• Tidak ada hasil yang ditemukan

Ang Prostitusyon

N/A
N/A
Protected

Academic year: 2021

Membagikan "Ang Prostitusyon"

Copied!
17
0
0

Teks penuh

(1)

ANG PAMPUBLIKONG BABAE, BUGAW, AT BAGAMUNDO: PAGSILIP SA MGA KASO NG PROSTITUSYON SA MAYNILA

HALAW SA PHILIPPINE REPORTS, 1901-1935

Ma. Rita Lourdes A. Alfaro Panimula

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng lunsod ng Maynila sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa pagdaan ng mga taon, ang bawat sulok ng lunsod na ito ay naging saksi sa kaganapan, tagpo, at tauhan na bumubuo ng ating kasaysayan at kalinangan. Sa siklong pagdating at pag-alis ng mga mananakop, nakita ang Maynila bilang sentro ng pamumuno, pamahalaan, militarisasyon, at komersyo. Subalit, sa pagyabong nito, sabay ring yumabong ang isang komersyo ilang dantaon man ang nakalipas, at ito ay ang prostitusyon.

Ang Prostitusyon sa Paningin ng Simbahan at Estado

Sinasabing kasingtanda na ng kabihasnan ang prostitusyon at ito na marahil ang pinakalumang propesyon sa kasaysayan ng tao. Ang prostitute ay babaeng nagbebenta ng aliw, tinaguriang temporary wife o pansamantalang asawa, nagbebenta ng panandaliang pag-ibig, tinaguriang mujer publica o pampublikong babae, o kalapating mababa ang lipad. Sa panahon ng pananakop ng mga kolonisador na Español, sila ay mujer publica, prostituta, ramera, vagamunda, at indocumentada. Sa pagdating naman ng mga mananakop na Amerikano sila ay naging hooker, call-girl, o di kaya ay

street-walker. Ngunit sadyang limitado ang ganitong pantukoy sa isang prostitute.

Ayon sa 1884 Codigo Penal de Espana at 1887 Codigo Penal de Filipinas ang Prostitute ay isang babaeng nagbebenta ng serbisyong kahalayan o kamunduhan kapalit ng salapi o kita. Kung sa gayon, mas akmang tingnan

(2)

ang mga sumusunod na puntos upang matukoy ang isang prostitute: kung mayroong multiplicity of partners; kung propesyon nga bang matatawag ang aktibidad kung saan regular na ibinibigay ang serbisyong may kapalit na kabayaran at ito ang pecuniary aspect; at kinakailangan ding may notoriety ang pagsasagawa ng aktibidad na ito, kung saan isinasagawa ito kahit pa labag sa batas (Bullough at Bullough, 1964, 57).

Sa kabilang banda, paano ba tinitingnan ng Simbahan ang prostitusyon? Malinaw sa batas ng Simbahan na ito ay mabigat na krimeng lumalabag sa batas ng Diyos. Sa mata ng Simbahan ang moralidad ng isang tao ay kasingkahulugan ng kanyang kalinisang sekswal. Kung kaya, ang taong immoral ay nangangahulugang isang makasalanan at kriminal sa pananaw ng Simbahan at ng Diyos at pinapatawan ng kaparusahang ex communicacion. Ngunit paano naman tinitingnan ng estado at batas nito ang prostitusyon? May tatlong sistemang legal na pagtingin sa prostitusyon, at ito ay ang sistemang prohibitionist, sistemang tolerationist, at sistemang legalized

prostitution( D’Cunha, 1992, 34). Ang sistemang prohibitionist ay kung saan

tinitingnan ng estado ang aktibidad na ito bilang isang krimeng lumalabag sa pampublikong kaayusan (crime against public order). Samantala, may ilang jurisdiction na tinitingnan ito bilang isang krimeng lumalabag sa moralidad ng lipunan (crime against morals). Mahigpit na ipinagbabawal ng estado ang pagsasagawa ng propesyong ito at sinuman ang mahuling lumabag ay may karampatang hatol at parusa. Ang isa pang pananaw ay ang sistemang tolerationist, kung saan pinapayagan lamang ang pagsasagawa ng aktibidad na ito ngunit nasasaklawan ng pagpapatupad ng police power. Ang police power ay ang kapangyarihan ng isang estado na mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa kanyang nasasakupan sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga alituntunin na kinakailangang sundin ng sinumang nagbabalak at nagsasagawa ng ganitong aktibidad. Ang huling pagtingin ay ang sistemang legalized prostitution kung saan tinitingnan ng isang estado ang aktibidad na ito hindi bilang krimen , bagkus, ay isang propesyon o pangkaraniwang komersyal na gawain.

Samakatuwid, sa kasaysayan ng Maynila, mula panahon ng pananakop ng Espanol hanggang sa pananakop ng Amerikano, ipinagbabawal at

(3)

nireregula ng sistemang prohibitionist at sistemang tolerationist ang prostitusyon upang mapangalagaan ang kumbensyunal na moralidad ng lipunan at upang iwasan ang pagkalat ng sakit ng laman (venereal diseases). Hindi kailanman itinuring na legal ang prostitusyon sa Maynila, at sa Pilipinas, bilang pangkalahatan. Sapagkat, para sa paningin ng dalawang mananakop, ang prostitusyon ay isang kaguluhang pampubliko (public nuisance) na dapat lipulin.

Ang Prostitusyon sa Kasaysayan

Datapwat hindi natin mapipigilang itanong kung katutubo o likas nga ba ang prostitusyon sa kasaysayang Pilipino? Nagkakasundo ang mga batikang historyador na sina Ma. Luisa Camagay (1995), Luis Dery (2001), at Greg Bankoff (1996), bilang pagkilala sa pag-aaral ni William Henry Scott (1994), na walang ebidensyang makapagtuturo na mayroon nang prostitusyon bilang isang komersyal at pormal na institusyon sa sinauna o prehistorikong Pilipinas na kauri ng prostitusyon sa kanluraning mundo. Ito ay patukoy sa pormalidad at establisadong institusyon ng prostitusyon at pagbebenta ng laman sa Roma at Gresya. Ang dahilan, ayon sa mga eksperto, ay sapagkat ang relasyon ng pinuno sa kanyang nasasakupan, datu at sakop, ay binibigkis ng kamag-anakan (kinship) at pakikipagkapwa (mutual respect). Bukod pa rito, egalitaryan o pantay ang pagtingin sa papel at katayuan ng mga babae at lalake sa lipunan ng sinaunang Pilipino. Mayroong pantay na pagtatangi sa babae at lalake at kabaligtaran ito ng makakanluraning pananaw na kung saan ang babae ay tinitingnan bilang mababa, mahina at depektibo kung ihahambing sa kalalakihan. Kung sa gayon, ang prostitusyon ay isang konseptong makakanluranin at hindi likas sa sinaunang kasaysayang Pilipino. Subalit dahilan sa pagkolonisa ng mga banyaga sa Pilipinas, naipakilala ito sa Maynila at magbuhat noon, nagkaroon na ito ng malalim at malaking ugat sa kultura at kasaysayan.

Inagaw ng mga Amerikano ang pananakop sa Maynila mula sa mga Espanol sa bisa ng Treaty of Paris. Bahagyang namayagpag ang

(4)

rebolusyonaryong Republika ng Pilipinas ngunit napaimbabawan ito ng pananakop ng Amerika. Sa pagtatalaga ng Taft Commission, tinangka ng Amerika na magtaguyod ng sistemang legal at magtatag ng mga hukuman sa pambayan at panlalawigang lebel (McKinley, 1900). Isinagawa ito ng may pagkilala sa mga istrukturang nakatayo na buhat pa sa mahabang panahon ng pananakop ng mga Espanol na may ganap nang pundasyon sa lipunan. Subalit kalakip ng pagdating na ito ng mga Amerikanong mananakop ay isa pang uri ng okupasyon. Kaakibat nito ang pangalawang okupasyon ng Maynila, at ito ay inilunsad ng mga pampublikong babae na nagbuhat pa sa iba’t ibang daungan ng daigdig. Pinagbuklod ng digmaan ang sari-saring babaeng nagbebenta ng kamunduhan na pinagkasya ang kanilang mga sarili sa masikip at mataong lunsod ng Maynila. Nabigla ang kasaysayan sa pagdagsa ng tinaguriang cosmopolitan harlotry (Kramer, 2006, 370). Ito ang pangalawang pagsakop sa Maynila ng panahong ito, ang pagsakop at pagdagsa ng mga pampublikong babae. Dahil sa paglusob na ito, naging ganap ang kalakalan ng laman sa Maynila. Hindi ito magiging kataka-taka sapagkat ang Maynila ang siyang naging sentro ng pananakop at ang naging pusod ng kolonisasyon. Dahil sa Maynila na rin nakainstala ang mga puwestong militar kung kaya namutakti ang mga bahay-aliwan sa periperal ng Maynila. Tanyag ang mga lugar na Calle Gardenia, Calle Balic-Balic, at Calle Iris sa buong distrito ng Sampaloc (US vs Balmori, 1911); Azcarraga, Calle Ilang-Ilang sa Binondo (US vs Choa Chi co, 1904); Elcano, Tutuban at Meisic, bilang lugar-aliwan at red-light district. Kapansin-pansin din na ang mga lugar kung saan matatagpuan ang mga pampublikong babae ay nagngangalang mga bulaklak. Noon pa man, dinudumog na ng mga tao ang mga lugar na ito. Maaaring sa ngayon ay sikat ang mga lugar na ito sa komersyo, ngunit higit sa isandaang taon na ang nakakaraan, ang komersyo ng katawan ang namayani rito.

Sa panahon ng pananakop ng Espana, ay kanila nang tinangkang lipulin ang prostitusyon sa Pilipinas. Kakatwang isipin na sa kanilang pagdadala ng makakanluraning konsepto ng prostitusyon sa Pilipinas, kanila ring binuo ang matayog at nakakatakot na multong sila naman ang may gawa. Sa simula ay matindi nitong ipinagbawal ang kalakalan ng laman ngunit sa huling mga taon ng kanilang panunungkulan, sa kuko ng nanalasang sakit na sipilis, tinangka ng pamahalaang Espanol na isailalim sa mga regulasyon at

(5)

ordinansa ang pagsasagawa ng prostitusyon. Ito ay upang pigilan at kontrolin ang napakabilis at nakamamatay na pagkalat ng sakit sanhi ng kamunduhan. Datapwat, sa una ay naging prohibitionist ang Espana ngunit naging tolerationist na sa bandang huli. Ito marahil ay bilang pagtanggap at resignasyon na rin na hindi kayang puksain ng Simbahan at relihiyon lamang ang gawaing ito. Marahil ay taliwas nga sa mga turo ng Kristyanismo at Katolisismo ang prostitusyon ngunit hindi maitatangging mayroon itong social

function na ginampanan sa kasaysayan. Isa itong necessary evil at naging

kaakibat na ng digmaan, pananakop, at militarisasyon.

Ang ganitong pananaw ay ipinagpatuloy ng panunungkulang Amerikano. Sa kanilang pagdating, tumambad sa kanilang paningin ang mayabong at kalat na pagsasagawa ng prostitusyon. Ang naging tugon ng pamahalaang Amerikano ay ang magpatupad ng mga reglamento ukol sa prostitusyon. Nagsagawa ng isang malawakang sistema ng pagsisisyasat o surveillance, inspeksyon, at kontrol ang pamahalaan. Bilang hakbang sa pagkuha ng sensus ng mga prostitute at para matuklasan kung ilan ang maysakit dito, isinailalim sa malawakang walang bayad na medical check-up ang mga pampublikong babae. Ang Calle de Iris sa Maynila na datihang sentrong gamutan at bakunahan ay naging opisina ng pag-iinspeksyon ng mga prostitute (Kramer, 2006,373). Ang bawat prostitute ay binibigyan ng katibayan na siya ay sumailalim sa isang medical check-up, subalit ang pagsasagawa nito ay hakbang lamang upang hadlangan ang masamang epekto ng prostitusyon at hindi kailanman bilang pagkilala or paglelegalisa ng prostitusyon (Dery 2001, 149). Ang makakapasa sa pagsusuring medikal ay nangangahulugang ang babae ay walang sakit sa laman, partikular na ang sipilis o gonoreya at karampatang bibigyan ng lisensya. Kinailangan ang mga ganitong hakbangin upang hindi maubos ang mga Amerikanong sundalo at mamatay sa sakit na sipilis. Gayundin, “pinahintulutan”ang pagtatayo ng mga

bar at night club kung ito ay susunod sa ilang alituntunin. Ngunit sa likod ng

mga establisyementong ito ay nagkukubli ang bahay ng prostitusyon. Bilang pangkalahatan, ilegal at immoral pa rin ang mga bahay-aliwan at babaeng nagbebenta ng aliw. Ngunit, kubli man ito o isang bukas na lihim, hindi maitatangging marami rin sa mga nakapangyayaring Tsino, Espanol, o Amerikano, ang mismong nagpapatakbong mga bahay-aliwan sa Maynila. Ang

(6)

relasyon ng sundalo at prostitute ay nakaangkla at nakabaon sa konsepto ng pangangailangang pangkatawan (physical necessity). Pikit-mata ang mga awtoridad sa pag-iral ng komersyo ng katawan. Sa papel ay bawal ang komersyong ito, ngunit sa realidad ay pinapayagan.

Ang komposisyon ng mga pampublikong babae na ito ay hindi pawang Pilipino. Ayon nga sa isang ulat estadistikal noong Nobyembre 1901, ang mga pasyente ng isang ward sa Ospital ng San Lazaro na katangi-tanging para sa paggagamot ng mga pasyenteng may sakit sa laman ay: isang Espanol, isang Hungarian, dalawang Australiana, dalawang Italiana, dalawang Europeo, labindalawang Ruso, at labing-apat na Amerikano (Kramer, 2006, 370). Gayunpaman, sa pangkalahatan, ang karamihan pa rin sa mga pampublikong babe ay nagmula sa mga karatig-lalawigan ng Maynila. Mula sila sa mga pamilyang sadyang limitado ang oportunidad upang umangat mula sa dahop na kanilang nararanasan sa mga lalawigan. Tandaan na ang pinansyal na klima sa panahong ito na katatapos pa lang sa ilang digmaan ay sadyang madilim at kalunos-lunos. Ang mga babeng ito ay tumutugon lamang sa kanilang buktot na imahen ng pangako ng kasaganaan ng Maynila o sa madaling salita ay tumutugon lamang sa tawag ng kumakalam na sikmura.

Sa Kuko ng Krimen:

Mga Kaso ng Prostitusyon sa Maynila halaw sa Philippine Reports, 1901-1935

Sapagkat hindi naman tuluyang napawalang –bisa ang karamihan sa mga batas at sistemang pinairal ng España sa Pilipinas, ipinagpatuloy lamang ang mga ito sa panunungkulang Amerikano. Ngunit, mas nagkaroon ng sistema ang pangangasiwa ng katarungan (administration of justice) sa ilalim ng bagong panunungkulan. Patuloy nitong nilitis ang mga inapelang kaso na taglay ng nag-uumapaw na mga court docket ng hukuman. Taglay ang mga

(7)

kasangkapang legal ng Amerika, napabilis ang paglilitis at paghahatol kung ihahambing sa nagdaang pamunuan. Ito ay sapagkat ang markadong katangian ng sistemang pangkatarungan ng España ay ang kabagalan ng pag-andar ng gulong ng katarungan. Ang patakarang pambatas (legal

procedure) ng panunungkulang Español sa Pilipinas ay batbat ng opisyal na

prokrastinasyon (Bankoff, 1996, 287). Mistulang imbudo ang mga munisipal na lebel na pangangasiwa ng katarungan at doon ay naiipit ang mga kasong dapat ay hinahatulan, kung kaya ang siyang nagiging epekto ay nabibinbin ang mga kaso sa korte nang walang hatol. Ilan sa mga ito ay napaglipasan na ng panahon.

Malinaw sa Codigo Penal de Filipinas at Penal Code of the Philippines na ang katawagang prostitute ay eksklusibong taguri sa kababaihan, at ang taguring vagamundo o bagamundo ay para sa kalalakihan lamang. Kung kaya, sa madaming pagkakataon, magkaiba ang paghahatol at pagpaparusa sa mga kriminal na ito bagamat magkahawig lamang ang kanilang pagkakasala sa batas. Para sa babaeng prostitute, pinarurusahan ang kanyang pangangalakal ng katawan kapalit ng salapi, habang para naman sa lalakeng bagamundo, pinarurusahan ang kanyang pagsasagawa ng malaswang aktibidad (lewd conduct). Gayunpaman, hindi lamang pampublikong babae, ngunit maging ang bugaw at maging ang parokyano ay hindi nakaliligtas sa mata at kamay ng batas.

Ang mga kaso ng prostitusyon at bagansya ay paunang nililitis sa munisipal na lebel at inihaharap sa Court of First Instance ng Maynila. Ang pag-apela sa mga first-level court ay maaaring makarating hanggang sa Kataastaasang Hukuman para sa last resort. Para naman sa kaso ng mga dayuhan (alien) na kumakaharap ng deportasyon, pinamumunuan ito ng Insular Collector of Customs na siyang tagapangasiwa sa mga pumapasok at lumalabas sa mga daungan ng Maynila at kasama na rito ang pagkontrol sa mga banyagang pumapasok at lumalabas ng bansa. Gayundin, ang pag-apela mula sa kanilang hatol ay maaaring iakyat hanggang sa Kataastaasang Hukuman.

(8)

Sa kaso ng United States vs. Choa Chi Co, taong 1903, hinatulan ng paglabag sa krimeng prostitusyon sina Lucia Alcantara, Placida Flores, Juana Villara, at Patricia Yanda. Nadakip sila mula sa isang bahay-aliwan sa Blg. 94 Calle Ilang-Ilang sa Binondo. Ayon sa datos ng kaso, nadakip ang mga babaeng ito sa loob ng bahay-aliwan sa pamamagitan ng isang raid. Doon ay natagpuan silang kasama ang mga lalakeng kasabay nilang nadakip na nagsasagawa ng iba’t ibang kahalayan. Ang namamahala, tinaguriang amo at ama ng bahay-aliwang ito, ay kinilala bilang sina Lucia Alcantara, isang datihan at tanyag na pampublikong babae sa Calamba at Tsinong si Ny Chin. Dahil sa paglabag sa batas, sina Flores, Villara, at Yanda ay binigyan ng kaparusahang pagkakabilanggo sa loob ng anim na buwan. Habang si Alcantara naman, dahilan sa siya ay isa nang recidivist, ay hinatulan ng isang taong pagkakabilanggo with hard labor . Walang makapagsasabi kung ano ang hard labor na itinuturing sa hatol na ito. Deportasyon naman ang kinaharap nina Tan Kim, Lao Hian at Sia Pag na pawang mga dalagang Tsino na pumasok bilang mga legal alien sa daungan ng Pilipinas. Ang kaso nina Tan Kim at Lao Hian ay magkawangis at magkadikit sapagkat sabay silang nadakip ng Customs sa kasong prostitusyon. Sa parehong kaso ng Tan Ping Co and Tan Kim vs. The Insular Collector of Customs, taong 1934 at Lao Hian vs. Collector of Customs, taong 1934, asuntong prostitusyon ang naging hatol sa mga akusado. Sila ay natagpuan bilang kapwa mga inmate ng bahay-aliwang pagmamay-ari ng isang Yap Ah Huan.

Habang sa karanasan naman ni Sia Pag, sa kasong Jose Fernandez Uy Tana vs. The Insular Collector of Customs, taong 1931, dumating si Sia Pag lulan ng bapor Susana mula sa Amoy, Tsina. Naglayag hanggang Maynila upang umano ay makasama ang kanyang ama na si Sia Hoat Lian, isang mangangalakal at permanenteng residente ng Pilipinas. Subalit natuklasang hindi ito totoo at napagtanto ng hukuman na prostitusyon ang layon ng pagdating ni Sia Pag sa Maynila. Agarang deportasyon ang kanyang kinaharap.

Ang tatlong deportado na nabanggit ay pawang mga dalagang may edad na labinlimang taon. Sa kanilang murang edad, nakakatakot na sasabak sila sa kalakalan ng laman sa isang bansang banyaga. Dinala sila rito lulan ng

(9)

mga bapor, animoy mga chattel na ipinagbibili. Marahil sila nga’y tunay na ipinagbili ng kanilang nagdarahop na mga pamilya sa Tsina. Pagdating sa mga daungan ng Maynila, kanilang idinadahilan ang kabulaanan na mayroon silang kamag-anak na permanenteng residente ng lunsod ng Maynila na kanilang gusto nang makasama. Subalit ang realidad ay naging mga biktima lamang sila ng mapanlinlang na mga kapwa Tsino.

Liban sa mga Tsino, mayroon ding mga Hapones na nasabak sa kalakalan ng laman sa Maynila at patunay rito ang mga kasong United States vs. Neta Shiyokishi, taong 1906 at Kenryu Azuma vs. The Insular Collector of Customs, taong 1920. Ang kanilang kasaysayan ay hindi iba sa mga naging karanasan ng mga nabanggit na Tsino. Ang mga Haponesang ito ay lumikas mula sa nagdarahop nilang bansa at nangarap na makatikim ng kagyat na kasaganaan sa Maynila sa pagpasok, boluntaryo man o hindi, sa prostitusyon. Hinatulan din ng agarang deportasyon sina Neta Shiyokishi at Rui Daimon (akusada sa kasong Azuma).

Ang mga Bugaw at Bagamundo

Sa kabilang banda, sa kaso pa rin ng Choa Chi Co, ang kalalakihang nadakip ng awtoridad na sina Espiridion Yandon, Lim Tan Co, Tan Chan Chang, Choa Chi Co, Chong Qua Coh, at Uy Bunta ay pawang mga Tsino at mga kostumer o parokyano. Dinakip sila kaalinsabay ng mga pampublikong babae. Ang mga Tsinong ito at si Ny Chin na tumatayo bilang amo, ay hinatulan ng paglabag sa salang vagrancy o bagansya at ipinabilanggo ng hukuman sa loob ng sampung buwan at pinagmulta rin ng isandaang dolyares.

Ganito rin ang nilalaman ng kasong United States vs. Valentin Giner Cruz, taong 1918. Si Cruz ay isang kutsero na nagdadala sa kanyang mga parokyanong sundalo upang makahanap ng babaeng magbibigay ng panandaliang aliw. Sa madaling sabi , isang bugaw si Cruz at hinatulan siya ng hukuman ng pagkakabilanggo sa loob ng tatlong buwan. Karamihan din sa mga kaso ng prostitusyon sa panahong ito ay mga kaso ng bagansya ng mga lalake. Sa kaso naman ng People of the Philippine Islands vs. Joaquin

(10)

Mirabien, taong 1926, ang akusadong si Mirabien ay kinilala ng batas bilang amo ng bahay-aliwang nagtago sa ngalang “New Bohemian Refreshment.” Sa unang tingin, isa itong respetableng komersyo sapagkat may mga munisipal na lisensya at permit ngunit ikinukubli nito ang isang bahay prostitusyon. Dahil dito, hinatulan at pinarusahan si Mirabien sa salang bagansya at ipinabilanggo sa loob ng anim na buwan.

Hinatulan din sa salang bagansya at corruption of minors ang mga akusado sa kasong United States vs. Manuel Javier and Raymunda Dela Cruz, taong 1910, nang kanilang nilinlang at hinikayat ang isang labinlimang taong gulang na babaeng nagngangalang Rosario Aquino upang maging isang pampublikong babae.

Sa kaso naman ng Tan Ping Co and Tan Kim vs. The Insular Collector of Customs, taong 1934, ang procurer na si Tan Ping Co ay nagkunwaring ipinetisyon ang kanyang umanong anak na babaeng si Tan Kim mula sa Tsina upang makapasok ng Pilipinas. Natuklasan ng hukuman na modus operandi lamang ito upang ilegal na makapagpasok sa Pilipinas ng mga dalaga at dalagitang Tsino at dalhin sila sa kalakalan ng laman bilang pampublikong babae. Sa pakling salita, ang mga dalagitang ito ay inaangkat para sa prostitusyon. Si Tan Ping Co ay procurer lamang ng isang nagngangalang Yap Ah Huan na tunay na nagmamay-ari ng bahay-aliwan sa Pasay. Siya man ay hinatulan ng mabilisang deportasyon.

Tugon ng Masigasig na Alkalde Justo Lukban ng Maynila

Bukod pa sa inspeksyon, paggagamot, pagdarakip, paghahatol, pagbilanggo, at pagmulta sa mga prostitute, ay hindi rin nakaligtas ang mga ito sa kamay na bakal ng alkalde ng Maynila na si Justo Lukban. Ang kaganapang ito ay laman ng kontrobersyal na kasong Zacarias Villavicencio,

et al. vs. Justo Lukban et al.., taong 1919. Ang naging motibasyon ng masigasig

na alkaldeng ito ay ang paglipol sa bisyo at karumal-dumal na aktibidad ng prostitusyon sa lunsod ng kanyang nasasakupang Maynila. Kung kaya, kanyang ipinadakip ang may humigit-kumulang 170 kilalang pampublikong babe mula sa mga kalye ng Maynila at ipinasara ang mga bahay-aliwan sa red-light district ng Sampaloc. Kanyang hinatulan ang mga babaeng ito at

(11)

isinailalim sa house arrest habang ang mga pulisya ay nagbabantay sa labas ng mga nakapinid na pinto ng mga bahay-aliwan. Isinagawa ang house arrest na ito sa loob ng isang linggo. Kapagdaka ay sapilitang isinakay at inilulan sa bapor Corregidor at Negros ang mga babaeng ito at walang kaabog-abog ay pumalayag patungong Davao.

Umani ng batikos ang alkalde sa kanyang tugon laban sa paglaganap ng prostitusyon sa Maynila. Dahil sa kanyang kamay na bakal at marahas na pamamaraan, naghatol ang Kataastaasang Hukuman na kanyang niyurakan ang taglay na dangal at karapatan ng mga babaeng ito. Sa kanyang pagiging masigasig sa pagsupil sa illegal na aktibidad, kanyang isinawalang-bahala ang

bill of rights na protektado ng Saligang Batas. Inakala ng alkaldeng ito na ang

pagsasagawa ng police power ng estado ay nakaaangat pa sa karapatang pantao. Sa kanyang pagdakip at pagpapatapon sa mga pampublikong babae sa Davao, kanyang hinubaran ang kanilang kalayaan kabilang na ang kalayaang pumili ng kanilang tirahan.

Paglalagom

Noon at ngayon, hindi pa rin nakaliligtas sa mata at kamay ng batas ang pampublikong babae, bugaw, at bagamundo. Noon at ngayon, pareho lamang ang mga batas ng estado at pamahalaan na nagbabawal sa malaswa, karumal-dumal, at mahalay na gawain. Ang hatol, higit sa dantaong nakalipas ay gayun pa rin, pagkakabilanggo, pagmumulta, at sa kaso ng mga banyaga, ay deportasyon. Nakalulungkot isipin na dantaon man ang nakalipas ay suliranin pa rin ang prostitusyon.

Binabagtas pa rin ng mga babae ng gabi ang mga kalye ng madidilim na sulok ng Maynila. Kung sa maagang 1900 ay maririkit na mga bakya ang bumabagtas dito, high heels naman sa kasalukuyan. Noon at ngayon, ipinagbabawal pa rin ng estado at Simbahan ang pagkakalakal ng aliw, ang pagbebenta ng laman, o ang pagbebenta ng panandaliang pag-ibig. Noon at ngayon, suliranin pa rin ang prostitusyon, at ang lunas na makatutugon dito ay hindi pa rin matuklasan. Hindi magiging kataka-taka kung isang dantaon pa ay magiging laman pa rin ng mga court docket ang mga kasong ganito.

(12)

Subalit, kriminal man o hindi, dapat kilalanin ang taglay na karapatang pantao ng mga tinaguriang pampublikong babae, bugaw, at bagamundo. Ayon nga sa panulat ni Justice Malcolm, sa kaso ng Villavicencio

vs. Lukban: “bagamat itinuturing na mistulang may sakit panlipunan, hindi

sila ari-arian ngunit mga mamamayan ng Pilipinas na may mga karapatang pinangangalagaan ng Saligang Batas tulad ng iba pang mamamayan.”

Talahuli

Ang taguring prostitute ay legal na depinisyon para sa babae lamang. Hindi kinikilala ng bansa ng Pilipinas ang lalakeng prostitute sapagkat ang taguri sa kanila ay vagrant o vagamundo.

Limitado ang saklaw ng depinisyong vagamunda na ang ibig sabihin ay isang babaeng palabuy-laboy at pawang walang permanenteng himpilan o tirahan.

Tinatawag lamang na indocumentada ang isang prostitute kung siya ay hindi magbabayad ng karampatang cedula personal.

Ang taguring hooker ay saklaw ang call-girl o isang prostitute na tinatawagan para sa isang appointment o booking, habang ang street-walker naman ay isang prostitute na humihimpil sa kalye upang makakuha ng kliyente.

Sariling salin ng may-akda sa legal na pakahulugan ng prostitute na: “A woman, who, for money or profit, shall engage in lascivious conduct.”

Minabuti ng may-akda na hindi gamitin ang salin-diksyonaryo ng venereal disease na salin ni Leo English (1989) bilang “sakit ng babae” sapagkat ito ay derogatoryo at mapanira para sa kababaihan. Ang mga ganitong sakit ay taglay rin ng kalalakihan at hindi partikular lamang sa kababaihan.

(13)

Ang legal na depinisyon ng public nuisance ayon sa Black (1999) ay “isang bagay na karumaldumal sa pamantayan sa moralidad ng isang komunidad” (“something that is offensive to community moral standards”). Ang recidivist ay isang repeat offender, pakahulugan ayon sa Black (1999).

Sariling salin ng may-akda sa “… despite their being in a sense lepers of

society are nevertheless not chattels but Philippine citizens protected by the same constitutional guarantees as are other citizens.”

Sanggunian Primaryang Batis Mga Batas

Feria, Felicisimo (1911). Manual de Procedimiento Criminal. Manila: Tipografia de Sto. Tomas.

Malcolm, George (patnugot) (1927). The Charter of the City of Manila and the Revised

Ordinances of the City of Manila.

Manila: Bureau of Printing.

McKinley, William (1900, April 7). Instructions of the President to the Philippine Commission

(14)

Washington: Bureau of Insular Affairs, 1900

United States of America (USA) (1900). Translation of the Penal Code in Force in the Philippines.

Washington: Government Printing Office.

Mga Kasong Halaw sa Philippine Reports, 1901-1935:

Report of Cases Determined in the Supreme Court of the Philippines

The United States vs. Choa Chi Co. G.R. Blg. 1574, Abril 13, 1904. The United States vs. Neta Shiyokishi. G.R.Blg.22366, Enero 4, 1906. The United States vs. Cho Chang. G.R.Blg. L-2307, Abril 9, 1996.

The United States vs. Martina Bacas. G.R. Blg. L-5297, Oktubre 19, 1909. The United States vs. Jesus Balmori and Cecilio Apostol. G.R. Blg. L-5724, Pebrero 2, 1911.

The United States vs.Manuel Javier and Raymunda dela Cruz. G.R. Blg.L-6881, Oktubre 2,1911

(15)

Zacarias Villavicencio, et al. vs. Justo Lukban, et al. G.R. Blg. L-14639, Marso 25, 1919.

Kenryu Azuma vs. The Insular Collector of Customs and The Chief of Police of Manila.

G. R. Blg. L-4724, Marso 5, 1920.

The People of the Philippine Islands vs. Joaquin Mirabien. G.R.Blg. L-26391, Hulyo 28, 1927.

Jose Fernandez Uy Tana vs. The Insular Collector of Customs. G.R. Blg. L-35129, Agosto 15, 1931.

Tan Ping Co and Tan Kim vs. The Insular Collector of Customs. G.R. Blg. 41391, Setyembre 6, 1934

Lao Hian vs. The Insular Collector of Customs.G.R. Blg. 41613, Setyembre6, 1934

Sekondaryang Batis Aklat at Artikulo

Bankoff, Greg (1996). Crime, Society, and the State in the Nineteenth Century Philippines.

Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

Bullough, Vern at Bonnie Bullough (1964). History of Prostitution . New York: University Books.

(16)

Camagay, Ma. Luisa (1995). Working Women of Manila in the 19th Century.

Quezon City: UP University Center for Women’s Studies at UP Press. Decker, John (1979). Prostitution: Regulation and Control.

Colorado: Fred B. Rothman & Co.

Dery, Luis (2001). A History of the Inarticulate: Local History, Prostitution, and Other Views

from the Bottom. Quezon City: New Day Publishers.

D’Cunha, Jean (1992, Abril 25). prostitution laws - Ideological Dimensions and Enforcement

Practices.Economic and Political Weekly, 27 (17), WS34-WS44.

Kramer, Paul (2006). The Darkness That Enters the Home : The politics of Prosttitution during

the Philippine-American War. Nasa Ann Laura Stoler (patnugot), haunted by Empire:

Geographies of Intimacy in North American History. Durham: Duke University Press, 366-404.

Scott, William Henry (1994). Barangay: Sixteenth- Century Philippine Clture and Society.

(17)

Diksyonaryo

English, Leo James (1977). Tagalog-English Dictionary. Quezon City: Congregation of the Most

Holy Redeemer, 1989.

Garner, Bryan (patnugot) (1999). Black’s Dictionary of Law; Seventh Edition.

Referensi

Dokumen terkait

pembengkakkan kulit akibatkan proses perendaman dengan bahan kimia akan menghasilkan nilai pH yang berbeda pula pada produk gelatin yang dihasilkan (Pantow et

• Guru dan peserta didik membuat kesimpulan tentang hal-hal yang telah dipelajari terkait Aktivitas pembelajaran prinsip dasar menendang bola dan Aktivitas

i#e Sosialisasi 3omal, ti#e ini te*adi melalui lem!aga-lem!aga &ang !eenang menuut ketentuan &ang !elaku dalam negaa$ %tau dengan kata lain

Pada tingkat pendidikan SLTA, banyak yang bekerja di Korea Selatan dan Taiwan.Kesimpulan penelitian ini adalah bahwa adalah penyebaran negara tujuan masyarakat Aryojeding

Dari pernyataan diatas dapat disimpulkan bahwa biaya tenaga kerja langsung adalah upah atau harga yang dibebankan kepada para pegawai yang terlibat langsung

Anti virus pada anak dengan pengobatan dini varicella dengan pemberian acyclovir (dalam 24 jam setelah timbul ruam) pada anak imunokompeten berusia 2-12 tahun

Penelitian ini menganalisa efektifitas energi yang dihasilkan dari turbin angin yang akan diinstalasi pada deck Fisheries Inspection Vessel 594 GT dengan variasi jumlah dan

Uji statistik yang digunakan uji chi square.Ha sil penelitian menunjukkan ada hubungan yang bermakna antara pendidikan ibu (p value=0,000), pengetahuan gizi ibu (p value=0,022),