• Tidak ada hasil yang ditemukan

Lagom at Konklusyon - De La Salle University

N/A
N/A
Protected

Academic year: 2023

Membagikan "Lagom at Konklusyon - De La Salle University"

Copied!
26
0
0

Teks penuh

(1)

168

Lagom at Konklusyon

Paglalagom

Ang pag-aaral sa kasaysayan ng mga hacienda sa Pilipinas ay nangangailangan ng malawak na pananaliksik upang maunawaan ang konteksto ng mga pangyayaring pumaloob sa mga ito. Ang mga hacienda na pag-aari ng mga ordeng relihiyoso ay nabuo mula sa mga estanciang ipinagkaloob sa mga Espanyol ng hari ng Espanya. Ang naitatag na mga hacienda sa Bulacan na Buenavista, Dampol, Malinta, San Marcos, Quingua, Buenavista, Dampol, Malinta, San Marcos, Quingua, Santa Clara, at Lolomboy ay pawang mga nagmula sa mga lupa na iginawad sa mga Espanyol na hindi kalaunan ay ibinenta o ibinigay bilang mga donasyon sa mga ordeng relihiyoso.1 Ang paraan ng pagkakatatag na ito ng mga hacienda ay taliwas sa nakasanayan nang kaisipan na ang mga hacienda ay nagmula lahat sa mga encomienda.

Kung susuriin ang mga tala, ang mga hacienda na naging pag-aari ng mga Dominikano sa lalawigan ng Bulacan ay nagsimula sa Bocaue, sa baryo ng Lolomboy.

Ang pagkakatatag ng Hacienda de Lolomboy noong 1642 ang naging simula ng paglawak ng mga lupang pag-aari ng orden sa lalawigan dahilan upang ito ang maging sentro ng hacienda sa paglipas ng mga taon ng paglawak nito. Ang pagkakabuo ng

1 Sa mga ordeng relihiyoso, tanging ang mga Agustino lamang ang nakatalaga sa Bulacan.

Napunta sa kanila ang mga Hacienda de Dampol, Hacienda de Tala, Hacienda de Malinta, Hacienda de Piedad, Hacienda de Guiguinto, Hacienda de Quingua, Hacienda de Sta. Isabel, Hacienda de Binagbag, Hacienda de Calumpit, at Hacienda de Barasoain. Escalante, The American Friar Lands Policy, 25-26.

(2)

169

Hacienda de Lolomboy ay maaaring iugat sa pagbibigay ng lupa bilang donasyon ni Maria Garcia.2 Naisakatuparan ang pagnanais ng mga Dominikano na magtatag ng isang hacienda sa Lolomboy nang magbigay ng bahagi ng lupa bilang donasyon si Maria Garcia sa mga Dominikano bilang bahagi ng kaniyang huling kahilingan bago pumanaw. Ang lupaing donasyon ni Maria Garcia ay mula naman sa mga iginawad na estancia kina Diego de Castro at Francisco Tello. Kung susuriin sa salaysay ni Fernandez, mga taong 1642 at 1647 nang magkaroon ng karagdagang hacienda ang mga Dominikano kung saan nakamit din ng orden mula kay Maria Garcia ang lupa at naidagdag ang Hacienda de Lolomboy sa kanilang mga hacienda.3 Ang kasaysayan ng pagkakatatag na ito ay pinatutunayan din naman ng mga ulat ni Juan de Ozaeta, ulat mula sa Philippine Commission, at ng mga dokumento na nakalap mula sa sinupan ng Unibersidad ng Santo Tomas. Ang mga naging bahagi ng Hacienda de Lolomboy ay lumawak mula sa mga donasyong lupa na matatagpuan sa ibang bahagi ng Bulacan. Isa sa mga bahagi ng hacienda na ibinigay sa mga Dominikano ay ang bahagi nito sa Pasolo, bahagi ng Polo, na may lawak na pitongpu’t siyam na hektarya. Ang bahagi ng hacienda ay naunang ibinigay sa Beaterio de Sta. Catalina mula kay Maria Pulido na naging pag-aaring mga Dominikano noong 1736. Ang mga bahagi ng Hacienda de Lolomboy sa Malanday at Lingahan na matatagpuan sa Polo ay nakamit sa

2 Folletos, “Sobre la haciendas de Calamba, Sta. Rosa, Lolomboy y otras: obras de riego y otras reformas; pleytos con los inquilinos, etc.” 1885, fs 1-2, Archivo de la Universidad de Santo Tomas, University of Santo Tomas, Manila. Tinukoy dito ang lupa na pag-aari ni Maria Garcia bilang isa

“estancia”.

3 Fernandez, Dominicos Donde Nace el Sol, 257.

(3)

170

pamamagitan ng donasyon ni Lucas Manzano de Ochoa. Ang mga lupang ito na may lawak na isang daan at apatnapu’t anim na hektarya ay may kaugnayan din sa mga bahagi ng lupa sa Pasolo at naibigay sa mga Dominikano sa parehong taon noong 1736.

Panghuli, noong hindi pa isang ganap na bayan ang Santa Maria ay bahagi ito ng Hacienda de Pandi na katuwang din naman ng Hacienda de Lolomboy. Sa katunayan, noong una ay tinawag na Hacienda de Lolomboy y Pandi ang hacienda na ito. At dahil dito ay naging malawak ang nasasakupan ng haciendang pinamamahalaan ng mga Dominikano na ang hangganan ay ang mga ilog ng San Jose, Santa Maria at Pandi.

Humiwalay lamang ang Pandi bilang isang bukod na hacienda noong 1699. Mula sa mga talang ito ay maisasalaysay na sadyang may pagtitiwala ang mga mamamayan sa kakayahang linangin at gamitin ng mga Dominikano ang mga lupang ito batay na rin sa ipinahayag ng orden na ang mga hacienda na kanilang pag-aari ay gagamitin upang pagmulan ng tulong pinansyal sa kanilang misyon sa loob at labas ng bansa.4

Bukod sa mga lupang donasyon ay naging bahagi rin ng Hacienda de Lolomboy ang ilang lupa sa Bulacan dahil sa pagbili sa mga ito. Isa sa mga bahagi ng Hacienda de Lolomboy na tinawag na “Toro o Turo” na binili ng mga Dominikano. Ang mga bahagi ng lupa sa Turo ay orihinal na pag-aari ni Maria de los Rios at kaniyang ipinamana sa kaniyang anak na si Ignacio Cavallo. Taong 1710 nang isinubasta ni Ignacio ang ipinamanang lupa sa kaniyang ina at ito ay nabili ni Padre Juan Matheos sa halagang isang libo’t limang daan at limang piso at naging bahagi ng Hacienda de Lolomboy.

4 Ibid, 491.

(4)

171

Ang ganitong paraan ay hindi naiiba sa iba pang mga hacienda kung saan lumawak dahil sa pagsasangla ng mga Pilipinong nais kumita ng pera. Samakatuwid, ang paglawak ng nasasakupan ng Hacienda de Lolomboy ay naisakatuparan sa pamamagitan ng tatlong paraan; donasyon, pagbili, at pagsangla.

Ang Hacienda de Lolomboy ay maaaaring itinuring na pinakamalaking hacienda na naitatag sa Bulacan ng mga ordeng relihiyoso sa pagdaan ng mga taon dahil sa patuloy nitong paglawak bago humiwalay ang Hacienda Sta. Maria de Pandi.5 Sa paglipas ng panahon, batay sa muling pagtukoy ng mga Amerikano sa nasasakupan ng Hacienda de Lolomboy ay matatagpuan ang mga hangganan ng Hacienda de Lolomboy sa mga bayan na nakapaligid mula sa casa hacienda. Sa timog ng hacienda ay matatagpuan ang bayan ng Marilao kung saan nagkaroon din ng mga lupa ang mga Dominikano sa mga barangay ng Prenza, Santa Rosa, Loma de Gato at Patubig. Sa silangan naman ng hacienda ay naging bahagi nito ang Turo, Santa Clara, at ilang bahagi ng Santa Maria. Mula naman sa bayan ng Polo ay ang Lingahan, Pasolo, at Malanday.

Sa ikalawang kabanata ng pagsasaliksik na ito ay naisalaysay at pinatunayan na ang produksyon at kinikita ng mga hacienda ay hindi lamang umiikot sa mga pananim nito tulad ng asukal at palay. Dahil hindi lahat ng bahagi ng isang hacienda ay patag, at

5 Kung pagbabatayan ang naging kabuuang sukat ng Hacienda de Lolomboy noong kasama pa rito ang Hacienda Santa Maria de Pandi hanggang 1699, umaabot ito sa 16,000 hektarya na maituturing na pinakamalaki na naitatag na hacienda sa Bulacan. (Nangangailangan ng mas malalim nap ag-aaral)

(5)

172

kung babalikan paglalarawan ng mga hacienda na ang mga ito ay may mga bahaging tinatawag na mga “estancia” kung saan inaalagaan ang mga hayop, ang mga ito ay naging bahagi rin ng produksyon ng isang hacienda. Itinampok sa pagsasaliksik na ito na mayroon ding mga hayop na ibinebenta mula sa Hacienda de Lolomboy tulad ng manok, kalabaw at mga baka. Ang mga bakang ito, tinawag na “becerros”, ay inaalagaan sa ibang bahagi ng hacienda na tinatawag na estancia at ang isa sa mga unang estancia ng Hacienda de Lolomboy ay ang bahagi nito sa Pandi. Mula sa mga becerros ay kumita rin ang hacienda at ang bawat kinikita nito mula sa nasabing hayop ay may mga nakalaang pinatutunguhan bilang suporta sa mga ito. Ilan sa mga pinatunguhan ng mga kita mula sa becerros ay ang simbahan kung saan ipinagdadasal si Maria Garcia, ospital ng San Gabriel, Sanctuaryo ng San Juan del Monte at isang bilangguan.6 Napag-alaman sa pamamagitan ng pagsasaliksik na ito na may mga pagkakataon na ang kinikita ng Hacienda de Lolomboy ay nakalaan sa ibang mga institusyon bukod sa misyon ng mga Dominikano na pangunahing layunin ng hacienda tulad ng kinikita mula sa mga becerros. Ang kita mula sa mga hayop, partikular na ang pinaglalaanan nito ay madalang na maisalaysay sa kasaysayan ng mga hacienda. Hindi katulad ng mga produktong itinatanim, ang suporta na nakukuha mula sa mga becerros ay ipinapadala na sa anyong pinansyal upang gamitin sa pagpapanatili at pagsasaayos ng mga istrukturang ginagamit ng mga Dominikano para sa mga serbisyo nito sa mamamayan. Ang mga serbisyo ng mga Dominikano na tinustusan ng kita mula sa

6 Mula ito sa pangkat ng mga dokumento na may pamagat na Becerros. Nauna nang nabanggit sa talababa bilang 136

(6)

173

hacienda ay ang bayad sa dasal at misa na inaalay kay Maria Garcia, mga katuwang na institusyon katulad ng ospital ng San Gabriel, isang sanktuwaryo sa San Juan del Monte at isang bilangguan.

Sa iba’t ibang mga taon ay maisasalyasay na hindi naging pare-pareho ang kinita ng Hacienda de Lolomboy. May mga pagkakataon na wala silang itinala na kabuuang kita mula sa mga ulat, at ang itinuturing na dahilan nito ay ang mababang produksyon at mababang kita na pumasok sa hacienda. Sa kadahilanan na ang mga produktong ito ay inaalagaan sa pamamagitan ng lupa ay mayroong mga salik na na nakaapekto sa pagpababa o pagtaas ng kita nito. Gaya ng pananalanta ng bagyo at mga insekto. Ang mga insekto tulad ng balang ay isa sa mga itinuturing na mapaminsalang insekto sa mga hacienda noon, at sa kasamaang palad ay madalas na pinipinsala ng uri ng insektong ito ang mga hacienda na matatagpuan sa Bulacan.7 Sa mga ganitong pagkakataon ay hindi maiiwasan na bumagsak ang produksyon at kita ng Hacienda de Lolomboy mula sa mga pananim. Sa kabutihang palad ay mayroon pang ibang pinanggagalingan ng kita ang Hacienda de Lolomboy at ito ay ang pagpapaupa sa mga Pilipino sa mga bahagi nito.

Bukod sa mga pananim at hayop, ang mga hacienda ay kumikita rin dahil sa pamamagitan ng pagpapaupa ng mga bahagi ng hacienda sa mga Pilipino ang Hacienda de Lolomboy. Ang pagrerenta ay may katumbas na halaga na kailangang bayaran ng mga Pilipino o mestiso na nais gamitin ang lupa sa pagtatanim upang magkaroon din ng hanapbuhay.

7 Ruiz, Provincia de Bulacan, 93.

(7)

174

Bukod sa tulong pinansyal para sa mga misyong ipinapadala ng ordeng Dominikano sa iba’t ibang bahagi ng Piliipinas at Asya ay naglalaan din sila ng pondo para sa gastusin sa pagpapatayo ng mga istruktura para lalong mapaunlad at mapabuti ang kalagayan ng Hacienda de Lolomboy. Ayon kay Escalante, ang mga casa hacienda ay nakagawian na ng mga ordeng relihiyoso na ipatayo sa tuwing may maitatag na hacienda at ito ay nanatiling matatag sa loob ng ilang dekada.8 Una sa mga ipinatayo sa Lolomboy ay ang “casa hacienda” ng mga Dominikano na nagsilbing sagisag ng pamamayagpag ng hacienda na kahit sa mga mapa noon ay isinasama ito at nagamit ng mga Dominikano sa iba’t ibang layunin. Ito ay nagsilbing bahay-bakasyunan ng mga ito kung nais nilang lumabas muna ng hindi kalayuan mula sa Maynila. Ikalawa, ang casa bilang ay naging isang bahay para sa mga tagapamahala ng hacienda. Ikatlo, ang casa hacienda ay imbakan ng mga inaning palay mula sa bahagi ng hacienda na malapit dito sapagkat mayroon itong kamalig. Sa pamamagitan ng casa hacienda ay naging maayos ang pag-ikot ng mga transaksyon sapagkat ito ang nagsilbing opisina kung saan nagbabayad ng buwis ang mga umuupa. Upang mapanatili ang magandang ani ng isang hacienda ay nangangailangan ito ng maayos na daluyan ng tubig para sa lupa at mga pananim. Ang mga ilog ng Bocaue at Marilao na nakapalibot sa Hacienda de Lolomboy ay nakatutulong sa irigasyon nito ngunit sa patuloy na paglawak ng nasasakupan ng hacienda ay kinailangan ng isang bunbon na magsusuplay ng tubig sa ibang bahagi ng hacienda. Ang bunbon upang suportahan ang patubig sa mga nasasakupan ng Hacienda de Lolomboy ay inumpisahang ipatayo ni Fray Gascon Mateo noong 1689 at natapos

8 Escalante, Friar Lands, 18.

(8)

175

noong 1775 sa bahagi ng ilog ng Marilao na kung tawagin ngayon ay Prenza.9 Naging kapaki-pakinabang ang bunbon sa Hacienda de Lolomboy dahil nagbigay ito ng patubig sa mga bahagi ng hacienda na matatagpuan sa bayan ng Marilao at Santa Maria kung saan malayo ang mga ito sa ilog.

Bunga ng kaunlaran ng Hacienda de Lolomboy sa paglipas ng mga taon, ay naging bahagi ito ng kasaysayan ng Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Una na rito ang paggamit sa hacienda ng mga magsasakang lumahok sa pag- aalsang agraryo noong 1745. Nabanggit sa ikalawang kabanata na sa panahon ng pag- aalsang nabanggit ay dito huling nagtipon ang mga magsasaka bago tuluyang mapahinto ni Calderon Enriquez ang nasabing pagkilos sa mismong bayan ng Bocaue. Ikalawa ay sa panahon ng pagsakop ng mga Ingles sa Maynila noong 1762 hanggang 1764 kung saan ginamit ni Simon de Anda ang hacienda upang magsuplay ng bigas sa mga sundalo habang pinamumunuan niya ang paglaban sa mga. Ikatlo at marahil ay ang pinakakilala, ay nang namalagi sa hacienda ang noo’y isang dayuhang seminarista na si San Andres Kim Taegon. Siya ay namalagi sa hacienda noong 1839 bilang isang seminarista kasama ang ibang mga pari mula sa Macau dahil na rin sa pagsiklab ng kaguluhan sa Tsina. Sa kasalukuyang panahon ay matatagpuan ang isang dambana na alay para kay San Andres Kim Taegon sa dating kinatatayuan din ng casa Hacienda de Lolomboy.10 Ikaapat ay

9 Ocio, Reseña Biografica, 193.

10 Si San Andres Kim Taegon ang itinuturing na pangalawang pintakasi ng Parokya ng Sto.

Cristo sa Lolomboy sa kasalukuyang panahon. Noong Mayo 22,1986 ay pinsinayaan ang bantayog ng

(9)

176

ang pananatili sa isa sa mga naging mataas na pinuno ng pamahalaang Espanyol sa Pilipinas na si Carlos Maria de la Torre upang maglibang noong 1870. Ikalima, ang malalim na kasaysayan ay nagpatuloy pa rin sa panahon ng himagsikan noong 1896 ng Hacienda de Lolomboy. Ang ilan sa mga magsasaka ng hacienda ay umanib sa himagiskan na naging dahilan din ng pag-iwan ng mga ordeng relihiyosong Dominikano na namamahala rito upang iligtas ang kanilang buhay mula sa mga Pilipinong nagnais na makamit ang mga lupang pinamamahalaan ng mga ordeng relihiyoso. Panghuli, ang asawa ni Hen. Emilio Aguinaldo, si Hilaria, ay ginamit ang hacienda noong 1899 bilang himpilan ng Servicio de la Cruz Roja, ilang buwan matapos sumiklab ang digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano.11 Ngunit bukod sa kaunlaran ng Hacienda de Lolomboy ay maaari ring tingnan ang lokasyon nito kung bakit napili ito ng mga nabanggit na katauhan na maging bahagi ng kanilang mga gawain. Kung susuriin ang lokasyon, ang Hacienda de Lolomboy ang pinakamalapit at pinakamadaling punatahan na hacienda na may kalawakan, may matibay na istruktura at maunlad na hacienda mula sa Maynila kung ihahambing sa ibang mga hacienda sa timog ng Maynila.

Sa pagdating ng mga bagong mananakop sa Pilipinas, ang mga Amerikano, ay kinailangan nila na mapaniwala ang mga Pilipino na malinis ang hangarin nila. Ngunit sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano ay nakita nila ang labis na

santo sa noo’y bahagi ng casa hacienda ng Lolomboy (ngayon ay dambanang alay kay San Andres Kim Taegon) ni Obispo Cirilo Almario ng Malolos at Stephen Cardinal Kim. Dionisio at Alcaraz, Bocaue:

Bocaui – Bocawe – Bukawe 1606, 49.

11 Dionisio at Alcaraz, Bocaue, 18-19.

(10)

177

kagustuhan ng mga Pilipino na maging malaya mula sa ano mang uri ng pang-aabuso na kanilang tiniis sa loob ng ilang daang taon sa ilalim ng mga Espanyol. Ang layunin ng mga Amerikano at ang maaaring kaharapin nilang problema mula sa mga Pilipino ay kanilang pinagsama at isa sa kanilang mga nakitang paraan ay ang pagtugon sa isyu ng mga hacienda na pag-aaring mga ordeng relihiyoso na tinawag na “Friar Lands”. Sa pamamagitan ng pagtugon sa isyu ng mga hacienda ay kailangan nilang balansehin ang hinaing ng mga Pilipino laban sa mga ordeng relihiyoso at hinaing ng mga ordeng relihiyoso laban sa mga Pilipinong tingin nila ay sumakop sa kanilang mga hacienda.12 Ang mga hakbang na isinagawa ng mga Amerikano para sa mga hacienda na pinamahalaan ng mga ordeng relihiyoso ay magbubunga ng isang batas na siyang magtatakda ng mga kailangang gawin sa mga hacienda, ito ang Batas 1120 o Friar Lands Act na ipinatupad noong 1904.

Dahil sa Friar Lands Act sa Hacienda de Lolomboy, nasukat muli ang Hacienda de Lolomboy. Sa pamamagitan ng hakbanging ito ay sinuri ng mga Amerikano ang mga mga sukat upang hindi tamang sukat ng pag-angkin ng lupa na isinasama sa mga hacienda upang ipakita sa mga Pilipino ang pagiging tapat nila sa layunin. Ang pagsusukat ay sinusubaybayan ng Bureau of Lands noong panahon ng mga Amerikano na siya ring pangunahing tanggapan ng opisina para sa mga lupa na tinawag na “Friar Lands”. Sa pamamagitan ng muling pagsusukat ng mga hacienda ay nabigyan din ng mga uri ang mga bahagi ng hacienda; may patubig, walang patubig, rural, urban, at

12 Escalante, Friar Lands, 74-79.

(11)

178

palaisdaan upang mas maging tiyak ang paglalarawan sa bahagi ng hacienda. Ang mga uri ng bahagi ng hacienda ay maaari namang upahan o bilhin ng mga Pilipinong may kakayahan sa mga itinalagang presyo.

Sa mga taon na sinusukat pa ang Hacienda de Lolomboy ay pinaupahan muna ito at hindi ibinenta upang hindi magkaroon ng problema sa tamang sukat kung sakaling may nais bumili ng mga bahagi nito. Ang mga lupang rural sa Hacienda de Lolomboy ay pinapaupahan sa halagang ₱0.20/metro kuwadrado at ₱0.10/ metro kuwadrado. Ang mga lupang may patubig naman ay pinapaupahan sa mga mas mataas na halagang

₱12.00/ hektarya, ₱10.00/ hektarya, at ₱8.00/ hektarya. Ang mga bahagi naman na walang patubig ay pinapaupahan ng mas mababa, mayroong ₱8.00/ hektarya, ₱6.00/

hektarya, ₱4.00/ hektarya, ₱2.00 / hektarya, at ₱1.00 / hektarya. Ang panghuling bahagi na mga palaisdaan naman pinapaupahan sa mga halagang ₱20.00 / hektarya at ₱10.00 / hektarya. 13 Kung mapapansin ay may iba’t ibang presyo pa rin sa bawat uri ng bahagi ng hacienda, ito ay sa kadahilanang bawat uri ay nahahati pa sa mga katangian at kakayahan na maging produktibo ang mga bahaging ito. Sa pagsisimula ng pagpapaupa ng mga bahagi ng Hacienda de Lolomboy ay unti-unting dumami ang mga Pilipinong umuupa rito bawat taon at ito ang ikalawang implikasyon ng pagpapatupad ng Batas Blg. 1120 sa Hacienda de Lolomboy. Ito ay magpapatunay ng pagtangkilik ng mga Pilipino sa sistema ng pag-upa sa mga lupa, ngunit ang katotohanan na ang mga may

13 Forbes, The Friar Land Inquiry, 175.

(12)

179

kakayahan sa pagbabayad ang siyang makakatamasa ay hindi maiaalis dahil na rin sa mga presyong itinalaga sa mga nais umupa ng lupa sa hacienda.

Ang ikatlo ay ang pag - iba ng pokus kung pag-uusapan ang produksyon at kita mula sa hacienda. Mula sa mga produkto na nagmula sa hacienda sa loob ng ilang siglo, ang kita ng hacienda sa pagkakataong ito ay ibinabatay naman sa mga ibinabayad na renta. Ang kita naman ng hacienda ay nagiging tulong para sa mga misyon at institusyon ng mga Dominikano. Sa ilalim ng Batas Blg.1120, kapag ang isang indibidwal ay umupa ng lupa sa hacienda, ang kaniyang kikitain mula sa paggamit ng mga bahagi nito ay hindi na napupunta sa kung sino ang namamahala ng hacienda bagkus mapupunta na sa mga Pilipino na siyang umuupa sa mga lupa. Ang bawat renta, pagbenta at bayad sa mga lupain ay napupunta sa pamahalaan. Ang pamamaraang ito ay hindi rin naiba sa paraan ng pagbabayad ng buwis noong panahon ng pagmamay -ari ang hacienda ng mga ordeng relihiyoso. Ngunit ang pagbibigay ng kaukulang resibo, kasunduan at titulo sa mga Pilipino ay isang paraan na nagpapakita ng mabuting bunga ng kanilang pagsisikap at pag-unlad dahil hindi katulad noong panahon ng mga Espanyol, ang kanilang pagsusumikap ay mas pinakikinabangan ng mga ordeng nagmamay-ari ng mga haciendas. Sa pagsasailalim ng hacienda sa Lolomboy sa Batas Blg. 1120, ang mga lupang bahagi ng hacienda ay unang inialok sa mga Pilipinong nagsasaka sa hacienda at kalaunan, kung nakapag desisyon na bibilhin, ay bibigyan ng karampatang halaga na dapat bayaran. Ito ay iba rin sa sistema ng mga ordeng relihiyoso na pinipili ang mga

(13)

180

inquilino na may kakayahang magbayad. Batay sa mga nakalap na listahan ng mga umupa sa mga bahagi ng Lolomboy noong mga taong 1902 pataas ay mapapansin ang mga apelyido na hanggang sa kasalukuyan ay kilalang pamilya mismo sa komunidad ng Lolomboy. Ang mga pamilyang Dela Cruz, Mendoza-Dela Cruz, Santiago, Villanueva, at Nicolas ay ilan sa mga pamilya na hanggang sa kasalukuyan ay matatagpuan din mismo sa barangay ng Lolomboy.14 Ang presensya ng mga pamilyang ito sa Lolomboy ay pagpapatuanay din na mula sa pag-upa sa mga lupang bahagi ng hacienda ay nagkaroon din sila ng pagkakataon na mula sa pag-upa ay bilhin ang mga lupain noong matapos na ang pagsusukat sa hacienda. Ang pananatili nila sa mga bahagi ng hacienda ang isa rin sa mga magiging dahilan ng unti-unting pagdami ng populasyon dito. Ang mga ito ay pagpapatunay na ang pagkakataon na ibinigay sa kanilang mga ninuno na umupa at bumili ng mga lupang bahagi ng hacienda ay pinanghawakan at ginamit na na pagkakataon upang gamitin ang mga ito bilang permanenteng lokasyon ng kanilang mga tahanan, ang ilan sa mga apelyido ring ito ay pangalan na ng mga kalye sa Lolomboy.

Sa pagtatapos ng pagsusukat ng Hacienda de Lolomboy noong 1910 ay naitala ng mga Amerikano ang kabuuang sukat na sakop ng hacienda na nasa apat na libong hektarya. Ito rin ang pagsisimula ng pagkakataon na ibenta ang mga bahagi nito. Ang mga Pilipino na matagal na naghintay na makamit ang mga lupang inagaw sa kanila ay

14 Sa kasalukuyan, ang mga pamilyang ito ay kilala sa mga gawaing panlipunan lalo na sa pulitika. Ilan sa mga pamilyang ito nagmula ang mga naging konsehal ng bayan at maging dating gobernadora ng Bulacan na sina Gng. Josie Mendoza – dela Cruz at G. Jonjon Mendoza. Sa katunayan, ang bahagi ng Dambana ni San Andres Kim Taegon ay pag-aari ng pamilya Mendoza. Ang mga pamilya rin na nabanggit sa teksto ay ang mga kilalang malalaking pamilya hindi lamang sa Lolomboy kung hindi sa Bocaue.

(14)

181

muli na nilang makakamit ngunit, maisasakatuparan lamang ito kung may sapat silang salapi. Ang pagbenta ng mga bahagi ng hacienda ay magdudulot muli ng mga pagbabago sa papel ng hacienda bukod sa aspekto ng kabuhayan. Ang unang naitalang bumili ng bahagi ng lupa sa Hacienda de Lolomboy noong 1910 na nagkakahalaga ng dalawampu’t dalawang libong puso ay nakapangalan sa ilalim ng arsobispo ng Maynila.

Muli, ang simbahan ay nagkaroon ng pagkakataon na bimili ng lupa, ngunit ito ay masusing binabantayan ng pamahalaan at hindi na rin mga ordeng relihiyoso ang namamahala sa mga simbahan noong panahong iyon. Ang bahagi ng Hacienda de Lolomboy na binili ng arsobispo ay ang dating casa hacienda na ipinatayo ng mga Dominikano at ang bakuran nito. Sa pagkakataong ito, binili ng simbahan ang bahagi ng Hacienda de Lolomboy hindi upang gamitin sa produksyon ng mga agrikultural na pananim, bagkus para sa isang proyekto katuwang ang lokal na pamahalaan ng Maynila at Bureau of Prisons.15 Unang implikasyon ng pagbenta ng mga bahagi ng hacienda ay naganap sa ilalim ni Arsobispo Jeremiah James Harty, at ang pagbabagong anyo ng Lolomboy, partikular na ang casa at kapaligiran nito bilang isang “escuela reformatoria”

para sa mga kabataang kalalakihan na nakagawa ng kasalanan sa lipunan ang naging bunga nito. Katuwang ang ilang mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan at mga kasapi ng isang komite na mamamahala sa Lolomboy, ang layunin ng arsobispo ay unti -unting naisakatuparan nang magbigay ng tulong pinansyal si Monsignor Ambrosio Agius ng halagang dalawang libong piso. Ang donasyon ng pilantropo ay ginamit upang ipaayos ang casa, bakuran at makapagpatayo ng isang bagong gusali na katabi ng lumang casa

15 Heiser, Bureau of Health, 38- 39.

(15)

182

hacienda. Sa pagkakataong ito, hindi lamang mga magsasaka ang naakit ng kagandahan, kalawakan, at kapayapaan ng mga bahagi ng Hacienda de Lolomboy. Sa paniniwala ng mga kasapi ng komite ng escuela reformatoriana ang kapaligiran ng Lolomboy ay magdudulot ng pag-asa sa mga kabataan ang naging dahilan ng kanilang pagsusumikap na maisakatuparan ang plano. Ang escuela reformatoriaay nagbukas noong 1912 at mananatili sa Lolomboy ng halos sampung taon. Sa loob ng sampung taon na ito ay nagkaroon ng humigit kumulang na kabataan ang inalagaan, nag-aral at nagkaroon ng bagong buhay sa Lolomboy. Ang pagtatayo ng isa pang gusali, nagsilbing dormitoryo ng mga kabataan, ay nagbigay din ng bagong anyo sa hacienda lalo na at wala itong kinalaman sa aspekto ng kabuhayan.

Ang reformatoria na itinayo sa Hacienda de Lolomboy noong 1911 at binuksan noong 1912 na sadyang nakatuon lamang para sa mga kabataang lalake. Nakilala rin itong “Boys’ Town” ay ang maituturing kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas sapagkat ang mga kabataang lalake ay bahagi lamang ng naunang reformatorio ng Hospicio de San Jose kasama ang bahay-ampunan nito bago nailipat sa Lolomboy.16

Sa pagkawala ng escuela reformatoria para sa mga kabataan sa Lolomboy ay naging isang ospital ito para sa mga mamamayang may suliranin sa kalagayan ng pag- iisip. Sa paglipas ng mga taon, para sa mga lokal na mamamayan na nakapalibot sa

16 Ibid.

(16)

183

Lolomboy, ang reformatorio ay ginamit na babala ng mga nakatatanda sa mga batang makukulit at matitigas ang ulo, na kung hindi magtitino ay ipapasok sa reformatorio.17

Sa pagsasara ng reformatoria sa Hacienda de Lolomboy ay nagbukas muli ito nang gawin itong isang asilo para sa mga may suliranin sa pag-iisip. Ang plano upang gamitin ang casa Hacienda de Lolomboy ay nagsimula pa noong 1904 ngunit naisakatuparan lamang makalipas ang humigit sampung taon. Ang paggamit sa naunang escuela reformatoria bilang tuluyan ng mga mamamayang may suliranin sa pag-iisip ay bunga na rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga ito sa paglipas ng mga taon sa Pilipinas. Sa ilalim ng pamahalaang lungsod ng Maynila ay itinalaga ang Lolomboy bilang katuwang na tahanan ng mga mamamayang may suliranin sa pag-iisip ng Ospital ng San Lazaro na pinamahalaan naman ng Bureau of Health. Mula sa mga dokumentong nakalap at sinuri ay napag-alaman na ang bahay-tuluyan sa Lolomboy ay may nakatalagang sariling doktor, tagapamahala, katiwala, at mga katuwang na empleyado upang mas maging epektibo ang serbisyong ibinibigay nito noong panahong iyon.

Bilang isang “City Insane Asylum”, ay tumanggap ng mga pasyente ang Lolomboy mula sa Maynila at iba pang mga probinsya. Bagamat ang prayoridad nito ay mga pasyenteng mula sa Maynila, tumanggap pa rin ito ng mga pasyente na mula sa ibang probinsya kung pahihintulutan ng doktor o ng tagapamahala ng bahay-tuluyan. Ang pananatili sa bahay-tuluyan na ito ay hindi libre sapagkat kinakailangan nilang magbayad ng ₱1.00 sa bawat araw ng pananatili. Ang mga ibinabayad ng mga pasyente

17 Ibid, 37.

(17)

184

ay bahagi rin pinagmumulan ng ipinapasweldo sa mga kawani nito, gayundin para sa pagpapanatiling maayos ng bahay-tuluyan. Mula sa mga talang ito ay maisasalaysay na ang Lolomboy ay muling naging bukas upang maging tuluyan ng mga Pilipinong may pangangailangan mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Ang pagkakatatag at kahalagahan ng asilo sa Lolomboy para sa mga pasyenteng may suliranin sa pag-iisip ay hindi lamang bahagi ng lokal na kasaysayan kung hindi pati na rin sa kasaysayan ng pagpapaunlad ng medisina at kalusugan sa Pilipinas. Bilang katuwang ng Ospital ng San Lazaro, Bureau of Health, at lokal na pamahalaan ng Maynila ay may sistema rin na ipinatupad sa bahay-tuluyan sa Lolomboy. Ilan sa mga ito ang bilang ng mga kawani, pagtanggap sa mga pasyente, at ang mga pang araw-araw na gawain ng mga pasyente. Bagamat hindi gaanong kalakihan, ang naging papel ng asilo para tugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan hinggil patuloy na pagtaas ng mga pasyente ay nakatulong sa programang pangkalusugan dahil hindi lamang iisa o dalawang pasyente ang namalagi rito kung hindi umabot din ng higit isang-daang pasyente. Dahil sa patuloy na pagtaas ng pasyente ay isang mas malaking ospital ang binuksan noong 1928 sa kalakhang Maynila. Sa pagbubukas ng ospital na ito ay magtatapos din ang papel ng Lolomboy bilang asilo sa paglipat ng mga pasyente mula rito patungong bagong ospital. Ang bahay-tuluyan para sa mga may suliranin sa pag- iisip ay ginamit din ng mga matatandang lokal sa lugar bilang babala sa mga batang

“makukulit” na kung hindi magtitino ay dadalhin sa lumang asilo.

(18)

185

Ang pagbebenta ng mga bahagi ng hacienda ay patuloy pa rin na ipinatupad at naging bukas sa sinuman na may kakayahan na magbayad sa iba pang bahagi ng nakagisnang Hacienda de Lolomboy. Ang pagpapaupa sa mga bahagi ng hacienda ay patuloy pa rin para sa mga nais magkaroon ng lupa ngunit walang kakayahan na bumili.

Ang patuloy na pagtaas ng bilang ng umupa at bumili ng lupa sa bahagi ng hacienda ay isa rin sa naging dahilan ng patuloy na pagdami ng populasyon nito. Ang patuloy na pagdami ng populasyon sa hacienda ay indikasyon din ng patuloy na mga gawaing agrikultural sa mga nasasakupan nito. Sa pagsapit ng mga taong 1927 at 1928 ay patuloy ang produksyon ng palay, mais at asukal mula sa hacienda na mula sa mga ani ng mga indibidwal na umupa at bumili ng bahagi ng hacienda.

Konklusyon

Ang papel ng Hacienda de Lolomboy sa lokal na kasaysayan ng Bulacan ay maaaring matagpuan sa pagtingin ng iba’t ibang mga manunulat. Ang salaysay mula sa mga batis pangkasaysayan ay nagtampok sa Hacienda de Lolomboy bilang isang natatanging haciendang naitatag sa Bocaue. Bilang bahagi ng lalawigan ng Bulacan, ang Hacienda de Lolomboy ay nababanggit bilang isang malawak na hacienda na pinagmulan ng produktong agrikultural sa lalawigan. Marahil ang pinakatampok na paglalarawan ng Hacienda de Lolomboy ay bilang isang sentro ng produksyon ng palay na matatagpuan sa lalawigan. Ang mga tala na may kaugnayan sa Hacienda de

(19)

186

Lolomboy ay nagsasalaysay ng hacienda bilang isang malawak na taniman, partikular na ang palay. Mula kina Aragon, Buzeta, Collantes, Huerta, Lallave, Marin, at Zuñiga hanggang sa mga kontemporaryong aklat tulad ng akda nina Dionisio, Escalante, German, at Roth ay inilarawan ang Hacienda de Lolomboy sa karaniwang katangian ng mga haciendang pag-aari ng mga ordeng relihiyoso. Ang tala ni Aragon tungkol sa Bocaue na naglarawan sa bayan na sagana sa taniman ng palay kung saan ang malaking bahagi o kalawakan ng lupang tinataniman ay nasasakupan ng Hacienda de Lolomboy ay isa sa mga halimbawa nito.18 Ang pagiging tanyag ng Hacienda de Lolomboy sa tanim nitong palay ay naisalaysay din sa panahon ng pagsakop ng mga Ingles sa Maynila. Dahil sa kasaganahan ng palay na inaani rito, sa hacienda galing ang suplay upang suportahan ang pangangailangan ng pagkain ng mga sundalong Espanyol na nakikipaglaban sa mga Ingles.19 Maging sa paglalarawan ng mga karatig-bayan ng Bocaue, tulad ng Marilao, ay itinampok ang Hacienda de Lolomboy bilang isang malawak na taniman ng palay.20 Ang bahagi ng Hacienda de Lolomboy sa produksyon ng palay sa kasaysayan ng Bulacan ay karagdagang tala ng lalawigan bilang isa sa mga sentro ng palayan sa Gitnang Luzon. Ito pa rin ang kontribusyon ng lalawigan ng

18 Aragon, Descripcion Geografica, 19.

19Lopez, History of the Frs. Dominicans, 397 – 400.

20 Buzeta, Diccionario Geografico, 306.

(20)

187

Bulacan sa Rehiyon III o Gitnang Luzon na “Bangan ng Bigas” (Rice Grannary) ng bansa.21

Upang mabigyang-diin ang kahalagahan ng kasaysayan ng Hacienda de Lolomboy sa bayan ng Bocaue at lalawigan ng Bulacan ay dapat isaalang-alang ang mga datos na hindi lamang umikot sa produksyon ng palay. Nararapat na tingnan ang pagsulat ng kasaysayan nito mula sa pagkakatatag, mga suliranin na kinaharap, hanggang sa mga pagabagong naganap dito sapagkat ang mga ito ay nakaapekto sa buhay ng mga mamamayan sa loob at labas ng hacienda. Ang mga akda nina Roth at Escalante ay nagbigay ng mga bagong detalye tungkol sa mga hacienda na hindi lamang umikot sa produksyon ngunit pati sa mga pangyayari na umikot sa mga hacienda sa Pilipinas.

Sa loob ng higit dalawang daang taon na pananatili ng Hacienda de Lolomboy ay nagkaroon dito ng mga pangyayari na maituturing na katangi-tangi upang mas mapatunayan nito ang kahalagahan sa lokal na kasaysayan. Ang Hacienda de Lolomboy ay maaaring itangi sa ibang mga hacienda sa Bulacan sa pamamagitan ng tatlong yugto ng panahon. Unang yugto ay ang pagkakatatag at paglawak ng hacienda. Ang lupa bilang donasyon sa mga ordeng relihiyoso ay napatunayan na sa pananaliksik na ito bilang simula ng pagkakatatag ng mga hacienda, hindi lamang sa Lolomboy kung hindi

21 Zorayda Tecson, “Cenral Luzon remains PH’s top Palay producer in Q1”, Philippine News Agency, June 6, 2022. (https://www.pna.gov.ph/articles/1175948) (Na-akses Hulyo, 2022)

(21)

188

pati na rin sa iba pang mga hacienda sa lalawigan ng Bulacan. Bago pa maitatag ang Hacienda de Lolomboy ay isa nang parokya ang Bocaue sa ilalim ng mga Pransiskano, samantalang ang ibang bayan naman sa Bulacan ay nasa ilalim ng mga Agustino na nagmay-ari rin ng mga hacienda sa lalawigan. Sa pagkakatatag ng Hacienda de Lolomboy noong 1642, sa pamamagitan ng donasyon ni Maria Garcia, ay naging bahagi ito ng kasaysayan bilang kauna-unahang hacienda ng mga Dominikano sa Bulacan habang ang ibang mga hacienda ay pag-aari ng Agustino. Sa pagkakatatag ng Hacienda de Lolomboy ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga Dominikano na palawakin pa ang kanilang pag-aaring lupa sa Bulacan at idineklarang bahagi ng Hacienda de Lolomboy (unang tinawag na Hacienda de Lolomboy y Pandi).22 Ang paglawak ng Hacienda de Lolomboy sa pamamagitan ng donasyon at pagbili ay umabot sa iba’t ibang bayan sa Bulacan. Kung pagsasama-samahin ang mga bahagi ng hacienda ay maituturing ito na naging pinakamalawak na hacienda sa Bulacan, may sukat na humigit-kumulang sa 16,000 na hektarya, bago humiwalay ang Hacienda Santa Maria de Pandi noong 1699.23 Ikalawang yugto ay ang panahon na pag-aari ito ng mga Dominikano. Sa kadahilanan na ang Hacienda de Lolomboy ang sentro ng mga hacienda na pag-aari ng mga Dominikano sa Bulacan ay nagpatayo rito ng isang casa. Ang casa hacienda sa Lolomboy ang simbolo ng matatag na pamamahala ng mga Dominikano sa kanilang

22 Nangyari ito sa kabila ng pagiging teritoryo ng misyon ng mga Pransiskano ang mga bayan ng Meycauayan, Bocaue, Polo (Lungsod ng Valenzuela), San Jose del Monte, Obando, Santa Maria, Marilao at sa mga Agustino ang Calumpit, Bulakan, Angat, Hagonoy, Quingua (Plaridel), Baliuag, Malolos, Paombong at Bigaa (Balagtas) ang mga bahagi ng Bulacan.

23 Sa paghiwalay ng Hacienda Santa Maria de Pandi mula sa Hacienda da Lolomboy ay lumiit ang sukat ng hacienda sa humigit-kumulang na 4,600 na hektarya.

(22)

189

mga hacienda sa Bulacan. Noong panahon ng pag-aalsang agraryo noong 1745 ay naghimpil sa Hacienda de Lolomboy ang mga magsasaka mula sa ibang lalawigan na bahagi ng pag-aalsa. Ngunit hindi lamang ito ang maituturing na mahalagang bahagi ng hacienda sa yugtong ito ng kasaysayan. Ang pag-aalsang agraryo ay nagsimula sa timog Katagalugan at ito ay nagtapos sa Gitnang Luzon, sa Hacienda de Lolomboy. Sa haciendang ito nagsimulang isuko ang armas ng mga nag-aalsa at nakipagkasundo kay Calderon Enriquez nag nagresulta sa pagtatapos ng pag-aalsa. Sa casa hacienda namalagi rin ang noo’y seminaristang si San Andres Kim Taegon noong 1837-1839.

Bilang pagkilala sa santo ang dating kinaroroonan ng casa hacienda ay ginawang dambana alay sa nasabing santo sa kasalukuyan. Panghuli sa yugtong ito ay ang Hacienda de Lolomboy ay ang natatanging hacienda na naitatag sa bayan ng Bocaue. Isa sa mga kaibahan ng Hacienda de Lolomboy sa ibang haciendang pag-aari ng mga Dominikano ay hindi nagtatag ng sariling parokya ang mga Dominikano sa Bocaue.

Ang pamamahala ng mga gawaing panrelihiyon ay nanatili sa ilalim ng mga Pransiskano.24 Ang Hacienda de Lolomboy ay nanatili sa papel nito bilang isa sa

24 Ang parokya ng Bocaue ay itinatag, sa ilalim ng pamimintuho kay San Martin Obispo ng Tours, noong Nobyembre 12, 1606 nang humiwalay ito sa parokya ng Meycauayan at pinamunuan ni Fray Pedro de los Santos . Taong 1604 hanggang 1649, nakapagtayo na ng isang simbahang bato at bahay na yari sa kahoy ang parokya. Nasa parokya rin ang pamimintuho sa Banal na Krus ng Wawa. Ang Krus ng Wawa ay pinaniniwalaang natagpuan ng mga mangingisda na nakalutang sa bukana ng ilog ng Bocaue na tinatawag na “Wawang Capiz” (pinagmulan ng pangalan ng krus) noong unang linggo ng Hulyo taong 1850. Ayon sa isang kuwentong-bayan, sa kadahilanan na ang krus ay natagpuan sa bukana ng ilog ng Bocaue, bahagi rin ng ilog ng Meycuayan, ang mga mamamayan ay nagkaroon ng pagtatalo kung kanino dapat mapunta ang krus. Upang matapos na ang pagtatalo, hinayaan ng mga mamamayan na

magpalutang-lutang ang krus sa ilog at kung saang direksyon ito pumunta ay sila ang magmamay-ari ng kru. Sa direksyon ng ilog ng Bocaue napadpad ang krus. Isa pang kuwentong-bayan ay ang pagkakatagpo umano ng krus sa bahagi ng Barrio Bambang ng isang bantay ng palaisdaan, at dito ay ipinagtayo nila ang krus ng isang kapilya. Ang malalim na debosyon ng mga taga-Bocaue sa Krus ng Wawa ay nagsimula nang nagpamalas umano ito ng himala sa mga mamamayan. Ang debosyong ito ang naging simula ng

(23)

190

nagtutustos sa gastusin ng mga misyonerong Dominikano sa loob at labas ng bansa.

Ang ikatlong yugto ay ang panahon ng mga Amerikano kung saan napasailalim sa Friar Lands Act ang Hacienda de Lolomboy. Ang pagsailalim ng Hacienda de Lolomboy sa Friar Lands Act ay nagbigay-daan naman sa pagkakatatag ng Escuela Reformatoria sa Lolomboy, ang kauna-unahang reformatoria para sa mga kabataang lalake sa kasaysayan ng Pilipinas at pagkatapos ay naging asilo para sa mga mamamayang may suliranin sa pag-iisip. Ang mga itinampok na kasaysayan na may kinalaman sa Hacienda de Lolomboy ay nagbigay sa hacienda ng kaibahan at hindi naganap sa kasaysayan sa iba pang mga hacienda sa Bulacan. Mula sa mga tampok na ito ay maitatanghal ang naging mahalagang papel ng Hacienda de Lolomboy sa kasaysayan, hind lamang sa bayan ng Bocaue kung hindi sa buong lalawigan.

Ang Bocaue, bilang isa sa mga naunang naitatag na parokya mula sa Meycauayan ang isa sa mga itinatampok na kasaysayan ng Bocaue. Ang lokal na kasaysayan ng Bocaue ay madalas na nagsasalaysay ng mga gawain ng mga mamamayan dito na may kaugnayan sa relihiyon, ang pagkakatatag ng parokya at ang Pista ng Krus sa Wawa. Ang pananaliksik na ito ay nagbigay ng isang pagsilip at pagsusuri sa lokal na kasaysayan na hindi umikot sa relihiyon, bagkus mula sa isang hacienda na nagkaroon ng epekto sa buhay ng mga mamamayan. Ang Hacienda de

paglipat ng krus sa simbahan ng San Martin ng Tours noong 1851. Ang paggunita sa pagkakatagpo ng krus sa pamamagitan ng pagligid nito sa ilog ng Bocaue ay nagsimula pa noong unang dekada ng 1900s bilang pasasalamat ng mga mamamayan at unti-unting tinangkilik at kinagiliwan hindi lamang ng mga taga-Bocaue. Dionisio at Alcaraz, Bocaue: Bocaui-Bocawe-Bukawe 1606, 29-30, 141-151.

(24)

191

Lolomboy ay bahagi ng kasaysayang lokal ng Bocaue sapagkat mula sa pagkakatatag nito ay maisasalaysay ang kasaganahan at pagiging angkop ng lupa sa malawakang pagtatanim. Ang kahalagahan nito ay makikita rin sa ipinatayong istruktura na nagbigay ng dagdag na ani ng hacienda, ang bunbon sa Prenza. Ang kabuhayan na inihain ng Hacienda de Lolomboy sa mga mamamayan dahil sa lawak ng taniman ay pinatunayan ng pagtaas ng bilang ng mga umupa at bumili ng mga bahagi nito sa kabila na ang Hacienda de Lolomboy ay walang irigasyon. Ang pagsasailalim ng Hacienda de Lolomboy sa Friar Lands Act ay nagbunga naman ng unti-unting pagdating ng mga mamamayan sa labas ng Bocaue dahil sa pagpapaupa, pagbenta, pagiging reformatoria at asilo ng mga bahagi ng Hacienda de Lolomboy. Ang pagdagsa ng mamamayan sa noo’y matatag na hacienda ang simula ng pagtaas ng populasyon nito.

Sa paglipas ng panahon, tila ang tanging naaalala na lamang ng mga mamamayan tungkol sa Lolomboy ay ang reformatoria at asilo na naitatag sa dating casa hacienda. Ito ay mapapansin sa nakasanayang panakot sa mga makukulit na bata na kung hindi sila magpapakabait ay ipadadala at ikukulong sila sa Lolomboy. Ang mga alaala ng Hacienda de Lolomboy sa kasalukuyang panahon ay unti-unting natabunan ng mga gusali na unti-unting ipinatayo sa mga bahagi ng dating hacienda. Wala ng bakas ng noo’y malawak na taniman na siyang pagkakakilanlan ng hacienda. Ang dating casa hacienda ay wala na rin na siyang simbolo ng katatagan nito. Ang kasaysayan ng Hacienda de Lolomboy ay mababasa na lamang sa mga maiikling sanaysay o hindi kaya

(25)

192

ay kung mamamasyal sa dambana na inialay para kay San Andres Kim Taegon na dating kinatatayuan ng casa hacienda.

Ang Bocaue ay isang matandang bayan. Mula sa sapagkakatatag nito noong 1606 ay maraming mga kaganapan, kasiyahan man o kalungkutan, ang tumatak na sa mga mamamayan nito. Mula sa Hacienda de Lolomboy ay may mga salaysay na tiyak na maipagmamalaki ng bayan ng Bocaue. Ang pagiging katangi-tangi nito sa ibang mga hacienda sa Bulacan. Mula sa pagkakatatag nito, ginampanan nito sa mga panahon ng pagtugon ng mga Pilipino sa pagtatanggol ng kanilang mga karapatan hanggang sa paghahain ng mga serbisyo at kabuhayan sa mamamayan ng Hacienda de Lolomboy ay ilan lamang sa mga maaaring itampok sa kasaysayan. Ang mga pangyayaring ito ay hindi lamang tumutukoy sa Hacienda de Lolomboy sapagkat ang mga mamamayan mismo ang siyang kumilos sa hacienda, at ang mamamayan ay napakahalagang elemento ng bayan.

Ipinapanukala ng pag-aaral na ito bilang kontribusyon sa pag-aaral ng kasaysayang lokal na balikan at lagyan ng panandang pangkasaysayan ang mga bakas ng dating hacienda sa mga pangalan ng mga lugar sa dating sakop ng Hacienda de Lolomboy gaya ng mga barangay ng Turo sa Bocaue. Mga barangay ng Prenza, Loma de Gato, at Santa Rosa sa Marilao. Sa bayan naman ng Santa Maria ay ang mga barangay ng Patubig, Kamanyanan, Manggahan at Mahabang Parang. Ang pangalan ng

(26)

193

mga barangay na ito ay maaaring hango sa naging bahagi nito sa Hacienda de Lolomboy. Kaugnay pa nito, ilan sa mga nabanggit na barangay ay kabilang sa mga barangay na dinadaluyan ng tubig mula sa bunbon ng Prenza na ipinatayo upang bigyan ng irigasyon ang mga bahagi ng Hacienda de Lolomboy.25

Sa pamamagitan ng pagbalik sa mga naiwang tanda ng dating Hacienda de Lolomboy, maigigiit ang isa sa pinakamakulay ngunit masalimuot na yugto ng lokal na kasaysayan ng Bocaue, ng lalawigan ng Bulacan at kahit na nga ng pambansang kasaysayan.

25 Historical Data Papers, The History of Lolomboy, National Library of the Philippines,14.

(https://nlpdl.nlp.gov.ph/HD01/p10/m4/b7/lgujpg.htm)

Referensi

Dokumen terkait

6th International Conference on Agro-Industry November 5, 2019 to Novermber 7, 2019 The university, in partnership with Gadjah Mada University and De La Salle University, will be

He should possess the ability to lead and effectively manage De La Salle Araneta University to develop into a world class university and to promote the Lasallian Mission without

Mary's College of Meycauayan The Education University of Hong Kong Trinity University of Asia Tugatog National High School Universidade de Brasília/FAV, Brazil Universitas

De La Salle Araneta University Pioneer in Agricultural Sciences and Veterinary Medicine Integrated School SY 2021 – 2022 You can access the revised academic calendar through

De La Salle Araneta University Pioneer in Agricultural Sciences and Veterinary Medicine Integrated School SY 2021 – 2022 PICTORIAL PACKAGE AND SCHEDULE FOR THE COMPLETION/

De La Salle Araneta University Pioneer in Agricultural Sciences and Veterinary Medicine Integrated School SY 2022 – 2023 GUIDELINES AND SCHEDULE FOR IS HOMEROOM CHRISTMAS PARTY

Rachel Roxas College of Computer Studies De La Salle University – Manila 2401 Taft Avenue, Manila, Philippines 1004 [email protected] All rights reserved.. No part of this

Since some of the earliest studies of leadership in the Philippines relate it to the achievement of goals de Borja, 1970, Yap-Diangco, 1970, Alphonsus, 1972, Nagtalon, 1972, Ledesma,