13)

Iyon ay isang panahong ang kaluluwa ko’y nilalagnat, nagdedeliryo’t nag-aapuhap ng mga bituin habang patuloy akong tinutugis ng karalitaang hindi ko matakasan. Naglalagablab na dambuhalang mga kalansay ang tingin ko noon sa mga gusali ng lungsod at nanlilisik ang mga neon lights; mga nitso ang mga bangketa, mga kabaong ang mga eskinita, naghuhumindig na kandila ang bawat poste, at prusisyon ng mga robot at plastik ang nasasalubong ko sa bawat panulukan at lansangan. Iyon ay isang panahong labis kong pinaghihimagsikan ang kawalanghiyaan ng buhay sa siyudad at ni hindi ko na makilala kung sino ang kaaway at kung sino ang kaibigan at, sa bawat gabi, sa aking pag-iisa sa inuupahan kong marumi’t makipot na kuwarto ng nakaluhod na entresuwelo sa gilid ng nangangalingasaw na estero, ang nakikita ko sa tagpi-tagping dingding ay isang matahimik na kapaligirang matagal ko nang pinangungulilahan, at patuloy akong kinakawayan ng mga punong niyog, binubulungan ng mga talahib, at inaawitan ng mga alon. Bitbit ang aking makinilya at isang maletang damit, naisipan kong magtungo, isang mahalumigmig na madaling-araw, sa isang liblib na lugar sa Batangas na hindi abot ng atungal ng mga tambutso at ng alimura ng kuwarta at ng tinatawag na makabagong sibilisasyon. Nakipanuluyan ako sa isang kamag-anak ng pamilya, sa isang karaniwang bahay na pawid sa tabing dagat na niyugan ang paligid. At nadama ko, sa gayon palang matapat na kapaligiran, sa piling ng mga karaniwang taong walang pagpapanggap, mahalimuyak maging ang karalitaan.

Doon ko nakilala si Anto, isang dapithapong umiinom kami ng tuba ng pinsan kong si Mando sa nakatiwangwang na bangka sa pasigan. Malagihay na ako nang mapansin ko ang isang matipunong binatilyong sunog ang balat sa araw na dumaong malapit sa amin. Parang walang anumang hinila niya ang kanyang bangka, iniahon sa tubig at sa loob ng pasan-pasan niyang lambat, nagkislut-kislot ang huli niyang mga isda na marami-rami rin sa tingin ko at baka umapaw sa isang timba kung isasalin.

“Ala’y marami ka yatang huli ngayon, Anto?” bati ng pinsan kong si Mando.

“Ala’y katamtaman lamang,” malumanay na sagot ni Anto sabay lapag ng lambat sa tabi namin. Kumuha ito ng ilang isda at inilagay sa loob ng inuupuan naming bangka. “Pamulutan man lamang ninyo.” Lumulundag-lundag pa ang mga isda.

“Uminom ka muna, ‘bigan,” alok ko at pinuno ko ng tuba ang tangan kong baso at akma ko iyong iaabot sa kanya.

Tinitigan ako ni Anto at napansin ko ang malalaking matang iyon na waring laging nagtatanong, nanunuri, na parang ibinagay sa medyo sarat niyang ilong at maluwang na bibig na nanatiling nakalapat.

“Pinsan ko ‘yan, Anto,” sabi ni Mando. “Si Manong Roger… nagbabakasyon dito.”

Saka lamang binawi ni Anto ang pagkakatitig sa akin. “Di ako bumabarik, Manong,” halos pabulong nitong sabi. “Sigarilyo,” muli kong alok.

“Ala’y di rin ako naninigarilyo, Manong.”

“Ala’y walang bisyo ‘yan kundi mangisda at magtanim,” pakli ni Mando.

Napatawa ako. Ni hindi man lamang ngumiti si Anto. Dinampot nito ang lambat, pinasan, sinulyapan kami, at nagpatuloy sa paglakad. Hindi ko siya naiwasang sundan ng tanaw hanggang sa ikubli siya ng makapal na niyugan sa di kalayuan.

“Doon lang nakatira si Anto sa kabila ng niyugan,” parang nahulaan ni Mando ang iniisip ko. “Ala’y nag-iisa na siya, Manong.”

(14)

Tumungga ako ng tuba at naglaro ang mga mata ko sa kalawakan ng dagat na mapayapang-mapayapa ngayon at parang isang dibdib na hindi humihinga. Nagulat pa ako nang kumislot sa loob ng bangka sa tabi ng paa ko ang isa sa mga isdang iniwan ni Anto.

“Ang mabuti pa, Manong,” sabi ni Mando, “ay iuuwi ko muna ang mga ‘yan, maiihaw at nang mapulutan na natin.”

Hindi ako umimik. Hindi ko maipaliwanag kung bakit, kangina, sa saglit na sandaling iyon, nang titigan ako ni Anto, parang may nakita akong kung anong kahiwagaan sa likod ng malalaking mga matang iyon at sa pagkakalapat ng maluwang na bibig na waring may gustong sabihin at isigaw.

Hindi ko namalayan ang pag-alis ni Mando at mapupulang latay na lamang ang sikat ng araw sa kalawakan nang magbalik ito. Nakabalot sa dahon ng saging ang inihaw na mga isda, mainit na mainit pa, mamangu-mango, at naisip kong sa probinsiya nga pala ay talagang sariwa ang mga isda, gayundin ang mga tao, di gaya sa siyudad na bilasa ang lahat pati na mga kaisipan at pangarap.

Manamis-namis ang mga isda at sana’y nakapagpasalamat man lamang ako kay Anto, naisaloob ko.

“Sabi mo’y nag-iisa na siya?” parang wala sa sariling bigla kong naitanong kay Mando.

“Sinong siya, Manong?” Napatigil sa paglagok ng tuba si Mando.

“Si Anto.”

“Ay, oo, Manong.”

“Ang mga magulang niya?”

Muling lumagok ng tuba si Mando. “Ay, Manong, masaklap ang nangyari sa pamilya nila. Ay, putang ina, talagang masaklap, Manong.” “Anong masaklap?” Nagsindi ako ng sigarilyo.

“Nakikita mo ga ang niyugang ‘yon?” at itinuro ni Mando ang karatig na niyugang dinaanan kangina ni Anto. “Dati, Manong, kanila ‘yon. Ala’y may kagandahan din ang bahay nila noon… doon,” at muling itinuro ni Mando ang niyugan na nakukumutan na ngayon ng manipis na karimlan.

“E, nasaan ngayon ang bahay?” Dumahak si Mando.

“Ala’y di giniba na ng bagong may-ari. Alam mo ga, Manong,” patuloy ni Mando, “nagisnan ko nang sa ama ni Anto ang niyugang iyon. Ano ga’t isang araw, mga sampung taon na siguro noon si Anto, may dumating dito na taga-bayan, nakakotse pa, at pinaaalis doon sina Anto. Kanya raw ang lupang ‘yon. Ala’y di nagalit si Ka Basilio, ‘yong ama ni Anto. Kumuha ng gulok. Ay, putang ina, Manong… kung hindi agad nakatakbo at nakasakay sa kotse ‘yong taga-bayan, malamang na naundayan ng taga ni Ka Basilio.”

“Pagkatapos?” Sinaid ko ang tubang laman ng aking baso.

“Ay ano pa ga?” patuloy ni Mando. “Ala’y di nagdemandahan. Natalo si Ka Basilio dahil wala raw titulo. Mga ilang araw, muling dumating dito ‘yong taga-bayan, may kasama pang mga pulis. Tinaningan sina Anto para umalis doon. Ay, Manong, nag-iiyak si Ka Benita, ‘yong ina ni Anto, at sa sama ng loob ay biglang inatake sa puso… namatay noon din. Ala’y pagkalibing naman ni Ka Benita,” muling lumagok ng tuba si Mando, “ay dumating isang araw ‘yong mga tauhan ng taga-bayan, may kasama na namang mga pulis, at gigibain na ‘yong bahay nina Anto. Ala’y di sa galit ni Ka Basilio ay binunot ang kanyang gulok. Ay, Manong, nanghabol ng taga. Bago siya nabaril ng

(15)

mga pulis ay dalawa ang napatay niya. ‘Yong isa, Manong, sana’y nakita mo,” parang nanghihinayang na patuloy ni Mando. “Ay, Manong, laslas ito!” sabay turo sa kanyang tiyan. “Inurakan nang inurakan… ala’y luwa ang bituka at ‘yong isa naman, ala’y muntik nang matanggal ang ulo. Di mapuknat-puknat ng mga pulis si Anto sa pagkakayakap sa bangkay ni Ka Basilio at hinimatay ‘yong kapatid niyang dalaga, si Juliana. Ay, Manong, ala’y magandang dalaga ‘yong si Juliana. Kursunada ko pa nga sana,” napabuntong-hininga si Mando.

Sinunud-sunod ko ang pag-inom. Parang wala nang lasa ang tuba. “E, si Juliana?”

“Ay, putang ina… masaklap din ang nangyari, Manong,” parang maiiyak si Mando. “Ano ga’t nanilbihan siya sa bayan, sa bahay ng isang mayaman, ‘yon gang magandang bahay malapit sa munisipyo. Ala’y isang araw natagpuan siyang nakabitin sa silid… nagbigti raw. Ay, putang ina, Manong, aywan ko ga… sabi’y ginahasa raw ng anak na binata noong kanyang amo. Mabuti na lang si Anto, kinupkop ni Ka Masyong… ‘yon gang inuuwian niya ngayon. Ay, Manong, talagang naguguluhan ako sa nangyari sa pamilyang ‘yan. Ala’y putang ina, ‘yan ga’y kalooban ng Diyos, Manong?”

Matagal akong napatitig sa kawalan. Hindi na manamis-namis ang isdang iniwan ni Anto. Hindi ko na makain.

Nang gabing iyon, nakapako sa aking balintataw ang malalaking mata ni Anto at kahit masakit ang aking ulo, kinuha ko ang aking makinilya at sa tulong ng aandap-andap na ningas ng gasera, nakasulat ako ng dalawang linya.

“Ikaw ang mga mata ng budhi ko…

“Ikaw ang bibig ng mga layunin ko.”

MULA noon, lagi ko nang inaabang-abangan ang pagdaong ng bangka ni Anto sa dalampasigan at tuwing daratnan niya ang pag-iinuman namin ni Mando sa nakatiwangwang na bangkang iyon, parang naging ugali na niya na bigyan kami ng ilang isda, at naging ugali ko naman ang magpasalamat. Manaka-naka, binibiro ko siya, sinasabi kong sa kanila na ako uuwi upang maging lubos na ang kanyang kagandahang-loob sa akin. Minsa’y tinudyo ko pa siyang baka siya tumandang binata kung pangingisda at pagtatanim ang lagi niyang inaatupag sapagkat, ayon kay Mando, hindi man lamang daw nanliligaw si Anto, hindi pinapansin at lalong hindi kinakausap ang mga kadalagahan sa lugar na iyon. Sa kabila ng mga pagbibiro kong iyon, kahit minsa’y hindi napatawa, ni ngumiti man lamang si Anto.

Isang hapon, nang magpunta sa bayan si Mando at maghatid ng mga gulay at niyog doon, uminom din ako, kahit nag-iisa, sa tabing dagat. Maagang dumaong si Anto sapagkat maalon ang dagat, waring may nagbabantang sigwa. Luminga-linga ito nang mapansing ako’y nag-iisa ngunit hindi siya nag-atubiling lumapit sa akin upang bigyan ako ng ilang isda.

“Huwag na lang, Anto,” tanggi ko. “Walang mag-iihaw niyan ngayon. Nasa bayan si Mando.”

Hindi umimik si Anto. Ibinalik nito sa lambat ang mga isdang ibibigay sa akin. Kumislut-kislot ang mga isda pagsayad sa lambat, waring tuwang-tuwa at hindi ko sila mapupulutan. Walang paalam na umalis si Anto at inisip kong baka ipinaghinanakit niya ang hindi ko pagtanggap sa ibinibigay niya.

Dumidilim ang kalawakan at nag-iipun-ipon ang maiitim na ulap. Ang utak ko’y unti-unti nang pinamamanhid ng tuba nang gulantangin ako, sa likuran ko, ng malumanay at malamig na tinig na iyon na waring sumasanib sa ihip ng hangin at hindi kayang lupigin ng ragasa ng mga alon.

(16)

“Nakakahiya sa iyo,” sabi ko. “Ikaw pa ang nag-ihaw ng mga iyan.”

Tinitigan lamang ako ni Anto at naupo ito sa gilid ng bangka, sumulyap sa karagatan at tumingala sa kalawakan.

“Ala’y uulan, Manong. Malakas na ulan ‘yan, Manong,” parang wala sa sariling sabi niya.

Kumurot ako ng isda. Tumatalab ang init sa mga daliri at dila ko.

“Masarap ka palang mag-ihaw, Anto.”

Tumingin siya sa akin na waring sinasalamin sa mga mata ko kung totoo sa loob ko ang sinabi ko, at napansin ko sa malalaking matang iyon ang bahagyang kasiyahan. Waring ngayon lamang siya nakarinig ng papuri, ng pagpapahalaga sa nagawa niya.

“Ala’y pagpasensiyahan mo na ‘yan, Manong. Iilan kasi ang huli ko kangina,” parang nahihiya ngunit masiglang sabi ni Anto.

“Aba… suwerte ko pa nga ito,” pakli ko. “Alam mo ba, Anto, sa Maynila, laging galunggong ang kinakain ko, saka tuyo o bilasang bangos kung minsan. Ang pulutan namin doon ay sipol… kung may kaunting pera ay inihaw na mabahong tuyong pusit na parang kuwero ng sapatos.”

Parang hindi makapaniwala si Anto sa kanyang narinig, lalo na sa isang gaya kong alam niyang galing sa balitang marangyang lungsod. Akma akong dudukot ng sigarilyo sa kaha ngunit wala na palang laman, at napansin niya iyon.

“Ala’y ako na ang bibili, Manong,” at tumayo ito sa pagkakaupo sa gilid ng bangka.

“Hindi na bale, Anto. Pagdating ni Mando galing sa bayan, tiyak na may uwi iyong sigarilyo.”

“Ay, gagabihin ‘yon, Manong, kapag inabot ng ulan. Ala’y wala ka nang mahihithit,” parang nag-aalaala niyang sabi.

“Nakakatiis nga akong di manigarilyo kahit ilang araw,” paliwanag ko. Alam kong malayo ang tindahan, mga kalahating kilometro siguro mula kina Mando at, isa pa, wala akong pera sa bulsa.

Hindi na nagpumilit si Anto. Muli itong tumingin sa kalawakan ng dagat na ngayo’y marahas, dumadagundong sa pagdamba ang naglalakihang alon. Makapal na makapal na ang maiitim na ulap, nagbabantang bumagsak anumang oras. Katunayan, umaambun-ambon na, ngunit hindi ko pa napangangalahati ang isang galong tubang iniwan sa akin kangina ni Mando bago ito nagpunta sa bayan pero iisa na ang inihaw na isda sa dahon ng saging.

“Ala’y ang mabuti pa, Manong, ay sa bahay ka na bumarik. Mababasa ka dito,” mungkahi ni Anto.

“Gusto ko ngang maligo sa ulan. Masarap uminom, Anto, sa ulanan. Ikaw kasi, ayaw mong tumikim man lamang. Masarap uminom, Anto, lalo na’t itinatanong mo sa sarili kung sino ka, kung ano ka, at kung para ano ka.” Tinatangay na ako ng aking utak dahil marahil sa impluwensiya ng tuba.

Matagal akong tinitigan ni Anto, waring inaarok ang ibig kong sabihin. Bigla, bumuhos ang ulan, masisinsin at malalaki ang mga patak, parang mga palasong ibininit mula sa kalawakan. Akala ko’y iiwan ako ni Anto, ngunit hindi ito tuminag sa pagkakaupo, nakamata sa akin habang sinasalinan ko ng tuba ang baso.

“Lumagok ka nang kaunti para di ka ginawin,” sabi ko sa kanya.

“Ala’y talagang hindi ako bumabarik, Manong.”

Halos alipin na ako ng bisa ng tuba at ni hindi ako giniginaw sa kabila ng patuloy at malakas na ulan. Namalayan ko na lamang, sa

(17)

gitna ng ulanan, sa saliw ng dagundong ng mga alon, sa harap ng basang-basa’t nakahalukipkip na si Anto, ikinukuwento ko sa kanya ang maraming bagay — ang kalupitan at kawalanghiyaan ng buhay sa lungsod, ang mga pagsasamantalang dinanas ko sa iba’t ibang trabahong pinasukan ko, ang mga pangyayaring nagbunsod sa akin upang talikuran ko ang kursong binuno ko sa loob ng limang taon sa isang pamantasan at ganap kong harapin ang pagsusulat ng mga katha, artikulo, komentaryo at mga tula. Naisalaysay ko marahil sa kanya ang lahat, maging ang pagkakatanggal ko bilang kagawad ng patnugutan ng isang pambansang magasin dahil natutuhan kong ipaglaban ang karapatan ng mga kapwa ko trabahador, hanggang sa malimit na ako’y napaggugutom.

“Alam mo, Anto,” natatandaan kong nasabi ko noon sa kanya, “di ka igagalang ng gutom, ng kahirapan sa siyudad, kundi ka marunong makibagay sa tugtog at kalakaran ng kaisipan at ng lipunan doon.”

Hindi ko alam kung gaano kami katagal noon ni Anto sa ulanan ngunit naalaala ko, matapos ang aking pagkukuwento, namumula ang malalaking mata ni Anto, kikisap-kisap.

Kinabukasan noon, sinisipon ako at nilalagnat, at nabalitaan iyon ni Anto. Agad siyang dumating sa bahay nina Mando, may dalang isang boteng gatas ng kambing para sa akin. At, buhat noon, hindi lamang kakilala ko si Anto — kaibigan ko na siya.

“Ala’y nagtataka ako sa iyo, Manong,” sabi minsan ni Mando. “Ala’y naging malapit na malapit sa iyo. Bihira ang kinakaibigan ni Anto dito. Ano ga’t parang mailap na manok-labuyo na napaamo mo.”

“Ako man ay nagtataka rin,” sabi ko.

Ngunit ang higit kong ipinagtataka, sa kabila ng mga araw ng pakikisalamuha niya sa amin ni Mando, lalo na’t kung ako’y malagihay at nagkukuwento ng mga kabalbalan at katatawanan, ni hindi man lamang tumatawa si Anto, ni hindi man lamang ngumingisi o

napapangiti. Laging mamata-mata lamang siya sa amin ni Mando,pinapanood ang aming pag-iinuman, matamang nakikinig sa aming usapan at kapag napansin niyang kailangan namin ang anumang bagay, halimbawa’y sigarilyo o inumin, agad siyang kikilos at parang tungkulin na niyang gampanan ang mga bagay na iyon. Kung hindi namin siya kausapin ay hindi siya kumikibo, maliban na lamang kung may iniaalok siya sa akin. At, ni minsan, hindi niya nabanggit ang mapait at malagim na nangyari sa kanilang pamilya na pinakaiwas-iwasan ko ring ungkatin sa kanya.

HALOS ISANG buwan na ako kina Mando, sa mapayapang lugar na iyon na paraiso ng mga punong niyog at kahalikan ng mga alon. At naramdaman kong parang ako’y bagong silang, nasalinan ng bagong lakas, ng bagong mumunting pangarap, ng bagong katatagang harapin ang anumang hamon ng buhay. Ang larawan ng iniwan kong lungsod ay malabo na, pira-piraso na lamang at tinangay na ng mga alon. At, isang araw, sa nakatiwangwang na bangkang iyon sa pasigan, sa harap ng isang galong tuba, sa harap nina Mando at Anto, nasabi ko: “Baka sa darating na Linggo’y magpaalam na ako sa inyo.”

Nangulimlim ang mukha ni Anto.

“Ala’y di ka naman namin pinaaalis, Manong,” sabi ni Mando. “O baka nalulungkot ka dito at hinahanap-hanap mo na ga ang buhay sa siyudad?”

“Hindi naman. Ang totoo nga, ayokong-ayoko nang manirahan sa Maynila. Uuwi na lang ako sa probinsiya ni Itay, sa bukid.”

Hindi na pinanood ni Anto ang pag-inom namin ni Mando. Malimit na nakatuon ang tingin nito sa kalawakan ng dagat, at parang walang sigla ito sa pag-iihaw ng pulutan. Mayamaya, nagpaalam si Anto, diumano’y may bibilhin sa tindahan. Matagal bago ito nagbalik, halos ubos na ang tubang iniinom namin ni Mando. May dalang isang kahang sigarilyo si Anto at iniabot sa akin.

(18)

“Ito’y para sa iyo, Manong,” mahinang-mahina ang kanyang tinig. Pagkaabot na pagkaabot ko ng bigay niyang sigarilyo, agad siyang tumalikod, lumakad patungo sa niyugang dinaraanan niya pauwi.

Dalawang araw na hindi ko siya nakita at naisip kong hindi siya nangisda dahil masamang-masama ang panahon, pabugsu-bugso ang hangin at gising ang mga alon sa karagatan. Ngunit kinasabaduhan, isang araw bago ako umuwi sa kinamulatan kong probinsiya, sa Kabite, maaga pa’y biglang sumipot si Anto sa bahay ng pinsan kong si Mando. Bitbit ni Anto, sa kaliwang kamay, ang isang galong tuba at pasan-pasan niya ang isang bagong kapapatay na kambing na hindi pa nababalatan. Sa may tarangkahan pa lamang ay sumisigaw na siya, at malamig ang kanyang tinig, parang may kinikimkim na kahiwagaang mahirap arukin.

“Manong Roger! Manong Roger!”

“Aba’y para ano ‘yan? Wala namang handaan dito,” bungad ko. “Ala’y bago ka man lang umalis bukas ay makatikim ka naman ng isa sa mga alaga ko.” Nagniningning ang kanyang malalaking mga mata. “Ikakaldereta namin ni Manong Mando. Mahusay akong magluto ng kaldereta, Manong.”

Nagpabili pa ng isang galong tuba si Mando. Magkakasarapan ang inuman, sabi niya, at isa pa, ayon sa kanya, kailangang isagad namin ang barikan sapagkat aalis na nga ako bukas. Abalang-abala naman si Anto sa pagkatay sa kambing, si Mando’y sa paghahanda ng mga rekado.

Sa harap ng dalawang galong tuba at umuusuk-usok at namamangong kaldereta, hindi ko malaman kung paano ko pasasalamatan ang isang taong halos ay paglingkuran ako sa hindi ko maisip na kadahilanan. Aywan ko kung sa mga araw na ikinalapit sa

akin ni Anto ay nasalamin niya sa mga mata ko ang aking malalim na pagkaunawa sa trahedya ng kanilang pamilya.

“Makagaganti rin ako ng utang na loob sa iyo, Anto, balang araw,” nasabi ko sa kanya.

Hindi siya umimik, sumulyap lamang sa akin, habang nginunguya niya ang isang pirasong kaldereta, ngunit napansin kong parang may malalim siyang iniisip, patingin-tingin siya sa dalampasigan at, kalimitan, ay matagal siyang napapatitig sa niyugang iyon na dating kanila sa di kalayuan.

Marami na akong nainom at tumatalab na sa utak ko ang tuba, at naisip kong maglakad-lakad sa baybay-dagat, suyurin ng tingin ang mapayapang kapaligirang iyon na mahal ko na ngunit iiwan ko bukas. Napansin kong sinundan ako ni Anto at nang malayu-layo na kami sa kinaroroonan ni Mando, umagapay siya sa akin.

“Manong, ako’y may ipakikiusap sa iyo,” parang nagmamakaawa ang tinig ni Anto.

Napatigil ako.

“Sa akin ay di mo na kailangang makiusap,” nakangiti kong sabi. “Ala’y talaga ga, Manong?” lalong lumaki ang malalaki nang mga mata ni Anto.

Tumango ako.

“Ako ga’y puwede mong isama bukas?” “Iyon lang pala, aba’y oo!”

(19)

Napatitig ako sa kanya. Tumungo siya.

“Ang ibig ko gang sabihin, Manong,” parang nabubulunan si Anto, “ay ala’y sa iyo na ako makikipanirahan.”

Napanganga ako.

KINABUKASAN, hindi pa naglalagos ang sikat ng araw sa niyugan, nasa may hagdanan na ng bahay nina Mando si Anto at bitbit ang isang bayong ng mga lumang damit. Ang suot niyang polong puti, bagaman malinis, ay halos puputok sa kanyang katawan. Bitin ang kupasin niyang pantalong maong at naka-sapatos na de goma siya, ngunit walang medyas. Gayunman, maayos na maayos ang mahabang buhok ni Anto, sadyang sinuklay, hinatian sa gilid, at nalahiran ng pomada. Bago kami tuluyang naglakad papunta sa kabayanan, pinilit ko muna siyang dumaan sa dati niyang tinutuluyan, kina Ka Masyong, upang sabi ko ay makapagbigay-galang man lamang ako sa matanda.

“Ala’y utoy,” sabi sa akin ni Ka Masyong, “ikaw na sana ang bahala sa batang iyan. Ala’y hindi ko ga maintindihan kung ano ang nakain niyan at hindi ko mapigil sa pag-alis. Ala’y hindi ko naman iyan kinagagalitan. Kung hindi iyan mawili sa iyo, utoy, ala’y ipinakikiusap kong ihatid mo man lamang dito.”

Nangingilid ang luha ni Ka Masyong nang iwan namin.

Napansin ko na matagal na tinitigan ni Anto ang makapal na niyugang iyon na dating kanila karatig ng niyugan ni Ka Masyong. Waring may saglit na balasik na dumalaw sa malalaking matang iyon na parang laging nagtatanong, nanunuri.

BUHAT NOON ay hindi ko kakilala lamang si Anto, hindi lamang kaibigan, kundi kapatid ko na. Ang totoo, ako’y talagang walang kapatid at, naisip ko, makatutulong din siya kay Itay sa paghahalaman, sa pagbubungkal ng kapirasong lupang iyon na minana pa namin kay Lolo.

Paggising na paggising ni Anto, isang oras makaraang tumilaok ang mga manok sa madaling-araw, nakaugalian na niyang linisin ang bakuran, walisin ang nangalaglag na mga tuyong dahon ng mangga, alisin ang anumang sukal. Pagkatapos, didiligin niya ang mga tanim na gulay ni Itay at, bago mag-almusalan, napakain na niya ang tatlo naming alagang baboy, gayundin ang mga manok. Ako’y kalimitang sa bahay lamang nagbubumabad sa harap ng aking makinilya, habang kasama ni Itay sa bukid si Anto. Manaka-naka, lumuluwas ako ng Maynila, nagbibigay ng mga katha o artikulo sa mga pasulatan at hindi iilang ulit na niyakag ko si Anto upang makarating man lamang ‘ka ko siya sa lungsod.

“Ala’y dito na lamang ako, Manong. Walang makakatulong si Itay,” lagi niyang idinadahilan sa buo, ngunit malamig na tinig na iyon.

Sa tingin ko, parang nawiwili at nasisiyahan na rin si Anto sa paninirahan sa amin; maganda naman ang pakikitungo sa kanya ni Itay, para na ring anak. Ngunit sa kabila niyon, hindi ko pa siya nakikitang tumawa ni ngumiti man lamang. Ang maluwang na bibig na iyon ay waring ganap nang inulila ng kahit bahagyang pagngisi.

“Masipag na bata ‘yang si Anto,” minsang nasabi sa akin ni Itay. “Pero di ba marunong tumawa ‘yan?”

“Napansin din ho pala ninyo,” nasabi ko.

“Talaga bang ganyan ‘yan?” parang hindi makapaniwala si Itay. Matapos kaming makapag-ani noon sa bukid at maibenta ni Itay ang ilang kabang palay, gayundin ang tatlong baboy na halos si Anto na ang

(20)

nagpalaki, bumili si Itay ng ilang damit para kay Anto saka dalawang daang sisiw upang diumano ay maging aliwan ni Anto sapagkat ni hindi man lamang nakikibarkada si Anto, ni ayaw manood ng sine sa kabayanan kung Linggo, at lalong hindi nga umiinom. Kung gabi, saglit itong makikinig ng radyo, mga awitan at tugtugan, at pagkatapos ay matutulog na.

Alagang-alaga ni Anto ang mga sisiw, halos ayaw na ayaw niyang gagapangan man lamang ng langgam ang kulungan o bahay ng mga iyon na mismong siya ang gumawa mula sa mga kawayang siya rin ang pumutol ngunit, isang umaga, halos kagigising ko lamang, narinig ko ang tinig ni Anto, hindi mahina, kundi malakas, hindi malamig, kundi galit.

“Ala’y putang ina!” noon ko rin lamang siya narinig magmura. “Ala’y papatayin ko ang mga dagang ‘yon!”

Mga limang sisiw marahil ang patay sa kulungan, kinagat ng mga daga. At, kinagabihan, hindi natulog si Anto. Dala-dala ang isang lente at pamalo, nakita kong nagtuloy siya sa kulungan ng mga sisiw, naupo sa madilim na sulok habang mahigpit na tangan ang isang malaki-laki rin namang piraso ng kahoy.

Nang magising ako kinaumagahan, ang bumungad sa akin ay si Anto, halos sagad hanggang tainga ang pagkakangisi, parang gustong tumawa, habang hawak sa buntot ang dalawang malalaking dagang muntik nang malasog ang katawan sa pagkakapalo.

“Ala’y, Manong, napatay ko ang mga putang ina!” sabi ni Anto. “Nakikita mo ga ang mga ito?” at bahagya pa niyang iwinasiwas ang mga patay na daga.

Napanganga ako.

Isang hapon naman, pagkagaling ni Anto sa bukid, pinabili ko siya ng hinebra sa tindahang malapit sa amin. Hindi ko maituluy-tuloy ang

sinusulat ko noon, parang tubig na ayaw umagos ang aking utak, parang may mga bakal na dumadagan sa aking dibdib. Ilang saglit lamang, humahangos na dumating si Anto, dala ang isang boteng hinebra, nakangisi na naman at maligayang-maligaya ang malalaking mga mata.

“Nabalitaan mo na ga, Manong?” agad niyang tanong sa akin. “Ang alin?”

“Ala’y, Manong,” halos lumitaw ang buong gilagid niya sa pagkakangisi, “ano pa ga? Ala’y namatay si Ka Berta… iyon gang usurera sa lugar natin. Binangungot daw at nakangiwi daw. Ay, Manong, kagat-kagat pa raw ang dila.”

Lalong hindi ko naituloy ang aking sinusulat. Uminom na lamang ako. At nang sabay-sabay kaming kumain ng hapunan nina Itay, maganang-magana si Anto sa pagsubo, malalaki’t sunud-sunod.

Matagal bago ako nakatulog nang gabing iyon. Naglalaro sa utak ko ang ngisi ni Anto.

Ang pangyayaring iyon ay naulit isang araw na galing ako sa Maynila matapos magdala ng isang katha sa isang diumano’y sikat na magasin. Sapagkat pinalad akong makasingil, bayad sa artikulo kong nalathala, naisipan kong ibili ng sapatos de goma at dalawang medyas si Anto upang, naisip ko, kung sakaling maisipan niyang mamasyal sa kabayanan, may maisuot naman siyang maayus-ayos dahil butas-butas na ang dati niyang sapatos at parang mahihirapang magkahusto sa malalaki niyang mga paa.

Agad akong sinalubong noon ni Anto, nakabungisngis siya, waring tumatawa pati mga mata.

“Pasalubong ko sa iyo, Anto.” Ngunit ni hindi man lamang niya pinansin ang iniaabot ko sa kanya.

Referensi

Dokumen terkait

Datapwa·t n Datapwa·t nang mapilitan ang mapilitan siyang magpa siyang magpalabuy-laboy  labuy-laboy  sa mga bayan-bayan, hindi na upang humanap ng isang sa mga

Tumutol dito si Lino sapagkat wala naman siyang balak na hanapan ng bodyguard ang anak ng Don ngunit ipinaliwanag ni Albino na dapat niya itong gawin upang hindi pagtangkaan ang

Kung susuriing maigi ang kathang ito, ito’y ginawa ni Rizal hindi para tuligsahin ang Espanya o ang Simbahan kung hindi ito ay ginawa niya bilang isang panggising

Hindi rin niya alam kung nakikipag- syota na ba sa kaniya si Doray o simpleng pinaglalakuan lang siya ng ‘tilapiya’ nito.Hindi nakatulog si Intoy sa gabing iyon nang sabihin ni Doray

Kaayusangitosapagkatangligidngpananalansangaydinapapipigilsapagtikom, hindi dahil sa hindi na ito pinapayagan, hindi dahil sa ito’y pinopolisiya, kung hindi, itinuturing na kasi itong

May pagkakataon na dapat sumangguni sa ibang tao para malaman kung ano ang dapat gawin.. Sa paulit-ulit na paliwanag ng babae, napahinuhod niya ang nanay ko na magtrabaho sa

May paglalahad din kami mula Bacolod City kung saan kanyang ibinahagi ang organic rice farming at iba pang kamada, nang negosyo ay umarangkada.. Nariyan din ang negosyong rice wine sa

Hindi si Fiona ang sinisisi niya sa pagkawala ni Jessica dahil kilala niya kung sino ang totoong kunsintidor, kung sino ang pinakamahina sa kanilang tatlo.. Nakatitig siya ngayon sa